"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Biblia lang ba ang batayan?

ANG SOLA SCRIPTURA AY WALANG BATAYAN SA BIBLIA

Biblia lang ba ang batayan ng lahat ng mga katuruan, pamumuhay, at pagsamba ng mga Cristiano? Hindi. Mismong ang Biblia ay nagtuturo na hindi lahat ng mga ginawa ng Panginoong Jesus ay nasusulat (Juan 20: 30-31, 21: 25); hindi lahat ng itinuro ng mga Apostol ay nasusulat (2 Juan 1: 12; 3 Juan 1: 13). Anupa't tahasan na ngang sinasabi ni Apostol San Pablo: "Samakatwid ngayon, O mga kapatid magpakatatag kayo at matapat na panghawakan ang mga sali't saling aral na itinuro namin sa inyo maging sa pamamagitan ng salita o ng aming sulat." (2 Tesalonica 2: 15). Sinabi ni San Pablo sa mga matatanda ng Simbahan sa Efeso: "Alalahanin din naman ang mga sinabi ng Panginoong Jesus na ang wika, 'Lalong mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.' " (Gawa 20: 35). Hindi naitala sa apat na Ebanghelyo ang kasabihang ito, kaya't paano nila iyon "aalalahanin" kung ang "Biblia lamang" (Sola Scriptura) ang pinagbabatayan ng pananampalataya nila? Tahasan nga nitong pinabubulaanan ang Sola Scriptura.

Itinuturo ba ng 2 Timoteo 3: 16-17 ang doktrinang Sola Scriptura? Hindi. Hindi naman sinasabi ng naturang pahayag na ang mga Banal na Kasulatan ang "tanging batayan", bagkus sinasabi lamang na ito'y napakikinabangan sa mga gawain ng isang mangangaral ("sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, sa pagpapakabanal"), upang siya'y maging ganap at handa sa kanyang tungkulin. Sa katunayan, kung babasahin ang mga naunang taludtod, malinaw na binabanggit ni San Pablo ang mga di-nasusulat na aral na kasamang sinusunod ni Timoteo bukod sa mga Banal na Kasulatan:

[➊ MGA KATURUANG DI-NASUSULAT:] "Datapwat sinunod mo ang aking aral, ugali, mga balak, pananampalataya, tibay ng loob, pag-ibig, pagtitiis . . . Ikaw naman ay magpakatatag sa iyong natutuhan at sa iyong tinanggap nang may katiyakan, yamang nababatid mo kung kanino mo natutuhan ito," (t. 10, 14) [➋ MGA BANAL NA KASULATAN:] "at mula pa sa pagkabata ay nalalaman mo na ang mga banal na kasulatan, na makapagtuturo sa iyo tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig kay Cristo Jesus. Ang lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos at napakikinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, sa pagpapakabanal, upang ang taong mahal sa Diyos ay maging ganap at handa sa lahat ng mabuting gawain." (t. 15, 16, 17).
malinaw na kinakatigan nito, hindi ang Sola Scriptura, kundi ang parehong aral na itinuro ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica: Panghawakan ang mga sali't saling aral (tradisyon) na itinuro maging sa pamamagitan ng salita o ng sulat.

Itinuturo ba ng Gawa 17: 11 ang doktrinang Sola Scriptura? Hindi. (1) Una, ang mga taga-Berea ay hindi pa naman mga Cristiano, kundi mga Judio, at isang lantad na katotohanan ng kasaysayan na ang mga Judio ay naniniwala din sa mga tinatawag nilang "pasalitang Torah" — alalaong-baga'y mga sali't saling aral ("tradisyon") na di nasusulat (kalauna'y tinipon din ang mga tradisyong ito sa kasulatang tinatawag na Talmud). (2) Pangalawa, hindi ang kanilang ugaling pagsisiyasat ng mga Banal na Kasulatan ang naghatid sa kanila sa pananampalatayang Cristiano, kundi ang kanilang pakikinig sa mga pangangaral nina Apostol San Pablo. (3) Pangatlo, ang mga Banal na Kasulatang siniyasat nila ay ang mga kasulatan ng Matandang Tipan lamang, hindi kasama ang mga kasulatan ng Bagong Tipan. (4) At pang-apat, kaya lang naman nila siniyasat ang mga Banal na Kasulatan ay sapagkat bilang mga Judio, makatuwiran lamang na sa pagpapakilala sa kanila ng Ebanghelyo ay ipinaliwanag muna sa kanila kung paanong si Jesus ang katuparan ng mga propesiya sa Matandang Tipan (Lucas 24: 27; Juan 5: 39). Muli, pinatutunayan nito na magkasamang kailangan ang ➊ mga pasalitang pangangaral at ang ➋ mga Banal na Kasulatan. Taliwas sa pag-aakala ng mga Protestante, pinabubulaanan din nito ang Sola Scriptura.

Itinuturo ba ng 1 Corinto 4: 6 ang doktrinang Sola Scriptura? Hindi. Sadyang pinagtutuunan lamang ng pansin ng mga Protestante ang mga pananalitang "huwag labagin ang nakasulat" ("not to go beyond what is written"), habang binabalewala ang kabuuang kontekstong kinapapalooban nito. Kung babasahin ang kabuuan ng kabanata 4, makikitang ang sinasabing "nakasulat" ay isa lamang matalinghagang pananalita na tumutukoy sa dangal/halaga ng bawat tao na mahahayag lamang sa Araw ng Paghuhukom (1 Corinto 4: 5) — ipinahihiwatig nito na ang paghatol sa kapwa nang hindi pa panahon ay isang paglabag/paglampas sa mga "nakasulat" sa "aklat ng buhay" (ayon nga sa Pahayag 20: 12). Malinaw ngang walang kinalaman sa mga Banal na Kasulatan ang 1 Corinto 4: 6; hindi nito itinuturo ang Sola Scriptura.

Itinuturo ba ng Mateo 4: 1-11 ang doktrinang Sola Scriptura? Hindi. Sa pananaw ng mga Protestante, ang paulit-ulit na paggamit ng Panginoong Jesus sa mga Banal na Kasulatan upang tugunin ang demonyo (t. 4, 7, 10) ay nagpapatunay daw na Biblia lang ang batayan. Subalit sa salaysay na ito'y ipinakikita lamang kung paanong ang mga Banal na Kasulatan ay "napakikinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid", gaya nga ng turo ni San Pablo sa 2 Timoteo 3: 16-17 — malinaw naman na hindi dahil nagagamit ang mga Banal na Kasulatan sa pagsaway at pagtutuwid ay ito na rin ang tanging batayan ng pagsaway at pagtutuwid. Isa pa, makikita rin sa salaysay na ito na mismong ang demonyo ay gumagamit ng mga Banal na Kasulatan at binibigyan ito ng maling kahulugan, gaya ng ginagawa ng mga "walang nalalaman at mahihina" sa mga sulat ni San Pablo (2 Pedro 3: 15-16). Ipinahihiwatig nito ang pangangailangan sa mga mapag-kakatiwalaang ➊ tagapagpaliwanag ng mga Banal na Kasulatan (Gawa 8: 30-31; Nehemias 8: 7-8), at sa ➋ sobrenatural na patnubay ng Diyos na nagbubukas sa isipan ng tao upang maunawaan niya ang mga ipinaliliwanag sa kanya (Lucas 24: 45). Hindi nga Sola Scriptura, bagkus ang panganib pa nga ng Sola Scriptura ang aral na matatagpuan sa salaysay na ito.

 

ANG ALAMAT NA PINAGBABATAYAN NG SOLA SCRIPTURA

Ipinagpipilitan ng mga Protestante ang Sola Scriptura dahil sa kanilang kawalan ng pagtitiwala sa alinmang simbahan, na pinaniniwalaan nilang "di makatatakas sa mga kamalian at gawa ng taong katuruan".1 Anila, nang mamatay ang mga Apostol, ang tanging mapagkakatiwalaang katuruang Cristiano ay ang mga kasulatang napapaloob sa Biblia. Tila ba itinuturo nilang pagkamatay ng mga Apostol, ang mga sumunod na salinlahi ng mga Cristiano ay isinumpang habambuhay na malagay sa kalagayan ng pagdududa — laging sinusuri kung tama pa ba ang pagkakaunawa niya sa Biblia, at kung tama pa ba ang itinuturo sa kanya ng simbahang kinabibilangan niya. At kung matuklasan niyang may "mali" ay maghahanap ng simbahang nagtuturo ng "tama", at kung walang masumpungan, ay magtatayo na lamang siya ng bagong simbahan na magtuturo ng inaakalang "tama". Isang lantad na katotohanan sa kasaysayan ang napaka-pangit na resulta ng kawalang-pagtitiwalang ito. Ayon sa Grolier Encyclopedia,

Protestants have always made much of the Bible, but acceptance of its authority has not led unanimity among them. Differing interpretations of the same Bible have produced the most divided movement of any in the great world religions, as hundreds of sects in at least a dozen great Protestant families of churches (Anglicanism, Congregationalism, Methodism, Presbyterianism, Lutheranism, the Baptist churches, and the like) compete in free societies . . . Protestantism, more than Roman Catholicism and Orthodoxy, has faced two recurrent problems. The first relates to the internal unity of the movement. From the Reformation until the present, Protestants have sought concord but more often than not have remained in dispute . . . ["Protestantism", Grolier International Encyclopedia, 1995.]

Ang paniniwalang ito ng mga Protestante ay maituturing na isang alamat, sapagkat tulad ng mismong doktrinang Sola Scriptura, wala rin itong batayan sa Biblia, at sa katunaya'y tahasan pa ngang sumasalungat sa mga aral nito. Sa Biblia, maliwanag na itinatanghal ang Simbahan bilang "haligi at saligan ng katotohanan" (1 Timoteo 3: 15) — sa gayo'y siyang mapagkakatiwalaang pamantayan ng tunay na pananampalatayang Cristiano. Tiniyak ni San Pablo na tayong mga Cristiano'y hindi na "magiging mga bata na inaanod at tinatangay ng hangin ng mga aral na galing sa katusuhan ng mga tao at sa kanilang pandaraya na tungo sa kamalian" (Efeso 4: 14). Ang katotohanan ay "nananahan sa atin at mananatili sa atin magpakailanman" (2 Juan 1: 2), sapagkat ang Espiritu Santo — ang "Paraklito, ang Espiritu ng katotohanan" (Juan 15: 26) — ay sumasaating-piling at gumagabay sa atin magpakailanman (Juan 14: 16, 17, 26, 16: 13), at ang Panginoong Jesus mismo'y sumasaating-piling "hanggang sa wakas ng daigdig" (Mateo 28: 20). Wala ngang dahilan para pagdudahan ang mga katuruan ng Simbahan, sa pamamagitan man ng salita o ng mga Banal na Kasulatan. At sapagkat ang Simbahang Katolika ang makasaysayang pagpapatuloy ng Simbahang itinatag ng Panginoong Jesu-Cristo, ang tunay at mapagkakatiwalaang mga katuruan ng pananampalatayang Cristiano, nasusulat at di-nasusulat, ay yaong mga katuruan ng Simbahang Katolika.

 

ANG TRADISYONG PINAGBABATAYAN NG KANON NG BIBLIANG PROTESTANTE

Palaging bukambibig ng mga Protestante ang "Biblia", subalit ito rin ba ang tinutukoy ng mga salitang "Banal na Kasulatan" na nababasa natin sa Biblia? Hindi. Ang Biblia ng mga Protestante, bilang isang kalipunan na binubuo ng 39 na mga kasulatan lamang ng Matandang Tipan at ng 27 na mga kasulatan ng Bagong Tipan, ay isang aklat na nabuo lamang noong ika-16 na siglo, nang magpalimbag ang mga Protestante ng kani-kaniyang salin-wika ng Biblia. Ang Bibliang pang-Katoliko na naunang umiral sa mga ito ay yaong may 46 na mga kasulatan ng Matandang Tipan, alinsunod sa itinakdang Kanon (pamantayang listahan) ng mga Santo Papa at ng mga sinaunang konseho ng Simbahan.2 Ano, kung gayon, ang pinagbatayan ng mga Protestante? Walang nasusulat sa Biblia hinggil sa kung anu-ano nga ba ang mga kasulatang maituturing na "banal" o "kinasihan ng Diyos". Ang mismong Kanon ng Biblia ay isang katuruang di-nasusulat, na kinakailangang pagtiwalaan upang magkaroon ng Biblia. Kaya naman, sa mismong usapin pa lang ng Kanon ay agad nang nahahayag ang kabalintunaan ng doktrinang Sola Scriptura.

Totoong ang kasalukuyang relihiyong Judaismo ay gumagamit ng 39 na mga kasulatan ng Matandang Tipan, subalit ito'y batay sa Kanon ng Tanakh na naitakda lamang noong ikalawang siglo A.D., alinsunod sa tradisyon ng mga Pariseo. Ang sekta ng mga Pariseo ay may koleksyon ng mga banal na kasulatan na kinabibilangan ng tatlong balangkas: ang Torah (Mga Kautusan ni Moises), Nevi'im (Mga sinulat ng mga Propeta), at Ketuvim (iba pang Kasulatan). Maituturing nang tiyak at kumpleto ang Kanon ng Torah noong 400 B.C., at ang Nevi'im noong 200 B.C., subalit ang Kanon ng Ketuvim ay tiniyak lamang noong una at ikalawang siglo A.D. — bago ang panahong ito'y pinagdududahan pa nila ang katayuan ng mga kasulatang Esther, Daniel, Awit ni Solomon, at Ecclesiastes. Ang pagtatakda ng Kanon ng Tanakh ay udyok ng pagtatakwil ng mga Judio sa Septuagint, ang sinaunang salin-Griyego ng Matandang Tipan na palagiang ginagamit ng mga Cristiano noong unang siglo.3 Noong 70 A.D. itinigil ng mga Judio ang paggamit nito batay sa bintang na nilapastangan na ito ng mga Cristiano para palitawing si Jesus ang katuparan ng mga propesiya ng Matandang Tipan. Mahalaga ito, sapagkat sa Septuagint matatagpuan rin ang 46 na mga kasulatan ng Matandang Tipan na nasa Bibliang pang-Katoliko.

Sa kanilang pagpapasya na tanggapin lamang ang 39 na mga kasulatan ng Matandang Tipan, ipinahihiwatig nito na tinatanggap ng mga Protestante ang tradisyon ng mga Pariseo sa halip na ang tradisyon ng mga sinaunang Cristiano noong unang siglo, na gumamit sa Septuagint nang walang anumang tahasang pagtatangi sa anumang mga kasulatang napapaloob dito. Mahalagang alalahanin dito na walang sangkot na mga saserdote ng Jerusalem nang itakda ang Kanon ng Tanakh, sapagkat sila'y nalipol nang salakayin ng mga sundalong Romano ang Jerusalem at kanilang sunugin ang Templo noong 70 A.D., kung saan kasamang nasawi ang kahuli-hulihang Punong Saserdote. Kaya't kung iisipin, ang tradisyon ng mga Pariseo ay hindi maituturing na kumpleto at katiwa-tiwalang kumakatawan sa pangkalahatang pananampalatayang Judaismo. Samakatuwid, ang Kanon ng Matandang Tipan sa Biblia ng mga Protestante ay nakabatay lamang sa mga di lubos na mapagkakatiwalaang tradisyon ng mga Judio.

 

ANG SANTATLUHANG BATAYAN NG PANANAMPALATAYANG KATOLIKA

Ayon sa Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko, "magkakaugnay at magkakasama ang banal na Tradisyon, ang banal na Kasulatan, at ang gampaning magturo ng Simbahan (Mahisteryo) sa paraang hindi maaaring makatayo ang isa kung wala ang dalawa. Lahat sama-sama, at ang bawat isa ayon sa kani-kanilang paraan sa ilalim ng pagbubunsod ng iisang Espiritu Santo, ay mabisang kumikilos para sa ating kaligtasan." (KPK 97). Ang santatluhang batayang ito ay kinakatigan mismo ng Biblia, sa mismong tekstong ipinagpipilitang gamiting batayan ng Sola Scriptura!

  • banal na Tradisyon
    "Datapwat sinunod mo ang aking aral, ugali, mga balak, pananampalataya, tibay ng loob, pag-ibig, pagtitiis . . . Ikaw naman ay magpakatatag sa iyong natutuhan at sa iyong tinanggap nang may katiyakan, yamang nababatid mo kung kanino mo natutuhan ito . . ." (2 Timoteo 3: 10, 14)
  • banal na Kasulatan
    "at mula pa sa pagkabata ay nalalaman mo na ang mga banal na kasulatan, na makapagtuturo sa iyo tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig kay Cristo Jesus. Ang lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos at napakikinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, sa pagpapakabanal, upang ang taong mahal sa Diyos ay maging ganap at handa sa lahat ng mabuting gawain." (2 Timoteo 3: 15-17)
  • Mahisteryo
    ". . . ipangaral mo sana ang salita, maging masigasig ka sa kapanahunan at di man sa kapanahunan; sumaway, mangaral, magpayo nang buong tiyaga at aral . . . tuparin ang gawain ng nangangaral ng ebanghelyo, ganapin ang iyong tungkulin." (2 Timoteo 4: 2, 5)

Ang banal na Tradisyon ay tumutukoy sa mga pasalitang pangangaral (1 Tesalonica 2: 13; Efeso 1: 13; Filipos 4: 9; 2 Tesalonica 2: 14-15; 2 Timoteo 2: 1-2; Roma 10: 13-17), mga pagpapatupad ng mga alituntunin (Gawa 15: 22-29; 1 Corinto 11: 34), mga pagpapaliwanag ng mga katuruan ng pananampalataya at pagbibigay-kahulugan sa mga Banal na Kasulatan (Gawa 8: 26-35, 18: 26; 2 Pedro 1: 20-21, 3: 16), at sa mga pamamaraan ng pagsasabuhay ng pananampalataya (Colosas 2: 6-7; 1 Tesalonica 4: 1-2; 1 Corinto 11: 1-2; Filipos 4: 9; Hebreo 13: 7) — mga katuruang sadyang hindi naaangkop ilagay "sa papel at tinta" (2 Juan 1: 12; 3 Juan 1: 13), bagkus ay mas mabisang naituturo nang pasalita at harapan. Ni sa hinagap ay hindi kailanman sumagi sa isip ng mga sinaunang Cristiano na "Biblia lang" ang batayan.4

Ang Mahisteryo ay ang "gampaning-magturo" na ginagampanan ng Santo Papa at ng mga Obispong nakikiisa sa kanya. Sa pasimula, ang gumaganap nito ay ang mga Apostol sa pamumuno ni San Pedro. Kapag nagkakaroon ng mga usapin sa pananampalataya, hindi ito nilulutas sa pamamagitan ng pag-dedebate at kanya-kanyang pagsasaliksik ng mga Banal na Kasulatan. Bagkus ito'y idinudulog sa mga Apostol upang kanilang mapag-aralan, mapag-usapan, at mapag-pasyahan (Gawa 15: 1-35). Ang opisyal na pagtuturo ng Mahisteryong ito ay nasa patnubay ng Espiritu Santo (Gawa 15: 28), kaya't dapat tanggapin ng mga Cristiano nang may matapat at masunuring pagsang-ayon ng pananampalataya. Ang gampaning ito ay nagpapatuloy sa kanilang mga kahalili, ang mga Obispo (1 Timoteo 4: 11-16; 2 Timoteo 4: 1-2; Tito 2: 15). Hindi dapat balewalain ang mga katuruan ng Mahisteryo, sapagkat patungkol sa gampaning ito ang sinabi ng Panginoon: "Ang makinig sa inyo ay nakikinig sa akin, ang tumanggi sa inyo ay tumatanggi sa akin, ang tumatanggi sa akin ay tumatanggi sa nagsugo sa akin." (Lucas 10: 16). Ang Mahisteryo ay ginagampanan ng Santo Papa at ng mga Obispo, sapagkat ang Santo Papa ang kahalili ni Apostol San Pedro, at ang mga Obispo naman ay kahalili ng lahat ng mga Apostol.

 

ANG HANGAL NA NAGHAHANAP NG LETRA-POR-LETRANG BATAYAN

Sapagkat ang Biblia ay nangangailangan ng tamang pagpapaliwanag, hindi kailanman makasasapat ang letra-por-letrang pagbibigay-kahulugan nito para matukoy ang tunay na kahulugan ng mga teksto. Ang mga Banal na Kasulatan ay kinasasangkutan ng iba't ibang uri ng panitikan, at iba't ibang pamamaraan ng pananalita, anupa't hindi sa lahat ng pagkakataon ay maaari itong isailalim sa "literal" na pagpapaliwanag. Maling-mali at lubhang kamangmangan ang pag-aakala ng ilang mga Protestanteng Pundamentalista na sa pamamagitan lang daw ng literal na pagbabasa ng Biblia ay makatitiyak na silang hindi sila magkakamali ng pag-unawa sa kanilang mga binabasa. May mga pagkakataong magkaiba ang letra-por-letrang kahulugan ng isang salita, at ang mas malalim na kahulugang nais ipatalastas ng gumagamit ng naturang salita. Halimbawa, nang pinag-ingat ng Panginoong Jesus ang kanyang mga alagad sa "lebadura" ng mga Pariseo at mga Saduseo, hindi naman literal na lebadura ang tinutukoy niya, kundi ang mga "maling aral" ng mga Pariseo at mga Saduseo (Mateo 16: 5-12). Letra-por-letra siyang inunawa ng mga alagad, anupa't sila'y napagsabihan niya: "Hindi pa ba kayo nakauunawa at nakababatid? Matigas pa ba ang inyong mga puso? May mga mata kayo at di kayo nakakakita? May mga tainga kayo at di kayo nakakarinig?" (Marcos 8: 17-18). Ang mismong mga talinghaga ng Panginoong Jesus ay sadyang di dapat inuunawa nang letra-por-letra, bagkus ay kailangang pagnilayan ang higit na malalim na kahulugang espirituwal sa likod ng mga literal na pananalita (Mateo 13: 10-17).

Dahil sa kahangalang ito kaya lumaganap sa mga Protestante ang pag-aakalang wala daw batayan sa Biblia ang mga katuruan ng Simbahang Katolika. Hindi maubus-ubos ang kanilang mga pagtatanong: "Nasaan sa Biblia ang ganito, ganiyan?" Ipinagpipilitang hanapin ang letra-por-letrang mga salita, sa halip na ang mismong katuruang tinutukoy ng mga naturang salita; at binabasa ang Biblia nang letra-por-letra lamang, nang hindi na ipinagsasaalang-alang ang mas malalim na kahulugan, ang natatanging kasaysayang kinapapalooban ng isang kasulatan, ang panlipunang kalalagayan ng mga nagsulat at sinulatan, at ang mga sinaunang estilong pampanitikan ng mga wikang Hebreo, Aramaiko, at Griyego. Isa itong nakasusuyang kahangalan ng mga Protestanteng Pundamentalista, sapagkat patung-patong na mga kamalian ang kailangan mong ituwid bago tuluyang mapag-usapan ang anumang katuruang Katoliko na hinahanapan nila ng batayan sa Biblia.


 
 

 
  1. "History has demonstrated that even though the Spirit leads the Church into truth, yet somehow human error finds its way into its teachings. There are many doctrines contrary to God's revealed truth that through the centuries have crept into the teachings of the Catholic Church and into Evangelical Churches. No Church has or can escape the entrance of error and man-made teachings into their systems of doctrine and practices. Officially the Roman Church refuses to recognize this obvious fact." (Sanders, Albert J. D.D. Evangelical and Roman Catholic Beliefs Compared. 5th ed. Manila: OMF Literature Inc., 1974. p. 16.) [BUMALIK]
  2. Bagama't noon lamang ika-walo ng Abril, 1546, sa 4th session ng Council of Trent pormal na itinakda ng Simbahang Katolika ang Kanon ng Biblia, hindi ito nangangahulugan na noon lamang din nagkaroon ng Bibliang pang-Katoliko. Pinagtibay lamang ng konseho ang mga kasulatang "nakagawiang basahin sa Simbahang Katolika" at "napapaloob sa matandang edisyon ng Vulgata Latina". Batay ito sa nauna nang itinakda sa Council of Florence (1442), na batay naman sa mga nauna nang itinakda nina Pope Damasus I (sa isang konseho sa Roma noong 382 A.D.) at Pope Innocent I (Consulenti Tibi, 405 A.D.), at sa mga sinaunang konseho ng Simbahan sa Africa: Council of Hippo (393 A.D.) at Council of Carthage (397 A.D. at 419 A.D.). Kinailangan ng konseho ang pormal at tahasang pagtatakda ng Kanon bilang tugon sa pagtatakwil ng mga Protestante sa mga Griyegong bahagi ng Matandang Tipan (na tinawag nilang "Apokripa" o "Huwad na Kasulatan", subalit sa ganang atin ay tinatawag nating mga "Deuterocanonico"), at sa tangka ni Martin Luther na itakwil din ang ilang mga aklat ng Bagong Tipan (ang "Sulat ni Santiago", "Sulat ni Judas", "Sulat sa mga Hebreo", at "Pahayag"). Sa madaling salita, binawasan ng mga Protestante ang mga aklat ng Biblia, at ipinagtanggol naman ng Council of Trent ang matagal nang umiiral na Kanon ng Bibliang pang-Katoliko. [BUMALIK]
  3. Sa katunayan, sa 350 na sipi ng Matandang Tipan sa Bagong Tipan, 300 sa mga ito ay batay sa Septuagint, hindi sa mga kasulatang Hebreo. Sa Unang Sulat ni San Pedro, letra-por-letra pa nga nitong sinipi ang teksto ng Septuagint sa mga sipi nito ng Matandang Tipan. Pinatutunayan nito na ang Septuagint ang "Banal na Kasulatan" na ginagamit ng mga sinaunang Cristiano. [BUMALIK]
  4. "Jesus published no books nor took time from his brief ministry to compile his teachings or memoirs. After his death, all that he had done and said might have been forgotten had not his followers immediately begun to tell his story. But for decades they too wrote nothing down. For the first generation of Christians Jesus' story was transmitted by word of mouth, from heart to heart, first by disciples who had known him, and then, like spreading ripples, by hundreds of converts who retold it second, third, and fourth hand." (Visalli, Gayla ed. After Jesus: The Triumph of Christianity. New York: The Reader's Digest Association, Inc., c.1992. p.31) [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF