Image by Pedro Ivo Pereira Vieira Pedin from Pixabay
1:36 PM 2/17/2024
Ang Kahalagahan ng Iba't Ibang Reperensya sa Apolohetika
Sa apolohetika, mapapansin na gumagamit tayo ng iba't ibang reperensya, hindi lamang Biblia. Sumisipi tayo mula sa mga katesismo (gaya ng CCC at KPK) at sa mga dokumento ng Simbahan (gaya ng mga dokumento ng mga Konsilyo Ekumeniko, mga ensiklikal ng Santo Papa, mga sulat pastoral ng CBCP, atbp.), sa mga sinulat ng mga Ama at Doktor ng Simbahan, sa mga sinulat ng mga Santo at Santa, sa mga sekular na aklat gaya ng mga encyclopedia at mga aklat ng kasaysayan, at kung anu-ano pa. May iba't ibang dahilan sa kung bakit natin ito ginagawa:
- Para maipakita ang totoong aral ng Simbahang Katolika. May sariling pagkakaunawa ang mga di-Katoliko sa kung ano bang itinuturo ng Simbahang Katolika, at kadalasan, mali o kulang ang kanilang pagkakaunawa sa mga ito. Kung minsan nama'y may mga aklat na pang-Katoliko (palibhasa'y nagawaran ng imprimatur at/o nihil obstat) na nabibigyan ng mga maling interpretasyon, at kinakasangkapan ng mga anti-Katoliko para ipagpilitang itinuturo daw ng Simbahan ang isang aral na hindi naman talaga niya itinuturo. Napapawi ang mga problemang ito sa tuwing ginagamit nating reperensya ang mga opisyal na dokumento ng Simbahan.
- Para makapagbigay ng mga mas mapagkakatiwalaang saksi sa kung paano ba dapat inuunawa at isinasabuhay ang Pananampalatayang Katolika. Hindi naman lahat ng nagpapakilalang Katoliko ay maituturing na tunay at tapat na Katolikong Cristiano. Hindi lahat ng mga inaakala mong mabait ay mabait talaga, at hindi lahat ng mga inaakala mong matalino ay matalino talaga. Kung naghahanap ka ng tunay na halimbawa ng Katolikong kabanalan at karunungan, nariyan ang mga beato't beata, ang mga kanonisadong santo't santa, ang mga Church Fathers at Church Doctors. Mas mabisa at kapani-paniwala ang kanilang patotoo kaysa sa sinumang influencer, apolohista, teyologo, laykong mangangaral, o kung sino pa mang "sikat" na Katoliko sa ating kapanahunan.
- Para maipakita ang makasaysayang pinag-uugatan ng Katolikong relihiyon. Bakit ba natin sinisipi ang mga kasulatan ng mga Church Fathers? Ipinapantay ba natin sila sa mga Banal na Kasulatan ng Biblia? Hindi. Bagkus, itinuturing natin silang mga mapagkakatiwalaang saksi ng Pananampalatayang Cristiano noong kapanahunan nila, at sa gayo'y nagsisilbing katibayan na ang Katolikong Pananampalataya na ipinahahayag natin ngayon ay pareho lang sa kung ano ang ipinahahayag ng mga sinaunang Cristiano. Dahil kahit ipagpilitan pa ng isang di-Katoliko na may batayan daw sa Biblia ang kanilang anti-Katolikong paniniwala, kung hindi naman ito suportado ng alinmang sinulat ng mga Ama ng Simbahan, malinaw na ito'y isang makabagong interpretasyon lamang ng kanilang sektang humiwalay sa Simbahang Katolika.
- Para patunayan ang pagiging patas ng Katolikong panig. Sa tuwing ginagamit nating reperensya ang mga sekular na encyclopedia, aklat ng kasaysayan, atbp., hindi ito dahil itinuturing natin ang mga ito na lubos na mapagkakatiwalaang talaan ng mga katotohanan sa mundo. Bagkus, paraan lamang ito upang maipakita na wala tayong "sariling mundo" sa tuwing may mga bagay-bagay tayong ipinaliliwanag. Ang mga isinasalaysay natin ay tumutugma sa mga sinasabi ng mga walang-kinikilingang dalubhasa. Hindi natin hinihingi sa mga di-Katoliko na eksklusibo lamang na makinig sa atin; makapagtatanong sila sa ibang mga ekspertong di-Katoliko, at tiwala tayong makararating pa rin sila sa Katolikong konklusyon.
Iyan ang mga pangunahing dahilan. Ang problema, sa kagustuhan ng mga anti-Katoliko na ipagpilitan ang kanilang sariling interpretasyon sa Biblia, ang pinagbubuntungan nila ng atake ay ang paggamit natin ng iba't ibang mga reperensya para palitawing binabalewala daw natin ang Biblia bilang pamantayan ng mga katotohanang maka-Diyos. Palibhasa'y ibig ipagsiksikan sa atin ang erehiya ng Sola Scriptura, kaya't nadirimlan ang kanilang kaisipan at laging may malisyosong pananaw sa kahit na anong di-biblikal. Sa ganang atin, wala namang kailangang pagtalunan hinggil sa kung paano ba pinatutunayan ang mga katotohanan ng ating Pananampalataya:
"Tradition and Sacred Scripture are bound closely together and communicate one with the other. Each of them makes present and fruitful in the Church the mystery of Christ. They flow out of the same divine well-spring and together make up one sacred deposit of faith from which the Church derives her certainty about revelation." CCCC 14 |
3:00 PM 2/17/2024
Ang Tunay na Pag-unawa sa Biblia: Pag-iwas sa Pagmamarunong
Nakayayamot sa tuwing may mga taong buong kayabangang magpapaliwanag sa iyo kung ano daw talaga ang "tunay na kahulugan" ng isang taludtod ng Biblia, subalit walang maipakitang mga batayan liban sa sariling pagmamarunong. At nakalulungkot dahil ito'y isang masamang pag-uugaling masusumpungan hindi lamang sa mga anti-Katoliko, kundi maging sa mga kapwa natin Katoliko. Kung iisipin, wala namang problema kung ibig ninumang magmarunong. Ang problema ay sa kung paano mo ipinatatalastas sa mundo ang pagmamarunong mo. Marerespeto ko pa ang isang anti-Katolikong sinisimulan ang kanyang pagpapaliwanag ng mga salitang "Sa palagay ko" o "Ayon sa itinuro sa amin," kaysa sa isang Katolikong kung umasta'y daig pa niya ang mga Bible scholars na gumugol nang maraming taon sa pag-aaral ng Biblia. Hindi ko sinasabing tanging mga Bible scholars lang ang may karapatang magpaliwanag sa Biblia, dahil kung magka-gayon, ako mismo'y walang karapatan sa mga ginagawa kong pagpapaliwanag sa website na ito. Ang punto ko, ang siyentipikong pag-aaral ng Biblia (alalaong baga'y biblical criticism) ay pormal na itinataguyod ng Simbahan, at sa gayo'y di natin dapat binabalewala. Mahalaga rin na nagagabayan tayo ng mga pagninilay na isinagawa ng mga Church Fathers, ng mga Church Doctors, at ng mga Santo at Santa sa tanang kasaysayan, dahil ang mga naturang pagninilay ang humubog at gumabay sa kanila sa tunay na Cristianong kabanalan. "Tantuin sana ninyo, bago ang lahat, na alin mang propesiya sa kasulatan ay hindi ipinaliliwanag ng sariling pagpapaliwanag, sapagkat ang propesiya ay hindi dinala ng kalooban ng tao, kundi sa udyok ng Espiritu Santo ay may mga taong banal na nagsalita sa kautusan ng Diyos." (2 Pedro 1: 20-21)
"Sacred Scripture must be read and interpreted with the help of the Holy Spirit and under the guidance of the Magisterium of the Church according to three criteria: 1) it must be read with attention to the content and unity of the whole of Scripture; 2) it must be read within the living Tradition of the Church; 3) it must be read with attention to the analogy of faith, that is, the inner harmony which exists among the truths of the faith themselves." CCCC 19 |
10:36 AM 2/18/2024
Bakit "Ina ng Diyos" ang Dapat na Tawag kay Maria
Ano ba ang mas naaangkop na titulo sa Mahal na Birhen: Ina ng Diyos o Ina ni Cristo? Para sa akin, mas naangkop ang "Ina ng Diyos," sapagkat ang mismong diwa ng titulong "Ina ni Cristo" ay napapaloob na rito. Samantala, sa titulong "Ina ni Cristo," ang literal na kahulugan ng salitang "Cristo" ay "pinahiran ng langis," at wala itong sinasabi patungkol sa ➊ pagiging Diyos ng Anak, ➋ sa pagiging kaisa-sa-pagka-Diyos (consubstantial) ng Anak at ng Ama, ➌ sa pagkakatawang-tao (incarnation) ng Anak para sa ating kaligtasan, at ➍ sa pagkakaisa-nang-walang-pagkakahalo ng kalikasang pagka-Diyos at kalikasang pagka-tao sa iisang persona ng Panginoong Jesus (hypostatic union). Ang lahat ng ito'y magkakasamang naipahahayag sa tuwing tinatawag natin si Maria na "Ina ng Diyos," at sa gayo'y mas nakapagbibigay sa Panginoong Jesus nang mas higit na karangalan at karampatang pagpapakilala, at nagsisilbi ring simpleng pamamaraan ng pagpapahayag ng Mabuting Balita ng ating kaligtasan. Kaya naman, ang pagtanggi sa titulong ito ay tanda ng pagiging erehe, na sumasablay sa pagkakakilala sa Diyos, sa Panginoong Jesus, at sa hiwaga ng kanyang pagkakatawang-tao.
"Mary is truly the Mother of God because she is the Mother of Jesus. The One who was conceived by the power of the Holy Spirit and became truly her Son is actually the eternal Son of God the Father. He is God himself." CCCC 95 |
Oo, si Maria ay tinatawag na "Ina ni Jesus." (Juan 2: 1, 3; Gawa 1: 14) Oo, siya'y tinatawag ding "Ina ni Cristo." (alam naman nating kabilang ito sa kanyang mga titulong binabanggit sa Litanya ng Loreto) At sa pagdaan ng panahon, habang patuloy na umuunlad ang Simbahan sa patnubay ng Espiritu Santo sa kanyang pananampalataya (Juan 16: 13; 1 Corinto 2: 6-16, 3: 1-2), gayon din ang kanyang mga pamamaraan sa pagpapahayag ng kanyang pananampalataya. Ang titulong "Ina ng Diyos" ay kabilang sa maraming bunga ng lehitimong pagunlad na ito, na bagama't di masusumpungan sa Biblia nang letra-por-letra ay talagang maituturing na isang napaka-biblikal na aral na marapat tanggapin ng bawat tunay na Cristiano, sa lalong ikararangal ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF