"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Biyernes, Pebrero 16, 2024

Mga Pagmumuni-muni #1


Image by Pedro Ivo Pereira Vieira Pedin from Pixabay

8:48 PM 2/13/2024

Ang Papel ng Santo Papa sa Pagpapanatili ng Kaisahan

Ipagpalagay nating mayroon na lamang tatlong obispo sa mundo, at ang isa sa kanila ay ang Santo Papa.

  1. Kung lahat silang tatlo ay lubos na nagkakasundo sa kanilang mga katuruan, halata naman na ang kanilang mga katuruan ay walang pagkakamali at marapat paniwalaan. Sa gayong perpektong sitwasyon, hindi kailangan ng pormal na deklarasyon ng Santo Papa, ni magpatawag ng isang Konsilyo Ekumeniko.
  2. Subalit paano kung may iisang sumasalungat? Ang opinyon ba ng dalawa ang dapat ituring na walang pagkakamali? Kung ang Santo Papa ang sumasalungat, siya ba ang dapat ituring na nasa tama dahil sa kanyang posisyon bilang Santo Papa?
  3. Paano kung lahat silang tatlo ay nagsasalungatan? Kanino tayo maniniwala? Sa Santo Papa ba? Sa kung sino ang pinaka-mabait, pinaka-matanda, pinaka-matalino, o kung ano pa man? Dadaanin na lang ba sa palabunutan sa kung kaninong katuruan ang mananaig? Kakailanganin ba nilang magpaligsahan hanggang sa may iisang matirang kampeon?

Hangga't ang Simbahang Katolika ay nasa mundong ito, hangga't ang sangkatauha'y nananatiling makasalanan at nagtataglay ng mga kahinaang dulot ng Salang Orihinal, hindi rin naman mawawala ang posibilidad ng mga sitwasyong #2 at #3. Bilang mga Katolikong Cristiano na kumikilala sa awtoridad ng mga obispo bilang tagapagturo ng pananampalataya at moral, labas sa mga posibleng solusyon ang pagbabalewala sa awtoridad ng mga obispo at pagpapaubaya sa kapasyahan ng mga layko kung ano ba ang dapat paniwalaan. Walang karapatan ang mga layko na pangunahan ang mga katuruan ng Simbahan.

May mga nagsasabing ang tanging mapagkakatiwalaang pamantayan ng di nagkakamaling katuruan ay ang mga Konsilyo Ekumeniko, at sa mga naturang konsilyo, ang kapasyahan daw ng nakararami ang mananaig. Yan ang nakikita nilang solusyon sa sitwasyon #2. Subalit paano sa sitwasyon #3? Paano kung imposibleng magkaroon ng isang mayoryang kapasyahan dahil bawat obispo'y di magkasundo? Isa pa, nakasalalay ba talaga ang katotohanan sa kapasyahan ng nakararami? "Is truth determined by a majority vote, only for a new 'truth' to be 'discovered' by a new majority tomorrow?" (Pope Benedict XVI)

"The Pope, Bishop of Rome and the Successor of Saint Peter, is the perpetual, visible source and foundation of the unity of the Church." (CCCC 182) Ang pagkilala sa awtoridad ng Santo Papa ang tanging mabisa't makatuwirang solusyon sa mga problema ng sitwasyong #2 at #3. Hangga't naninindigan ang dalawang obispo sa pangangailangan na laging maging kaisa ng Santo Papa, hindi sila gagawa ng anumang hakbang na sisira sa kaisahan ng Simbahan, kahit na mangyari pa ang sitwasyon #3. Bagkus, sisikapin nilang unawain ang panig ng Santo Papa, at sisikapin ding ipaunawa rito ang kanilang salungat na panig. At sakaling di magkaroon ng pagkakasundo, ipauubaya nila sa Santo Papa ang huling hatol. Sa gayon, may mabisang pamamaraan para tapusin ang mga pagkakaiba-iba sa doktrina. Nagiging posible ang isang tunay at mapagkakatiwalaang Konsilyo Ekumeniko. Maging ano pa mang suliranin sa pananampalataya at moral ang dumating, hindi nalalagay ang Simbahan sa kawalang-katiyakan.

 


 

4:42 PM 2/14/2024

Lucas 1:28: Patunay sa Walang-Dungis na Buhay ni Maria

May batayan ba sa Biblia ang aral na ang Mahal na Birheng Maria ay di kailanman nagkasala sa buong buhay niya? Oo, at ito'y pinatutunayan ng Lucas 1:28: "Magalak ka, puspos-ng-biyaya, ang Panginoon ay sumasaiyo." Sa orihinal na Griyego, ang mga salitang may salungguhit ay kecharitōmenē, na ang literal na kahulugan ay "babaeng na-grasya-han noon, at hanggang ngayo'y taglay pa rin ang grasyang tinanggap." Ito ang kanyang pagkakakilanlan sa harap ng Diyos, kaya't sa gayong taguri siya binati ni Anghel San Gabriel. Ipinahihiwatig nito na ang Mahal na Birhen ay hindi lamang pinagpala ng Diyos; siya'y pinamamalagian din ng naturang pagpapala. Hindi iyon kailanman nagkulang o nawala sa kanya, anupa't maituturing talaga siyang napupuno ng grasya. Kung magkagayon, nangangahulugan din na hindi siya kailanman nabahiran ng kasalanan, sapagkat kahit ang pinakamaliit na kasalanang benyal ay nakababawas sa grasya ng Diyos sa isang tao.

"By the grace of God Mary was kept free from every personal sin her whole life long. She is the one who is 'full of grace', 'the all holy'." (CCCC 97) Isa itong napaka-dakilang hiwaga na inihayag sa Annunciation, anupa't lubhang nagulumihanan ang Mahal na Birhen, hindi sa karaniwang nakasisindak na presensya ni Anghel San Gabriel (tingnan ang mga reaksyon nina Daniel at Zacarias: Daniel 8: 16-18; Lucas 1:11-12), kundi tanging sa mismong pagbati nito sa kanya (Lucas 1:29).

 


 

5:59 PM 2/16/2024

Ang Sinaunang Kaugalian ng Pananalangin sa Mahal na Birhen

Ayon sa mga dalubhasa, ang Sub Tuum Praesidium ang maituturing na pinakamatandang panalangin sa Mahal na Birhen, sapagkat matatagpuan ito sa isang manuskritong pinaniniwalaang nagmula noong c. 300 A.D. Subalit nangangahulugan din ba ito na noon lamang din nagsimulang manalangin sa Mahal na Birhen ang mga Cristiano? Iyan ay isang nagmamalabis na konklusyong udyok lamang ng anti-Katolisismo. Ika nga ni Carl Sagan, "Absence of evidence is not evidence of absence." Paano nakatitiyak ang isang anti-Katoliko na ang mga sinaunang Cristiano noong ikalawa at ikatlong siglo ay talagang di kailanman nanalangin sa Mahal na Birhen, gayong ito'y isang kaugaliang may matibay na pinagbabatayan sa Biblia? Isa pa, di ba nila napagtatanto na ang kanilang pangangatuwiran ay agad ding kumokondena sa kanilang kinabibilangang sekta? Sapagkat kung ang pananalangin kay Maria ay maituturing na "imbento" dahil lamang sa ang pinaka-matandang katibayan nito ay nagbuhat noong ika-apat na siglo, mas lalong dapat na ituring na imbento ang lahat ng mga di-Katolikong denominasyon at sekta na nagsilitawan sa mundo magmula noong ika-16 na siglo (at may ilan na nagsimula nang ika-20 siglo na, gaya ng "Iglesia ni Cristo" na itinatag noong 1914).

"Narito, mula ngayon ay tatawagin akong mapalad ng lahat ng sali't saling lahi, sapagkat gumawa sa akin ang Makapangyarihan sa lahat ng mga dakilang bagay." (Lucas 1: 48) "Mula ngayon," ang sabi ng Mahal na Birhen, hindi, "paglipas ng mga dalawa o tatlong siglo." Pinararangalan siya ng mga Cristiano nang siya'y kapiling pa nila sa daigdig, at patuloy na pinararangalan kahit na siya'y naiakyat na sa langit nang may katawan at kaluluwa. At nang ipahayag niyang siya'y tatawaging "mapalad" ng lahat ng sali't saling lahi, hindi ito paghahanap ng sariling kapurihan, kundi ➊ pagpaparangal sa Diyos na ginawan siya ng mga dakilang bagay, at ➋ pagpapahayag ng kanyang hangaring maglingkod sa kapuwa, sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga grasyang pumupuspos sa kanya sa sinumang lalapit at hihingi ng tulong niya. "Because of her singular cooperation with the action of the Holy Spirit, the Church loves to pray to Mary and with Mary, the perfect 'pray-er', and to 'magnify' and invoke the Lord with her. Mary in effect shows us the 'Way' who is her Son, the one and only Mediator." (CCCC 562)


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF