FEATURED POST
Totoo bang may Diyos? (v.2)
- Kunin ang link
- X
- Iba Pang App
"Our holy mother, the Church, holds and teaches that God, the first principle and last end of all things, can be known with certainty from the created world by the natural light of human reason. Without this capacity, man would not be able to welcome God's revelation. Man has this capacity because he is created in the image of God."
|
1. Bakit ka naniniwalang may Diyos?
Naniniwala akong may Diyos dahil kung seryosong pag-iisipan, dinadala ako ng katuwiran sa ganitong paniniwala.
- "Kung seryosong pag-iisipan" — Hindi tayo nakikipaglokohan sa sarili o sa kapwa. Wala tayong mapapala sa biru-biruang pamimilosopong walang katuturan. Huwag mong pakikialaman ang mga seryosong paksa kung wala ka namang taimtim na hangaring alamin ang totoo.
- "Dinadala ako ng katuwiran" — Anumang mga pangangatuwiran ang pinanghahawakan mo, panindigan mo at pag-isipan kung hanggang saan iyan hahantong. Sapagkat kung talagang kumbinsido ka sa mga sinasabi mo, dapat ay kumbinsido ka rin sa kung saan ka man niyan dadalhin.
2. Paano ka dinadala ng katuwiran sa paniniwalang may Diyos?
Ang pagiging makatuwiran ay kinasasangkutan ng mga paniniwalang tinatanggap mong totoo bilang saligan ng makatuwirang pag-iisip — alalaong-baga'y mga batayang prinsipyo (first principle, axiom/postulate). Dahil diyan, nagiging posible ang pangangatuwiran. Alam mo na agad kung baliw, mangmang, o di-seryoso ang kausap mo kung sa mga batayang prinsipyo pa lang ay hindi na kayo magkaintindihan o magkasundo.
Ngayon, kabilang sa mga batayang prinsipyo ng katuwiran ang paniniwalang walang maaaring magmula sa wala (ex nihilo nihil fit). Hindi mo maaaring sabihin na basta na lang lumilitaw o nangyayari ang anuman nang walang matataluntong sanhi. Kung may isang bagay na lumitaw, ibig sabihin, may naunang umiral at nagpalitaw sa bagay na iyon. Kung may nangyari, ibig sabihin, may naunang sanhing nagdulot sa pangyayaring iyon. Siyempre, maaari nating pakumplikahin ang usapan at magtanong ng kung anu-ano.1 Subalit kung ang karaniwang karanasang pantao ang pag-uusapan, hindi mo maaaring itanggi ang katotohanan ng batayang prinsipyong iyan. Sa kabila ng masalimuot na pangangatuwiran ng mga pilosopo, ang batayang prinsipyo ng pagsanhi (causality) ay nananatiling mahalagang saligan ng makatuwirang pag-iisip at siyentipikong pagsisiyasat.2
TALABABA
|
Masalimuot at walang katapusan ang mga pag-aaral na kailangang gawin kung seryoso nating tataluntunin ang sanhi ng lahat ng bagay sa mundo — at iyan nga ang patuloy na ginagawa sa iba't ibang sangay ng agham — ngunit maaari rin namang laktawan ang mga partikular upang pagtuunan ang kabuuan ng mismong sanlibutan (cosmology). Batay sa opinyon ng nakararaming dalubhasa sa cosmology, lumitaw ang sanlibutan mga 13.7 bilyong taon nang nakararaan. Kung lumitaw, ibig sabihin, may sanhi. At dahil sanhi ng buong sanlibutan ang pinag-uusapan natin dito, maituturing iyon na unang sanhi na nagtataglay ng mga katangiang di-malirip, naiiba, at lumalampas sa anumang katangian o kakayahang masusumpungan sa sanlibutan (transcendent) — mga katangiang nahahawig sa Katolikong pananaw hinggil sa Diyos.3
TALABABA
|
"A first path that leads to the discovery of God is an attentive contemplation of creation." — POPE BENEDICT XVI
- makapangyarihan sa lahat (omnipotent) — Lahat ng "kapangyarihan" sa mundo, alalaong-baga'y lahat ng nakasasanhi o nakasusupil na pwersa, ay nanggaling at nakasalalay sa unang sanhi. Hindi maaaring mangyari na magtaglay o makalikha ang sanlibutan ng naiiba o nakahihigit na kapangyarihan (causal adequacy principle).4
- hindi nasasaklaw ng limitasyon ng oras at espasyo (simple, eternal, omnipresent) — Mismong ang space-time continuum ay nagsimula sa Big Bang.5 Ibig sabihin, maging ano pa man ang oras na sumapit at maging saan pa man ang lugar na puntahan, ang unang sanhi ay hindi mahahati o mababawasan,6 hindi masusupil,7 at hindi maiiwanan, maiilagan, o mapagtataguan.8
- nagtataglay ng ganap na pag-iisip at karunungan (omniscient) — Ang kakayahang mag-isip at ang anumang impormasyong maipapasok at maipoproseso sa isipan ay mga katotohanang masusumpungan sa sanlibutan, at sa gayo'y masasabing nanggaling din sa unang sanhi. At kung magkagayon, ibig sabihin, umiiral sa unang sanhi ang isang ganap na pag-iisip na hindi kasusumpungan ng mga limitasyon ng pag-iisip ng alinmang may-isip na nilalang — isang isipang laging may kamalayan at may kumpletong pagkaunawa (hindi kailangang mag-aral, ni magproseso ng impormasyon), anupa't ang kamangmangan, pagkagulat, at kalituhan ay nagiging imposible.
TALABABA
|
Mahalaga ang mga makatuwirang implikasyon ng pagkakaroon ng unang sanhi sapagkat naitatangi nito ang Diyos ng Judaismo — na makasaysayang pinag-uugatan ng Cristianismo at ng Islam — mula sa ibang mga diyos o diyosa, o sa mga kung anu-ano pa mang "sukdulang katotohanan" o "kapangyarihan" (tulad ng Brahman ng Hinduismo, Qi ng Feng Shui, Tao ng Taoismo, Waheguru ng Sikismo) na pinaniniwalaang (a) literal na sumasangkap sa sanlibutan (pantheism, panentheism, animism) o di kaya'y (b) mga nagtutunggaling magkakapantay na kapangyarihan (polytheism, dualism) — mga imposibilidad na di tumutugma sa mga katangian ng unang sanhi.
Siyempre, hindi pa rin naman ito punto-por-puntong tumutugma sa lahat ng itinuturo ng Simbahang Katolika tungkol sa Diyos, pero sapat na ito para ituring ko ang ateismo na pagtatanga-tangahan at pagbubulag-bulagan. Bakit? Dahil para mabisang mapabulaanan ang pag-iral ng unang sanhi, kakailanganin kong:
- pagdudahan ang batayang prinsipyo ng pagsanhi, at maniwala sa mga alternatibong paliwanag ng iilang pilosopo;
- bigyan ng mga baluktot na kahulugan ang estado ng kawalan;9
- ipagpilitang mas kapani-paniwala ang mga di-lubusang tinatanggap na mga hypothesis ng cosmology gaya ng mga teorya ng multiverse, string theory, cosmopsychism, at kung anu-ano pa;
- sadyang huwag seryosohin ang paksa ng pag-iral ng Diyos, at daanin ang usapan sa pamimilosopo (sophistry) at pagtuligsa sa mga paksang relihiyoso na wala namang kinalaman sa usapin ng kung may Diyos ba o wala (gaya ng pamimintas sa Biblia, na karaniwang nakabatay lamang sa isang maka-pundamentalistang interpretasyon).
TALABABA
|
3. Paano naging totoo ang Diyos gayong wala naman akong napala nang magdasal ako?
Kung may "napala" ka, ibig bang sabihin ay totoo ngang may Diyos? Kung may tumugon sa dasal mo, paano mo mapatutunayan na ang tugong natanggap mo ay tunay na nagbuhat sa Kanya na may walang hanggang kapangyarihan, walang hanggang pag-iral, at perpektong karunungan? Lahat ng maaaring itugon ng Diyos sa mga panalangin ng tao ay hindi makapagbibigay ng siyentipikong ebidensya ng Kanyang pagka-Diyos, kundi pawang mga pag-aangkop (divine condescension) ng Kanyang biyaya sa paraang maaaring maarok ng ating limitadong pag-iisip.
At kung wala ka namang napala, napakarami pa ring makatuwirang dahilan kung bakit maaaring nangyari iyon; kaya't kamangmangan naman kung ang agaran at tanging konklusyon mo ay dahil wala kasing Diyos. Narito ang ilan sa mga makatuwirang posibilidad:
- maling diyos ang dinadasalan mo;
- masama o di makatuwiran ang hinihiling mo;
- wala kang respeto;
- may mga buhay na maaapektuhan sa gusto mong mangyari;
- may atraso ka sa Diyos;
- may mas importanteng bagay kang dapat ipinagdarasal;
- sinagot ka na pero di mo napansin;
- dapat lang na pagdusahan mo ang problemang ipinagdarasal mo;
- hindi naman talaga problema ang inaakala mong problema;
- may dapat kang lapitan para ipagdasal ka;
- ang tugon sa iyo ay isang proseso, hindi biglaang solusyon;
- nagdasal-dasalan ka lang, pero wala ka naman talagang tiwala.
"Making time for God regularly is a fundamental element for spiritual growth." — POPE BENEDICT XVI
Dahil sa napakaraming posibilidad, malinaw na ang pananalangin ay hindi natin maitutulad sa karaniwang pakikipag-usap sa kapwa-tao. Bagkus, ito ay isang mahalagang bahagi ng ating espiritwal na pag-unlad. Sa pananalangin, maging ang pagtugon o hindi pagtugon ng Diyos sa atin ay may kani-kaniyang gampanin sa pangunahing layunin ng ating pag-iral sa mundong ibabaw — ang kaligtasan ng ating buong pagkatao.
Kung iisipin, mayroon ka naman talagang "napala" — napagtanto mong salat ka sa pananampalataya. Iyan ang pinatutunayan ng nangyari sa iyo, hindi ang katotohanan ng ateismo.
4. Kung talagang may Diyos, bakit hinahayaan Niyang mabiktima o masadlak sa mga karumal-dumal na krimen, kakila-kilabot na kamatayan, napakabigat na pasanin, at iba't ibang anyo ng sukdula't di-malirip na dusa ang mga inosente at walang kalaban-laban? Bakit may mga hayop na nagkakasakitan at nagpapatayan sa kalikasan? Bakit may mga lindol, pagputok ng bulkan, bagyo, buhawi, baha, at iba pang mga likas na sakuna? Bakit tila napakalaking kunsumisyon ang mabuhay sa daigdig, at bakit kailangang pagdusahan ng tao ang unti-unting pagkasira ng katawan dahil sa katandaan, karamdaman, aksidente, o sadyang pagpapahirap ng kapwa-tao o ng anumang mapanakit na nilalang?
Ang lahat ng nabanggit ay mga lehitimong suliraning nangangailangan ng solusyon. Ang pagkakamali ay itinuring mong ang di-pag-iral ng Diyos ang tanging maipapaliwanag na dahilan kung bakit nangyayari ang mga iyon. Dapat mong maunawaan na ang pag-iral ng Diyos ay hindi nakasalalay sa kaligayahan o imortalidad ng sinumang nilalang (divine aseity). Kung paanong ang mga katotohanan ng matematika ay hindi naaapektuhan ng mga problema mo sa buhay, gayon din naman ang katotohanan ng pag-iral ng Diyos.
"To protest against God in the name of justice is not helpful. A world without God is a world without hope. Only God can create justice. And faith gives us the certainty that he does so."
— POPE BENEDICT XVI
Ngayon, kapag naunawaan mo iyan, gagaan ba agad ang mga problema mo? Hindi. Oo, mabigat pa rin sa dibdib. Oo, nakakaiyak. Oo, nakakagalit. Oo, may mga sandaling parang ayaw mo nang magpatuloy. Ngunit lalo mo lamang pinahihirapan ang sarili mo kung magpapakatanga ka sa pagyakap sa ateismo. Sa kabilang banda, kung maninindigan ka sa kung ano ang tama at totoo anuman ang mangyari, may pag-asa ka pang makahanap ng tunay na solusyon. Hindi mo naipagkakait sa sarili mo ang pagkalinga ng Diyos sa sinumang tapat na nagtitiwala sa Kanya — pagsaklolong maaaring hindi dumating sa oras o sa paraang inaasahan mo, ngunit tiyak na darating pa rin.
At ano ang batayan ng ating katiyakan? Hindi ano kundi sino — ang Panginoong Jesus. Siya na higit sa kaninuman ay di nararapat dumanas ng anumang pagdurusa, subalit nagdusa. Siya na higit sa kaninuman ay di nararapat mamatay, ngunit namatay. Subalit sa huli, nabuhay na magmuli, umakyat sa Langit, at ngayon ay naluluklok sa Kanan ng Ama. Siya ang katiyakang mapanghahawakan na hindi ang kasamaan ang may huling salita, kundi ang kabutihan ng Diyos.
Gaya ng mga panalanging tila walang saysay, gayon din sa tanong kung bakit ipinahihintulot ng Diyos na makaranas tayo ng pagkabalisa. Isa itong misteryong dapat taimtim na pinagninilayan dahil laging may kinalaman sa ating espiritwal na pag-unlad. Sa halip na pagdudahan ang Kanyang pag-iral, hindi ba nararapat na ituring mo pa iyon bilang isang bokasyon na nag-aanyaya sa iyong gumawa ng paraan upang tumulong sa mga kapwa mong nagdurusa? Pinukaw Niya ang puso mo upang mabagabag sa kasamaan, tapos idadaan mo lang sa ateismo at panunuligsa sa relihiyon?
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF
- Kunin ang link
- X
- Iba Pang App