Mga Pagmumuni-muni ng Isang Katolikong Walang Asawa
Photo by Kelvin Valerio: https://www.pexels.com/photo/man-wearing-black-cap-with-eyes-closed-under-cloudy-sky-810775 (edited)
"Bakit wala ka pang asawa?", "Kailan ka mag-aasawa?", "Single ka pa rin?", "Mag-asawa ka na, uy." Ilan lamang ito sa mga paulit-ulit mong maririnig sa mga tao habang tumatanda ka. Ngayong lumalapit na ako sa edad na 40, mas lalo pang tumitindi ang mga naturang pangangantyaw. Pakiramdam ko nga'y napagiiwanan na ako, lalo pa't halos lahat na yata ng mga kaibigan ko ay may mga sariling pamilya na. Sa Facebook nga, tila ba ako na lang ang hindi nagpopost ng picture ng sarili niyang asawa't mga anak. Sanay na tayo na gawin itong paksa ng mga biruan at mga di pinag-iisipang pangungulit at pangingialam, sa kabila ng katotohanang ang pag-aasawa ay isang seryosong desisyong panghabambuhay na may kapangyarihang baguhin ang buong buhay at pagkatao mo.
Naiintindihan ko naman ang pangangailangang magmadali sa pag-aasawa. Habang tumatanda tayo — lalo na ang mga kababaihan — unti-unti rin namang nawawala ang kakayahan nating makapagparami. Kung di ka Cristiano, siguro kuntento ka na sa posibilidad na magpabuntis/mambuntis na lang, o di kaya'y magdonate/magbenta ng sariling itlog/semilya para lang masabi mong may nagawa ka para "maikalat" ang lahi mo. Pero dahil Cristiano tayo, nababatid nating ang tanging lehitimong paraan ng pagpaparami ay ang pag-aasawa, at ang mga naunang nabanggit na pamamaraan ay pawang imoral (CCC 2376). Ang problema, paano mo naman matatagpuan ang tamang tao na pakakasalan? At ikaw ba mismo, karapat-dapat ka bang maging asawa? Karapat-dapat ka bang maging magulang? Sumasagi ba sa isip mong ang magiging panghabambuhay na kaugnayan mo sa iyong asawa't mga anak ay may mahalagang papel sa ikatataguyod o ikasisira ng mga buhay nila?
Noong nasa kolehiyo pa lang ako, isa sa mga propesor ko ang nagsabi, "Kung wala ka pang girlfriend o boyfriend, may sira ka sa ulo." Akalain mo iyon, sa mismong bibig pa ng inaakala mong edukadong tao mamumutawi ang isang malinaw na kamangmangan. Marami naman kasing posibleng dahilan para hindi magkaroon ng kasintahan ang isang tao: Nais mong tutukan ang pag-aaral mo o ang trabaho mo; may mabigat kang mga pinagdadaanan sa buhay; may mas mahalagang adhikain kang ipinaglalaban; napaliligiran ka ng mga taong di karapat-dapat asawahin, atbp. Oo, may mga taong may problema sa pag-iisip kaya walang interes na makipagrelasyon, pero ang mismong pakikipagrelasyon ay hindi naman sapat na pamantayan ng katinuan. Nakalulungkot lang, na nang dahil sa impluwensya ng mga taong gaya ng propesor ko, marami sa atin ang nagmamadaling "lumagay sa tahimik" para lang mapatahimik ang mga damuhong nagmamagaling humatol sa estado ng ating pag-iisip. Ang tanong: Sila ba mismong mga humahatol ay naging "tahimik" ang mga buhay?
"Mapalad ang babaing hindi nagka-anak kailanman, Kung hindi siya nakipagtalik sa paraang makasalanan: Gagantimpalaan siya ng Diyos sa Araw ng Paghuhukom. Mapalad ang eunuko na hindi gumawa ng masama At hindi nagkimkim ng hinanakit laban sa Panginoon. Siya ay may tanging gantimpala para sa kanyang katapatan Na higit na mahalaga kaysa pagkakaroon ng anak. Bibigyan siya ng tanging lugar sa tahanan ng Panginoon." KARUNUNGAN 3: 13-14 MBB |
"Huwag kawilihan ang pagkakaroon ng mga walang-saysay na anak, ni ikagalak ang masasamang anak. Marami man sila ay huwag ikagalak, kung wala naman silang takot sa Panginoon. Huwag manalig sa haba ng kanilang buhay, ni umasa sa kanilang hinaharap. Sapagkat ang isang nakalulugod ay higit sa sanlibo, at di hamak na mabuti ang mamatay na walang anak kaysa magkaroon ng tampalasang mga anak."
SIRAC 16: 1-3 |
Sa kabilang banda, hindi ko lubos maisip kung ano nga bang kahalagahan ng mag-asawa't magparami sa ating kapanahunan (1 Corinto 7: 25-34). Silang mga nagsasabi na "sayang" ka daw, sino ba sila para sabihing "sayang" ang buhay ng isang matandang binata o matandang dalaga? Bilang magulang, ano bang mapapala mo sa pagkakaroon ng apo? Bilang lalaki, ano bang naitutulong sa iyo ng pagkakalat ng iyong lahi? Bilang babae, bakit pinapangarap mong maging nanay? Hindi ko maintindihan, lalo pa't kung ipagsasaalang-alang ang katotohanang ➊ hindi naman ako imortal, anupa't anumang makamundong benepisyong maaari kong matamo mula sa mga sariling anak at apo — kayamanan, karangalan, atbp. — ay pawang pansamantala lang; at ➋ hindi naman nakasalalay sa dami ng mga anak at apo ang ikaliligtas ng ating kaluluwa, kundi sa ating mga ginawang mabuti nang tayo'y nabubuhay pa sa mundong ito (Sirac 16: 14; 2 Corinto 5: 10).
Bilang Cristiano, hindi masama ang tingin ko sa pag-aasawa. Bukas nga ako sa posibilidad na maging padre de pamilya, kahit pa mangyari ito sa edad na 100 o higit pa. Subalit di tulad ng marami, hindi ko ito aktibong hinahanap. Hindi ko ito itinuturing na mahalagang adhikaing kailangan kong matupad sa lalong madaling panahon. Hindi ito nakadaragdag ni nakababawas man sa aking dignidad bilang nilalang na kawangis ng Diyos at inampong anak Niya sa pamamagitan ng ating pakikipagkaisa sa Panginoong Jesu-Cristo. Nauunawaan ko rin na ang pagiging walang-asawa ay di maaaring maging tungkol lang sa pagtataguyod ng mga makasariling hangarin sa buhay, kundi sa isang buhay na inilaan para maglingkod sa Diyos, sa Simbahan, at sa buong sangkatauhan.
Ang pagkabirhen o di-pag-aasawa, kasama ang pag-aasawa ay dalawang paraan ng pagpapahayag at pagsasabuhay ng isang misteryo ng kasunduan ng Diyos sa kanyang bayan. Alang-alang sa Kaharian ng Diyos, malayang pinili ng mga pari, mga relihiyoso/relihiyosa at mga layko ang buhay na "banal na buhay-pag-iisa" upang manangan sa Panginoon at magbigay ng natatanging pagsaksi sa Muling Pagkabuhay at sa buhay sa kabila.
KPK 2011 |
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF