"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Linggo, Setyembre 27, 2020

Arguelles: "Hindi na kailangan yang mask"

"As Catholics, we believe that God uses material instruments to bring to us His blessings and presence. This is the reason why we use material elements in our sacraments and sacramentals.
"The same material elements that bring us God's blessings are also subject to the broken nature of our fallen world. Science and our God-given reason demand that we use every means available to protect ourselves and our families against the spread of COVID-19 and any other disease. In the face of this world wide pandemic we are demanded to exercise vigilance as a Church, lest our churches become venues of transmission of the disease."

Archbishop ROMULO G. VALLES, D.D.
CBCP circular on public health emergency due to COVID-19

Nitong mga nakaraang araw, naging laman ng mga balita ang homiliya ng dating Arsobispo ng Lipa na si Ramon Arguelles. Itinuro daw niya na hindi na kailangan ang pagsusuot ng face mask at face shield, at ang pagsasagawa ng social distancing upang tayo ay makaiwas sa panganib na dulot ng COVID-19 pandemic. Sapat na daw ang pananampalataya natin sa Diyos at ang pagmamahal niya sa atin. Hindi na daw kailangan ang mga pag-iingat na ipinatutupad ng pamahalaan.

Tulad ng inaasahan naging tudlaan nanaman ang Simbahan ng mga pambabatikos, at muli nanamang lumutang ang di-umano'y "pagsasalungatan" ng agham at relihiyon, ang usapin hinggil sa "paghihiwalay" ng Simbahan at Estado, ang "kawalang-pakinabang" ng relihiyon sa mga malalaking problema ng lipunan, atbp. Buhat sa iilang siniping mga pahayag ng isang Obispo, muli nanamang kumatha ang mga anti-Katoliko ng isang di-makatotohanang imahen ng Katolisismo—isang imahen ng katangahan, kawalang-katuwiran, pagkasarado ng isip, panatikong pagkarelihiyoso, pangingialam at pagdudunung-dunungan sa mga usaping di saklaw ng relihiyon—lahat ng mga katangiang kasumpa-sumpa sa pananaw ng mga taong nag-aakalang mas mataas pa ang naabot nila kaysa sa Simbahang Katolika.

Kaya naman, kaysa umasa sa mga pahapyaw at pinagtagpi-tagping mga pahayag na mababasa o maririnig mo sa mga balita, minabuti kong panoorin sa Facebook page ng Archdiocese ng Lipa ang kabuuan ng naturang homiliya. At para matiyak sa aking sarili na talagang nakinig ako at naunawaan ko ang mga pinakinggan ko, pinagtiyagaan kong gumawa ng sarili kong transcript.

Matapos ang taimtim na pakikinig, at matapos kong maingat na i-type ang lahat, agad kong napagtanto ang tunay na sinasabi ng Obispo. Nang sinabi niyang "hindi na kailangan" ang face mask, face shield, at social distancing, ang tinutukoy niya ay ang batayan ng ating positibong pananaw sa buhay bilang mga Cristiano. Bakit nga ba ang isang Cristiano ay hindi dapat matakot sa mga pagtitiis, paghihirap, pagkakasakit, at kamatayan? Anong batayan ng pag-asa mo? Bakit ka hindi nababalisa sa buhay? Bakit hindi ka natatakot sa pandemya—dahil ba sa face mask mo? Ang ating batayan ay wala sa sanlibutang ito. Hindi natin kailangan ang anumang maiaalok ng sanlibutan sa atin. Ang tanging kailangan natin ay ang pagmamahal ng Diyos! Iyon ang punto ni Obispo Arguelles. Hindi siya nananawagan sa tao na suwayin ang mga pag-iingat na ipinatutupad ng pamahalaan. Hindi niya sinasabing magpakamatay na tayo. Hindi niya sinasabing ang relihiyon ay parang madyik na nagkakaloob ng proteksyon sa mga sakit. Bagkus, ipinaaala-ala niya sa atin ang napakahalagang diwa ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, na tila ba nakakalimutan na natin nang dahil sa nangyayaring pandemya.

Hindi naman kasi maikakaila na pinagharian na tayong lahat ng takot: takot na mamatay o mamatayan, takot na maghirap dahil sa kawalan ng hanapbuhay... At saan tayo dinala ng ating pagkatakot? Nabalewala na ang pagmamahal sa kapwa. Nabalewala na ang relihiyon. Nakuntento na tayo na maglayu-layo sa isa't isa. Nakuntento na tayo na huwag munang magsimba. Kung naglaan ng panahon ang lipunan para makagawa ng paraan na makapasok pa rin tayo sa trabaho, magkaroon pa rin ng mga pampublikong sasakyan para sa mga bumibiyahe, na makapagbukas pa rin ang ilang mga negosyo, na maipagpatuloy pa rin ang edukasyon ng mga kabataan, BAKIT WALANG NILALAANG PANAHON PARA GUMAWA NANG PARAAN NA MAKABALIK NA ANG LAHAT SA PAGSISIMBA? Bakit nakuntento na lang tayo sa gayong sistema, na 10% lang o 50% lang ang pwedeng sumimba, na hindi pa rin pwedeng magsimba ang mga matatanda, na bawal muna ang paghipo at paghalik sa mga relikya at banal na imahen, atbp.? Bakit hindi tayo gumawa ng paraan para maging ligtas ang pagsisimba para sa lahat? Bakit hindi gumawa ng paraan na maging ligtas ang pamimintuho sa mga relikya at banal na imahen? Bakit nakuntento na lang tayo na ipagsaisantabi ang ating mga katungkulan sa Simbahan? At kung sakali man na wala nga talagang paraan pa, bakit hindi man lang tayo nababagabag sa kalunus-lunos na kalalagayan ng ating mga kaluluwa? Bakit isang araw lang ang inilaan ng gobyerno sa pambansang pananalangin, gayong ang dapat nga'y araw-araw tayong magsumamo sa Panginoon, hanggang sa matapos ang krisis na ito?

Oo, may mga sinabi si Obispo Arguelles na mahirap paniwalaan at tila kalabisan na, gaya ng ang COVID-19 virus ay gawa daw ng tao, na ang ginagawang mga bakuna ay magiging pansamantala lang ang bisa, na imposible ka daw magkasakit sa loob ng Simbahan, na hindi ka mahahawaan ng sakit kahit iba't ibang tao ang humihipo sa isang banal na imahen o relikya... Batid naman nating mga Katoliko na ang karisma ng kawalang-pagkakamali ay tinatamasa lamang ng Simbahan sa iilang piling pagkakataon, gaya ng pormal na pagpapahayag ng dogma ng Santo Papa o ng isang Konsilyo Ekumeniko. Ang homiliya ng isang retiradong Arsobispo ay hindi nagtatamasa ng karisma ng kawalang-pagkakamali, kaya't kahit obligasyon nating respetuhin at pagnilayan ang kanyang mga sinasabi, dapat din tayong makinig at tumalima nang may pag-iingat. Pagdating sa mga katotohanan ng pananampalataya at moral ang MAHISTERYO ang may huling salita, hindi ang homiliya ng isang pari o obispo. Pagdating sa mga katotohanan ng agham, ang PAMAMARAANG SIYENTIPIKO (scientific method) ang tunay at tanging mapagkakatiwalaang batayan, hindi ang mga sabi-sabi at haka-haka ng kung sino pa man.

Taliwas sa pantasya ng mga anti-Katoliko, matapos ang homiliya, hindi naman parang mga baliw na panatikong nagsihubaran ng face mask at face shield ang mga maninimba. Hindi naman nila dinumog ang mga imahen at relikya sa Simbahan. Hindi naman sila nagyakapan. Nananatili silang nasa katinuan, taglay ang sentido komon at katuwirang kaloob ng Panginoon. Batid nila kung paano dapat tanggapin ang isang madamdamin at matalinghagang homiliya ng isang matandang obispo. Agad ding nilinaw ng Archdiocese na patuloy nilang pinaiiral ang mga pag-iingat na ipinatutupad ng pamahalaan. Sa bandang huli, tanging sa bangungot ng mga anti-Katoliko nagdulot ng malaking kapahamakan sa bansa ang mga pananalita ni Obispo Arguelles.

Wika ng Panginoon—at ito'y naririnig din natin dun sa mga nakikiisa, yung pinapagbago, pinabanal ng Panginoon na nagsasalita sa ngalan niya—"Lumapit kayo sa akin. Lumapit kayo sa akin". Sa panahong ito, sabi sa atin "Lumayo kayo kay San Padre Pio". "Lumayo kayo kay Jesus sa Eukaristiya." Kasi sinasara ang Simbahan. Kaunti lang ang papasok ng Simbahan.

Mabuti rin at... mabuti na lang at meron tayong social media. Pero hindi sapat yun eh. Hindi pwedeng magkomunyon. Hindi matatanggap ang Katawan at Dugo ni Cristo sa Sakramento ng Eukaristiya. Maraming mga namamatay hindi man lang napahiran ng Santo Olyo o sana'y hindi dapat namatay, nagpapagaling ang Santo Olyo, ang Sakramento ng Maysakit. Marami ang gustong magsisi hindi makapagkumpisal dahil "Huwag kayong pupunta ng Simbahan", "Social distancing". Masaklap, ano ho?

Ang sabi pa nga ng Panginoon—at sa pamamagitan ng mga banal kagaya ni San Padre Pio—"Kayong lahat, lumapit nagpapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, kayo'y pagpapahingahin ko". Ang Diyos ang nagbibigay talaga ng kapahingahan. Ang Diyos ang nagbibigay ng lunas. Ang Diyos ang sumasaklolo sa atin.

Pag tayo'y naparito, mahalaga tayong nagpupugay sa Banal na Santisimo. Nagpupugay tayo kay San Padre Pio na patron natin. At nandyan ang mga bahagi ng kanyang labi, mga relikya. Pero sana'y hindi rin nakakalimutan yung nakasulat dun. Nakalimutan na natin lahat ang mga ating natututunan pati kay San Padre Pio.

Sabihin lang natin: PRAY, HOPE, AND DON'T WORRY. Pakisabi nga? Pakisabi nyo nga ule? Isapuso natin yan. PRAY. HOPE. DON'T WORRY.

Umpisahan natin sa huli. Don't worry. Sabi ng Panginoon "Papapagpahingahin ko kayo, Sapagkat... ah... Matuto kayo sa akin". Hindi mag-aral, ang matuto. Ang mag-aral, sa kuwan lang yan sa kaisipan. Eh yung matuto, tularan natin siya. Saan? "Ako'y maamo, mababa ang loob." Bakit sabi matutunan natin ang kanyang kaamuan, kababaang-loob? Alam nyo, ang daming mayayabang ngayon. Madami ang mga palalo. Hindi yan ang Diyos. Yan ang nag-uutos sa atin "Huwag kayong sisimba". Sasabihin ba ay "Dahil may sakit eh". Ay di ba kaya napunta tayo sa simbahan ay para gumaling? Sabi nga ng doktor kapag wala na silang magawa dahil hanggang dun lang ang kaalaman ng...pah... ng ah... agham sabi "Father, take over. Ang Diyos na lang makatutulong".

Kaya tayo lahat naparito ay dahil sa Diyos, dahil sa mga malapit sa Diyos katulad San Padre Pio. Silang makatutulong. Hindi natin sinasabing walang kabuluhan yong tulong ng tao. Binigyan nga ng Diyos ang tao ng kakayahan eh na gumawa ng mga hakbang para supilin ang mga hindi tama. Kaya nga lamang maraming mga tao gumagawa ng hakbang para gawin yung mali. Diba ang tao ngayon may kakayahan na... yan "To improve our world", mas maganda dapat ang buhay, mas komportable? Pero gumawa din sila ng atomic bomb na daan-daang libo ang pinapatay. Gumawa din sila ng mga gamot para patayin pati mga batang nasa sinapupunan ng mga ina. Gumawa din sila ng mga bagay na nakasisira sa atin. Bakit? Ay sila yung palalo.

Maski yung gumawa ng virus tao yan hindi Diyos yan. Yan ay mga kalaban ng Diyos. Ang nagudyok sa kanila ay yung kaaway ng Diyos, ang pangala'y Satanas. Ang ibig sabihin lang naman ng "Satanas" ay "kaaway ng Diyos", "enemy of God". Ang sabi sa atin hindi natin alam kung tayo'y nagiging kasangkapan sa... "Sige sarhan mo na ang Simbahan. Huwag kayong pupunta ng Simbahan, kasi kailangan social distancing." Alam ninyo, kaya tayo napunta ng Simbahan ay para tayo magakapan, magkakapatid tayo, at ang una nating inaakap ay ang Diyos.

Hindi na kayo makahipo kay San Padre Pio. Pinagbabawal pati yan ng ibang pari. "Huwag kayong hihipo sapagkat baka may virus." Yon ay sapagkat hindi tayo nagtitiwala sa Diyos. Bakit sinabi diyan ni Padre Pio, pangatlo, "Don't worry"? Kayo ba'y nababahala na kapag humipo kayo dun sa paa ng banal eh ang naunang humipo diyan ay may ketong pati kayo ay keketongin? Walang nagkakasakit sa Simbahan. Hinahanap nati'y kagalingan.

Pati ngayon sabi "Huwag kayong magkokomunyon sa bibig, sa kamay lang, at kailangan ganyan-ganyan." Ang mahalaga ang puso mo ay naghihintay makaisa ang Diyos. Nakakalimutan natin yan... Ang daming instruction. Hindi tinapay yan, yan ay Katawan ni Cristo. Dapat yon ang sabihin lagi, idikdik lagi, "Ito'y Katawan ni Cristo! Sambahin natin yan." At ang kagandahan, ang Diyos mismo ang gustong manahan sa ating puso.

Kapag ang Diyos nasa atin, what have you to worry? Ano alalahanin natin? Kapag din tayo'y ang Diyos ay sasaatin tayo'y nagmamalasakit sa kapwa. Hindi na tayo makahipo. Magbebendisyon ang pari long distance. Bakit eh... Ya'y laying of hands. Nagpapagaling. Binibigay ang Espiritu Santo. Hindi masamang hipuin. Basta may... ang pananampalataya mo at ang pananampalataya ng pari ang kapangyarihan ng Diyos ang pumupunta sa tao.

Kaya nga ang Diyos eh nagkatawang-tao para tayo'y... ang katawan natin di gamitin sa masama kundi sa mabuti. Kaya tayo nagkakamay[an]... Bawal nga ngayon ang magkamay[an] ano? Ganon na, siko na? Tingnan mo... Kung minsan, hindi na... Wala nang contact. Alam nyo ang Diyos mismo nakipag-contact sa atin. Naging laman, para tayo'y makaisa. Ay kinatatakutan natin, "Don't Worry" sabi ni San Padre Pio. Si San Padre Pio nakaupo sa kompesyonaryo, iba't ibang tao ang nagkukumpisal sa kanya, hindi siya man lang natakot na magkasakit siya. Bakit? Alam niya, kapag nasa kompesyonaryo siya, hindi siya yon. Ang Diyos, si Jesus, ang nandodon. Hesus nagpapagaling, hindi lamang bagay... hindi lang katawan kundi ang kaluluwa.

Sabi ng Panginoon "Makasusumpong kayo ng kapahingahan sa inyong kaluluwa." Alam nyo ang unang paggaling, healing, ay sa kaluluwa. Kaya tayo maraming sakit eh. Sapagkat ang unang maysakit ang kaluluwa. Nandyan yung pagkamuhi, ang hatred. Katulad ng love, espirituwal yan. Pag wala kang love, wala kang... eh... wal... meron kang pagkamuhi, galit ka sa kapwa, pati sa Diyos galit ka.

Ay ang sabi natin dun sa Salmo Responsoryo "Ikaw lamang o Yahweh ang lahat sa aking buhay." Sabi natin "Diyos, ikaw ang aking kasiyahan." Sabihin nga natin yon, "Diyos, ikaw ang aking kasiyahan." Pakiulit nga. Bakit ko pinapaulit? Sapagkat sasabihin natin "Ah ang kasiyahan ko eh ang kuwan ang ah... gin. Ang kasiyahan ko ay San Miguel Beer. Ang kasiyahan ko ay yoong masasamang panoorin. Ang kasiyahan ko ay yoong ah mangapi ng kapwa. Ang kasiyahan ko ay magnakaw. Ang kasiyahan ko ay me... ay... yong aking kaluguran ng katawan." Ibig sabihin niyan, yan ang dahilan kung bakit parang meron tayong pandemic. Unang nagkakasakit ang kaluluwa.

Anong sabi ni Yahweh? "Huwag ipaghambog ng pantas ang kanyang kanurung... karunungan. Unang malakas ang lakas na taglay niya, niyang mariwasa ang kanyang kayamanan." Anong ipaghahambog natin? Si Yahweh. Si Yahweh ang gumagawa ng kabutihan, katarungan, katuwiran sa sanlibutan. Kung lahat tayo yan ang ating aasikasuhin, una, kikilalanin natin ang "Ito ang gusto ng Diyos eh". Yun lang naman ang kailangan eh—"Matuto kayo sa akin, tularan ninyo ako." Si Jesus na naging tao, tularan natin sapagkat siya lang ang magdadala satin sa Diyos. Ay ang Diyos ay kung nasa sa atin, ang Diyos ang pinanggagalingan ng lahat ng kabutihan, mabuti rin tayo. Ang lahat ng gawaing katuwiran, katarungan, lahat ay galing sa Diyos yan eh. Hindi yan galing sa tao. Yan ang dapat matutunan ng tao. Sa Diyos, Anak ng Diyos na naging tao. Yan ang nakakalimutan natin.

Ngayon kung halimbawa ang lahat ay tutulad kay Jesus, magmamahal kay Jesus, makikiisa kay Jesus, makakaisa din natin ang ating kapwa. Mamahalin natin. Pati yung nakasamaan ng loob sa atin... Si Padre Pio malaki ang paghihirap niyan eh. Ultimo sa kanyang kapwa pari, kapwa kapatid, pinahirapan siya eh. Ultimo ng Simbahan, matataas, mga kardenal, hindi siya pinaniwalaan. Malaki ang paghihirap niya. Pero, tiniis niya. At wala siyang masamang kaisipan sa kanila. Nagpatawad siya, ipinagdasal siya; ganun din dapat tayo eh. Kung ganyan tayo, nasa atin ang Diyos, ang lahat ng tao ay hindi natin kaaway, kahit may mga sumisira sa atin, ipinagdadasal natin sila. Sapagkat nagtiis din ang Panginoong Jesus sa kanila eh. Nagdanak din ng dugo para sa kaligtasan nila kaya't sila'y hinayaan. Dapat ang ating damdamin ay kapatawaran, kaayusan. Ay edi hindi tayo maguguluhan. We will be... We don't worry. Bakit we don't worry? Because we love. Una, nandyan ang Diyos na God is love, kapiling natin. At dahil ang Diyos ay nasa atin, ang kabutihan, bunga ng love yan. Kahit yung mga gumawa satin ng masama, mamahalin natin yan. Don't worry.

Ngayon kapag ganyan tayo, nasa atin ang Diyos, puros kabutihan ang lumalabas sa atin, kahit gumagawa rin tayo ng mabuti, dun sa gumagawa sa atin ng masama, we have hope. Ang mundo ay may kap... may... may... pag-asa. Alam nyo kapag merong mga tao na nababasa natin yan sa social media, noh, kasaysayan ng mga tao na gumawa ng mabuti, yung mga taong yan, nagbibigay ng pag-asa sa mundo. Pag may isang tao na nagbigay ng limos sa isang nagugutom, nagbigay ng pagkain, nagbigay ng tulong sa maysakit, dumalaw sa maysakit... Ngayon, di pwedeng dumalaw eh. Mga namatayan hindi nga pwedeng samahan man lang sa huling sandali ang kanilang mga minamahal eh. Ay tungkulin yan eh. Pagmamahal yan eh. Hindi tayo natatakot na "Baka ako ay mahawa". Hinde. "Ang mahalaga mahal ko yan", sabi. "Bakit nyo ako mahahawa nyan, kapatid ko yan, mahal ko yan?" Kung may ganyang mga tao, gumagawa ng mabuti, may pag-asa ang mundo.

Alam nyo, pag nakikita nyo ay puro masama—nagdedenggoyan, nagsasamantala sa isa't isa, nagpapatayan, kung minsan nga hindi nagpapatayan nagpapakamatay—walang pag-asa yon; they don't have hope. Bakit walang hope? Ay kasi wala yung pagkilala na mayroon palang nagmamahal sa atin. Meron palang gusto ay mabuti tayo, mapabuti tayong lahat. Meron palang Diyos. At alam nyo yung mga banal, yan ay mga larawan ng Diyos sa atin, nagpapaalala sa atin. Yang banal hindi lang yung mga banal na pumanaw na. Ngayo'y ikalab... limampu't dalawang taon nang paglisan sa mundong ito ni San Padre Pio... Hindi namatay; nasa buhay na walang hanggan. Nagmamalasakit parin para sa atin kaya sila'y banal eh. Pero may mga banal na kapiling pa natin. Sila ang nagpapakita sa atin na ang Diyos ay buhay. Sapagkat ang Diyos ay nananatili sa kanilang puso, at ang buong buhay nila ay paggawa ng mabuti. Sapagkat ang Diyos ang gumagalaw sa kanila. May pag-asa pag may taong mga gay-an. At dayet... tayo'y dapat ay mga taong ganyan.

Hindi lamang tayo dapat ay may pag-asa, kundi dapat tayo ang panggalingan ng pag-asa. We should be witnesses to hope. Dapat ipakita natin na may pag-asa ang mundo. Hindi kawawa ang mundo. Hindi gugunawin ang mundo. Walang sinira ang Diyos na kanyang ginawa. Ang sumisira ay demonyo, ang sumisira ay tayong mga kalaban ng Diyos. Nilalabanan natin ang Diyos, pero para sa kabutihan lagi ang gawain ng Diyos. Dapat tayo yan... Ngayon, paano tayo magiging ganyan? Pray. Pray. Magdasal tayo.

Anobang pagdadasal? Ay e di naniwala kang ang Diyos ay nandyan, kapiling mo. Narito siya sa sambanalang... Santisimo. Pag-uwi mo, dala mo siya. At dapat ay ibigay mo sa iyong mga kasama sa bahay. Pagpunta mo sa opisina dapat dala mo yan—ang Diyos na nagmamahal. Dapat dala mo ang pagmamahal ng Diyos sa kanila. Hindi tayo nagmamahal; tayo'y kasangkapan lang ng pagmamahal sapagkat ang Diyos lang ang pag-ibig. Kung tayo'y nasa Diyos, tayo'y magiging kasangkapan ng pag-ibig, kasangkapan ng Diyos.

Ngayon, kung hindi ka nagdadasal, hindi ka naniniwalang may Diyos... Alam nyo, maraming mga tao para makagawa ng masama, o sapagkat sila ay may masamang ginagawa, sabi nila "Walang Diyos". Kapag nga walang Diyos ay walang kabutihan, walang kap... walang pagmamalasakit sa isa't isa. Pero kung nariyan ang Diyos, nagbibigay tayo ng pag-asa, nagbibigay tayo ng ligaya, nagbibigay tayo ng aliw sa kapwa, sapagkat nakabubuti sa kanila ang lahat ng ginagawa natin. Iniisip natin, ginagawa natin, damdamin natin, salita natin, ay maka-Diyos. Natuto tayo kay Cristo. Tinuruan tayo ng kanyang pagiging tao. At yang pagtuturong iyan, kaisa tayo ng kanyang pagiging Diyos... patungo yan sa kaganapan ng pakikiisa sa Diyos.

Kaya pray. Ang pray ay tanda na tayo ay may pananampalataya. Faith yan eh, sinasabi lang naman ni San Padre Pio, "Faith, Hope, and love". Sabi ng... ni San Pablo eh pinakalaking... pinakadakila sa lahat eh, faith. Kung di ka nagdadasal, o kulang ang iyong pagdarasal, kulang ang pagkilala mo sa Diyos, wala kang faith. Mababaw ang iyong pananampalataya. Mahina.

Kung may faith tayo kapiling natin ang Diyos. Matulog man tayo o gising, ano man ang gagawin nating kabutihan, ang Diyos ay lagi nating kapiling, maligaya tayo. And we hope, may pag-asa, at may pag-asa ang tao. Maraming tao ang nagsabi niyan eh. Pag nakatagpo sila ng taong mabuti, naghahasik ng kabutihan, sabi, "Ay, may pag-asa ang mundo." Hindi talaga totally evil, hindi magugunaw ang mundo, sapagkat mabuti ang ginagawa—may mga tao na mabuti ang ginagawa. At kung may pag-asa... may pananampalataya may pag-asa, may pag-ibig. Pinaka... lahat... sa lahat ng ito pinakamahalaga ay pag-ibig, sabi ni San Pablo. At alam yon ni San Padre Pio.

At tayo'y nagmamahal kung alam nating mahal tayo ng Diyos, at tayo'y nagmamahal sa Diyos, nagmamahal sa nilikha ng Diyos pati ang kalikasan mahal natin, ang kapwa natin mahal natin, pati ang ating sarili mahal natin, ayon sa hindi makasariling pagmamahal—kung nasa atin ang pagmamahal na yan, you don't have to worry. Wala tayong alalahanin. Kahit wala kayong mask, hindi tayo takot. Tayo din nama'y mamamatay. Pero hindi kamatayan yan; pupunta tayo sa buhay na walang hanggan. Pero kung nagtutulungan tayo, nagmamahalan tayo, gumagawa ng mabuti, hindi na kailangan yang mask. Hindi na kailangan yang face shield. Hindi na kailangan ang distancing. Baket? Mahal tayo ng Diyos. At mahal natin siya, at mahal natin ang isa't isa. We will only do good.

Alam nyo yung mga gumaw... lumikha ng virus, sila rin lumilikha nuong... nuong... ah... bakuna. Vaccine. Pera yan eh. Pera. Pero marami diyang gamot na ordinaryo, sabi, binababa nila, sabi, "Oy, walang kwenta yan, may side-effect yan." Lahat naman ng gamot may side-effect. Ang isang say... ang side-effect eh maaaring good maaaring bad. Pero, gawa ng tao yan. At kung sila ay gumawa ng vacci... ng virus para patayin ang maraming tao, yang vaccine, na iiimpose sa atin, obligatory, yan ay... yan ay gag... siguro sasabihin, "Ah, magaling kayo for three years, for five years, pero after five years, manghihina din kayo. Patay din kayo." Baket? Ang purpose ng taong walang Diyos, at marami sa mga... sa ating... sinasabi ng Unang Pagbasa, Mula sa Propeta Jeremias, "Mga hambog, mga... mga naniniwala sa sariling karunungan, malakas ang taglay sa... sa sarili..." yung mga walang Diyos, ang hangad niyan ay masama sa kapwa tao. At anuman ang manggaling diyan ay masama.

Kaya lalong kailangan natin ang nasa panig tayo ng Diyos. At iyan ang kailangang ipanalangin, kailangan tayo ay may pag-asa, siya lang ang pag-asa natin at nagbibigay ng pag-asa di ba, at kailangan nariyan, nariyan ang tunay na pagmamahal. Yan ang turo ni San Padre Pio at ng lahat ng mga banal. Sapagkat ang turo ni Jesus, sabi niya, "Sumunod kayo sa akin. Sundin nyo ang aking ginagawa." Kung ganyan ang ginagawa natin, no fear. Sabi yan ni Cristo eh nung siya'y muling nabuhay. Bagama't tayo magsa... magtiis ng kataku-takot na tiisin, kung tayo'y nasa Diyos, "Do not be afraid", sabi niya. "Have no fear." Anong sabi niya? "I am. Nandyan ako sa inyo. Wala kayong sukat ikatakot."

Ang si... Ang Panginoon nating Tagapagligtas na nag-alay ng kanyang buhay para sa atin ay muling nabuhay, para tayong lahat umasa, tayo ay dadalhin niya sa kalagayang walang hanggang walang kamatayan... Kaayusan. He is the great healer. Kaya tayo tinawag ni San Padre Pio dito, kaya nagkaroon ng shrine dito, ito'y milagro din eh. Itong shrine na to, milagro din eh. Akalain mong magaling... yan, merong tayong tagpuan sa Diyos at kay San Padre Pio. Anong layunin niya? Halikayo, lumapit kayo. Huwag nyo harangan. Yan, buti may mga batang nakarini, bawal daw ang 21 years old and below. Atsaka yung matatandang katulad ko, ano, 60 years old and above, bawal daw. Bakit? Yung mga bata ang malapit sa Diyos. Yung mga matatanda malapit na sa Diyos. Ay bakit natin ilalayo? Sinong may kagagawan niyan? Eh di ang demonyo. At sa pagitan, hindi na kailangang lumapit, oh bakit maraming nasa pagitan ang between 21 and 60, ay abala sa mga pekeng diyos: trabaho natin, ambisyon natin, kaligayahan natin... Yan ang bihirang nagsisimba. Pero yung mga bata, gustung-gustong magpunta sa Diyos. Nakikita nila siya. Ang mga matatanda, dapat makita ang Diyos sapagkat malapit na rin silang bigyan ng buhay na walang hanggan katulad ng mga banal. Hindi dapat ilayo sila. Sila yung pag-asa ng in-between na nagtitiwala pa sa sarili at wala pang panahon para sa Diyos. Pero sana lahat ay sa... pumunta sa Diyos.

Yan. Ulitin natin. Ang sabi ni San Padre Pio, pagnilay-nilayan natin, ito'y galing sa Diyos. Anong sabi niya? PRAY, HOPE, DON'T WORRY.

MOST REV. RAMON ARGUELLES
homily, 23 September 2020


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Lunes, Setyembre 14, 2020

Ang Pagimbento sa Krus

Ayon sa tradisyon, noong ika-3 ng Mayo 326 A.D., naimbento ni Reyna Helena, ang ina ni Emperador Constantino, ang tunay na krus na pinagpakuan sa Panginoong Jesus. "Inimbento", sapagkat ang orihinal na kahulugan ng salitang Latin na inventio ay "pagtuklas" (to come upon, find, come across, discover). Kalaunan, inilipat sa ika-14 ng Setyembre ang paggunita sa araw na iyon.

Subalit iginigiit ng sektang "Mga Saksi ni Jehova" na talagang inimbento lang daw ng Simbahang Katolika ang krus, sapagkat ayon daw sa Biblia ang talagang pinagpakuan sa Panginoon ay isa lamang daw tuwid na poste. Hindi malinaw kung ano ba talagang gusto nilang sabihin dito. Katibayan ba ito ng "katangahan" ng Simbahang Katolika, na hindi marunong umunawa ng Biblia? Katibayan ba ito na ang Simbahang Katolika ay isa talagang "paganong relihiyon" na nagpapanggap na Cristiano, at may katusuhang ipinagpapatuloy ang mga sinaunang maling paniniwala? Isa lang ang malinaw sa akin: isa itong tusong pamamaraan para pagmukhaing katangi-tangi ang isang bagong litaw na sekta (nagsimula noong 1872), at sa gayo'y makapukaw sa interes ng mga Katolikong salat sa kaalaman. Isang kabalintunaan lang na sa pasimula'y wala silang reklamo sa krus, anupa't pinalamutian pa nila ng krus ang piramideng monumento ni Charles Taze Russell, ang pasimuno ng kanilang sekta.

Sa isa sa kanilang mga ipinamimigay na babasahin, may mababasang ganito:

"Si Jesus ay hindi namatay sa isang krus. Siya'y namatay sa isang haligi, o isang tulos. Ang Griegong salita na isinaling 'krus' sa maraming Biblia ay tumutukoy sa isa lamang piraso ng kahoy. Ang sagisag ng krus ay nagmula sa mga sinaunang huwad na relihiyon. Ang krus ay hindi ginamit o sinamba ng sinaunang mga Kristiyano." ("Mga Paniniwala at Kaugaliang Di-Nakalulugod sa Diyos", Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?, 2006. p. 23.)

Sinasabi nila ito batay lamang sa kanilang literal na pakahulugan sa salitang Griyegong stauros. Oo, ang krus ng Panginoon ay maituturing na isang poste (kaya't walang problema kung tawaging poste), at oo, gawa naman talaga ito sa kahoy (kaya't walang problema kung tawaging piraso ng kahoy), subalit hindi naman lahat ng poste o piraso ng kahoy ay mga tuwid na tulos na walang sanga. Mapapansin na sa mga sinaunang manuskrito ng Bagong Tipan, gumamit ang mga eskriba ng staurogram—isang simbolong daglat ng salitang stauros na nasa anyo ng isang krus (makikita sa mga manuskritong P66, P45, at P75). Mayroon ding mga katibayang arkeyolohikal tulad ng Alexamenos Graffito (mga ikalawa o ikatlong siglo A.D.) at Pozzuoli Graffito (mga una o ikalawang siglo A.D.) na malinaw na nagpapakita sa nasasakdal na nakapako sa isang krus, hindi sa isang tulos o haligi. Pinatototohanan din ng mga Ama ng Simbahan noong ikalawang siglo A.D.—ang manunulat ng Epistle of Barnabas, si St. Justin Martyr, Tertulian, at St. Irenaeus—na ang Panginoong Jesus ay talagang ipinako sa krus.

Oo, may mga simbolong pagano na kahugis ng krus, at sila'y may mga kaakibat na kahulugang pagano na maaaring maging taliwas sa ating relihiyon. Subalit dahil lang ba dito'y masama na ring gamitin ang krus bilang sagisag ng ating pananampalataya? Hindi ba't minsan nang binigyan ni Apostol San Pablo ng Cristianong kahulugan ang isang paganong altar (Gawa 17: 22-31)? Kung maaari itong gawin sa isang paganong dambana na sadyang nagpaparangal sa isang diyus-diyusan, anong pumipigil sa atin na gamitin din ang krus at bigyan din ito ng bagong kahulugan—kahulugang hindi nagpapaalaala ng anumang katuruang pagano, kundi ng mga katotohanan ng Pananampalatayang Cristiano?

"Sa ganang akin, wala akong ibang ipinagmamalaki kundi ang krus ng ating Panginoong Jesucristo."

(GALACIA 6: 14)


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Linggo, Setyembre 13, 2020

Mahirap Magpatawad


Photo by Artem Pechenkin on Unsplash

May isang hari na gustong kwentahin ang utang ng mga tauhan nya. Nung magsimula na syang maningil, isang tauhan ang dinala sa kanya. Milyun-milyong piso ang utang ng tauhan na to sa hari. Dahil walang pambayad, inutos ng hari na ibenta na lang sya, ang asawa at anak nya, at pati lahat ng properties nya bilang kabayaran. Lumuhod ang tauhan na to sa harap ng hari at nagmakaawa. "Bigyan nyo pa po ako ng panahon. Babayaran ko po lahat ng utang ko sa inyo," sabi nya. Naawa sa kanya ang hari kaya pinatawad ang mga utang nya at pinalaya sya.
Pero pagkaalis nung tauhan, nakita nya ang kapwa tauhan nya na may utang sa kanya na isang daang piso lang. Sinakal nya to at sinabi, "Bayaran mo yung utang mo sa akin!" Lumuhod yung kapwa tauhan nya at nagmakaawa sa kanya, "Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran din kita." Pero hindi sya pumayag. Pinakulong nya ang kapwa nya tauhan hanggang mabayaran nito yung utang sa kanya. Sumama ang loob ng ibang tauhan ng hari sa nangyaring yun, kaya pumunta sila sa hari at ni-report ang nangyari. Tapos, pinatawag ng hari ang unang tauhan. "Napakasama mong tauhan!" sabi ng hari. "Nagmakaawa ka sa akin kaya kinancel ko lahat ng utang mo. Naawa ako sayo. Di ba dapat naawa ka rin sa kapwa mo?" sabi pa ng hari. Galit na galit ang hari kaya inutos nya na pahirapan sa kulungan ang tauhan hanggang sa makabayad sa lahat ng utang.

(MATEO 18:23-34 PVCE)

KATESISMO PARA SA MGA PILIPINONG KATOLIKO

"...at patawarin mo kami sa aming mga sala para nang pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin..."

  1. Para Nang Pagpapatawad Namin sa Nagkakasala sa Amin. Mahalaga ang mga katagang ito para sa pag-unawa natin sa tunay na katangiang-likas ng kahilingan. Tila ipinapahiwatig ng mga salitang "tulad nang" na, una, dapat nating patawarin ang kapwa bago natin hingin ang kapatawaran ng Diyos, bilang pabuya. Hindi maaari ito sa dahilang sa pamamagitan lamang ng biyayang kaloob ng Diyos magagawa nating patawarin ang kapwa. Hindi kailanman "sumusunod" ang Diyos sa atin. Laging nauuna ang kanyang biyaya.
    Ikalawa, maaaring mangahulugan ang "tulad ng" na wala tayong karapatang hilingin sa Diyos na patawarin tayo hanggat hindi natin napapatawad ang kapwa. May katotohanan ito subalit di-wasto ang pagtingin sa mapagmahal na kaloob ng Diyos na kapatawaran bilang "mga karapatan". Hindi rin nito ipinaliliwanag nang sapat kung bakit mahigpit ang kaugnayan sa atin ng Diyos at ating pagpapatawad sa kapwa.
  2. Nasa talinghaga ng aliping di-marunong magpatawad ang susi sa wastong pakahulugan. Bagaman naaantig ang amo sa pagsusumamo ng kanyang aliping patawarin ang malaki nitong pagkakautang, hindi tinanggap ng alipin ang kaloob na kapatawaran. Sa halip, tinanggap niya iyon bilang bunga ng kanyang pagsusumamo. Kung kaya't nang nagsusumamo ang kanyang kapwa-alipin na bigyan niya siya ng isa pang pagkakataong bayaran ang maliit niyang pagkakautang, tumanggi ang aliping di-marunong magpatawad. Wala siyang karanasan sa pagtanggap ng kaloob na kapatawaran; pandaraya sa kanyang amo ang tanging nalalaman niya. Nang malaman ito ng amo, marapat lamang na ipasa niya ang aliping di-marunong magpatawad sa mga taong nagpapahirap sapagkat hindi kailanman tinanggap ng alipin ang kanyang kapatawaran.
  3. Tatlong mahahalagang katotohanan ang ipinapahayag ng talinghaga. Una, na nauuna ang pagpapatawad ng Diyos kaysa sa ating pagpapatawad. Ikalawa, na ang ating makataong pagpapatawad ay nakasalig sa pag-ibig ng Diyos sa atin at sa kanyang pagpapatawad sa ating mga kasalanan. Nagagawa nating magpatawad sa kapwa sapagkat pinatawad na tayo ng Diyos. Ikatlo, na nagiging tunay lamang ang pagpapatawad ng Diyos para sa atin kung tinatanggap natin ito at ginagawang bahagi ng ating pakikitungo sa kapwa.

Ang pagpapatawad ay kabilang sa mga pangunahing pagkakakilanlan ng isang Cristiano. Diyan tayo magaling, sa pagpapatawad. Subalit sa maraming pagkakataon, naiibang uri ng "kapatawaran" ang ating ginagawa. Inaapi ka na nga, lalo ka pang nagpapa-api. Ikaw na nga ang naperwisyo, ikaw pa ang humihingi ng paumanhin. Sinasaktan ka na't pinagsasamantalahan, subalit ikaw pa ang gumagalang at nagmamakaawa. Sa katunaya'y naging balintuwad na ang pakahulugan natin sa salitang "martir," na siyang naging karaniwang bansag sa mga taong tahimik na nagtitiis habang siya'y inaapak-apakan at yinuyurakan ang pagkatao. Bakit tayo ganyan mag-isip? Tinuruan ba talaga tayo ng Panginoon na huwag pahalagahan ang sarili? Siya ba'y kakampi ng mga walang-hiya?

"Kung sinampal ka sa kanang pisngi, ipasampal mo na din ang kaliwa" (Matthew 5:39 PVCE). Pero kung sa simula pa'y nasa ilalim ka na ng kapangyarihan ng kaaway mo, anupa't kung loloobin niya'y maaari ka niyang pagsasampalin sa parehong pisngi sa ayaw mo man o sa gusto, sa tingin mo ba'y kalugud-lugod pa rin sa Panginoon ang ginagawa mong pagpapasampal? Wala ka bang karapatang sawayin ang di makatarungang pananakit sa iyo? Hindi ba't nang may sumampal sa Panginoon, pinagsabihan niya ito: "Kung may sinabi akong mali, sabihin mo kung ano yun. Pero kung tama naman ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?" (John 18: 23 PVCE)? Bakit hindi niya ipinasampal ang kabilang pisngi niya? Bakit hindi siya nanahimik na lang?

Ang pagpapaubaya sa kaaway na binabanggit ng Panginoon ay tungkol sa mga sitwasyong (1) may kakayahan kang gumanti, ipagtanggol ang sarili, o tumakas, (2) sa pagpapasya mong mahalin, pagtiisan, at gawan ng mabuti ang nananakit sa iyo, at (3) sa pagtataguyod mo ng kapayapaan sa halip na karahasan. [1] "Mahalin nyo ang mga kaaway nyo, gumawa kayo ng mabuti sa mga nagagalit sa inyo. I-bless nyo ang mga sumusumpa sa inyo, at ipag-pray nyo ang mga nang-aapi sa inyo." (Luke 6:27-28 PVCE) Hindi sinabi ng Panginoon na kung may gumahasa sa iyo ay lalo mo pa siyang akitin at anyayahang gahasain ka pa nang paulit-ulit hanggang sa magsawa siya. Hindi sinabi ng Panginoon na kung hinoldap ka ay gawin mo na rin siyang tagapagmana ng mga ari-arian mo. Hindi sinabi ng Panginoon na ipagdasal mo pang maging "masayang pamilya" ang asawa mo at ang kabit niya. Hindi ka nagpapaubaya para maging tagapagtaguyod ng kasamaan. Hindi ka nagpapatawad para kunsintihin at pabayaan ang mali. Hindi mo ipagdarasal na nawa'y maging matagumpay ang mga krimen at karahasan sa mundo. Alalahanin mong ang pagsasakripisyong ginagawa mo ay para sa Diyos, hindi para sa diyablo.

Madaling magpatawad kung tulad ng hari, hindi man mabayaran ang milyun-milyong pisong utang sa kanya, ang mismong pagka-hari niya'y hindi nawawala. Bayaran man siya o hindi, nananatili ang kanyang kapangyarihan. Kung gugustuhin niya, maaari niyang ibenta o ipakulong ang tauhang hindi makabayad ng utang. Madali sa Diyos ang magpatawad, sapagkat kahit gaano man kalaki ang kasalanan laban sa kanya, hindi ito nakababawas sa kanyang pagka-Diyos. Iba ang sitwasyon natin, lalo na kung labis kang nasaktan at naperwisyo. Kung magpapatawad ka, tila ba muli mong inilalagay ang iyong sarili sa kapahamakan.

kadalasan, ang di pagpapatawad ay hindi naman talaga udyok ng galit kundi ng takot. Kung nagagalit ka man, mas nagagalit ka sa mga taong pinipilit kang "magpatawad"—silang mga hindi naman batid ang hirap na pinagdaanan mo, at ang lalakas ng loob na konsensyahin ka pa at sabihang "Kalimutan na ang lahat," "Bumalik na kayo sa dati," "Kasalanan ang di magpatawad," atbp. Sila'y mga bulag na taga-akay, na hindi nalalaman ang mga pinagsasasabi; mga bulaang propeta (na akala mo'y mga mapagkakatiwalaang "kinatawan" ng Diyos kahit mali-mali naman ang mga tinuturo), na nagtuturo ng masamang diwa ng "kapatawaran," at pawang walang pagpapahalaga sa dangal ng mismong biktima, sa pagtataguyod ng katarungan, at sa wastong pagpapakabuti.

Ang pagpapatawad sa kapwa ay hindi lang basta mahirap; ito'y IMPOSIBLE (CCC 2841). Kung inaakala mong sapat nang palipasin ang panahon para humupa ang mga sama ng loob, nagkakamali ka. Kung iniisip mong ang pagsusumikap sa buhay, pag-iisip ng mga positibong bagay, at paggawa ng mga bagay na nakaaaliw sa iyo ay makatutulong upang matuto kang magpatawad, nagkakamali ka. Huwag kang magreklamo kung sa kabila ng lahat ng ginawa mo para magbagong-buhay ay hindi ka pa rin mapatawad ng taong sinaktan mo. Ang pagpapatawad ay hindi tungkol sa pagsisikap ng tao na magpakabait. Hindi ito isang bagay na maaari mong ipagpilitan. Sapagkat "sa pamamagitan lamang ng biyayang kaloob ng Diyos magagawa nating patawarin ang kapwa" (KPK 2184).

Ito marahil ang dahilan kung bakit sa dinami-dami ng mga naiisip ng tao na pamamaraan para magkaroon ng kapayapaan sa mundo, isang simpleng solusyon ang iniaalok ng Mahal na Birhen ng Fatima: Magdasal ng Rosaryo araw-araw. Nakadepende kasi ang lahat sa Diyos. Humingi ka ng tawad sa mga kasalanan mo, at ihingi mo rin ng tawad ang kasalanan ng kapwa mo. Hilingin mo rin sa Kanya ang biyayang magpatawad ng kapwa. Kung nahihirapan kang magpatawad, magdasal ka. Kung hindi ka mapatawad ng pinagkasalanan mo, magdasal ka—Ipagdasal mo siya at ipagdasal mo ang sarili mo. Kung may kakilala kang di marunong magpatawad, ipagdasal mo siya at ang kaaway niya. Higit na mabisa ang dasal kaysa anumang pangangaral at pagpupunyagi, sapagkat ang pagpapatawad ay isang biyaya.

 


 

  1. Ayon sa komentaryo ng JB sa Mateo 5:39-40: "This deals with an injustice of which we ourselves are the victims: we are forbidden to resist it by returning evil for evil in the way laid down by the Jewish law of talio. Christ does not forbid us to resist unjust attack in due measure (Jn 18:22f), still less to strive to eliminate injustice from the world." [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Martes, Setyembre 08, 2020

Mas Pinagpala ka ba kay Maria?

Habang nagsasalita si Jesus, may babaeng sumigaw mula sa crowd, "Pinagpala ang babaeng nagbuntis at nag-alaga sayo!" Pero sinabi ni Jesus, "Mas pinagpala ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at sinusunod ito!"

(LUKE 11: 27-28 PVCE)

Ngayong ginugunita natin ang Kapistahan ng Pagsilang sa Mahal na Birheng Maria, hindi maiiwasan na may mga anti-Katolikong magrereklamo nanaman sa kung bakit "kailangan" nanaman daw parangalan ang Ina ng Panginoon sa halip na ang Panginoon na lang mismo. Kabilang sa mga paborito nilang sipi ay ang Lucas 11: 27-28, kung saan, di-umano, tahasang pinarangalan si Maria, at ito nama'y sinaway ng Panginoong Jesus, saka sinabing mayroon pang mas higit na mapalad. Pinatutunayan daw nito na walang espesyal sa Mahal na Birhen, na hindi siya kailangang parangalan, at tulad ng babaeng sinaway, ang tanang Simbahang Katolika na nagpaparangal kay Maria ay dapat ding sawayin!

Subalit ito nga ba ang nais ituro ng Panginoon sa atin? Hindi ba't sa mismong Ebanghelyo ni San Lucas din, malinaw na nasusulat ang mga natatanging karangalan ni Maria?

  • "Mary! Sobrang pinagpala ka! Kasama mo ang Panginoon!" (Luke 1: 28 PVCE)
  • "Pinagpala ka sa lahat ng mga babae, at pinagpala ang baby sa tiyan mo! Sino ba ako para dalawin ng nanay ng Panginoon ko? Nung marinig ko ang boses mo, tumalon sa tuwa ang baby sa tiyan ko. Pinagpala ka dahil naniwala ka na mangyayari ang sinabi sayo ng Panginoon." (Luke 1: 42-45 PVCE)
  • "Simula ngayon, tatawagin akong blessed ng lahat ng tao kasi gumawa ang Makapangyarihang Diyos ng mga dakilang bagay para sa akin." (Luke 1: 48-49 PVCE)

Mahalagang linawin natin: Bagamat binabanggit ang Mahal na Birhen sa Lucas 11: 27-28, hindi naman siya ang pinararangalan ng babae. Kapag may nagsabi sa iyo, "Ang swerte naman ng nanay mo dahil ikaw ang naging anak niya!", sino ba ang pinupuri—ang nanay mo ba, o IKAW? At kapag sinabihan mo yung tao na "Mas maswerte po yung mga taong nagsisikap sa buhay at walang mga bisyo!", nangangahulugan din ba na pinabubulaanan mo ang anumang maswerteng katayuan ng nanay mo?

Inakala ng babae na sapat na ang pagiging kapamilya ni Jesus—alalaong-baga'y kapamilya ayon sa pamantayan ng sanlibutan—para maging mapalad ang isang tao. Ang nakikita lamang niya kay Maria ay ang mga karaniwang gampanin ng isang ina sa anak (nagbuntis, nag-alaga), hindi ang kapuspusan sa biyaya at dakilang pananampalataya nito. Agad napansin ng Panginoong Jesus ang malaking pagkakamaling ito ng babae, kaya't siya'y sinaway, at saka ipinahayag ang tunay na batayan ng pagiging mapalad: "Mas pinagpala ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at sinusunod ito!"

Ang pagpaparangal sa Mahal na Birhen ay isang OBLIGASYON, sapagkat siya ang hinirang na Ina ng Simbahan. Dahil sino ba ang nanay ng mga "sumusunod sa mga utos ng Diyos at tapat sa katotohanan na ni-reveal ni Jesus"? Hindi ba't walang iba kundi ang nanay din ng Panginoong Jesus (Revelation 12: 17; John 19: 26-27)? Mas pinagpala siya sa ating lahat, at siya ang huwaran ng sinumang nakikinig at tumatalima sa mga Salita ng Diyos!


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Lunes, Setyembre 07, 2020

Bagamat Siya'y Diyos

Bilang mga Katolikong Cristiano sumasampalataya tayo na ang Panginoong Jesu-Cristo ay Bugtong na Anak ng Diyos, sumilang sa Ama bago pa nagkapanahon. Diyos buhat sa Diyos, Liwanag buhat sa Liwanag, Diyos na totoo buhat sa Diyos na totoo. Sumilang at hindi nilikha, kaisa sa pagka-Diyos ng Ama, at sa pamamagitan niya ginawa ang lahat (Kredo ng Nicaea). Kabilang sa mga itinuturing nating tahasang batayan ng aral na ito sa Biblia ay ang Filipos 2: 6-11, na kung babasahin ang pagkakasalin nito sa Magandang Balita Biblia, ay tila ba mabisang pinabubulaanan ang sinumang magsasabi na ang Panginoong Jesus ay "tao lang" (tulad ng iginigiit ng sektang "Iglesia ni Cristo").

bagamat siya'y Diyos, hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos,
Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos,
nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin.
Nang maging tao, siya'y nagpakababa at naging masunurin
hanggang kamatayan,
oo, hanggang kamatayan sa krus.
Kaya naman, siya'y itinampok ng Diyos at
binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
Anupat ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa
ay maninikluhod at sasamba sa kanya.
At ipapahayag ng lahat na si Jesu-Cristo ang Panginoon,
sa ikararangal ng Diyos Ama.

"Bagamat siya'y Diyos"—malinaw at tahasan, subalit kung susurii'y may mga kabalintunaan:

Una, kung Diyos ka, sino pa ang "Diyos" na sinasabing kapantay mo? Nangangahulugan ba na dalawa ang Diyos? Hindi tayo nababagabag dito, sapagkat namulat na tayo sa doktrina ng Santisima Trinidad—na ang iisang Diyos ay may tatlong magkakapantay na persona: Ama, Anak, Espiritu Santo. Subalit nakatitiyak ba tayo na ang doktrina nga ng Santisima Trinidad ang binabanggit dito ni Apostol San Pablo, lalo pa't dalawang persona lang naman ang pinag-uusapan dito?

Pangalawa, hindi ba't ang pagiging Diyos ay mangangahulugan na likas ka nang kapantay ng kapwa mo Diyos—na ito'y hindi mo na kailangang "ipilit" pa? Ang pagka-Diyos bang taglay niya ay isang katangiang kailangang ipilit para manatili sa kanya? At kung ito'y kailangan mo pang ipilit, ano ka ba talaga sa likas mong kalagayan? Ano ba talaga ang Panginoong Jesus?

Pangatlo, maaari bang "hubarin" ang pagiging Diyos? Maaari bang mawala ang pagka-Diyos ng Diyos kung gugustuhin niya? Maiuugnay natin ito sa hamon ng mga pilosopong ateista na buong katusuhang nagtatanong: Maaari bang lumikha ang Diyos ng batong may bigat na hindi niya kayang buhatin? Maaari bang gumuhit ang Diyos ng kuwadradong bilog?

Pangapat, ano ba talagang kahulugan ng "pagka-Diyos" na pinag-uusapan dito? Kung ang pagka-Diyos ng Panginoong Jesus at ang pagka-Diyos ng Ama ay maaaring maging magkapantay, nangangahulugan din ba na ang pagka-Diyos ng Ama ay kailangan ding "ipilit" para manatili, at maaari ding "hubarin" kung loloobin? Kung gayon, ano ba talaga ang Diyos? Saan napupunta ang pagka-Diyos na hinubad? Maaari bang mawala ang Diyos? Ano ang Ama kung wala ang pagka-Diyos niya?

Makabubuting sangguniin natin ang pormal na pagkakasalin nito sa New American Bible:

Who, though he was in the form of God
did not regard equality with God something to be grasped.
Rather he emptied himself, taking the form of a slave,
coming in human likeness; and found himself human in appearance,
he humbled himself, becoming obedient to death,
even death on a cross. Because of this, God greatly exalted him
and bestowed on him the name that is above every name,
that at the name of Jesus every knee should bend,
of those in heaven and on earth and under the earth,
and every tongue confess that Jesus Christ is Lord,
to the glory of God the Father.

"Though he was in the form of God"—hindi tuwirang sinabing siya'y Diyos, kundi nasa anyo ng Diyos. Ayon sa New Jerome Biblical Commentary, ang salitang Griyegong ginamit dito ay morphē, na ang ibig sabihi'y "mode of being or appearance from which the essential character or status of something can be known". Samakatuwid, ang talagang tinutukoy dito ay ang mga naoobserbahang katangian o pagkilos ng Panginoong Jesus na nagpapakilalang siya'y Diyos:

  • "Kung ako'y kilala ninyo, makikilala rin sana ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay nakikilala na ninyo siya at inyong nakita . . . Ang nakakikita sa akin ay nakakikita rin sa Ama . . . Sumampalataya kayo sa akin: ako'y sumasa Ama at ang Ama ay sumasaakin. Kung hindi naman, sumampalataya kayo pakundangan sa mga gawa ko." (Juan 14: 7, 9, 11)
  • "Siya ang larawan ng di-nakikitang Diyos, ang panganay ng lahat ng kinapal, sapagkat sa pamamagitan niya ay nilalang ang lahat ng bagay: ang nasa langit at sa lupa, ang mga nakikita at di-nakikita, ang mga trono, mga dominasyon, mga prinsipado, mga potesdad; ang lahat ng nilalang sa pamamagitan niya at dahil sa kanya. Siya ang una sa lahat ng bagay at sa kanya nakasalalay ang lahat" (Colosas 1: 15-17)
  • "Sa kanyang katawan ay puspusang nananahan ang buong pagka-Diyos at kayo ay napuspos sa kanya na pangulo ng lahat ng prinsipado at potesdad" (Colosas 2: 9-10)
  • "Palibhasa liwanag ng kanyang kaluwalhatian at larawan ng kanyang pagka-Diyos ang Anak na iyan na umaalalay sa sansinukob sa bisa ng kanyang salita" (Hebreo 1: 3)

Kung iisipin, lahat naman ng tao ay nilikhang "kalarawan" ng Diyos (Genesis 1: 26-27; 1 Corinto 11: 7), at pinapanibago niya ang ating pagkatao upang maging lalong kalarawan niya sa katarungan at kabanalan (Roma 8: 29; Efeso 4: 24). Subalit higit pa rito ang diwa ng "anyo ng Diyos" na taglay ng Panginoong Jesus. Walang sinumang tao ang makapagsasabing ang nakakita sa kanya ay nakakita na rin sa Diyos. Walang sinumang tao ang makapagsasabing siya ay sumasa-Diyos at ang Diyos ay sumasa-kanya. Walang sinumang tao ang makapagsasabing siya ang panganay ng lahat ng kinapal, at sa pamamagitan niya nilikha ang lahat ng bagay. Walang sinumang tao ang makapagsasabing siya ang liwanag ng kaluwalhatian ng Diyos, at siya ang umaalalay sa sansinukob sa bisa ng kanyang salita. Hindi ang dangal ng tao ang tinutukoy dito, kundi ang natatanging kaluwalhatiang taglay ng Anak sa piling ng Ama buhat pa sa walang hanggan: "Ama luwalhatiin mo ako sa harap mo ng kaluwalhatiang tinaglay kong kasama mo bago pa lalangin ang sanlibutan." (Juan 17: 5)

Ang naturang kaluwalhatian ang naglalagay sa kanya sa katayuang kapantay ng Diyos (Juan 5: 18), alalaong-baga'y kapantay sa karangalang marapat iukol sa kanya ng sanlibutang nilikha sa pamamagitan niya (Juan 1: 9-11). "Sumasampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya rin kayo sa akin" (Juan 14: 1). Marami sa mga nakasalamuha ang Panginoong Jesus ay nakita ang "anyo ng Diyos" sa kanya, at napagtantong siya'y hindi basta tao lang, kundi higit pa:

  • "Nakita" ito ni Sta. Isabel nang siya'y dalawin ng Mahal na Birhen (Lucas 1: 39-45)
  • "Nakita" ito ng mga Mago na nagpatirapa at sumamba sa kanya (Mateo 2: 11)
  • "Nakita" ito ng propetang si Simeon nang siya'y sanggol na dinala sa Templo (Lucas 2: 25-36)
  • "Nakita" ito ni San Juan Bautista nang si Jesus ay magpabinyag (Mateo 3: 13-16)
  • "Nakita" ito ng mga Apostol sa iba't ibang pagkakataon: sa kanyang mga himala, pagbabagong-anyo, at sa kanyang muling pagkabuhay (Mateo 17: 1-8; Lucas 5: 4-11; Marcos 4: 35-41; Juan 20: 26-29)
  • "Nakita" ito ng lalaking bulag na pinagaling niya (Juan 9)
  • "Nakita" ito ng senturyon at ng mga kasama niyang nagbabantay sa Panginoon nang ito'y mamatay sa krus, anupa't nasabi nila: "Tunay na Anak ng Diyos ang taong ito!" (Mateo 27: 54)

Ang karangalan ng pagka-Diyos nga ang kanyang "hinubad". Siya'y nagkatawang-tao at namuhay na isang tao. Hindi niya ipinahayag ang sariling kaluwalhatian, bagkus hinayaan niyang ang Ama ang lumuwalhati sa kanya. Nang ipahayag ni San Pedro, "Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay" (Mateo 16: 16), nilinaw ng Panginoong Jesus na ang nagpahayag nito kay San Pedro ay ang Ama (Mateo 16: 17). Ito ang kababaang-loob ng Anak ng Diyos na ibig ni Apostol San Pablo na tularan natin. Huwag mong ipangalandakan ang sarili mong kapurihan. Ipaubaya mo ang lahat sa Diyos—hayaan mong ang Diyos ang magtaas sa iyo. Bagamat siya'y Diyos, siya'y nagpakababa at naging masunurin.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF