FEATURED POST

Iglesia ni Cristo: Pangalan ng Simbahan?

"Unfortunately, the coming of aggressive fundamentalist groups has not helped the ecumenical situation at all. Both the Catholic Church and the mainline non-Catholic Churches bear the biased onslaughts of these fundamentalist groups, reminiscent of a less enlightened age of religious conflict that we thought has long passed . . . . The Iglesia ni Kristo is an indigenous semi-Christian group that does not believe in the divinity of Christ. It was founded more than 75 years ago by Felix Manalo and is similar in nature to these fundamentalist and evangelical groups except perhaps that it has been more virulent in its attacks, and has become a very important political force in the country. Its members have also increased remarkably in number and they have retained their cohesion and discipline . . . . Ecumenical dialogue between the Church and these aggressive non-Catholic groups has been rendered extremely difficult at the moment. The aggressiveness of ...

Bilang Isang Pilipinong Katolikong Layko, Anong Paninindigan ko Hinggil sa SSPX?

"The Church recognizes the devotion to liturgical life, commitment to priestly formation, apostolic zeal and desire for fidelity to Tradition that characterize many people and communities connected to your Fraternity. This has motivated the attentive and generous attitude that my Predecessors have consistently shown to you.
"In this spirit, and filled with Christian affection, I plead with you and ask you with all my heart: please turn back! I urge you to consider carefully the spiritual good of the faithful, because the schismatic act you are about to undertake would deprive them of the licit and, in some cases, even valid reception of the Sacraments, which they love and seek for their sanctification."

LETTER OF POPE LEO XIV
TO THE SUPERIOR GENERAL
OF THE PRIESTLY FRATERNITY OF SAINT PIUS X




Alinsunod sa mga pormal na pahayag ng pamunuan ng Simbahang Katolika, ang Priestly Society of Saint Pius X (SSPX) ay nasa kalalagayan ng iskismo bunsod ng walang-pahintulot na ordenasyon na isinagawa nina Obispo Alfonso de Galarreta at Obispo Bernard Fellay. Dahil dito, ang lahat ng mga klerikong kabilang sa SSPX ay itinuturing na iskismatiko, at sinumang laykong pormal na papanig sa kanila ay nagiging mga iskismatiko rin at ekskomulgado. Sa gayon, lahat ng mga sakramentong ipagdiriwang ng SSPX ay illicitus ("pinagbabawalan," "walang pahintulot"), at ang kanilang mga sakramento ng Kumpisal at Matrimonyo ay invalidus ("walang bisa").

Bilang isang Katolikong Cristiano, hinggil sa mga bagay na may kinalaman sa pananampalataya, moral na pamumuhay, pagsamba sa Diyos, at mga batas-eclesiastico, ang tanging tinatanggap ko bilang totoo, tama, at marapat paniwalaan at sundin—sa anumang kaparaanan o antas ng pagtanggap na nais ng Simbahan—ay yaong mga katuruan at batas na nagmumula sa Santo Papa at sa mga obispong nakikiisa sa kanya. Anumang suliranin, pagdududa, o kalabuang kinasasangkutan ng mga bagay na ito ay dapat hanapan ng kaukulang solusyon sa loob ng pakikipagkaisa sa Santo Papa at laging may pagpapasakop sa kanya. Habang hindi naman pinagbabawalan ang pagkakaroon ng sariling opinyon sa mga bagay na ito, ang pribadong interpretasyon ay hindi kailanman maaaring manaig, manguna, o maging pamantayan ng paghatol sa kung ano ang totoo, tama, at marapat paniwalaan at sundin. ➊ Lubos na pagpapasakop sa buhay na mahisteryo (Lucas 10:16; Hebreo 13:7), ➋ lubos na pananampalataya at pagtitiwala sa Espiritu Santong gumagabay sa Simbahan hanggang sa wakas ng panahon (Juan 14:16-17, 16:13), at ➌ lubos na paggalang sa kaayusan ng Simbahan alinsunod sa pagkakatatag nito ng Panginoong Jesu-Cristo (Mateo 16:18-19, 18:18)—ang tatlong iyan ang prinsipyong aking pinanghahawakan at nagsisilbing sapat na batayan para di ko tanggapin ang anumang pinagsasasabi ng SSPX na salungat sa itinuturo ng Santo Papa at ng mga obispong nakikiisa sa kanya.

Hindi ibig sabihin na hindi ko na pakikinggan ang panig ng SSPX. Hindi ibig sabihin na ituturing ko ang panig ng Simbahang Katolika bilang laging pinakamabisang pamamaraan ng pagtuturo't pagpapatupad ng mga bagay na may kinalaman sa pananampalataya, moral na pamumuhay, pagsamba sa Diyos, at mga batas-eclesiastico. Hindi ibig sabihin na ang lahat-lahat sa SSPX ay mali o imoral. Hindi ibig sabihin na walang makatuwirang pinagbabatayan ang anumang ipinaglalaban nila hinggil sa pananampalataya, moral na pamumuhay, pagsamba sa Diyos, at mga batas-eclesiastico. Hindi ibig sabihin na ipagkikibit-balikat ko na lamang ang anumang makatuwirang suliraning natatalastas ko sa Simbahan, nang hindi ginagamit ang mga kaukulang proseso ng pagtatanong, pagrereklamo, o paghingi ng kaliwanagan. (CCL 212 §2-3)

Ang punto: sa anumang suliraning kinakaharap ng Simbahan, hindi masusumpungan ang solusyon sa iskismo (Tito 3:10-11). Masusumpungan lamang ito sa loob ng kaisahan ng Simbahan (Gawa 15; Efeso 4:11-16). Ang naturang solusyon ay maaaring dumating nang agaran o nang may mahabang proseso, nang may kaliwanagan o nang may kalabuan, nang buo o nang bahagya, o sa pamamagitan ng mga pinuno ng Simbahan o kahit sa pamamagitan man ng mga layko. At bilang isang Pilipinong Katolikong layko, di ko kailangang sarilinang akuhin ang mismong pananagutan ng paghahanap ng solusyon dahil pangunahing trabaho iyan ng mga pinuno ng Simbahan—na silang inatasan ng Diyos bilang mga tagapagturo (CCCC 184), tagapamahala (CCCC 187), at tagapagpabanal (CCCC 186). Bilang kabilang sa Simbahang Tinuturuan (Ecclesia Discens), ang trabaho ko ay ang buong kababaang-loob na pananampalataya at pagtalima sa anumang pormal na katuruan o kautusan ng Simbahang Katolikang pinangangasiwaan ng Santo Papa at ng mga obispong nakikiisa sa kanya, at makipagtulungan sa paghahanap ng solusyon sa pamamagitan ng pananalangin at ng kung ano pa mang kaparaanang pinahihintulutan ng mga pinuno ng Simbahan.

Siyempre, naiintindihan ko naman kung sa pananaw ng mga iskismatiko ay tila "pagpapa-alipin" at "pagtatanga-tangahan" ang ganitong paninindigan. Ang sa akin lang, pagdating sa usapin ng iskismo, wala kang ibang maaaring panigan kundi ang mismong lehitimong may-hawak ng lubos na kapangyarihan sa Simbahan—ang Santo Papa. Dahil kung ang mga nasa ilalim niya ay may karapatang salungatin ang parusa ng ekskomunikasyon batay sa kung ano pa mang kadahilanan, ibig sabihin, wala talagang lubos na kapangyarihan ang Santo Papa, at ginagawa nating sinungaling ang Panginoong Jesu-Cristo na Siyang nagkaloob ng gayong kapangyarihan kay San Pedro at sa mga kahalili nito. At kung igigiit nating ang Santo Papa ay maaaring abusuhin ang kanyang kapangyarihan para pagbali-baliktarin ang tama at mali, katumbas na rin iyan ng kawalang-pagtitiwala sa Espiritu Santo. Sa buhay-pananampalataya, darating talaga ang mga yugtong mahirap tanggapin ang mga pinagsasasabi ng Simbahan. Darating talaga ang punto na tila ba inuutusan ka ng Diyos na gumawa ng mali (Genesis 22). Pero kung sigurado ka naman na ang Simbahan ang nangungusap (sa pamamagitan ng Santo Papa at ng mga obispong nakikiisa sa kanya), naniniwala akong hindi ka ipapahamak ng Diyos kung tatalima ka.




DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

POPULAR POSTS (LAST 30 DAYS)

"Ang Matuwid na si Lot"

Babae, Anong Pakialam Ko Sa Iyo?

Hindi Po Ako Iyan

Bawal na Namang Magsimba

Porke't Marami, Mali na Lahat?