"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Lunes, Pebrero 19, 2024

San Pedro, Unang Papa

EDITED & REPOSTED: 4:49 PM 2/19/2024


Photo by Marina Gr from Pexels (edited)

"We believe in one, holy, catholic, and apostolic Church, built by Jesus Christ on that rock which is Peter."

POPE PAUL VI
Solemni Hac Liturgia, 19
June 30, 1968

 

ANG UNANG SANTO PAPA

Kalabisan bang sabihin na si Apostol San Pedro ang unang Santo Papa ng Simbahang Katolika? Linawin natin ang pagkakaiba ng mismong katungkulan ni San Pedro at ang mga pag-unlad ng katungkulang ito nang ito'y akuhin ng kanyang mga nagiging kahalili sa Roma sa pagdaan ng panahon. Sa ating kapanahunan, kaakibat na ng salitang "Santo Papa" ang Vatican City, Roman Curia, College of Cardinals, encyclical, atbp. — mga bagay-bagay na hindi naman talaga naging bahagi ng panunungkulan ni San Pedro sa Simbahan noong unang siglo ng Cristianismo. Sa ganitong pananaw, maaari talagang sabihin na si San Pedro ay hindi naging unang "Santo Papa."

Gayon man, si San Pedro ay talagang pinagkalooban ng natatanging katungkulan sa Simbahan, at ang mga Obispo ng Roma ay talagang mga kahalili niya sa naturang katungkulan — isang katungkulang hindi kailanman nawala, nabago, o napalitan, sa kabila ng mga pag-unlad na pinagdaanan nito sa halos 2,000 taon ng Simbahang Katolika.

Si San Pedro ang ginawang Pinuno ng Simbahan, subalit hindi sa lubos na kahulugan ng pagiging "pinuno": siya ay isang alipin na "pinapamahala ng kanyang panginoon sa ibang mga alipin" (tingnan sa: Mateo 24: 45-51). Samakatuwid, ang Panginoong Jesu-Cristo ang tunay at nag-iisang Pinuno ng Simbahan, at inihabilin lamang niya kay San Pedro ang pamamahala niya. Sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo kay Apostol Simon: "Ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya" (Mateo 16: 18). Si Apostol Simon ang batong tinutukoy, sapagkat ang kahulugan ng pangalang "Pedro" (Griyego, Petros) ay "bato." Ayon sa Ebanghelyo ni Juan, ang katumbas ng pangalang ito ay "Cefas" (Aramaiko, Kepha) na "bato" rin ang kahulugan (Juan 1: 42). Ipinakikita nito na kay Apostol San Pedro nagkakaisa, itinatayo, at namamalagi ang Simbahang pag-aari ng Panginoong Jesu-Cristo. Kasunod nito'y sinabi pa ng Panginoon sa kanya: "Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ano man ang talian mo sa lupa ay tatalian din sa langit, at ano man ang kalagan mo sa lupa ay kakalagan din sa langit" (t. 19). Ang pamamahala ("mga susi") ng Panginoong Jesus sa kanyang kaharian ("kaharian ng langit") ay ipinagkatiwala niya kay San Pedro. Nangangahulugan ito na ang Simbahan ang Kaharian ng Langit na nasa lupa, at si San Pedro ang kinatawan ng Panginoong Jesu-Cristo sa lupa.


Si Apostol Simon ang bato na pagtatayuan ng Simbahan, sapagkat ang kahulugan ng pangalang "Pedro" (Griyego, Petros) ay "bato." Ayon sa Ebanghelyo ni San Juan, ang katumbas ng pangalang ito ay "Cefas" (Aramaiko, Kepha), na "bato" rin ang kahulugan (Juan 1: 42).

Ang Panginoong Jesu-Cristo ang tagapagmana ng kaharian ni David (Lucas 1: 31-33), ang Hari na may hawak ng mga "susi ni David" (Pahayag 4: 7). Sa Biblia, ang pagbibigay ng Hari sa isang tao ng mga susi ng kanyang kaharian ay nagpapahiwatig na ang naturang tao na iyon ang pinagkalooban ng kapamahalaan sa buong kaharian bilang "katiwala ng palasyo" at "pinakaama". Bukod pa rito, ang pagbibigay ng susi ay pahiwatig din na ang kapamahalaan na iyon ay maaaring akuhin ng mga magiging kahalili—hindi nagwawakas o naglalaho ang katungkulang ito kapag nagbitiw o namatay na ang siyang mayhawak nito. Ayon sa Aklat ni Propeta Isaias:

Tatawagin ko sa araw na iyon ang aking lingkod, si Eliaquim na anak ni Helcias. Siya ang pagsusuutin ko ng iyong kasuutan, Ibibigay ko sa kanya ang iyong kapangyarihan, Siya ang magiging pinakaama ng Jerusalem at ng Juda. Ibibigay ko sa kanya ang susi ng bahay ni David; Ang kanyang buksa'y walang makapagsasara At walang makapagbubukas ng ipininid niya. (Isaias 22: 20-22)

Tumutukoy ito sa paghalili hindi sa Hari kundi sa "katiwala ng palasyo" (Isaias 22: 15). Si Eliaquim ang humalili kay Sabna: "Aalisin kita sa iyong katungkulan . . . Tatawagin ko . . . si Eliaquim" (Isaias 22: 19-20). Kaya naman, nang ibinigay ng Panginoong Jesus ang mga "susi ng kaharian ng langit" kay San Pedro, Ipinahihiwatig nito na si San Pedro ang itinalagang Punong Ministro at Pinakaama ng Simbahan, at iyon ay isang katungkulang ipagpapatuloy ng mga magiging kahalili niya. Kaya nga, makatuwirang ituring si Apostol San Pedro bilang unang Santo Papa ng Simbahang Katolika. "Ang Pinunong nasa Roma, ang Papa, ang Kumakatawan kay Kristo at kahalili ni Pedro, ang siyang may lubos, pinakamataas at pangkalahatang kapangyarihan sa Simbahan." (KPK 1410).

Tiniyak ng mga Apostol na bago pa man sila mawala sa mundo ay may mga taong hahalili sa kanilang mga Apostolikong katungkulan (Gawa 20: 28; 1 Pedro 5: 1-4; Hebreo 13: 17). Ang mga taong yaon ay ang mga Obispo. Ayon mismo kay San Pablo, ang Espiritu Santo ang nagkakaloob ng tungkuling ito (Gawa 20: 28) sa pamamagitan ng Sakramento ng Banal na Orden ("pagpapatong ng kamay" — 2 Timoteo 1: 6-7). At dahil ang Espiritu Santo ay namamalagi sa Simbahan upang gabayan ito (Juan 14: 16), at ang Panginoong Jesus na rin mismo ay nangakong sasamahan niya ang Simbahan hanggang sa katapusan ng sanlibutan (Mateo 28: 20), samakatuwid, tinitiyak ng ating pananampalataya na ang Apostolikong Paghalili ng mga Obispo ay hindi kailanman mawawala o mapapatid sa Simbahan. Sumasampalataya tayong magpapatuloy ang paghalili ng mga Papa kay San Pedro hanggang sa dumating ang Panginoong Jesus. Pagbalik ng Panginoon mula sa langit, buo ang ating pagtitiwalang may madadatnan pa rin siyang pangulong alipin ng kanyang sambahayan (Mateo 24: 45-51; Lucas 12: 41-47). Parurusahan niya ang mga Papa na nagpabaya sa Simbahan at nang-abuso ng kapangyarihan, at gagantimpalaan naman ang mga naging tapat sa kanilang tungkulin.

 

HINDI MAGKAKAPANTAY

Ang ibang mga Apostol ay pinagkalooban ng katulad na katungkulan, subalit ang tinanggap ni San Pedro ay nakatataas sa kanilang lahat at sumasakop sa buong Simbahan. Oo, ang lahat ng mga Apostol ay mga "saligan" din ng Simbahan (Efeso 2: 20; Pahayag 21: 14), subalit si San Pedro ang nagpapatatag sa kanila (Lucas 22: 31-32). Oo, ang lahat ng mga Apostol ay binigyan din ng kapangyarihang "magtali" at "magkalag" (Mateo 18: 18), subalit ito'y bilang mga pinuno ng isang bahagi lamang ng Simbahan na ipinagkatiwala sa kanila (t. 15-18), di tulad ni San Pedro na may pamamahala sa buong Simbahan. Isa pa, ipinahihiwatig ng hiwalay na pagtatalaga kay San Pedro na siya ang kanilang pinuno1 — na maaari niyang baguhin, ipawalang-bisa, o papagtibayin ang anumang "tinalian" o "kinalagan" ng ibang mga Apostol.

Nang magtalu-talo ang mga Apostol kung sino ba sa kanila ang pinaka-dakila, sinaway nga sila ng Panginoon, subalit hindi niya sinabi na sila'y magkakapantay; bagkus itinagubilin niya na "ang pinakadakila sa inyo ang siyang maging pinakamaliit, at ang pinuno ang siyang maglingkod." (tingnan sa: Lucas 22: 24-27). Pagkaraan nito'y saka naman niya tinagubilinan si Simon (si San Pedro) kung ano ang paglilingkod na gagawin nito sa iba pang mga Apostol: "pagtibayin mo ang iyong mga kapatid." (t. 32) — isang malinaw na patunay na siya ang kanilang pinuno.

Sa 1 Pedro 5: 1 sinabi ni San Pedro sa mga "matatanda" ng Simbahan: "Nananawagan ako bilang isa ring matandang tulad ninyo". Nangangahulugan ba ito na si San Pedro, ang iba pang mga Apostol, at ang mga "matatanda" ay magkakapantay lamang talaga? Sa katunayan, makikita naman sa konteksto kung bakit sinabi ni San Pedro na siya'y isa ring "matanda": tungkulin ng mga "matatanda" na maging mga ulirang pastol ng kawang ipinagkatiwala sa kanila (t. 2-3), tungkuling ginagampanan ni San Pedro sa buong kawan (tingnan sa: Juan 21: 15-17). Subalit may isa pa itong maaaring ipinahihiwatig. Kung sinasabi ni San Pedro na siya'y isa ring "matanda", nangangahulugan kaya ito na minabuti na niyang pirmihang humimpil sa isang partikular na Simbahan upang manungkulang Obispo nito? At kung magkagayon, posible kayang siya ang nanunungkulang Obispo ng mga Cristianong nasa "Babilonia" na binabanggit niya sa katapusan ng naturang sulat (1 Pedro 5: 13) — ang Simbahan sa Roma?2 Kung gayon, pinatutunayan nito na ang Papa nga ang kahalili niya.

May mga nagsasabi naman na nang magpulong "ang mga apostol at matatanda" sa Jerusalem, si San Santiago daw ang namuno at nagpasya, hindi si San Pedro (basahin sa: Gawa 15: 1-29). Sa katunayan, hindi lang naman si San Santiago, kundi ang buong kapulungan ng mga Apostol at Matatanda, "sampu ng buong iglesya", ang nagpasya (t. 22, 28; 16: 4), alinsunod sa naging hatol ni San Santiago (t. 19-21), na batay naman sa mga ipinaliwanag ni San Pedro (t. 14-18) — pagpapaliwanag na nagpatahimik sa mahabang pagtatalo at nagbigay ng pagkakataon kina San Pablo at Bernabe na isalaysay ang panig nila (t. 7-12). Sa mga naitalang pangyayaring ito, makikita natin kung paano ba kumikilos noon ang mga Apostol sa pamumuno ni San Pedro. Si San Pedro, bilang Bato (Mateo 16: 18), ang nagpapahayag ng Pananampalataya na pinagbabatayan ng desisyon ng kapulungan.

Malimit ding gamitin ng mga anti-Katoliko ang Gawa 8: 14, kung saan sinasabing sina San Pedro at San Juan ay "isinugo" ng mga Apostol na nasa Jerusalem. Iginigiit ng mga di-Katoliko: "Maaari bang isugo ang pinuno?" Ang ating sagot ay oo, maaaring isugo ang pinunong lingkod ng Simbahan kung kinakailangan, lalo na kung may isang mahalagang tungkuling siya lamang ang maaaring gumanap (gaya ng pagkukumpil sa mga binyagan at pagsaway sa isang maimpluwensyang salamangkero — tingnan ang konteksto ng Gawa 8: 9-25). Ang mga pinuno ng Simbahan ay nanunungkulan, hindi bilang mga hari, kundi bilang mga ulirang pastol (tingnan sa: 1 Pedro 5: 1-4). Si San Pedro ay hindi "diktador" ng Simbahan, kundi ang "alipin na pinapamahala ng kanyang panginoon sa ibang mga alipin" (Mateo 24: 45). Ipinakikita lamang sa Gawa 8: 14 (at sa mga sumunod na taludtod) kung paanong pinaglingkuran ni San Pedro ang Simbahan, bilang pagtupad sa tagubilin ng Panginoon: Ang pinuno ang siyang maglingkod. Gayon pa man, ang kababaang-loob ng mga pinuno ng Simbahan ay hindi nangangahulugan na sila'y walang katungkulang dapat igalang ng kanilang nasasakupan. Maaari silang maghigpit kung kinakailangan (Tito 2: 15; 2 Corinto 13: 1-10). Kung nagkaroon man ng pagpapalawig at paghihigpit sa mga kapangyarihan at karapatan ng mga Papa sa pagdaan ng panahon, ito'y bilang tugon sa mga sari-saring pagkilos sa loob at labas ng Simbahan na naglalayong balewalain o batikusin ang pamumuno ng Papa.

Sa bandang huli, igigiit ng mga anti-Katoliko na kaya lamang daw naging pangunahing Apostol si San Pedro ay dahil siya ang hinirang na "Apostol ng mga Judio," gaya ni San Pablo na hinirang na "Apostol ng mga Hentil" (tingnan sa: Galacia 2: 1-10). Sa katunayan, ang tinutukoy lamang dito ay ang pangangaral ng Ebanghelyo sa mga hindi pa Cristiano, hindi ang pamamahala sa Simbahan. Ayon na rin mismo kay San Pablo: "Si Santiago, si Cefas at si Juan, na inaaring mga haligi, ay nag-abot sa akin at kay Bernabe ng kanilang kanang kamay ng pakikipagkaisa upang kami ay magtungo sa mga Hentil at sila naman sa mga tuli. Ang kanilang bilin lamang ay huwag naming kalilimutan ang mga dukha" (2: 9-10).

 

OBISPO NG ROMA

Hindi natin alam kung kailan at paano nakarating sa Roma si San Pedro. Ang nalalaman lamang natin ay ang mismong pagpunta niya sa Roma, na siya ang nagtatag ng pamunuan ng Simbahan doon (tinulungan siya ni Apostol San Pablo sa gawaing ito), na siya ay ipinapatay ni Emperador Nero (ipinako sa krus nang patiwarik, dahil inari niyang di karapat-dapat ang sarili na matulad sa pagkakapako sa Panginoong Jesus), at ang kanyang mga labi ay inilibing sa isang sementeryo sa burol ng Vatican. Ang lahat ng ito ay wala sa Biblia,2 kundi batay sa patotoo ng mga sinaunang Cristiano: Clement I (98 A.D.), Ignatius (107 A.D.), Papias (110 A.D.), Dionysius (170 A.D.), Irenaeus (180 A.D.), Caius (198 A.D.), Clement ng Alexandria (200 A.D.), at Tertullian (200 A.D.).

Ayon sa sulat ni St. Ignatius sa mga Taga-Roma, ang kanilang Simbahan ang "gumaganap ng pangangasiwa," "mapagmahal na nangangasiwa," at "nagtuturo sa iba." Ayon kay St. Irenaeus, ang Simbahan sa Roma ang "pinaka-dakila at pinaka-matandang simbahang nakikilala ng lahat," at "dahil sa nakatataas na pinagmulan nito, ang lahat ng mga simbahan ay dapat tumalima, alalaong-baga'y ang lahat ng mga mananampalataya sa buong mundo." Natatala rin sa kasaysayan na talagang may mga Papa buhat noong una at ikalawang siglo — gaya nina Clement I (91-100 A.D.) at Victor I (189-199 A.D.) — na nakikialam at nagpapatupad ng mga patakaran sa mga Simbahang malayo sa Roma. Pinatutunayan nito ang kamalayan ng mga Papa na sila'y may pananagutan sa buong Simbahan, hindi lamang sa kanilang nasasakupan — na sila ay humahalili sa pinakamataas na katungkulang umiiral sa Simbahan, na walang iba kundi ang katungkulan ni San Pedro.

 

KAWALANG-PAGKAKAMALI NG PAPA

Nang tinanong ng Panginoong Jesu-Cristo ang kanyang mga alagad kung sino ba siya ayon sa mga tao, nagkaroon ng iba't ibang sagot: siya daw si Juan Bautista, si Elias, si Jeremias, o isa sa mga propeta (Mateo 16: 13-14). Ipinakikita nito na ang pakikinig sa mga tao hinggil sa pananampalataya at moral ay nagdudulot ng pagkakawatak-watak at pagkakamali. Subalit nang tinanong ng Panginoong Jesu-Cristo ang kanyang mga alagad kung sino ba siya ayon sa kanila, si Apostol Simon ang sumagot para sa lahat: "Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buha'y" (t. 15-16). Dahil dito'y pinuri siya ng Panginoon: "Pinagpala ka, Simon na anak ni Jonas, sapagkat hindi laman at dugo ang nagpahayag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa langit. Ngayon sinasabi ko sa iyo na ikaw ay Pedro . . ." (t. 17-18) Ipinakikita nito na ang mga Apostol ay nagkakaisa sa pananampalatayang ipinahahayag ni Apostol San Pedro, at ang pananampalatayang yaon ay hindi mula sa tao kundi sa Diyos, kaya't ang Simbahang nakatayo sa ibabaw ng Bato — alalaong-baga'y ang Simbahang nananatili sa mga katuruan ni San Pedro — ay nagkakaisa at hindi nagkakamali. Ito ang biyaya ng kawalang-pagkakamali na ipinagkaloob sa katungkulan ni San Pedro, na ipinagpapatuloy naman ng Santo Papa.3

"We believe in the infallibility enjoyed by the successor of Peter when he teaches ex cathedra as pastor and teacher of all the faithful, and which is assured also to the episcopal body when it exercises with him the supreme magisterium."

POPE PAUL VI
Solemni Hac Liturgia, 20
June 30, 1968

Kung si San Pedro ay talagang pinagkakalooban ng biyaya ng kawalang-pagkakamali sa tuwing ipinahahayag niya ang pananampalataya at moral ng Simbahan, bakit minsan na siyang tinuligsa at pinagsabihan ni Apostol San Pablo? Sa katunayan, kung titingnan ang konteksto ng ginawa ni San Pablo na binabanggit sa Galacia 2: 11-14, ang ginawa niya'y batay sa mga katuruang si San Pedro din naman mismo — kasama ang iba pang mga Apostol — ang naunang nagturo at nagpatupad (Galacia 1: 18, 2: 1-10; Gawa 11: 1-18, 15: 1-29). Samakatuwid, hindi nito pinabubulaanan ang kawalang-pagkakamali ni San Pedro, bagkus ipinakikita nito ang katapatan at lubos na pagtalima ni San Pablo sa mga alituntuning itinakda ni San Pedro at ng iba pang mga Apostol sa konseho ng Jerusalem (Gawa 15: 22-29, 16: 4).


 
 

 
  1. Sa listahan ng Labindalawang Apostol na naitala sa Ebanghelyo ni San Mateo, binigyang-diin na si San Pedro ang "una" (Mateo 10: 2). Pansinin na hindi na tinukoy pa ang "pangalawa" hanggang "ika-labindalawa": ito'y dahil hindi naman layon ng Ebanghelyo na tukuyin ang pagkakasunud-sunod ng mga Apostol sa kanilang hanay. Bagkus, tinutukoy lamang nito na si San Pedro ang pangunahin — ang namumuno — sa Labindalawa. Ang pagiging pangunahin ni San Pedro ay makikita rin sa: Marcos 16: 7; Gawa 2: 14, 37, 5: 29; 1 Corinto 9: 5, 15: 5; Galacia 1: 18-19. [BUMALIK]
  2. Hindi napasulat sa Biblia kung si San Pedro ba ang naging unang Obispo ng Simbahan sa Roma. Wala ring tahasang nasusulat kung siya ba'y nagpunta nga sa Roma. Gayon man, makatuwirang ituring na katibayan ng kanyang pagpunta sa Roma ang nasasaad sa 1 Pedro 5: 13: "Kinukumusta kayo ng mga kapatid na nasa Babilonia, mga hirang na paris ninyo". Ayon sa ilang mga dalubhasa sa Biblia, hindi maaaring ang sinaunang bayan ng Babilonia ang tinutukoy dito, sapagkat wala namang naitatag na Simbahan sa naturang bayan noong unang siglo. Sa Aklat ng Pahayag, ginamit ang pangalang Babilonia bilang patalinghagang tawag sa Roma (14: 8, 17: 5, 18: 2), kaya't maaari nating ipagpalagay na ang bayan ng Roma ang talagang tinutukoy ni San Pedro sa kanyang sulat.

    Hindi mahalaga kung nasa Biblia ba ito o wala, una, sapagkat hindi naman itinakda ng Diyos ang mga Banal na Kasulatan bilang tanging batayan ng lahat ng may kinalaman sa Pananampalataya, at pangalawa, mga pangyayari naman sa kasaysayan ang pinag-uusapan dito, at ito'y maaaring matukoy sa pamamagitan ng mga tradisyon, ng mga mananalaysay, at ng mga siyentipikong pagsasaliksik. [1-BUMALIK] [2-BUMALIK]
  3. Ang pinakamahalagang tungkulin ng Obispo ay ang "pagpapahayag ng Ebanghelyo". Ang mga Obispo ay "tunay na guro", na pinagkalooban ng kapangyarihan ni Kristo, na nangangaral sa pakikipag-isa sa Papa sa Roma. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, iginawad ni Kristo sa kanyang Simbahan, lalung-lalo na sa Kolehiyo ng mga Obispong nagtuturong kaisa ng Kahalili ni Pedro, ang Santo Papa, ang biyaya ng kawalang pagkakamali. Ang biyayang ito ay nagpapanatili sa Simbahan na malayo sa pagkakamali sa pagtuturo ng anumang ipinahayag ng Diyos tungkol sa pananampalataya at moral na pamumuhay. (KPK 1423)

    . . . Ang natatanging kaloob na ito ay tinatamasa ng Santo Papa sa Roma, dahil sa kanyang katungkulan bilang Punong Pastol at guro ng lahat ng mananampalataya, kapag ipinahahayag niya sa isang tiyak na pagkilos, ang isang doktrina tungkol sa pananampalataya at moral na pamumuhay. Ang kawalang pagkakamaling ito na ipinangako sa Simbahan ay nasa mga Obispo rin kapag, bilang isang kapulungan kaisa ng Kahalili ni Pedro, ay ginaganap nila ang kanilang pangunahing tungkuling magturo . . . (KPK 1424) [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Linggo, Pebrero 18, 2024

Mga Pagmumuni-muni #2


Image by Pedro Ivo Pereira Vieira Pedin from Pixabay

1:36 PM 2/17/2024

Ang Kahalagahan ng Iba't Ibang Reperensya sa Apolohetika

Sa apolohetika, mapapansin na gumagamit tayo ng iba't ibang reperensya, hindi lamang Biblia. Sumisipi tayo mula sa mga katesismo (gaya ng CCC at KPK) at sa mga dokumento ng Simbahan (gaya ng mga dokumento ng mga Konsilyo Ekumeniko, mga ensiklikal ng Santo Papa, mga sulat pastoral ng CBCP, atbp.), sa mga sinulat ng mga Ama at Doktor ng Simbahan, sa mga sinulat ng mga Santo at Santa, sa mga sekular na aklat gaya ng mga encyclopedia at mga aklat ng kasaysayan, at kung anu-ano pa. May iba't ibang dahilan sa kung bakit natin ito ginagawa:

  1. Para maipakita ang totoong aral ng Simbahang Katolika. May sariling pagkakaunawa ang mga di-Katoliko sa kung ano bang itinuturo ng Simbahang Katolika, at kadalasan, mali o kulang ang kanilang pagkakaunawa sa mga ito. Kung minsan nama'y may mga aklat na pang-Katoliko (palibhasa'y nagawaran ng imprimatur at/o nihil obstat) na nabibigyan ng mga maling interpretasyon, at kinakasangkapan ng mga anti-Katoliko para ipagpilitang itinuturo daw ng Simbahan ang isang aral na hindi naman talaga niya itinuturo. Napapawi ang mga problemang ito sa tuwing ginagamit nating reperensya ang mga opisyal na dokumento ng Simbahan.
  2. Para makapagbigay ng mga mas mapagkakatiwalaang saksi sa kung paano ba dapat inuunawa at isinasabuhay ang Pananampalatayang Katolika. Hindi naman lahat ng nagpapakilalang Katoliko ay maituturing na tunay at tapat na Katolikong Cristiano. Hindi lahat ng mga inaakala mong mabait ay mabait talaga, at hindi lahat ng mga inaakala mong matalino ay matalino talaga. Kung naghahanap ka ng tunay na halimbawa ng Katolikong kabanalan at karunungan, nariyan ang mga beato't beata, ang mga kanonisadong santo't santa, ang mga Church Fathers at Church Doctors. Mas mabisa at kapani-paniwala ang kanilang patotoo kaysa sa sinumang influencer, apolohista, teyologo, laykong mangangaral, o kung sino pa mang "sikat" na Katoliko sa ating kapanahunan.
  3. Para maipakita ang makasaysayang pinag-uugatan ng Katolikong relihiyon. Bakit ba natin sinisipi ang mga kasulatan ng mga Church Fathers? Ipinapantay ba natin sila sa mga Banal na Kasulatan ng Biblia? Hindi. Bagkus, itinuturing natin silang mga mapagkakatiwalaang saksi ng Pananampalatayang Cristiano noong kapanahunan nila, at sa gayo'y nagsisilbing katibayan na ang Katolikong Pananampalataya na ipinahahayag natin ngayon ay pareho lang sa kung ano ang ipinahahayag ng mga sinaunang Cristiano. Dahil kahit ipagpilitan pa ng isang di-Katoliko na may batayan daw sa Biblia ang kanilang anti-Katolikong paniniwala, kung hindi naman ito suportado ng alinmang sinulat ng mga Ama ng Simbahan, malinaw na ito'y isang makabagong interpretasyon lamang ng kanilang sektang humiwalay sa Simbahang Katolika.
  4. Para patunayan ang pagiging patas ng Katolikong panig. Sa tuwing ginagamit nating reperensya ang mga sekular na encyclopedia, aklat ng kasaysayan, atbp., hindi ito dahil itinuturing natin ang mga ito na lubos na mapagkakatiwalaang talaan ng mga katotohanan sa mundo. Bagkus, paraan lamang ito upang maipakita na wala tayong "sariling mundo" sa tuwing may mga bagay-bagay tayong ipinaliliwanag. Ang mga isinasalaysay natin ay tumutugma sa mga sinasabi ng mga walang-kinikilingang dalubhasa. Hindi natin hinihingi sa mga di-Katoliko na eksklusibo lamang na makinig sa atin; makapagtatanong sila sa ibang mga ekspertong di-Katoliko, at tiwala tayong makararating pa rin sila sa Katolikong konklusyon.

Iyan ang mga pangunahing dahilan. Ang problema, sa kagustuhan ng mga anti-Katoliko na ipagpilitan ang kanilang sariling interpretasyon sa Biblia, ang pinagbubuntungan nila ng atake ay ang paggamit natin ng iba't ibang mga reperensya para palitawing binabalewala daw natin ang Biblia bilang pamantayan ng mga katotohanang maka-Diyos. Palibhasa'y ibig ipagsiksikan sa atin ang erehiya ng Sola Scriptura, kaya't nadirimlan ang kanilang kaisipan at laging may malisyosong pananaw sa kahit na anong di-biblikal. Sa ganang atin, wala namang kailangang pagtalunan hinggil sa kung paano ba pinatutunayan ang mga katotohanan ng ating Pananampalataya:

"Tradition and Sacred Scripture are bound closely together and communicate one with the other. Each of them makes present and fruitful in the Church the mystery of Christ. They flow out of the same divine well-spring and together make up one sacred deposit of faith from which the Church derives her certainty about revelation."

CCCC 14

 


 

3:00 PM 2/17/2024

Ang Tunay na Pag-unawa sa Biblia: Pag-iwas sa Pagmamarunong

Nakayayamot sa tuwing may mga taong buong kayabangang magpapaliwanag sa iyo kung ano daw talaga ang "tunay na kahulugan" ng isang taludtod ng Biblia, subalit walang maipakitang mga batayan liban sa sariling pagmamarunong. At nakalulungkot dahil ito'y isang masamang pag-uugaling masusumpungan hindi lamang sa mga anti-Katoliko, kundi maging sa mga kapwa natin Katoliko. Kung iisipin, wala namang problema kung ibig ninumang magmarunong. Ang problema ay sa kung paano mo ipinatatalastas sa mundo ang pagmamarunong mo. Marerespeto ko pa ang isang anti-Katolikong sinisimulan ang kanyang pagpapaliwanag ng mga salitang "Sa palagay ko" o "Ayon sa itinuro sa amin," kaysa sa isang Katolikong kung umasta'y daig pa niya ang mga Bible scholars na gumugol nang maraming taon sa pag-aaral ng Biblia. Hindi ko sinasabing tanging mga Bible scholars lang ang may karapatang magpaliwanag sa Biblia, dahil kung magka-gayon, ako mismo'y walang karapatan sa mga ginagawa kong pagpapaliwanag sa website na ito. Ang punto ko, ang siyentipikong pag-aaral ng Biblia (alalaong baga'y biblical criticism) ay pormal na itinataguyod ng Simbahan, at sa gayo'y di natin dapat binabalewala. Mahalaga rin na nagagabayan tayo ng mga pagninilay na isinagawa ng mga Church Fathers, ng mga Church Doctors, at ng mga Santo at Santa sa tanang kasaysayan, dahil ang mga naturang pagninilay ang humubog at gumabay sa kanila sa tunay na Cristianong kabanalan. "Tantuin sana ninyo, bago ang lahat, na alin mang propesiya sa kasulatan ay hindi ipinaliliwanag ng sariling pagpapaliwanag, sapagkat ang propesiya ay hindi dinala ng kalooban ng tao, kundi sa udyok ng Espiritu Santo ay may mga taong banal na nagsalita sa kautusan ng Diyos." (2 Pedro 1: 20-21)

"Sacred Scripture must be read and interpreted with the help of the Holy Spirit and under the guidance of the Magisterium of the Church according to three criteria: 1) it must be read with attention to the content and unity of the whole of Scripture; 2) it must be read within the living Tradition of the Church; 3) it must be read with attention to the analogy of faith, that is, the inner harmony which exists among the truths of the faith themselves."

CCCC 19

 


 

10:36 AM 2/18/2024

Bakit "Ina ng Diyos" ang Dapat na Tawag kay Maria

Ano ba ang mas naaangkop na titulo sa Mahal na Birhen: Ina ng Diyos o Ina ni Cristo? Para sa akin, mas naangkop ang "Ina ng Diyos," sapagkat ang mismong diwa ng titulong "Ina ni Cristo" ay napapaloob na rito. Samantala, sa titulong "Ina ni Cristo," ang literal na kahulugan ng salitang "Cristo" ay "pinahiran ng langis," at wala itong sinasabi patungkol sa ➊ pagiging Diyos ng Anak, ➋ sa pagiging kaisa-sa-pagka-Diyos (consubstantial) ng Anak at ng Ama, ➌ sa pagkakatawang-tao (incarnation) ng Anak para sa ating kaligtasan, at ➍ sa pagkakaisa-nang-walang-pagkakahalo ng kalikasang pagka-Diyos at kalikasang pagka-tao sa iisang persona ng Panginoong Jesus (hypostatic union). Ang lahat ng ito'y magkakasamang naipahahayag sa tuwing tinatawag natin si Maria na "Ina ng Diyos," at sa gayo'y mas nakapagbibigay sa Panginoong Jesus nang mas higit na karangalan at karampatang pagpapakilala, at nagsisilbi ring simpleng pamamaraan ng pagpapahayag ng Mabuting Balita ng ating kaligtasan. Kaya naman, ang pagtanggi sa titulong ito ay tanda ng pagiging erehe, na sumasablay sa pagkakakilala sa Diyos, sa Panginoong Jesus, at sa hiwaga ng kanyang pagkakatawang-tao.

"Mary is truly the Mother of God because she is the Mother of Jesus. The One who was conceived by the power of the Holy Spirit and became truly her Son is actually the eternal Son of God the Father. He is God himself."

CCCC 95

Oo, si Maria ay tinatawag na "Ina ni Jesus." (Juan 2: 1, 3; Gawa 1: 14) Oo, siya'y tinatawag ding "Ina ni Cristo." (alam naman nating kabilang ito sa kanyang mga titulong binabanggit sa Litanya ng Loreto) At sa pagdaan ng panahon, habang patuloy na umuunlad ang Simbahan — sa patnubay ng Espiritu Santo — sa kanyang pananampalataya (Juan 16: 13; 1 Corinto 2: 6-16, 3: 1-2), gayon din ang kanyang mga pamamaraan sa pagpapahayag ng kanyang pananampalataya. Ang titulong "Ina ng Diyos" ay kabilang sa maraming bunga ng lehitimong pagunlad na ito, na bagama't di masusumpungan sa Biblia nang letra-por-letra ay talagang maituturing na isang napaka-biblikal na aral na marapat tanggapin ng bawat tunay na Cristiano, sa lalong ikararangal ng ating Panginoong Jesu-Cristo.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Biyernes, Pebrero 16, 2024

Mga Pagmumuni-muni #1


Image by Pedro Ivo Pereira Vieira Pedin from Pixabay

8:48 PM 2/13/2024

Ang Papel ng Santo Papa sa Pagpapanatili ng Kaisahan

Ipagpalagay nating mayroon na lamang tatlong obispo sa mundo, at ang isa sa kanila ay ang Santo Papa.

  1. Kung lahat silang tatlo ay lubos na nagkakasundo sa kanilang mga katuruan, halata naman na ang kanilang mga katuruan ay walang pagkakamali at marapat paniwalaan. Sa gayong perpektong sitwasyon, hindi kailangan ng pormal na deklarasyon ng Santo Papa, ni magpatawag ng isang Konsilyo Ekumeniko.
  2. Subalit paano kung may iisang sumasalungat? Ang opinyon ba ng dalawa ang dapat ituring na walang pagkakamali? Kung ang Santo Papa ang sumasalungat, siya ba ang dapat ituring na nasa tama dahil sa kanyang posisyon bilang Santo Papa?
  3. Paano kung lahat silang tatlo ay nagsasalungatan? Kanino tayo maniniwala? Sa Santo Papa ba? Sa kung sino ang pinaka-mabait, pinaka-matanda, pinaka-matalino, o kung ano pa man? Dadaanin na lang ba sa palabunutan sa kung kaninong katuruan ang mananaig? Kakailanganin ba nilang magpaligsahan hanggang sa may iisang matirang kampeon?

Hangga't ang Simbahang Katolika ay nasa mundong ito, hangga't ang sangkatauha'y nananatiling makasalanan at nagtataglay ng mga kahinaang dulot ng Salang Orihinal, hindi rin naman mawawala ang posibilidad ng mga sitwasyong #2 at #3. Bilang mga Katolikong Cristiano na kumikilala sa awtoridad ng mga obispo bilang tagapagturo ng pananampalataya at moral, labas sa mga posibleng solusyon ang pagbabalewala sa awtoridad ng mga obispo at pagpapaubaya sa kapasyahan ng mga layko kung ano ba ang dapat paniwalaan. Walang karapatan ang mga layko na pangunahan ang mga katuruan ng Simbahan.

May mga nagsasabing ang tanging mapagkakatiwalaang pamantayan ng di nagkakamaling katuruan ay ang mga Konsilyo Ekumeniko, at sa mga naturang konsilyo, ang kapasyahan daw ng nakararami ang mananaig. Yan ang nakikita nilang solusyon sa sitwasyon #2. Subalit paano sa sitwasyon #3? Paano kung imposibleng magkaroon ng isang mayoryang kapasyahan dahil bawat obispo'y di magkasundo? Isa pa, nakasalalay ba talaga ang katotohanan sa kapasyahan ng nakararami? "Is truth determined by a majority vote, only for a new 'truth' to be 'discovered' by a new majority tomorrow?" (Pope Benedict XVI)

"The Pope, Bishop of Rome and the Successor of Saint Peter, is the perpetual, visible source and foundation of the unity of the Church." (CCCC 182) Ang pagkilala sa awtoridad ng Santo Papa ang tanging mabisa't makatuwirang solusyon sa mga problema ng sitwasyong #2 at #3. Hangga't naninindigan ang dalawang obispo sa pangangailangan na laging maging kaisa ng Santo Papa, hindi sila gagawa ng anumang hakbang na sisira sa kaisahan ng Simbahan, kahit na mangyari pa ang sitwasyon #3. Bagkus, sisikapin nilang unawain ang panig ng Santo Papa, at sisikapin ding ipaunawa rito ang kanilang salungat na panig. At sakaling di magkaroon ng pagkakasundo, ipauubaya nila sa Santo Papa ang huling hatol. Sa gayon, may mabisang pamamaraan para tapusin ang mga pagkakaiba-iba sa doktrina. Nagiging posible ang isang tunay at mapagkakatiwalaang Konsilyo Ekumeniko. Maging ano pa mang suliranin sa pananampalataya at moral ang dumating, hindi nalalagay ang Simbahan sa kawalang-katiyakan.

 


 

4:42 PM 2/14/2024

Lucas 1:28: Patunay sa Walang-Dungis na Buhay ni Maria

May batayan ba sa Biblia ang aral na ang Mahal na Birheng Maria ay di kailanman nagkasala sa buong buhay niya? Oo, at ito'y pinatutunayan ng Lucas 1:28: "Magalak ka, puspos-ng-biyaya, ang Panginoon ay sumasaiyo." Sa orihinal na Griyego, ang mga salitang may salungguhit ay kecharitōmenē, na ang literal na kahulugan ay "babaeng na-grasya-han noon, at hanggang ngayo'y taglay pa rin ang grasyang tinanggap." Ito ang kanyang pagkakakilanlan sa harap ng Diyos, kaya't sa gayong taguri siya binati ni Anghel San Gabriel. Ipinahihiwatig nito na ang Mahal na Birhen ay hindi lamang pinagpala ng Diyos; siya'y pinamamalagian din ng naturang pagpapala. Hindi iyon kailanman nagkulang o nawala sa kanya, anupa't maituturing talaga siyang napupuno ng grasya. Kung magkagayon, nangangahulugan din na hindi siya kailanman nabahiran ng kasalanan, sapagkat kahit ang pinakamaliit na kasalanang benyal ay nakababawas sa grasya ng Diyos sa isang tao.

"By the grace of God Mary was kept free from every personal sin her whole life long. She is the one who is 'full of grace', 'the all holy'." (CCCC 97) Isa itong napaka-dakilang hiwaga na inihayag sa Annunciation, anupa't lubhang nagulumihanan ang Mahal na Birhen, hindi sa karaniwang nakasisindak na presensya ni Anghel San Gabriel (tingnan ang mga reaksyon nina Daniel at Zacarias: Daniel 8: 16-18; Lucas 1:11-12), kundi tanging sa mismong pagbati nito sa kanya (Lucas 1:29).

 


 

5:59 PM 2/16/2024

Ang Sinaunang Kaugalian ng Pananalangin sa Mahal na Birhen

Ayon sa mga dalubhasa, ang Sub Tuum Praesidium ang maituturing na pinakamatandang panalangin sa Mahal na Birhen, sapagkat matatagpuan ito sa isang manuskritong pinaniniwalaang nagmula noong c. 300 A.D. Subalit nangangahulugan din ba ito na noon lamang din nagsimulang manalangin sa Mahal na Birhen ang mga Cristiano? Iyan ay isang nagmamalabis na konklusyong udyok lamang ng anti-Katolisismo. Ika nga ni Carl Sagan, "Absence of evidence is not evidence of absence." Paano nakatitiyak ang isang anti-Katoliko na ang mga sinaunang Cristiano noong ikalawa at ikatlong siglo ay talagang di kailanman nanalangin sa Mahal na Birhen, gayong ito'y isang kaugaliang may matibay na pinagbabatayan sa Biblia? Isa pa, di ba nila napagtatanto na ang kanilang pangangatuwiran ay agad ding kumokondena sa kanilang kinabibilangang sekta? Sapagkat kung ang pananalangin kay Maria ay maituturing na "imbento" dahil lamang sa ang pinaka-matandang katibayan nito ay nagbuhat noong ika-apat na siglo, mas lalong dapat na ituring na imbento ang lahat ng mga di-Katolikong denominasyon at sekta na nagsilitawan sa mundo magmula noong ika-16 na siglo (at may ilan na nagsimula nang ika-20 siglo na, gaya ng "Iglesia ni Cristo" na itinatag noong 1914).

"Narito, mula ngayon ay tatawagin akong mapalad ng lahat ng sali't saling lahi, sapagkat gumawa sa akin ang Makapangyarihan sa lahat ng mga dakilang bagay." (Lucas 1: 48) "Mula ngayon," ang sabi ng Mahal na Birhen, hindi, "paglipas ng mga dalawa o tatlong siglo." Pinararangalan siya ng mga Cristiano nang siya'y kapiling pa nila sa daigdig, at patuloy na pinararangalan kahit na siya'y naiakyat na sa langit nang may katawan at kaluluwa. At nang ipahayag niyang siya'y tatawaging "mapalad" ng lahat ng sali't saling lahi, hindi ito paghahanap ng sariling kapurihan, kundi ➊ pagpaparangal sa Diyos na ginawan siya ng mga dakilang bagay, at ➋ pagpapahayag ng kanyang hangaring maglingkod sa kapuwa, sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga grasyang pumupuspos sa kanya sa sinumang lalapit at hihingi ng tulong niya. "Because of her singular cooperation with the action of the Holy Spirit, the Church loves to pray to Mary and with Mary, the perfect 'pray-er', and to 'magnify' and invoke the Lord with her. Mary in effect shows us the 'Way' who is her Son, the one and only Mediator." (CCCC 562)


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Huwebes, Pebrero 08, 2024

Bakit Bawal Mag-asawa ang mga Pari?

REVISED: 3:41 AM 5/10/2021 [REPOSTED]


Photo by Josh Applegate on Unsplash (edited)

"To praise celibacy is not to belittle the married state which is a holy institution. But it is the conviction of the teaching body of the Church, inspired by Sacred Scripture... and taught by experience that celibacy is not only a genuine alternative in Christian life but is that alternative in which the priestly ideal will be more perfectly and more effectively attained. So convinced, the Latin Church chooses her priests among those who commit themselves to a lifelong celibacy."

CATHOLIC BISHOPS' CONFERENCE OF THE PHILIPPINES
Statement on Priestly Celibacy, July 10, 1969

 

HINDI "BAWAL"

Sa katunayan, hindi isang lubos na "pagbabawal" ang alituntuning ipinatutupad sa Simbahang Katolika. Lamang, ang hangad ng Simbahan ay huwag pagsabayin ang pagtupad sa mga ➊ tungkulin ng isang lalaking may-asawa at ➋ at sa mga tungkulin ng isang Pari sa Simbahan, sapagkat ang parehong bokasyon ay nangangailangan ng lubos at habambuhay na paglilingkod.

Paano natin nasasabing ito'y hindi lubos na pagbabawal? Ito'y sapagkat maaari pa rin namang maordenahan ang mga lalaking may-asawa. Halimbawa, ipinahihintulot ng Simbahan ang pagkakaroon ng mga Paring may-asawa sa mga Uniate o Eastern Rite Churches, alinsunod sa kanilang mga sinaunang tradisyon. Maaari ding maordenahan sa pagka-Pari ang mga Paring Anglikanong may-asawa na nagbalik-loob sa Simbahan. May mga tanging pagkakataon din na ang isang Pari ay pinalalaya sa kanyang panata ng pagka-selibato kung may mabigat na dahilan para mag-asawa sila1 — ang may-kapangyarihang magkaloob nito ay ang Santo Papa. Ang di-pagaasawa ng mga Pari ay hindi isang "doktrina" kundi isang "disiplina" — isang batas na ipinatutupad batay sa mga pangangailangan/ikabubuti ng Simbahan, at maaaring baguhin/paluwagin alinsunod sa kapasyahan ng pamunuan ng Simbahan.

Sa panig ng mga may-asawang Paring Katoliko, sila'y nagpakasal muna bago inordenahan, at sila at ang kanilang pamilya ay may mga natatanging alituntunin at tradisyong sinusunod. Kalaunan, kung sila'y mabalo, hindi na sila maaaring mag-asawa ulit. Ang mga naturang Pari ay gumaganap ng kanilang tungkulin sa Simbahan nang naiiba sa karaniwang Pari, at gumaganap ng kanilang tungkulin sa kanilang asawa't mga anak nang naiiba sa isang karaniwang lalaking may-asawa. Habang napagsasabay nila ang dalawang bokasyon, hindi ito madali, at kinasasangkutan ng mga sakripisyo.

 

TUNGKULIN NG MAY-ASAWA

May mga tungkulin na dapat tupdin ang lalake sa kanyang asawa, sapagkat "hindi na ang lalaki ang may kapangyarihan sa sariling katawan kundi ang kanyang asawa." (1 Corinto 7: 3-4). "Ang pinagsusumakitan ng lalaking may-asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito, sapagkat ibig niyang makapagbigay-lugod sa kanyang asawa. Dahil dito'y hati ang kanyang pagmamalasakit." (1 Corinto 7: 33-34). Samakatuwid, magiging sagabal sa tungkulin ng pagpa-Pari ang pagkakaroon ng asawa, sapagkat sa halip na ituon niya ang kanyang buong panahon sa paglilingkod sa Simbahan, dapat din niyang ituon ang kanyang buong panahon sa pag-aasikaso sa kanyang sariling pamilya. Mas nararapat sa pagpa-Pari ang mga taong walang asawa sapagkat "Ang pinagsusumakitan ng lalaking walang asawa ay ang mga gawain ukol sa Panginoon, sapagkat ibig niyang maging kalugud-lugod sa Panginoon." (1 Corinto 7: 32). Kaya naman, ang Panginoong Jesus mismo, sa kanyang pagkakatawang-tao'y hindi nag-asawa. Hindi rin nag-asawa si Apostol San Pablo, at siya pa ngang nagsabi: "Mabuti ang magpakasal, ngunit lalong mabuti ang magpigil sa sarili at huwag mag-asawa." (1 Corinto 7: 38). Sa pagpili ng mga walang-asawang kaparian, pinipili ng Simbahang Katolika ang lalong mabuti para sa Simbahan.

Ano ang Kristiyanong bokasyon sa pag-ibig ng walang-asawa?
Ang pagkabirhen o di-pag-aasawa, kasama ang pag-aasawa ay dalawang paraan ng pagpapahayag at pagsasabuhay ng isang misteryo ng kasunduan ng Diyos sa kanyang bayan. Alang-alang sa Kaharian ng Diyos, malayang pinili ng mga pari, mga relihiyoso/relihiyosa at mga layko ang buhay na banal na buhay-pag-iisa upang manangan sa Panginoon at magbigay ng natatanging pagsaksi sa Muling Pagkabuhay at sa buhay sa kabila.

KPK 2011

 

KUNG SAGABAL, BAKIT MAY ASAWA ANG MGA APOSTOL?

Mahalagang linawin dito: Hindi sila nag-asawa nang sila'y mga Apostol na; sila'y may-asawa na bago sila naging mga Apostol. Bagama't may-asawa sina Apostol San Pedro at ang iba pang mga Apostol (1 Corinto 9: 5), iniwan naman nila ang lahat upang maiukol ang kanilang buong buhay sa paglilingkod kay Jesus at sa Simbahan (Mateo 19: 27; Marcos 10: 28; Lucas 18: 28). Dahil dito'y sinabi sa kanila ng Panginoon: "Walang taong nag-iwan ng tahanan, asawa, mga kapatid, mga magulang, o mga anak, dahil sa paghahari ng Diyos, na di tatanggap ng makapupung higit sa panahong ito, at ng buhay na walang hanggan sa panahong darating." (Lucas 18: 29-30; Mateo 19: 29; Marcos 10: 29-30). Ang sinomang tinawag ng Panginoon upang maglingkod sa kanya at sa kanyang Simbahan ay dapat talikdan ang lahat sa kanyang buhay alang-alang sa ikauunlad ng Kaharian ng Diyos. Sinabi pa rin ng Panginoon:

"Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko . . . hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman, kung hindi niya tatalikdan ang lahat sa kanyang buhay." (Lucas 14: 26, 33).

Upang matupad ang kagustuhan ng Panginoon, unti-unting nagpatupad ang Simbahan ng mga alituntuning humantong sa kasalukuyang alituntunin ng panata ng pagka-selibato ng mga Pari. Nagsimula ito sa pagpapatupad ng panata ng pagtitimpi (continence — di pamumuhay kasama ng kanilang asawa, at di pagsisiping). Ipinatupad ito ng Konsilyo ng Elvira (310 A.D.),2 sa dekreto ni Pope Siricius (385 A.D.) (Directa ad Decessorem), at sa Konsilyo ng Carthage (419 A.D.).3 Noong pamumuno ni Pope St. Gregory VII noong 1073-85, ipinagbawal na niya ang pag-aasawa ng mga Pari.4 Lalo itong itinaguyod sa Second Lateran Council noong 1139.5

 

1 TIMOTEO 3: 2, 12; TITO 1: 6 — "ASAWA NG ISA LAMANG BABAE"

Pansining mabuti ang tagubilin ni Apostol San Pablo tungkol sa mga pipiliing Obispo, Presbitero, at Diakono sa Simbahan. Sinabi niya na sila'y dapat maging "asawa ng isa lamang babae" (1 Timoteo 3: 2, 12; Tito 1: 6 Ang Biblia). Ito rin ang panuntunan para sa mga babaeng balo na nagtalaga ng sarili sa paglilingkod sa Simbahan: dapat sila'y "asawa ng isa lamang lalake" (1 Timoteo 5: 9). Sinabi rin ni Apostol San Pablo kay Timoteo na huwag niyang isasali sa talaan ng mga babaeng balo ang mga bata pa o wala pa sa edad na animnapu sapagkat baka hangarin nilang mag-asawa ulit at sa gayo'y masisira nila ang kanilang unang pangako (1 Timoteo 5: 11-12). Kung nakasisira sa kanilang unang pangako ang muling pag-aasawa, samakatuwid, ang mga pananalitang "asawa ng isa lamang babae"/"asawa ng isa lamang lalake" ay hindi tumutukoy sa pangangailangan o obligasyong mag-asawa, bagkus ito'y nangangahulugang isang beses lamang sila dapat mag-asawa:

  • Ang isang biyudo na nag-asawa ulit ay hindi maaaring maging Obispo, Presbitero, o Diakono.
  • Ang mga Obispo, Presbitero, Diakono, at mga babaeng lingkod ng Simbahan na may-asawa na, kapag sila'y nabalo, ay hindi na maaaring mag-asawa ulit.

Maliwanag namang itinuturo ni Apostol San Pablo na ang pag-aasawa ulit ng mga balo ay hindi masama (1 Corinto 7: 8-9). Nangangahulugan ito na ang kautusang ipinatutupad sa mga lingkod ng Simbahan — na sila'y dapat minsan lamang nag-asawa — ay hindi isang "karaniwang obligasyong moral" para sa lahat ng mga Cristiano, bagkus ay isang tanging alituntunin na ipinatutupad para lamang sa mga lingkod ng Simbahan. Bakit gayon? Ito'y dahil sa obligasyon sa ganap na pagtitimpi. Ang muling pag-aasawa ay nagpapatunay na ang isang tao ay walang kakayahang mamuhay sa ganap na pagtitimpi na hinihingi sa bawat lingkod ng Simbahan — hindi niya kayang sundin ang tagubilin ng Panginoon na talikdan ang lahat. Kung magagawa nilang magtimpi sa pagnanasang muling mag-asawa, mapatutunayan nilang sila'y talagang nararapat sa kanilang bokasyon. Hindi man halata sa biglaang pagbabasa, ipinakikita ng tagubiling "maging asawa ng isa lamang babae/lalaki" na ang mga Obispo, Presbitero, Diakono, at pati mga babaeng balong lingkod ng Simbahan ay may obligasyon sa buhay ng ganap na pagtitimpi — at ito ang siya namang ipinagpapatuloy ng Simbahang Katolika, at kanyang pinangangalagaan sa pamamagitan ng pagtatakda ng panata ng habambuhay na pagka-selibato.

Isang karaniwang maling akala na sa mga Simbahang Ortodoksa, di-umano, ang kanilang mga Pari ay pinahihintulutang mag-asawa, at wala silang anumang alituntuning nagtatakda ng buhay-selibato. Sa katunayan, ayon mismo sa isang Ortodoksong Obispo:

"Orthodox priests are divided into two distinct groups, the 'white' or married clergy, and the 'black' or monastic. Ordinands must make up their mind before ordination to which group they wish to belong, for it is a strict rule that no one can marry after he has been ordained to a Major Order. Those who wish to marry must do so before they are made deacon. Those who do not wish to marry are normally expected to become monks prior to their ordination; but in the Orthodox Church today there are now a number of celibate clergy who have not taken formal monastic vows. These celibate priests, however, cannot afterwards change their minds and decide to get married. If a priest's wife dies, he cannot marry again."

TIMOTHY WARE
The Orthodox Church. London: Penguin Books, 1963. p. 291.

 

HUMAHANTONG BA SA MGA KASALANANG SEKSUWAL ANG DI PAG-AASAWA?

Iyan ang malimit ipagpilitan ng mga anti-Katoliko, lalo na sa ating panahong may mga Paring nababalitang nasasangkot sa mga kasalanang seksuwal. Subalit taliwas sa kanilang sinasabi, ang hindi pag-aasawa alang-alang sa ikauunlad ng Kaharian ng Diyos ay napakabuti at kapuri-puri sa mata ng Diyos (Karunungan 3: 13-14). Ito'y isang kaloob na mula sa Panginoon (1 Corinto 7: 6). Ang totoong sanhi ng kasamaan ay ang hindi pagkilala sa Katotohanan:

"Sapagkat ayaw nilang kumilala sa Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa kanilang masamang pag-iisip at sa mga di tumpak na asal. Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kabuktutan, kasakiman, masasamang isip. Napuno sila ng pagkainggit at masasamang hangarin, nahumaling sa pagpatay, pagtatalo, at pagdaraya. Sila'y masisitsit, mapanirang-puri, napopoot sa Diyos, walang pakundangan, mapagmataas, mayayabang, mapagkatha ng kasamaan, mga suwail sa magulang, mga hangal, mga taksil, mga walang puso, at di marunong lumingap sa kapwa." (Roma 1: 28-31 basahin din: 1: 18-32)

HINDI BIBLIKAL at WALANG KATUTURAN na ibintang sa panata ng pagka-selibato ang pag-iral ng mga seksuwal na krimen. Hindi Biblikal, sapagkat malinaw na pinupuri ng Biblia ang di-pag-aasawa alang-alang sa ikauunlad ng Kaharian ng Diyos (Mateo 19: 11-12; 1 Corinto 7: 38). Walang katuturan, sapagkat ang mga kasalanang seksuwal ay kinasasangkutan din naman ng mga taong may-asawa, maging ng mga may-asawang pastor/ministro sa mga di-Katolikong simbahan at mga sekta.

Sinabi ng Panginoon: "Mayroon namang hindi nag-aasawa alang-alang sa ikauunlad ng paghahari ng Diyos. Ang makatatanggap ng simulaing ito ay tumanggap nito." (Mateo 19: 11-12) — may mga kalalakihan ngang tumatanggap nito, at sila ang pinipili ng Simbahan sa pagpa-Pari. Nakalulungkot na may ilan na matapos malayang ihandog ang sarili sa Simbahan ay nadadaig ng mga tukso kalaunan at nakagagawa ng mga kasalanang seksuwal. Hindi ang panata ng pagka-selibato ang problema rito, kundi ang napabayaang buhay-espirituwal ng mga naturang Pari. Sa kabilang banda, may mabigat na pananagutan din ang bawat Katoliko sa isyung ito: tungkulin nating ipanalangin ang lahat ng mga inordenahang ministro ng Simbahan, at tulungan sila sa anumang kaparaanan upang sila'y maging matatag at hindi mapanaigan ng mga pagsubok (Pope Paul VI, Sacerdotalis Caelibatus, 96-97.).

 

1 TIMOTEO 4:1-3 — "MGA ARAL NG DIYABLO"

"Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu: sa huling panahon, iiwan ng ilan ang pananampalataya. Susundin nila ang magdarayang espiritu at ang mga aral ng diyablo dahil sa panlilinlang ng mga sinungaling na ang mga budhi'y may tatak ng pagiging alipin ni Satanas. Ipagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos para kaining may pasasalamat ng mga sumasampalataya at lubos na nakauunawa ng katotohanan. Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti, at walang dapat ipalagay na masama. Lahat ay dapat tanggaping may pasasalamat sapagkat nililinis ito ng salita ng Diyos at ng panalangin." (1 Timoteo 4: 1-5)

"Ipagbabawal nila ang pag-aasawa"HINDI ITO TUMUTUKOY SA LAHAT NG URI NG PAGBABAWAL SA PAG-AASAWA, bagkus tumutukoy lamang ito sa mga taong nagbabawal sa pag-aasawa dahil sa paniniwalang masama ang pag-aasawa. Kaya nga't binigyang-diin ni Apostol San Pablo: Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti, at walang dapat ipalagay na masama. Malinaw naman na sa kanyang pagpapatupad ng panata ng pagka-selibato sa mga Pari, hindi minamasama ng Simbahang Katolika ang pag-aasawa at pakikipagtalik. Bagkus, hangad pa nga ng Simbahan na ang mga may-asawa ay makapaglaan ng karampatang panahon para sa kanilang pamilya, at ang mga Pari naman ay makapaglaan ng karampatang panahon para sa Simbahan. Ang bokasyon ng pag-aasawa at ang bokasyon ng pagpa-pari ay parehong napakabuti sa pananaw ng Simbahan, at nababatid niyang hinihingi ng parehong bokasyon ang mapanagutang paglilingkod nang buo at habambuhay.

Nakalulungkot lamang na sa 1 Timoteo 4: 1-5, ang tanging pinagtutuunan ng pansin ng mga anti-Katoliko ay ang "pagbabawal" sa pag-aasawa. Sa kanilang pananaw, basta nagkaroon ka ng anumang pagbabawal sa pag-aasawa, iyon ay aral na agad ng diyablo, at ikaw ay alipin na agad ni Satanas! Isang kabalintunaan lamang na ang tanging tinutuligsa nila ay ang panata ng pagka-selibato ng mga Pari, habang wala silang anumang negatibong pananaw sa iba pang mga lehitimo/makatuwirang pagbabawal. Halimbawa, anong masasabi nila sa mga sumusunod:

  • Hindi ba't "ipinagbabawal" din ng karamihan ang pagpapakasal ng magkaparehong kasarian?
  • Hindi ba't "ipinagbabawal" din ng lipunan ang pagpapakasal ng mga menor de edad?
  • Hindi ba't "ipinagbabawal" din ng lipunan ang pagpapakasal ng mga taong may asawa na?
  • Hindi ba't hindi kinikilala ng lipunan ang kasal ng tao sa hayop, ng mga napilitan lang (napikot, nagahasa, atbp.), ng mga naglihim ng kanilang pagka-baog o pagka-bakla, at ng mga may problema sa pag-iisip/pag-uugali (psychological incapacity)?
  • Hindi ba't "ipinagbabawal" din ng karamihan ang pag-aasawa nang marami (polygamy)?
  • Hindi ba't "ipinagbabawal" din ang pagpapakasal ng mga magkadugo (incest)?

Sa mga nabanggit sa listahan, sino namang anti-Katolikong hangal at mababaw ang pag-iisip, na sasabihan kang "alipin ni Satanas" kung sinusunod mo ang mga naturang pagbabawal? Kung katanggap-tanggap ang mga naturang pagbabawal at hindi nasasaklaw ng tinutukoy sa 1 Timoteo 4: 1-5, bakit ang panata ng pagka-selibato lamang ang tinutuligsa ng mga anti-Katoliko? Kinakasangkapan lamang ba nila ang naturang sipi, para ipagmatuwid ang kanilang di-Biblikal at di-makatuwirang pagtuligsa sa di pag-aasawa ng mga Pari? Bakit nga ba kailangang ipagpilitan na pag-asawahin ang mga lingkod ng Simbahan? Ano ba talaga ang tunay na motibo ng mga anti-Katoliko?

Sa Biblia nga mismo, sinasabing bawal mag-asawa ulit ang mga babaeng balo na nakatalaga sa paglilingkod sa Simbahan (1 Timoteo 5: 11). May mga sektang Protestante din na ipinagbabawal sa kanilang miyembro ang pag-aasawa ng di-kaanib ng denominasyon nila. May mga magulang na pinagbabawalan ang kanilang mga anak na mag-asawa hangga't di pa nakapagtatapos ang mga ito sa pag-aaral, o hangga't wala pa silang kakayahang magsarili, o hangga't hindi pa nila natutulungang makapagtapos ang kanilang mga kapatid, o kung may makatuwirang batayan upang pagdudahan ang integridad at kabutihang-loob ng taong nais mapangasawa ng anak nila, atbp. Ang mga ito'y halimbawa ng makatuwirang pagbabawal, isang maliwanag na indikasyon na hindi lahat ng pagbabawal sa pag-aasawa ay maituturing na "aral ng diyablo"! May nagbabawal sa pag-aasawa dahil hinahamak ang pag-aasawa, at mayroon namang nagbabawal sa pag-aasawa alang-alang sa mga mas mabubuting bagay.

"Sila ay hindi nadungisan sa mga babae, sapagkat sila ay mga birhen. Sila ang sumusunod sa Kordero saan man pumaroon."

PAHAYAG 14: 4





  1. "Having no doctrinal bearing in the Roman Catholic church, celibacy is regarded as a purely disciplinary law. A dispensation from the obligation of celibacy has occasionally been granted to ecclesiastics under exceptional circumstances, for instance, to provide an heir for a noble family in danger of extinction."
    ("Celibacy." Microsoft Encarta, 2009.) [BUMALIK]
  2. Council of Elvira, canon 33:
    "Bishops, presbyters, and deacons, and all other clerics having a position in the ministry, are ordered to abstain completely from their wives and not have children. Whoever, in fact, does this shall be expelled from the dignity of the clerical state." [BUMALIK]
  3. Council of Carthage —
    Canon 3:

    "Aurelius the bishop said: When at the past council the matter on continency and chastity was considered, those three grades, which by a sort of bond are joined to chastity by their consecration, to wit bishops, presbyters, and deacons, so it seemed that it was becoming that the sacred rulers and priests of God as well as the Levites, or those who served at the divine sacraments, should be continent altogether, by which they would be able with singleness of heart to ask what they sought from the Lord: so that what the apostles taught and antiquity kept, that we might also keep."
    Canon 4:
    "Faustinus, the bishop of the Potentine Church, in the province of Picenum, a legate of the Roman Church, said: It seems good that a bishop, a presbyter, and a deacon, or whoever perform the sacraments, should be keepers of modesty and should abstain from their wives.
    "By all the bishops it was said: It is right that all who serve the altar should keep pudicity from all women."
    [BUMALIK]
  4. Roman Council, 1074:
    "Those who have been advanced to any grade of holy orders, or to any office, through simony, that is, by the payment of money, shall hereafter have no right to officiate in the holy church. Those also who have secured churches by giving money shall certainly be deprived of them. And in the future it shall be illegal for anyone to buy or to sell.
    "Nor shall clergymen who are married say mass or serve the altar in any way. We decree also that if they refuse to obey our orders, or rather those of the holy fathers, the people shall refuse to receive their ministrations, in order that those who disregard the love of God and the dignity of their office may be brought to their senses through feeling the shame of the world and the reproof of the people."
    (SOURCE: https://sourcebooks.fordham.edu/source/g7-reform1.asp) [BUMALIK]
  5. Second Lateran Council, canon 7:
    "Adhering to the path trod by our predecessors, the Roman pontiffs Gregory VII, Urban and Paschal, we prescribe that nobody is to hear the masses of those whom he knows to have wives or concubines. Indeed, that the law of continence and the purity pleasing to God might be propagated among ecclesiastical persons and those in holy orders, we decree that where bishops, priests, deacons, subdeacons, canons regular, monks and professed lay brothers have presumed to take wives and so transgress this holy precept, they are to be separated from their partners. For we do not deem there to be a marriage which, it is agreed, has been contracted against ecclesiastical law. Furthermore, when they have separated from each other, let them do a penance commensurate with such outrageous behaviour." [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Sabado, Pebrero 03, 2024

Pagsamba kay Maria: Itinuro ba ng Vatican II?

Sa kabila ng tahasang pagtuturo ng Simbahan na ang Mahal na Birhen ay hindi sinasamba (adoration) kundi pinag-uukulan lamang ng pinakamataas na pamimintuho (hyperdulia), [1] patuloy pa rin ang mga anti-Katoliko — partikular sa hanay ng mga Protestanteng Pundamentalista — sa pamamaratang na talagang sinasamba natin siya. Hindi na ito isang kaso ng di pagkakaunawaan, kundi ng isang masamang pag-uugali na ang tingin sa Simbahang Katolika ay isang masamang relihiyon na lantaran tayong niloloko habang may-katusuhang nagtataguyod ng idolatria. Hindi na sila tinatablan ng paliwanag, [2] dahil ang anumang sasabihin mo ay ituturing nilang panlilinlang. Kaya naman, ang layunin ng munting apolohetikong ito ay hindi upang kumbinsihin ang mga anti-Katoliko na mali ang kanilang akala. Bagkus, nakatuon ang ating pagpapaliwanag sa kapwa natin Katoliko na maaaring maimpluwensyahan ng mga anti-Katoliko at maudyukang magduda sa kabutihan ng pagdedebosyon sa Mahal na Ina.

Pagdating sa mga katuruan ng Vatican II tungkol sa Mahal na Birhen, walang pakealam ang mga anti-Katoliko sa 17 talata ng Lumen Gentium na detalyadong nagpapaliwanag sa papel ni Maria sa Simbahan (talata 52 hanggang 69). Subalit habang sadyang nagbubulag-bulagan, isang himala na nakikita nila ang isang piling pangungusap sa talata #65, partikular sa isang di-kilalang salin-wika sa Ingles na inilimbag ng Costello Publishing Company noong 1992 (unang inilimbag noong 1975):

"Having entered deeply into the history of salvation, Mary, in a way, unites in her person and re-echoes the most important doctrines of the faith: and when she is the subject of preaching and worship she prompts the faithful to come to her Son, to his sacrifice, and to the love of the Father." (p. 420-421)

"...she is the subject of preaching and worship..." — Malinaw daw nitong pinatutunayan na, batay sa pormal na pagtuturo ng Vatican II, ang Mahal na Birhen ay talagang sinasamba natin. Paano natin ito ipaliliwanag?

  • Kung sasangguniin ang naturang sipi sa orihinal na Latin, ang salitang isinalin sa Ingles na "worship" ay "colitur," na bagama't sa karaniwang pananalita ay maaaring tumukoy sa pagsamba ("is worshipped"), ito ay may natatanging kahulugan sa teyolohikal na pananalita ng Simbahan. Kung talagang ang nais sabihin dito ay sinasamba si Maria, hindi "colitur" ang gagamiting salita kundi "adoratur" ("is adored").
  • Bagama't di maikakailang nakapagdudulot ng kalituhan (sa modernong pananaw), mapalalampas ng Simbahan ang paggamit dito ng salitang "worship" sapagkat mismong ang salitang ito ay may malawak na kahulugan na hindi naman eksklusibong tumutukoy sa pagsambang nauukol lamang sa Diyos. [3] Bilang mga Katoliko, nababatid natin na ang "pagsamba" ay may iba't ibang antas: (1) Latria (adoration) o ang lubos na pagpupuri at pagpapasakop sa kataas-taasang Diyos, at (2) Dulia (veneration) o ang malaking paggalang na nauukol sa mga anghel at mga Banal, alang-alang sa Diyos. Si Maria, dahil sa kanyang natatanging karangalan bilang Ina ng Diyos, ay pinag-uukulan ng pinakamataas na paggalang sa lahat ng mga Banal (hyperdulia). Sa panahon natin ngayon, napapawi ang kalituhan sa mga pananalita sa tuwing eksklusibong ginagamit ang salitang "pagsamba" patungkol sa Latria, habang "pamimintuho" naman patungkol sa Dulia.
  • Walang malisyosong motibo kung gamitin man ang mga salitang "worship" o "pagsamba" patungkol sa pamimintuho sa Mahal na Birhen sapagkat sa ganitong paraan, naipababatid natin na ito'y isang di tuwirang pagsamba sa Diyos mismo, at sa gayo'y hindi isang hiwalay na pagpaparangal na walang kinalaman sa relasyon natin sa Diyos. Ika nga ng Baltimore Catechism (na inaprubahan ng Simbahan noon pang 1885):
    331. Q. Does the first Commandment forbid the honoring of the saints?
    A. The first Commandment does not forbid the honoring of the saints, but rather approves of it, because by honoring the saints, who are the chosen friends of God, we honor God Himself.
  • Pansinin na sa opisyal na salin-wika sa Ingles ng Lumen Gentium na masusumpungan sa mismong opisyal na website ng Vatican, ganito ang aktuwal na sinasabi:
  • "For Mary, who since her entry into salvation history unites in herself and re-echoes the greatest teachings of the faith as she is proclaimed and venerated, calls the faithful to her Son and His sacrifice and to the love of the Father."

    Siyempre, walang pakealam dito ang mga anti-Katoliko, at para sa kanila, isa lamang daw itong palusot, at ang tanging totoong salin-wika sa Ingles daw ay yaong gumagamit ng salitang "worship." Pag-aaksaya ng panahon na kumbinsihin pa sila sa bagay na ito. Ang mahalaga ay hindi tayo nahahawa sa kanilang saradong pag-iisip. [2]

 


 

  1. "Placed by the grace of God, as God's Mother, next to her Son, and exalted above all angels and men, Mary intervened in the mysteries of Christ and is justly honored by a special cult in the Church... This cult, as it always existed, although it is altogether singular, differs essentially from the cult of adoration which is offered to the Incarnate Word, as well to the Father and the Holy Spirit, and it is most favorable to it... while the Mother is honored, the Son, through whom all things have their being and in whom it has pleased the Father that all fullness should dwell, is rightly known, loved and glorified and that all His commands are observed." (Vatican II, Lumen Gentium, 66) [BUMALIK]

  2. "...trying to talk the closed-minded person out of a closed mind is not likely to succeed. Arguing, trying to prove your points, these are methods that are likely to fail." (Andrea Matthews, "The Closed Mind: Why does it close, and how does it happen?" Psychology Today) [BUMALIK]

  3. Sa artikulo ng Catholic Encyclopedia hinggil sa Christian Worship, buong detalyeng naipaliwanag ang malawak na kahulugan ng salitang "worship" at kung paanong maaari din itong gamitin patungkol sa pamimintuho sa mga Santo at Santa. Nailimbag at naaprubahan ng Simbahan ang artikulong ito noon pang 1912 — alalaong-baga'y 80 taon bago pa umiral ang pinag-uusapan nating salin-Ingles ng Lumen Gentium #65 — kaya't hindi maaaring ikatwiran na kesyo ginawan lamang ito ng "palusot" ng Catholic Encyclopedia. [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Huwebes, Pebrero 01, 2024

Social Media


Image by William Iven from Pixabay

Dito sa Pilipinas, palibhasa'y libre tayong nakakapag-Facebook kaya't ito rin ang nagiging takbuhan ng marami sa paghahanap ng impormasyon kahit sa mga paksang relihiyoso. Kung sa bagay, maraming parokya na ang may "social media ministry" at gumagawa ng kanilang opisyal na presensya sa social media, gayon din ang ilang mga indibiduwal na obispo, pari, relihiyoso, laykong mangangaral, at ilang mga asosasyong pang-simbahan. Alinsunod na rin ito sa mga patnubay na itinuro mismo ng CBCP.

Ang problema, ang paggamit ng social media ay may mga kaakibat na elementong nakapag-papahamak ng kaluluwa kung hindi ka mag-iingat, kahit pa mga post na pang-Katoliko ang tinatangkilik mo:

  1. Kadalasan, mga pahapyaw na impormasyon lang ang ipino-post, kaya't nagiging sanhi ng mga sari-saring haka-haka, maling interpretasyon, at mga pagtatalu-talo. Hindi ito maiiwasan dahil mismong ang pagkaka-disenyo ng social media ay sadyang di naangkop sa mga mahahaba at detalyadong kapaliwanagan. Halimbawa, sa X (Twitter), pinakamainam na magpost ng 100 characters lamang. Sa Facebook, ang mga post na mas mababa sa 40 characters ang mas higit na pinapansin. Kahit na makapag-post ka pa ng isang pormal na sanaysay, iilan lamang ang talagang babasahin ito nang taimtim. Ang karamiha'y dadaanan lang ito nang mabilisan, at saka lalagpasan at kalilimutan para tingnan ang mga susunod na mas maiksi at nakaaaliw na post.
  2. Dahil wala namang pormal na tagasuri (censor) sa mga ipino-post sa social media, hindi rin nababawasan ang posibilidad na may maipost na maling impormasyon, kahit pa sa panig ng mga "opisyal" na account ng mga kleriko, relihiyoso, at laykong mangangaral. Kahit ang mga "opisyal" na Facebook page ng isang parokya ay maaaring maging kasangkapan sa pagpapakalat ng mga ideyolohiya, kaduda-dudang tradisyon, at mga pagtuturong may-kalabuan (kahit na tama at may mabuting intensyon ang post). Kung ang mga librong pang-Katoliko nga na dumaan na sa mga tagasuri ng Simbahan at nagawaran ng imprimatur at nihil obstat ay posible pa ring magdulot ng kalituhan, ang mga post pa kaya sa social media na mabilisa't malayang naipo-post nang di nangangailangan ng pormal na pahintulot?
  3. Sa mga comment section, malimit na napababayaan ang mga komentong mapanuligsa, eretiko, bastos, at iba pang ma-anomalyang pag-uugali. Maraming nahuhumaling na magbasa at makilahok sa mga komentong ito kaysa pag-aralan o pagnilayan ang mismong post. Madaling payuhan ang mga tao na huwag na lamang pansinin ang mga negatibong komento, subalit mahirap itong gawin dahil bahagi ng ating normal na sikolohiya na makisangkot at makipag-usap sa ating kapwa tao, sa social media man o sa totoong buhay.
  4. May mga pag-aaral na nagsasabing ang malimit na paggamit ng social media ay nagdudulot ng adiksyon, at aminado rito ang mismong dating executive ng Facebook na si Tim Kendall. Nangangahulugan ito na kahit magpost ka pa ng mga mabubuting bagay, kahit na sa palagay mo'y naitataguyod mo ang mga katotohanan ng Katolikong relihiyon, maituturing ka pa ring isang di-tuwirang kasangkapan ng digital addiction dahil nakadaragdag ka sa mga elementong naguudyok sa isang tao para manatiling nakatutok sa social media.

Bilang isang Katoliko, paano natin lulunasan ang mga naturang suliranin? Narito ang ilan sa aking mga maimumungkahi:

Sa mga nagpo-post:

  • Hindi naman kailangang pahabain ang mga post. Ang mahalaga'y ang bawat sinasabi natin ay kinakatigan ng Biblia, Tradisyon, at Mahisteryo (CCC 95). Lakipan ito ng talaan ng mga reperensya sa Biblia, sa mga Ama ng Simbahan, sa mga opisyal na katesismo, sa mga dokumento ng Simbahan, atbp.
  • Malibang tuwiran kang nagbabahagi ng link sa isang dokumento ng mahisteryo nang walang anumang kalakip na sariling komentaryo, o isa kang lehitimong laykong mangangaral (katekista, teyologo, propesor, atbp.) na nagbabahagi ng mga araling aktuwal na itinuturo sa mga silid-aralang pang-Katoliko, o di kaya'y isa kang obispo na pormal na nagsasagamit ng iyong katungkulan bilang tagapagturo ng pananampalataya at moral, maging mahigpit ka sa iyong sarili, at huwag ipagpapalagay ang sarili na marunong (Kawikaan 26: 12). Magbahagi ka kaysa magturo. Ituwid ang sarili bago ang iba. Higit sa lahat, lubos kang magpasakop sa awtoridad ng buhay na mahisteryo sa halip na maging kritiko nito batay sa iyong sariling interpretasyon sa mga katuruan ng Simbahan.
  • Maghigpit sa mga comment section, sa halip na pinababayaan na lamang itong putaktihin ng parehong mabuti, masama, at walang katuturang komento. Sa iyong mga post, mag-iwan ka ng mga tanong na ipasasagot upang magkaroon ng malinaw na direksyon sa anumang talakayang mamumuo. Burahin at i-block agad ang mga nagmumura, nagtataguyod ng erehiya, o nang-iiscam. Kung kinakailangan, i-disable na lang ang comment section, at anyayahan na lamang na magsend ng private message ang mga nais magtanong.
  • Ang bawat post ay dapat nilalakipan ng mga babala hinggil sa digital addiction. Paalalahanan ang mga tao na magbasa ng Biblia at katesismo, na magsimba, na gumawa ng kabutihan sa sariling tahanan o sa aktuwal na pisikal na sitwasyong kinalalagyan nila, na talagang magdasal sa halip na mag-comment lang ng "Amen" at mag- o mag-👍 lang sa mga post. Dapat mapa-alalahanan ang lahat sa kahalagahan ng pagiging Cristiano sa totoong buhay, hindi lang sa social media.
"Indeed, whether we choose to be explicit about our faith on social media platforms or not, all of us are called to ensure that our conduct online gives witness to Christian virtue. For example, if we share our Catholic faith with others online, but do so in ways that are not grounded in charity, prudence, and truth, we may end up doing harm rather than good."

CANADIAN CONFERENCE OF CATHOLIC BISHOPS
Let Your Speech Always Be Gracious, 6

Sa mga tumatangkilik sa mga post:

  • Kung may makikita kang magandang post, maging ito man ay isang panalangin, taludtod sa Biblia, pagninilay, kawikaan, balita, katuruan, o kung ano pa man, paglaanan mo ito ng kaukulang atensyon. Huwag kang makukunteto sa simpleng pag-👍, pag-, pag-Amen, o pag-share (na hahantong lang sa paghahanap ng panibagong post na mas makatawag-pansin). Isulat mo ito sa isang notebook, o i-copy sa isang notepad app sa iyong smartphone. Manalangin ka. Sumulat ka ng sarili mong pagninilay. Pag-aralan mo itong mabuti. Kung may mga reperensyang nakalagay, tingnan mo't basahin ang mga iyon. At kung gusto mo itong i-share, lakipan mo ito ng sarili mong pagninilay, sampu ng anumang naging bunga ng ginawa mong pagsasaliksik.
  • Maging mapanuri ka. Huwag kang agad-agad naniniwala o sumasang-ayon sa lahat ng post na mababasa mo, porke't itinatanghal ang mga iyon na pang-Katoliko. Hindi porke't pari, obispo, relihiyoso, o kilalang opisyal ng Simbahan ang nagpost ay agad-agad ka na lang sasang-ayon. Sundin lang lagi ang hirarkiya (bahagdan) ng awtoridad sa Simbahan, at tukuyin ang pagkakaiba ng opisyal na katuruan vs. pribadong opinyon. Sa apolohetika, kung di makatuwiran o walang basehan ang sinasabi ng apolohista, huwag mong sasang-ayunan ang sinasabi niya porke't pabor sa Simbahan ang post niya, dahil ang gayong klaseng apolohetika ay mas nakasisira sa Simbahan kaysa nakatutulong.
  • Huwag nang pansinin ang mga masasamang komento. Kung may mga komentong nangangailangan ng pagtutuwid, isumbong na lamang sa mismong admin ng page o group, at ipaubaya sa kanila ang nararapat gawin. I-block na lamang agad at huwag nang pag-aksayahan ng panahong reply-an o lagyan ng mga negatibong reaksyon (gaya ng 😡, 😆, at 😢). Kung idinidikta ng iyong budhi na may sabihin ka, gumawa ka ng sarili mong pagpapaliwanag sa sarili mong page.

    Mahalagang linawin kung ano bang ibig kong sabihin sa "masasamang komento." Hindi ito tumutukoy sa lahat ng mga komentong tutol sa isang pang-Katolikong post, kundi sa mga mayayabang, mahilig makipagtalo, palamura, bastos, sinungaling, hindi matinong kausap, isip-bata, atbp., kampi man sila sa mismong post o hindi. Wala kang anumang mai-rereply na makapagtutuwid sa mga ganyang klaseng tao, dahil libangan na nila ang gayong pag-uugali. Ginagatungan mo lamang ang kanilang kasamaan kung papansinin mo sila.

  • Huwag mong gawing pampalipas-oras ang social media, habang ginagawang palusot ang pagtingin-tingin sa mga post na relihiyoso. Bilang Katoliko, kailangan mo ba talagang malaman lahat ng balitang may kinalaman sa Simbahan? Kailangan mo ba talagang magkomento at makipag-diskusyon sa lahat ng relihiyosong post na makikita mo? Sapat na ang anumang balita o anunsyo mula sa iyong sariling parokya o diyosesis. Sapat na ang anumang sulat pastoral mula sa Santo Papa o sa CBCP. Huwag ka nang aktibong maghalungkat ng mga balita o tsismis malibang may isinasagawa kang pormal na pagsasaliksik. Ang libreng oras ay dapat ginugugol sa panalangin, paggawa ng mabuti, at pagpapaka-banal, hindi sa pagtutunganga sa social media na humahantong lang sa digital addiction.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF