"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Lunes, Setyembre 07, 2020

Bagamat Siya'y Diyos

Bilang mga Katolikong Cristiano sumasampalataya tayo na ang Panginoong Jesu-Cristo ay Bugtong na Anak ng Diyos, sumilang sa Ama bago pa nagkapanahon. Diyos buhat sa Diyos, Liwanag buhat sa Liwanag, Diyos na totoo buhat sa Diyos na totoo. Sumilang at hindi nilikha, kaisa sa pagka-Diyos ng Ama, at sa pamamagitan niya ginawa ang lahat (Kredo ng Nicaea). Kabilang sa mga itinuturing nating tahasang batayan ng aral na ito sa Biblia ay ang Filipos 2: 6-11, na kung babasahin ang pagkakasalin nito sa Magandang Balita Biblia, ay tila ba mabisang pinabubulaanan ang sinumang magsasabi na ang Panginoong Jesus ay "tao lang" (tulad ng iginigiit ng sektang "Iglesia ni Cristo").

bagamat siya'y Diyos, hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos,
Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos,
nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin.
Nang maging tao, siya'y nagpakababa at naging masunurin
hanggang kamatayan,
oo, hanggang kamatayan sa krus.
Kaya naman, siya'y itinampok ng Diyos at
binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
Anupat ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa
ay maninikluhod at sasamba sa kanya.
At ipapahayag ng lahat na si Jesu-Cristo ang Panginoon,
sa ikararangal ng Diyos Ama.

"Bagamat siya'y Diyos"—malinaw at tahasan, subalit kung susurii'y may mga kabalintunaan:

Una, kung Diyos ka, sino pa ang "Diyos" na sinasabing kapantay mo? Nangangahulugan ba na dalawa ang Diyos? Hindi tayo nababagabag dito, sapagkat namulat na tayo sa doktrina ng Santisima Trinidad—na ang iisang Diyos ay may tatlong magkakapantay na persona: Ama, Anak, Espiritu Santo. Subalit nakatitiyak ba tayo na ang doktrina nga ng Santisima Trinidad ang binabanggit dito ni Apostol San Pablo, lalo pa't dalawang persona lang naman ang pinag-uusapan dito?

Pangalawa, hindi ba't ang pagiging Diyos ay mangangahulugan na likas ka nang kapantay ng kapwa mo Diyos—na ito'y hindi mo na kailangang "ipilit" pa? Ang pagka-Diyos bang taglay niya ay isang katangiang kailangang ipilit para manatili sa kanya? At kung ito'y kailangan mo pang ipilit, ano ka ba talaga sa likas mong kalagayan? Ano ba talaga ang Panginoong Jesus?

Pangatlo, maaari bang "hubarin" ang pagiging Diyos? Maaari bang mawala ang pagka-Diyos ng Diyos kung gugustuhin niya? Maiuugnay natin ito sa hamon ng mga pilosopong ateista na buong katusuhang nagtatanong: Maaari bang lumikha ang Diyos ng batong may bigat na hindi niya kayang buhatin? Maaari bang gumuhit ang Diyos ng kuwadradong bilog?

Pangapat, ano ba talagang kahulugan ng "pagka-Diyos" na pinag-uusapan dito? Kung ang pagka-Diyos ng Panginoong Jesus at ang pagka-Diyos ng Ama ay maaaring maging magkapantay, nangangahulugan din ba na ang pagka-Diyos ng Ama ay kailangan ding "ipilit" para manatili, at maaari ding "hubarin" kung loloobin? Kung gayon, ano ba talaga ang Diyos? Saan napupunta ang pagka-Diyos na hinubad? Maaari bang mawala ang Diyos? Ano ang Ama kung wala ang pagka-Diyos niya?

Makabubuting sangguniin natin ang pormal na pagkakasalin nito sa New American Bible:

Who, though he was in the form of God
did not regard equality with God something to be grasped.
Rather he emptied himself, taking the form of a slave,
coming in human likeness; and found himself human in appearance,
he humbled himself, becoming obedient to death,
even death on a cross. Because of this, God greatly exalted him
and bestowed on him the name that is above every name,
that at the name of Jesus every knee should bend,
of those in heaven and on earth and under the earth,
and every tongue confess that Jesus Christ is Lord,
to the glory of God the Father.

"Though he was in the form of God"—hindi tuwirang sinabing siya'y Diyos, kundi nasa anyo ng Diyos. Ayon sa New Jerome Biblical Commentary, ang salitang Griyegong ginamit dito ay morphē, na ang ibig sabihi'y "mode of being or appearance from which the essential character or status of something can be known". Samakatuwid, ang talagang tinutukoy dito ay ang mga naoobserbahang katangian o pagkilos ng Panginoong Jesus na nagpapakilalang siya'y Diyos:

  • "Kung ako'y kilala ninyo, makikilala rin sana ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay nakikilala na ninyo siya at inyong nakita . . . Ang nakakikita sa akin ay nakakikita rin sa Ama . . . Sumampalataya kayo sa akin: ako'y sumasa Ama at ang Ama ay sumasaakin. Kung hindi naman, sumampalataya kayo pakundangan sa mga gawa ko." (Juan 14: 7, 9, 11)
  • "Siya ang larawan ng di-nakikitang Diyos, ang panganay ng lahat ng kinapal, sapagkat sa pamamagitan niya ay nilalang ang lahat ng bagay: ang nasa langit at sa lupa, ang mga nakikita at di-nakikita, ang mga trono, mga dominasyon, mga prinsipado, mga potesdad; ang lahat ng nilalang sa pamamagitan niya at dahil sa kanya. Siya ang una sa lahat ng bagay at sa kanya nakasalalay ang lahat" (Colosas 1: 15-17)
  • "Sa kanyang katawan ay puspusang nananahan ang buong pagka-Diyos at kayo ay napuspos sa kanya na pangulo ng lahat ng prinsipado at potesdad" (Colosas 2: 9-10)
  • "Palibhasa liwanag ng kanyang kaluwalhatian at larawan ng kanyang pagka-Diyos ang Anak na iyan na umaalalay sa sansinukob sa bisa ng kanyang salita" (Hebreo 1: 3)

Kung iisipin, lahat naman ng tao ay nilikhang "kalarawan" ng Diyos (Genesis 1: 26-27; 1 Corinto 11: 7), at pinapanibago niya ang ating pagkatao upang maging lalong kalarawan niya sa katarungan at kabanalan (Roma 8: 29; Efeso 4: 24). Subalit higit pa rito ang diwa ng "anyo ng Diyos" na taglay ng Panginoong Jesus. Walang sinumang tao ang makapagsasabing ang nakakita sa kanya ay nakakita na rin sa Diyos. Walang sinumang tao ang makapagsasabing siya ay sumasa-Diyos at ang Diyos ay sumasa-kanya. Walang sinumang tao ang makapagsasabing siya ang panganay ng lahat ng kinapal, at sa pamamagitan niya nilikha ang lahat ng bagay. Walang sinumang tao ang makapagsasabing siya ang liwanag ng kaluwalhatian ng Diyos, at siya ang umaalalay sa sansinukob sa bisa ng kanyang salita. Hindi ang dangal ng tao ang tinutukoy dito, kundi ang natatanging kaluwalhatiang taglay ng Anak sa piling ng Ama buhat pa sa walang hanggan: "Ama luwalhatiin mo ako sa harap mo ng kaluwalhatiang tinaglay kong kasama mo bago pa lalangin ang sanlibutan." (Juan 17: 5)

Ang naturang kaluwalhatian ang naglalagay sa kanya sa katayuang kapantay ng Diyos (Juan 5: 18), alalaong-baga'y kapantay sa karangalang marapat iukol sa kanya ng sanlibutang nilikha sa pamamagitan niya (Juan 1: 9-11). "Sumasampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya rin kayo sa akin" (Juan 14: 1). Marami sa mga nakasalamuha ang Panginoong Jesus ay nakita ang "anyo ng Diyos" sa kanya, at napagtantong siya'y hindi basta tao lang, kundi higit pa:

  • "Nakita" ito ni Sta. Isabel nang siya'y dalawin ng Mahal na Birhen (Lucas 1: 39-45)
  • "Nakita" ito ng mga Mago na nagpatirapa at sumamba sa kanya (Mateo 2: 11)
  • "Nakita" ito ng propetang si Simeon nang siya'y sanggol na dinala sa Templo (Lucas 2: 25-36)
  • "Nakita" ito ni San Juan Bautista nang si Jesus ay magpabinyag (Mateo 3: 13-16)
  • "Nakita" ito ng mga Apostol sa iba't ibang pagkakataon: sa kanyang mga himala, pagbabagong-anyo, at sa kanyang muling pagkabuhay (Mateo 17: 1-8; Lucas 5: 4-11; Marcos 4: 35-41; Juan 20: 26-29)
  • "Nakita" ito ng lalaking bulag na pinagaling niya (Juan 9)
  • "Nakita" ito ng senturyon at ng mga kasama niyang nagbabantay sa Panginoon nang ito'y mamatay sa krus, anupa't nasabi nila: "Tunay na Anak ng Diyos ang taong ito!" (Mateo 27: 54)

Ang karangalan ng pagka-Diyos nga ang kanyang "hinubad". Siya'y nagkatawang-tao at namuhay na isang tao. Hindi niya ipinahayag ang sariling kaluwalhatian, bagkus hinayaan niyang ang Ama ang lumuwalhati sa kanya. Nang ipahayag ni San Pedro, "Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay" (Mateo 16: 16), nilinaw ng Panginoong Jesus na ang nagpahayag nito kay San Pedro ay ang Ama (Mateo 16: 17). Ito ang kababaang-loob ng Anak ng Diyos na ibig ni Apostol San Pablo na tularan natin. Huwag mong ipangalandakan ang sarili mong kapurihan. Ipaubaya mo ang lahat sa Diyos—hayaan mong ang Diyos ang magtaas sa iyo. Bagamat siya'y Diyos, siya'y nagpakababa at naging masunurin.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF