Habang nagsasalita si Jesus, may babaeng sumigaw mula sa crowd, "Pinagpala ang babaeng nagbuntis at nag-alaga sayo!" Pero sinabi ni Jesus, "Mas pinagpala ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at sinusunod ito!"(LUKE 11: 27-28 PVCE)
Ngayong ginugunita natin ang Kapistahan ng Pagsilang sa Mahal na Birheng Maria, hindi maiiwasan na may mga anti-Katolikong magrereklamo nanaman sa kung bakit "kailangan" nanaman daw parangalan ang Ina ng Panginoon sa halip na ang Panginoon na lang mismo. Kabilang sa mga paborito nilang sipi ay ang Lucas 11: 27-28, kung saan, di-umano, tahasang pinarangalan si Maria, at ito nama'y sinaway ng Panginoong Jesus, saka sinabing mayroon pang mas higit na mapalad. Pinatutunayan daw nito na walang espesyal sa Mahal na Birhen, na hindi siya kailangang parangalan, at tulad ng babaeng sinaway, ang tanang Simbahang Katolika na nagpaparangal kay Maria ay dapat ding sawayin!
Subalit ito nga ba ang nais ituro ng Panginoon sa atin? Hindi ba't sa mismong Ebanghelyo ni San Lucas din, malinaw na nasusulat ang mga natatanging karangalan ni Maria?
- "Mary! Sobrang pinagpala ka! Kasama mo ang Panginoon!" (Luke 1: 28 PVCE)
- "Pinagpala ka sa lahat ng mga babae, at pinagpala ang baby sa tiyan mo! Sino ba ako para dalawin ng nanay ng Panginoon ko? Nung marinig ko ang boses mo, tumalon sa tuwa ang baby sa tiyan ko. Pinagpala ka dahil naniwala ka na mangyayari ang sinabi sayo ng Panginoon." (Luke 1: 42-45 PVCE)
- "Simula ngayon, tatawagin akong blessed ng lahat ng tao kasi gumawa ang Makapangyarihang Diyos ng mga dakilang bagay para sa akin." (Luke 1: 48-49 PVCE)
Mahalagang linawin natin: Bagamat binabanggit ang Mahal na Birhen sa Lucas 11: 27-28, hindi naman siya ang pinararangalan ng babae. Kapag may nagsabi sa iyo, "Ang swerte naman ng nanay mo dahil ikaw ang naging anak niya!", sino ba ang pinupuriang nanay mo ba, o IKAW? At kapag sinabihan mo yung tao na "Mas maswerte po yung mga taong nagsisikap sa buhay at walang mga bisyo!", nangangahulugan din ba na pinabubulaanan mo ang anumang maswerteng katayuan ng nanay mo?
Inakala ng babae na sapat na ang pagiging kapamilya ni Jesusalalaong-baga'y kapamilya ayon sa pamantayan ng sanlibutanpara maging mapalad ang isang tao. Ang nakikita lamang niya kay Maria ay ang mga karaniwang gampanin ng isang ina sa anak (nagbuntis, nag-alaga), hindi ang kapuspusan sa biyaya at dakilang pananampalataya nito. Agad napansin ng Panginoong Jesus ang malaking pagkakamaling ito ng babae, kaya't siya'y sinaway, at saka ipinahayag ang tunay na batayan ng pagiging mapalad: "Mas pinagpala ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at sinusunod ito!"
Ang pagpaparangal sa Mahal na Birhen ay isang OBLIGASYON, sapagkat siya ang hinirang na Ina ng Simbahan. Dahil sino ba ang nanay ng mga "sumusunod sa mga utos ng Diyos at tapat sa katotohanan na ni-reveal ni Jesus"? Hindi ba't walang iba kundi ang nanay din ng Panginoong Jesus (Revelation 12: 17; John 19: 26-27)? Mas pinagpala siya sa ating lahat, at siya ang huwaran ng sinumang nakikinig at tumatalima sa mga Salita ng Diyos!
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF