Sa kabila ng tahasang pagtuturo ng Simbahan na ang Mahal na Birhen ay hindi sinasamba (adoration) kundi pinag-uukulan lamang ng pinakamataas na pamimintuho (hyperdulia), [1] patuloy pa rin ang mga anti-Katoliko partikular sa hanay ng mga Protestanteng Pundamentalista sa pamamaratang na talagang sinasamba natin siya. Hindi na ito isang kaso ng di pagkakaunawaan, kundi ng isang masamang pag-uugali na ang tingin sa Simbahang Katolika ay isang masamang relihiyon na lantaran tayong niloloko habang may-katusuhang nagtataguyod ng idolatria. Hindi na sila tinatablan ng paliwanag, [2] dahil ang anumang sasabihin mo ay ituturing nilang panlilinlang. Kaya naman, ang layunin ng munting apolohetikong ito ay hindi upang kumbinsihin ang mga anti-Katoliko na mali ang kanilang akala. Bagkus, nakatuon ang ating pagpapaliwanag sa kapwa natin Katoliko na maaaring maimpluwensyahan ng mga anti-Katoliko at maudyukang magduda sa kabutihan ng pagdedebosyon sa Mahal na Ina.
Pagdating sa mga katuruan ng Vatican II tungkol sa Mahal na Birhen, walang pakealam ang mga anti-Katoliko sa 17 talata ng Lumen Gentium na detalyadong nagpapaliwanag sa papel ni Maria sa Simbahan (talata 52 hanggang 69). Subalit habang sadyang nagbubulag-bulagan, isang himala na nakikita nila ang isang piling pangungusap sa talata #65, partikular sa isang di-kilalang salin-wika sa Ingles na inilimbag ng Costello Publishing Company noong 1992 (unang inilimbag noong 1975):
"Having entered deeply into the history of salvation, Mary, in a way, unites in her person and re-echoes the most important doctrines of the faith: and when she is the subject of preaching and worship she prompts the faithful to come to her Son, to his sacrifice, and to the love of the Father." (p. 420-421)
"...she is the subject of preaching and worship..." Malinaw daw nitong pinatutunayan na, batay sa pormal na pagtuturo ng Vatican II, ang Mahal na Birhen ay talagang sinasamba natin. Paano natin ito ipaliliwanag?
- Kung sasangguniin ang naturang sipi sa orihinal na Latin, ang salitang isinalin sa Ingles na "worship" ay "colitur," na bagama't sa karaniwang pananalita ay maaaring tumukoy sa pagsamba ("is worshipped"), ito ay may natatanging kahulugan sa teyolohikal na pananalita ng Simbahan. Kung talagang ang nais sabihin dito ay sinasamba si Maria, hindi "colitur" ang gagamiting salita kundi "adoratur" ("is adored").
- Bagama't di maikakailang nakapagdudulot ng kalituhan (sa modernong pananaw), mapalalampas ng Simbahan ang paggamit dito ng salitang "worship" sapagkat mismong ang salitang ito ay may malawak na kahulugan na hindi naman eksklusibong tumutukoy sa pagsambang nauukol lamang sa Diyos. [3] Bilang mga Katoliko, nababatid natin na ang "pagsamba" ay may iba't ibang antas: (1) Latria (adoration) o ang lubos na pagpupuri at pagpapasakop sa kataas-taasang Diyos, at (2) Dulia (veneration) o ang malaking paggalang na nauukol sa mga anghel at mga Banal, alang-alang sa Diyos. Si Maria, dahil sa kanyang natatanging karangalan bilang Ina ng Diyos, ay pinag-uukulan ng pinakamataas na paggalang sa lahat ng mga Banal (hyperdulia). Sa panahon natin ngayon, napapawi ang kalituhan sa mga pananalita sa tuwing eksklusibong ginagamit ang salitang "pagsamba" patungkol sa Latria, habang "pamimintuho" naman patungkol sa Dulia.
- Walang malisyosong motibo kung gamitin man ang mga salitang "worship" o "pagsamba" patungkol sa pamimintuho sa Mahal na Birhen sapagkat sa ganitong paraan, naipababatid natin na ito'y isang di tuwirang pagsamba sa Diyos mismo, at sa gayo'y hindi isang hiwalay na pagpaparangal na walang kinalaman sa relasyon natin sa Diyos. Ika nga ng Baltimore Catechism (na inaprubahan ng Simbahan noon pang 1885):
331. Q. Does the first Commandment forbid the honoring of the saints?
A. The first Commandment does not forbid the honoring of the saints, but rather approves of it, because by honoring the saints, who are the chosen friends of God, we honor God Himself. - Pansinin na sa opisyal na salin-wika sa Ingles ng Lumen Gentium na masusumpungan sa mismong opisyal na website ng Vatican, ganito ang aktuwal na sinasabi:
"For Mary, who since her entry into salvation history unites in herself and re-echoes the greatest teachings of the faith as she is proclaimed and venerated, calls the faithful to her Son and His sacrifice and to the love of the Father."
Siyempre, walang pakealam dito ang mga anti-Katoliko, at para sa kanila, isa lamang daw itong palusot, at ang tanging totoong salin-wika sa Ingles daw ay yaong gumagamit ng salitang "worship." Pag-aaksaya ng panahon na kumbinsihin pa sila sa bagay na ito. Ang mahalaga ay hindi tayo nahahawa sa kanilang saradong pag-iisip. [2]
- "Placed by the grace of God, as God's Mother, next to her Son, and exalted above all angels and men, Mary intervened in the mysteries of Christ and is justly honored by a special cult in the Church... This cult, as it always existed, although it is altogether singular, differs essentially from the cult of adoration which is offered to the Incarnate Word, as well to the Father and the Holy Spirit, and it is most favorable to it... while the Mother is honored, the Son, through whom all things have their being and in whom it has pleased the Father that all fullness should dwell, is rightly known, loved and glorified and that all His commands are observed." (Vatican II, Lumen Gentium, 66) [BUMALIK]
- "...trying to talk the closed-minded person out of a closed mind is not likely to succeed. Arguing, trying to prove your points, these are methods that are likely to fail." (Andrea Matthews, "The Closed Mind: Why does it close, and how does it happen?" Psychology Today) [BUMALIK]
- Sa artikulo ng Catholic Encyclopedia hinggil sa Christian Worship, buong detalyeng naipaliwanag ang malawak na kahulugan ng salitang "worship" at kung paanong maaari din itong gamitin patungkol sa pamimintuho sa mga Santo at Santa. Nailimbag at naaprubahan ng Simbahan ang artikulong ito noon pang 1912 alalaong-baga'y 80 taon bago pa umiral ang pinag-uusapan nating salin-Ingles ng Lumen Gentium #65 kaya't hindi maaaring ikatwiran na kesyo ginawan lamang ito ng "palusot" ng Catholic Encyclopedia. [BUMALIK]
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF