Block Lang Nang Block
Image by William Iven from Pixabay
Kamakailan ay naging laman na naman ng mga balita si Blessed Carlo Acutis dahil malapit na daw siyang madeklarang isang ganap na santo. Dahil ito sa pagkilala ng Santo Papa sa ikalawang himalang pinaniniwalaang nangyari sa bisa ng kanyang pagpapamagitan. Bilang mga Katoliko, itinuturing natin itong isang napaka-positibong balita, isang tanda na patuloy na pinagpapala ng Diyos ang Simbahang itinatag Niya, sa pamamagitan ng Kaisahan ng mga Banal (Communion of Saints). Subalit sa pananaw ng mga anti-Katoliko, isa itong balitang katawa-tawa at kalibak-libak, anupa't nang magpost sa Facebook ang GMA News hinggil dito, umabot nang mahigit sa 300 katao ang nag-"Haha" (😆), at ang karamihan sa mga komentong masusumpungan ay pawang mga pagtuligsa. Kung iisa-isahin ang mga nag-"Haha" na ito, mapapansing marami sa kanila ay mga kaanib ng sektang Iglesia ni Cristo at mga ateista magkasing-ugali lang sila! [1] at karamihan din sa mga ito ay pawang mga kabataan (at ilang mga matatandang asal-bata pa rin sa pananalita) [2]. May mga magtatanong, "Eh papaano mo naman nasabe?" Simple lang: Dahil talagang inisa-isa kong tingnan ang mga profile nila. Iyon lang kasi ang tanging paraan para ma-block ko silang lahat.
"Today, the dark side of social media has become a very powerful tool for destroying people. It has become a quick arena for cyber bullying, black ops, propaganda, and the derailment of objectivity and truth. It is heavily populated by bots, trolls, manufacturers of lies and rumors, news fakers and bullies." CATHOLIC BISHOPS' CONFERENCE OF THE PHILIPPINES Pastoral Guidelines on the Use of Social Media, II.3 January 30, 2017 |
Oo, ginugol ko ang halos isang oras para lang mag-block ng mga anti-Katoliko sa isang partikular na post na pinili nilang putaktihin. Pag-aaksaya ba iyon ng oras? Marahil. Pero sa palagay ko, mas masasayang ang oras ko kung isa-isa kong sasagutin ang kanilang mga panunuya. Wala naman kasing sinumang tao ang basta-basta na lamang magpapalit ng kanyang pananaw matapos makipagtalo sa isang estranghero sa social media. Kahit makapaglatag pa ako ng mga matibay na argumento at ebidensyang nagpapatunay sa panig ng Katolikong Pananampalataya, at kahit sa kaibuturan ng kanilang puso ay mapagtanto nilang nagkamali nga sila, hahantong lamang ito sa pagmamatigas at mas lalong pagpupursigi na mangalap ng kakampi. [3] Mabuti sana kung may bagong impormasyon silang naiaambag hinggil sa mga paksang tinutuligsa nila, subalit kung titingnan ang kanilang mga komento sa post ng GMA News, makikitang wala silang anumang bagong argumento o ebidensya laban sa pagdedebosyon sa mga santo, ni sa kung bakit di dapat kilalaning santo si Blessed Carlo Acutis. Sa pagpapasya kong i-block silang lahat, hindi ko napagkakaitan ang sarili ko ng anumang importanteng datos na maaaring makatulong sa apolohetika, sa buhay espirituwal o sa kung ano pa man. Lahat ng mga paulit-ulit nilang pinagsasasabi ay maaari ko namang malaman sa paraang hindi nakapagdudulot ng kunsumisyon, at iyon ay sa pamamagitan ng artificial intelligence (AI).
Maaari mo naman kasing sabihin na lang sa ChatGPT, "Gumawa ng isang pormal, patas, at tahasang listahan ng mga argumentong karaniwang ginagamit ng mga di-Katolikong Cristiano sa tuwing tinutuligsa nila ang Katolikong pagdedebosyon sa mga santo. Pagkatapos, gumawa ng listahan ng kung paano karaniwang sinasagot ng Simbahang Katoliko ang mga naturang argumento.
" Ito ang sagot na ibinigay, at kung ikukumpara ito sa mga anti-Katolikong komentong pumutakti sa post ng GMA News, lahat ng mga sinasabi nila'y nailistang lahat nang maayos ng ChatGPT. Hindi mo na talaga kailangang makipag-usap pa sa kanila, at walang nawawala sa iyo sa pag-block mo sa kanila. Ang tanong: Sumasagi rin kaya sa isip nila na gawin ito, o kuntento na lang sila sa pag-"Haha" at paguulit-ulit ng mga komentong asal-bata at maledukado?
Mga Argumentong Karaniwang Ginagamit ng mga Di-Katolikong Cristiano Laban sa Pagdedebosyon sa mga Santo
|
Block lang nang block. Hindi mo obligasyong pakisamahan lahat ng tao sa mundo. Dapat mong tanggapin na may mga taong di na tinatablan ng paliwanag, lalo pa't kung di naman nila kaanu-ano yung nagpapaliwanag sa kanila. Dapat mong mapagtantong ang karamihan sa mga gumagamit ng Facebook sa Pilipinas ay pawang mga kabataan, [4] kaya't huwag kang masyadong umasang makasusumpong ka ng karunungan sa kanilang mga pinagsasasabi, [2] at mas lalong huwag ka ring umasang madaling maaarok ng isip nila ang mga dakilang hiwaga ng Katolikong Pananampalataya. [5] Isa pa, kung napakadali lang utusan ang AI na ilahad nang wasto at patas ang parehong panig ng mga Katoliko at mga di-Katoliko, bakit hindi man lang ito subukang gawin ng mga anti-Katoliko? Bakit tayong mga Katoliko lang ang nagmamalasakit pakinggan at pag-aralan ang panig ng mga taong laban sa atin, [6] habang sila'y kuntento na lamang sa kanilang mga nakagisnang anti-Katolikong pangangatuwiran?
"Huwag patuluyin sa bahay at huwag batiin. Ang sino mang bumati sa kanya ay nakikiisa sa masasamang gawain nito." 2 JUAN 1: 10-11 |
- "Itong mga taong sinasabi ko, binabastos nila ang kahit anong mga bagay na hindi nila naiintindihan. Ginagawa nila kung ano lang ang natural sa kanila kagaya ng mga hayop, at yun din ang sumisira sa kanila." (Jude 1: 10 PVCE) "Kung iniisip ng isang tao na religious sya, pero hindi naman nya kinokontrol ang dila nya, niloloko nya lang ang sarili nya, at walang silbi ang religion nya. Ang religion na totoo at walang kapintasan sa harap ng Diyos Ama ay yung tumutulong sa mga ulila at byuda sa kanilang paghihirap, at yung pag-iingat sa sarili para hindi mahawa sa kasamaan ng mundo." (James 1: 26-27 PVCE) [BUMALIK]
- "Nung bata pa ako, para akong bata kung magsalita, mag-isip, at mangatwiran. Pero ngayong matanda na ako, tapos na yung ganung ugali ko, hindi na ako isip at kilos bata." (1 Corinthians 13: 11 PVCE) [BUMALIK]
- Sa isang pag-aaral na isinagawa ng psychologist na si Leon Festinger at ng kanyang mga kasamahan, natuklasan nilang sa tuwing ang isang relihiyosong grupo ay napatutunayang mali, ang mga kaanib nito'y mas lalo lamang naninindigan sa kanilang mga maling paniniwala, at mas lalo lamang pinaiigting ang pagpapalaganap ng kanilang relihiyon. Ginagawa nila ito upang maibsan ang nararanasang cognitive dissonance ang pagkabalisang dulot ng di pagkakatugma ng paniniwala at pag-uugali (nagkaroon ng di pagkakatugma, dahil alam na nilang mali sila, pero di nila iyon matanggap at maamin sa sarili). [BUMALIK]
- "According to the data from NapoleonCat, the highest share of Facebook users in the Philippines were between the age of 18 and 24, followed by those aged 25 to 34 years as of December 2023." (SOURCE) [BUMALIK]
- Tingnan: 1 Corinto 3: 1-3. Isang kabalintunaan na sa pagpapakita ng mga anti-Katolikong kabataan ng kanilang mga palasak, maledukado, at asal-batang pangungutya, mas lalo lamang nitong pinatitingkad ang karangalan ni Blessed Carlo Acutis, na bagama't isa ring kabataang tulad nila, ay nagtaglay ng malalim na pagkaunawa sa kahulugan ng buhay at sa kahalagahan ng buhay espirituwal. [BUMALIK]
- "We must get to know the outlook of our separated brethren. To achieve this purpose, study is of necessity required, and this must be pursued with a sense of realism and good will. Catholics, who already have a proper grounding, need to acquire a more adequate understanding of the respective doctrines of our separated brethren, their history, their spiritual and liturgical life, their religious psychology and general background." (Vatican II, Unitatis Redintegratio, 9) [BUMALIK]
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF