"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Sabado, Oktubre 30, 2021

Ano bang meron sa Acts 23:11?

"Nung gabing yun, nagpakita ang Panginoon kay Paul at sinabi, 'Wag kang matakot! Naging witness kita dito sa Jerusalem, at ganun din ang gagawin mo sa Rome.'" (Acts 23: 11 PVCE)

Alinsunod sa ipinauusong interpretasyon sa taludtod na ito ng ilang mga Katolikong apolohista, pinatutunayan daw nito ang paglilipat ng pamamahala/himpilan ng Simbahang Katolika buhat sa Jerusalem patungong Roma. Tutol ako sa interpretasyong ito, hindi dahil sa tutol ako sa mahalagang katayuan ng Simbahang Romana bilang Sede Apostolika, mangyaring si Apostol San Pedro ang unang obispo ng Roma, doon siya namatay na martir at doon din siya nailibing kaya't ang bawat humahaliling Obispo ng Roma ay awtomatikong humahalili sa kanya at sa kanyang natatanging gampanin sa Simbahan bilang Bikaryo ni Cristo at pinuno sa lahat ng mga Obispo. Bagkus, ang tinututulan ko ay ang tila ba kalabisan sa pagbibigay-kahulugan na hindi na ipinagsasaalang-alang ang konteksto ng taludtod. Mayroon akong tatlong pangunahing dahilan ng aking pagtutol:

  1. Hindi naman ginamit ng mga Church Fathers ang Gawa 23:11 sa pagpapaliwanag/pagpapatibay ng pangunahing katayuan ng Simbahang Romana.
  2. Hindi ito ginamit ng mga Konsilyo Ekumeniko ng Lyons II (1274), Florence (1438-1445), at Vatican I (1869-1870) nang kanilang itaguyod at papagtibayin ang nakatataas na katayuan ng Simbahang Romana at ang mga natatanging karapatan at karangalan ng Santo Papa.
  3. Walang anumang katulad na interpretasyon na binabanggit sa mga pangunahing Bibliang pang-Katoliko at komentaryong biblikal.

Haydock Catholic Bible Commentary (1859) Be constant...so must thou bear witness also at Rome; and so needest not fear to be killed by them. (Witham)
An Exposition of the Acts of the Apostles Consisting of an Analysis of Each Chapter and of a Commentary, Critical, Exegetical, Doctrinal, and Moral (The Most Rev. Dr. MacEvilly, 1899) "Night following." How this consoling and encouraging apparition took place is not mentioned. It conveyed an assurance that Paul's mode of acting before the Sanhedrim was pleasing to our Lord. There is no allusion to a dream or ecstasy. Hence, many hold it occurred while Paul was awake. He ardently desired to visit Rome (xix.21). He now receives an assurance that his wishes will be gratified. "Constant," in Greek "take courage," "be without fear."
New American Bible (1970) The occurrence of the vision of Christ suggests that Paul's experiences may have placed him in a state of depression.
New Jerome Biblical Commentary (1990) The Lord appeared: This consoling vision (18:9; 27:24) erects a major milepost in Luke's story: Paul's Jerusalem testimony is finished, and his mission's goal at Rome comes into view, both under the "necessity" (dei) of the very plan of God. (19:21)
Christian Community Bible: Catholic Pastoral Edition To understand the chapters dealing with Paul’s trial we have to remember that justice in the Roman empire was very well organized. The supreme tribunal was in Rome: this was the Tribunal of Caesar, and Roman citizens fearing a mistrial in their province could appeal to the Tribunal of Caesar. There were governors (or procurators) who administered justice in each province. In the Jewish territory, the Romans who occupied the country kept the important cases for themselves, but they left the rest to the Jewish tribunals, especially religious affairs. Paul was to go through various tribunals, beginning with the Sanhedrin, or religious court of the Jews, all the way to the tribunal of Caesar.
Thus, through Paul, the words of Jesus entrusting to his apostles the mission of proclaiming him before Jewish and pagan authorities was to be fulfilled.
Paul tries to make the resurrection of Christ the theme of his declaration. There was a trial to condemn Jesus. Now, Paul tries to have the governors pay attention to the cause of the risen Jesus, and he succeeds.
In every age, such will be the zeal of the witnesses of Christ when they are accused: to demonstrate that they are not acting out of self-interest, nor from any human motive, but because they are the servants of Christ.
New American Bible: Revised Edition The occurence of the vision of Christ consoling Paul and assuring him that he will be his witness in Rome prepares the reader for the final section of Acts: The journey of Paul and the word he preaches to Rome under the protection of the Romans.
Ignatius Catholic Study Bible the Lord stood by: The risen Christ spoke to Paul several times after their initial encounter near Damascus (9:36; 18:9; 22:17-18). witness also at Rome: Sets the stage for the final movement of Acts, where Paul appeals his case to Caesar (25:12) and journeys by ship to the imperial capital in Italy (28:14).

Inilagay ba ng Diyos sa mga kamay ni San Pablo ang pagpapasya kung saan ilalagay ang himpilan ng Simbahan? Kaya ba naging himpilan ng mga Apostol ang Simbahan sa Jerusalem ay dahil sa pangangaral ni San Pablo sa Jerusalem? Si San Pablo ba ang batayan ng nakatataas na katayuan ng Simbahang Romana? Kailangan ba ng Diyos ang Roma para sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo? Mahalaga bang humimpil sa Roma ang kataas-taasang mahisteryo ng Simbahan? Nang magpakita ang Panginoong Jesus kay San Pablo, iyon nga ba talaga ang nasa isip niya: Ang dakilang plano ng "paglilipat" ng Simbahan mula sa Jerusalem patungong Roma?

Ito'y mga lehitimong katanungang tila ba hindi man lang sumasagi sa isip ng marami, palibhasa'y naghahanap lang ng mga apolohistang magbibigay sa ng listahan ng mga taludtod na "pambara" sa mga anti-Katoliko. Wala na silang pakealam sa konteksto. Wala na silang pakealam sa tunay na kahulugan ng mga binabasa nila. Wala na silang ipinagkaiba sa mga Protestanteng Pundamentalista na bihasa sa pagsasangkalan ng mga letra-por-letrang taludtod sa Biblia, anupa't nabasa lang ang salitang "Roma" sa Gawa 23:11, agad-agad na itong kinasangkapan sa kanilang sariling bersyon ng pundamentalismo para ipagsiksikan sa mundo ang "Romano Katolisismo."

"The Romans were undergoing many tribulations. Paul wanted to see them in order to comfort them and also to be comforted by them... What humility he had! He showed them that he needed them as much as they needed him. By doing this, he put learners in the position of teachers, not claiming any superiority for himself but pointing out that they were fully equal to him."

ST. JOHN CHRYSOSTOM
407 A.D.

Bakit nga ba nagpunta sa Roma si San Pablo? Noon pa ma'y plano na talaga niya ito (Gawa 19: 21). Pero bakit nga ba? Dahil ba inatasan siya ng Panginoong Jesus na ilipat ang mahisteryo ng Simbahan mula sa Jerusalem patungong Roma? HINDI. Si San Pablo na rin mismo ang nagpaliwanag sa mga taga-Roma:

  • "Para ma-share ko sa inyo ang mga blessings na binigay ng Espiritu ng Diyos para mapalakas ang faith nyo." (Romans 1: 11 PVCE)
  • Para matulungan natin ang isa't-isa, para mapalakas ko ang faith nyo at mapalakas nyo din ako." (Romans 1: 12 PVCE)
  • "Gusto kong may ma-convince din akong maging disciples ni Christ dyan sa Rome, gaya ng nagawa ko sa ibang mga Gentiles." (Romans 1: 13 PVCE)
  • "Para ilipat sa inyo ang himpilan ng Simbahan na nasa Jerusalem."

Oo, pinabanal ni San Pablo ang Roma dahil sa kanyang pagkamatay doon bilang martir,1 pero hindi ibig sabihin na ito na rin ang naging batayan kaya umangat ang estado ng Simbahang Romana bilang "ina at guro ng lahat ng mga Simbahan" (Pius IV, Iniunctum Nobis, 1564). Bilang Katoliko, batid naman natin ang tanging tunay na batayan: Ang paghalili ng mga Santo Papa kay San Pedro.2 Walang kinalaman dito si San Pablo (Roma 15: 20). Walang kinalaman dito ang katayuan noon ng Roma bilang kapitolyo at pangunahing lungsod ng sinaunang mundo. Hindi ang pagiging "Romano" ang importante. Hindi "kailangan" ng Simbahan na maging "Romano" upang matupad niya ang kanyang misyon na gawing alagad ang lahat ng mga bansa. Kaya lamang nagkaroon ng permanenteng kaugnayan ang Roma sa Simbahang Katolika ay dahil si San Pedro ang naging unang Obispo ng Simbahang Romana. Si San Pedro ang importante. Si San Pedro ang may-hawak ng mga susi ng kaharian. Si San Pedro ang bato na pinagtayuan ng Simbahan. At hindi si San Pedro ang kausap ng Panginoon sa Gawa 23:11.

Maling-mali tayo kung iniisip nating may malaking kakulangan ang Simbahang itinayo ng Panginoong Jesus noong unang siglo, at ito'y makukumpleto lamang kung magiging "Romano" kaya't pinapupunta ng Panginoon si San Pablo sa Roma. Maling-mali rin tayo kung iniisip nating ginampanan ng Simbahang Romana ang pagiging "himpilan" ng Simbahan noong unang sanlibong taon ng Cristianismo katulad ng naging katatayuan ng Simbahan sa Jerusalem noong unang siglo. Sa Gawa 15 isinalaysay kung paanong nagpulong sa Jerusalem ang mga Apostol at Matatanda upang lutasin ang mga usapin sa doktrina at paggawi ng Simbahan. Subalit ganyan din ba ang sistema noong unang sanlibong taon ng Cristianismo nang magkaroon ng mga seryosong usapin sa doktrina at paggawi? Hindi. Hindi lingid sa atin na ang mga unang pitong Konsilyo Ekumeniko ay hindi naman ginanap sa Roma kundi sa Nicaea, Constantinople, Ephesus, at Chalcedon. Sa katunaya'y bihira lamang nagkaroon ng aktibong pakikilahok ang Santo Papa sa mga naturang konsilyo:

"From the First Ecumenical Council onwards, major questions regarding faith and canonical order in the Church were discussed and resolved by the ecumenical councils. Though the bishop of Rome was not personally present at any of those councils, in each case either he was represented by his legates or he agreed with the council's conclusions post factum. The Church's understanding of the criteria for the reception of a council as ecumenical developed over the course of the first millennium. For example, prompted by historical circumstances, the Seventh Ecumenical Council gave a detailed description of the criteria as then understood: the agreement (symphonia) of the heads of the churches, the cooperation (synergeia) of the bishop of Rome, and the agreement of the other patriarchs (symphronountes). An ecumenical council must have its own proper number in the sequence of ecumenical councils, and its teaching must accord with that of previous councils. Reception by the Church as a whole has always been the ultimate criterion for the ecumenicity of a council."3

Anuman ang ating mga kasalukuyang paninindigan hinggil sa katatayuan ng Santo Papa at ng Simbahang Romana, hindi natin ito basta na lamang maisisiksik sa konteksto ng Gawa 23:11. Mahabang kasaysayan ang pinagdaanan ng Simbahang Katolika bago naging malinaw at mahigpit ang mga kapangyarihang tinatamasa ng kahalili ni San Pedro sa Roma. Hindi ito ang tipo ng sistemang maitatatag ni San Pablo sa Roma sa pamamagitan lang ng pangangaral ng Ebanghelyo doon. Ang problema, maraming nagpapadaig sa sablay na hamon ng Pundamentalismo. Hinahanapan nila tayo ng letra-por-letrang batayan sa Biblia na nagsasabing ang Simbahang "Romano Katoliko" ang naging himpilan ng Simbahan, at mistula naman tayong utu-uto na naghanap ng letra-por-letrang batayan hanggang sa nasumpungan ang Gawa 23:11 at ito ang ipinangalandakang "ebidensya." At tuwang-tuwa naman tayo sa "ebidensyang" natuklasan natin.

Ngayon, dahil ba sa mga sinabi kong ito ay wala na akong karapatang magpaliwanag ng kahit ano hangga't wala akong naipapakitang pormal na edukasyon sa Biblia? Mangmang ba ako sa kasaysayan ng Cristianismo? Naiingit ba ako sa Simbahang Katolika, at pinaglilingkuran ko si Satanas? Hinugot ko lang ba ang lahat ng ito mula sa kawalan? Isa ba akong sulpot? Nakapangingilabot na may mga nagpapakilalang "Katoliko" at "tagapagtanggol" daw ng Simbahan, subalit nagiging mapanira sa kapwa sa tuwing napagsasabihan sa kanilang maling sistema ng apolohetika. Sa totoo lang, hindi naman ako naiinis nang dahil sa mga negatibong komento ng mga "tagapagtanggol" ng Simbahan. Sanay na akong napagkakamalang kung anu-ano nang dahil sa mga kakaibang opinyon ko sa mga bagay-bagay at sa pagsisikap kong maging patas kahit sa mga notoryus na anti-Katoliko at ateistang dumarating sa buhay ko. Kung ibig nilang panindigan ang mga interpretasyon nila sa Gawa 23:11, bahala na sila sa buhay nila. Aabalahin ko pa ba ang sarili kong magpaliwanag sa mga taong sarado ang pag-iisip at di marunong tumanggap ng pagtutuwid?

 


  1. "The Feast of the holy Apostles Peter and Paul is kept on the 29th of June, because on that day both of them glorified God by their martyrdom, and won the crown of justice. Peter is the chief, and Paul is the greatest of the apostles. The former is the rock of the unity of the Church, the latter is the representative of her Catholicity. Their blood has consecrated Rome, the ancient capital of the pagan world, to be the capital of the Christian world, the mother and teacher of all churches." (Knecht, Frederick Justus. "A Practical Commentary on Holy Scripture", 1910. p. 803.) [BUMALIK]
  2. "The holy Roman Church has been placed at the forefront not by the conciliar decisions of other churches, but has received the primacy by the evangelic voice of our Lord and Savior, who says: 'You are Peter, and upon this rock I will build my Church, and the gates of hell will not prevail against it; and I will give to you the keys of the kingdom of heaven, and whatever you shall have bound on earth will be bound in heaven, and whatever you shall have loosed on earth shall be loosed in heaven'. The first see, therefore, is that of Peter the apostle, that of the Roman Church, which has neither stain nor blemish nor anything like it." (Pope Damasus I, 382 A.D.) [BUMALIK]
  3. Synodality and Primacy During the First Millennium: Towards a Common Understanding in Service to the Unity of the Church, ❡ 18. Ito'y dokumentong resulta ng diyalogo sa pagitan ng mga dalubhasa sa panig ng Simbahang Katolika at ng mga Simbahang Ortodoksa. Bagama't naglalaman ng ilang mga di katanggap-tanggap na pananaw hinggil sa Santo Papa, naisalaysay nito nang wasto at patas ang aktuwal na sistema ng mga Konsilyo Ekumeniko noong unang milenyo ng Cristianismo. Gayunman, ang naturang sistema ay hindi pinalampas ng Second Council of Lyons noon pa mang 1274, at tahasan nitong nilinaw ang awtoridad ng Simbahang Romana:
    "Also this same holy Roman Church holds the highest and complete primacy and spiritual power over the universal Catholic Church which she truly and humbly recognizes herself to have received with fullness of power from the Lord Himself in Blessed Peter, the chief or head of the Apostles whose successor is the Roman Pontiff. And just as to defend the truth of Faith she is held before all other things, so if any questions shall arise regarding faith they ought to be defined by her judgment. And to her anyone burdened with affairs pertaining to the ecclesiastical world can appeal; and in all cases looking forward to an ecclesiastical examination, recourse can be had to her judgment, and all churches are subject to her; their prelates give obedience and reverence to her. In her, moreover, such a plentitude of power rests that she receives the other churches to a share of her solicitude, of which many patriarchal churches the same Roman Church has honored in a special way by different privileges-its own prerogative always being observed and preserved both in general Councils and in other places." (Profession of Faith of Michael Palaeologus)
    [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Miyerkules, Oktubre 27, 2021

Espiritismo ba ang pananalangin sa mga Santo?

Bilang Cristiano, hindi tayo dapat nagtatangkang sumangguni o magtawag sa kaluluwa ng mga yumao. Tahasan itong kinokondena ng Biblia at ng Simbahan:

  • "Hindi dapat makasumpong sa inyo ng sino mang... sumasangguni sa mga multo o espiritu, tumatawag sa mga patay. Ang sino mang gumawa ng mga bagay na iyan ay kasuklam-suklam sa Panginoon." (Deuteronomio 18: 11-12)
  • "All forms of divination are to be rejected: recourse to Satan or demons, conjuring up the dead or other practices falsely supposed to 'unveil' the future. Consulting horoscopes, astrology, palm reading, interpretation of omens and lots, the phenomena of clairvoyance, and recourse to mediums all conceal a desire for power over time, history, and, in the last analysis, other human beings, as well as a wish to conciliate hidden powers. They contradict the honor, respect, and loving fear that we owe to God alone." (CCC 2116)
  • "Our Faith teaches us that... a soul either goes to heaven, hell or purgatory after death, and not into objects of nature... The deceased can no longer be contacted through mediums and other occult practices. God would never allow a soul to be called back from the dead because He Himself forbids it." (Syquia, Jose Francisco C., Exorcism: Encounters with the Paranormal and the Occult, Quezon City: Shepherd's Voice Publications, Inc., 2006. p. 23-24)


Photo by Pavel Danilyuk from Pexels

Kung gayon naman pala, bakit tayo nananalangin sa mga Santo? Kung patay na sila, bakit pa natin sila "tinatawag"? Hindi ba't sa pagkondena ng Simbahan sa masamang gawain ng espiritismo ay parang hinahatulan na rin niya ang kanyang sarili, dahil sa kanyang pagdedebosyon sa mga "patay" na Santo?

Mahalagang linawin natin: Hindi tayo sumasangguni sa kaluluwa ng mga Santo. Ang pananalangin sa mga Santo ay hindi espiritismo. Hindi natin sila tinatawag para hingan ng anumang impormasyon buhat sa kabilang-buhay. Walang espiritistang karismatikong nagpapasanib sa kanila. Wala tayong anumang ginagamit na kasangkapan, kapangyarihan, o rituwal, para makausap sila. Bagkus, ang tanging ginagawa natin ay nananalangin sa Diyos — ang Diyos ang nilalapitan natin, ang Diyos ang hinihingan natin ng tulong, ang Diyos ang kinakausap natin, ang Diyos ang pinagtitiwalaan natin at sinasampalatayanan natin. Kaya nasasangkot ang mga Santo sa ating pakikipag-usap sa Diyos ay dahil naniniwala tayong kasama nila ang Diyos. Ang pananalangin sa mga Santo ay nangangahulugang inaanyayahan mo silang samahan ka sa pananalangin mo sa Diyos. Sa halip na isiping malayo ang Diyos at pinapupunta natin ang mga Santo sa Kanya para ipagdasal tayo, mas tamang isipin na malapit tayo sa Kanya: naroon tayo mismo sa harapan ng Diyos habang sinasamahan tayo ng mga Santo sa harapan Niya.

"Ngunit kayo ay nagsilapit sa bundok ng Sion at sa lungsod ng Diyos na buhay, sa Jerusalem na makalangit, sa libu-libong anghel, sa maringal na pagtitipon, at sa kalipunan ng mga unang isinilang, na nakatala sa langit at sa Diyos na hukom ng lahat at sa mga espiritu ng mga taong matuwid na ganap ang kabanalan, kay Jesus na tagapamagitan ng bagong kasunduan, at sa dugong iniwisik, na lalong mainam magsalita kaysa dugo ni Abel."

HEBREO 12: 22-24

Hindi porke patay na ang mga Santo ay hindi mo na sila maaaring kausapin sa panalangin. Hindi lahat ng pakikipag-usap sa patay ay napapaloob sa kategorya ng espiritismo. Sa Biblia mismo'y makasusumpong ng maraming halimbawa ng katanggap-tanggap na pakikipag-usap sa patay:

  • "Nahahapis ako dahil sa iyo, Jonatang kapatid ko, na aking pinakaliliyag. Pag-ibig mo sa akin ay higit na kahanga-hanga kaysa pag-ibig ng mga babae." (2 Samuel 1: 26) — Iyan ang panaghoy ni Haring David nang mabalitaan niya ang pagkamatay ni Jonatan. Malinaw na hindi masamang kausapin sa gayong pamamaraan ang yumaong ipinagluluksa.
  • "Bumagsak nawa sa iyong ulo ang dugo mo, sapagkat ang bibig mo ang siyang naging saksi laban sa iyo nang sabihin mong, 'Pinatay ko ang pinahiran ng Panginoon.'" (2 Samuel 1: 16) — Iyan ang sinabi ni Haring David sa harap ng bangkay ng binatang Amalekita. Malinaw na hindi masamang kausapin sa gayong pamamaraan ang isang pinarusahan ng kamatayan.
  • "But your dead shall live, their corpses shall rise! Awake and sing, you who lie in the dust! For your dew is a dew of light, and you cause the land of shades to give birth." (Isaiah 26: 19 NABRE) — Kinausap ang mga patay, at pinagpahayagan ng pag-asa sa kanilang muling pagkabuhay. Maiuugnay ito sa salmong binabanggit sa Efeso 5: 14 na nakapatungkol din sa mga patay: "Gumising ka, ikaw na natutulog, at bumangon sa mga patay, at liliwanagan ka ni Cristo."
  • "Pupurihin ko ngayon ang mga banal na tao, ang ating mga ninuno sa kani-kanilang panahon; pinagkalooban sila ng Kataas-taasan ng malaking kaluwalhatian at ang kanyang kadakilaan ay mula pa sa simula... Ang kanilang alaala ay mananatili magpasawalang hanggan, at di maglalaho ang kanilang kabantugan. Ang kanilang mga katawan ay inilibing sa kapayapaan, subalit ang kanilang pangalan ay mabubuhay sa sali't saling lahi. Ipinamamansag ng bayan ang kanilang kabanalan, at inuulit-ulit ng kapulungan ang papuri sa kanila." (Sirac 44: 1-2, 13-15) — Tahasan nitong itinuturo ang pagpupuri sa mga yumaong Santo. Maaari mo silang kausapin upang purihin sila. Sa katunayan, sa Sirac 47: 14-20 ay tuwirang kinausap si Haring Solomon, at sa Sirac 48: 4-11 ay tuwirang kinausap si Propeta Elias.
  • "O langit, magalak ka ng dahil sa kanya, O mga banal, mga apostol at mga propeta, sapagkat ipinaghiganti kayo ng Diyos sa kanya." (Pahayag 18: 20) — Ang nagsasalita rito ay ang mga taong nasa pangitain ni San Juan, na nananaghoy matapos nilang masaksihan ang pagbagsak ng Babilonia. Ang kausap nila ay ang mga banal na yumaong nasa langit. Malinaw na ang mga banal na nasa langit ay maaaring kausapin.

Para sa mas detalyadong pagpapaliwanag hinggil sa pamimintuho sa mga Santo, basahin: Sinasamba ba natin ang mga Santo at Santa? Para sa mas detalyadong pagtalakay hinggil sa huling hantungan ng kaluluwa ng mga yumao, basahin: Partikular na Paghuhukom.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Miyerkules, Oktubre 20, 2021

Hindi Porke't Katoliko Ako

REVISED: 8:13 AM 2/21/2022

Bago ang lahat, nais kong humingi ng pasensya sa mga mambabasa. Hayaan ninyong maging emosyonal muna ako sa blog post na ito. Hindi ninyo naman kailangang sumang-ayon sa mga sasabihin ko, ni isiping isa itong naaangkop na tugon ng isang Katolikong Cristiano.

Kung may mga taong malimit maging biktima ng pananamantala, pang-aabuso, pang-wawalang-hiya, pang-aalipusta, pang-aabala, malamang tayong mga Cristiano iyon. Bakit? Dahil inaasahan ng mundo na obligado kang maging mabait, mahinahon, at mapagpatawad sa lahat ng oras. Inaasahan nilang hindi ka marunong magalit at magreklamo. Inaasahan nilang maaari kang abusuhin nang paulit-ulit, at ikaw namang si "Tanga" ay buong giliw na magpapa-api at magpapa-ubaya. Inaasahan nilang kahit wala silang aktuwal na pagsisisi at pagbabayad-sala sa Diyos at sa iyo, maaari pa rin silang magpabalik-balik sa buhay mo na parang walang nangyari. Tanga ka kasi eh. Utu-uto ka kasi eh. "Mabait" ka kasi eh.

"Jef kumusta na kayo ni mama mo nawala kc yung old kng cp andon yung number ni mama kaya di ako makakontac sa inyo... c ____ awa ng Dios binatilyo pwd Jef mahingi yung number ni mama salamat God bless at ingat kayo.. ito ang cp number ____ pakibigay ke mama mo. salamat ulit"

Isang araw ay bigla ko na lang natanggap ang mensaheng ito sa Facebook Messenger. Sino ba yan? Siya ang aking tiya, kapatid ng tatay ko. Ang binabanggit niyang "binatilyo" na ay ang anak ng kuya ko nasa malayong probinsya kasama ng tatay ko. Maraming taon ko nang pinutol ang komunikasyon ko sa kanilang lahat dahil naubos na ang pasensya ko sa kanila. At bakit naman? Naturingan pa naman akong isang Cristianong manunulat ng apolohetika, at ganyan pala ang pag-uugali ko? May malalim na sugat po kasing pinagbabatayan yan. Tao pa rin naman akong nasasaktan. At kapag nasaktan ka, hindi ka ba umaaray?

Ang kuya ko ang sumunog ng bahay namin. Binantaan niyang papatayin kami ng nanay ko. At bago pa man naganap ang krimeng ito, sa loob ng mahigit sampung taon na kasama namin siya sa bahay ay nagdulot siya ng malaking pamemerwisyo: laging nagwawala, laging naninira ng gamit, laging sumisigaw at nagmumura, laging naghahanap ng away, laging nagiiskandalo. Mga ilang araw bago niya sinunog ang bahay, pinalayas niya kami sa bahay. Katawa-tawang isipin, hindi ba? Anak ka lang, pero hindi mo papapasukin sa bahay ang nanay at kapatid mo? Wala kang trabaho, wala kang naipundar sa bahay, nasa pangalan ng mga magulang mo ang titulo ng bahay ninyo, at dahil sa kung ano mang personal na ipinagiinarte mo sa buhay ay mamemerwisyo ka nang ganyan? At buong pagmamalaki pa niyang ipinagmamatuwid ang kanyang pag-uugali, at pinalalabas na siya pa ang "biktima", at kami ng nanay ko ang masama. Nangangatuwiran siya na wari ba "karapatan" pa niyang gawin ang lahat ng mga kasamaang ginagawa niya. Walang pagsisisi. Walang pagbabayad-sala.

At ano naman ang masasabi ng tatay ko at ng tiya ko hinggil dito? Walang pagsaway sa mga halatang masamang pag-uugali ng kapatid ko. Sa katunayan, nang masunog ang bahay, mas inasikaso pa nila ang kapatid ko kaysa kami ng nanay ko. Nang maaresto at makulong ang kapatid ko, wala silang inatupag kundi kung paano siya mapapalaya. Nais pa nila akong obligahin at konsensyahing dalawin siya sa kulungan. "Depressed" daw kasi siya. Unawain daw namin siya. Kawawa naman daw siya. Hayaan lang daw namin siyang mura-murahin kami at pagbantaang papatayin, dahil hindi naman daw iyon tototohanin. Hindi maarok ng utak nila na maraming kaso ng mga patayan sa lipunan natin ay pawang mga magkakapamilya, magkakamag-anak, at magkakakilala.

Sa huli, sa pamamagitan ng pangmamaniobra sa bulok na proseso ng hustisya sa Pilipinas (kinumbinsi nila ang nanay ko na gumawa ng statement na nagsasabing aksidente lang ang pagkakasunog ng bahay, at nagbayad sila ng abugado para asikasuhin agad ang pagpapa-dismiss ng kaso), nakalaya ang kapatid ko. Salamat daw sa Diyos. Ngayon, makalipas ng mahigit limang taon, heto't biglang nagpaparamdam ang tiya ko — ang tiya kong nagbubulag-bulagan, kakampi ng kasamaan, ipokrita.

Nagagalit ba ako? Oo, naman. Sino bang matinong tao ang hindi sasama ang loob sa ganyang balintuwad na sitwasyon? Lumipas na ang mahigit limang taon pero hanggang ngayo'y napeperwisyo pa rin kami ng nanay ko sa pagkakasunog ng bahay. Hindi naman kasi madaling bumangon sa ganyang klase ng trahedya. Napakarami pang kailangang ayusin sa bahay. May mga importanteng gamit na nawala, pero hindi ko na mapalitan dahil sapat lang ang kinikita ko para sa pagkain, gamot, at mga buwanang bayarin (kuryente, tubig, atbp.). Pero higit pa sa galit ang nararamdaman kong TAKOT at PAGKABAHALA, na sa sandaling magpatay-malisya ako sa mga nangyari, ay magsisimula nanaman ang panibagong pamemerwisyo. At makatuwiran ang pagkabahalang ito, dahil wala namang pagsisisi at pagbabayad-salang ginagawa ang kapatid ko at ang tatay ko at ang tiya ko. Kumbinsido silang sila pa ang nasa panig ng kabutihan at katarungan. Kumbunsido silang sila pa ang mga mabubuting tao. Kumbinsido silang kakampi nila ang Diyos sa kabila ng mga pinaggagagawa nila. At para sa akin, nakakatakot ang mga ganyang klaseng tao.

Bilang Cristiano, dapat kang magpatawad, pero dapat mo ring mahalin ang sarili mo. Hanggang kailan mo balak ipasampal ang mga pisngi mo nang paulit-ulit? Kahit ang Panginoong Jesus ay umalma sa di makatarungang pagsampal sa kanya (Juan 18: 23). Kahit ang Santo Papa ay bantay-sarado ng mga Swiss Guards. Kahit ang Vatican City ay may mga pader at sariling kapulisan. Ang pagiging mapagpatawad ay hindi kailanman nangahulugan na bubusabusin mo na ang sarili mo sa kamay ng mga masasama!

Magpatawad ka hanggang pitumpu't pitong beses, sabi ng Panginoon (Mateo 18: 22), na alam naman nating ang talagang ibig sabihin ay pagpapatawad na walang limitasyon. Subalit hindi ibig sabihin na ang pagpapatawad ang tanging tugon ng Cristiano sa mga taong nagkakasala sa kanya. May tamang proseso pa rin itong pinagdaraanan: kausapin nang sarilinan, magsama ng isa o dalawang saksi, isumbong sa Simbahan, at kung wala pa ring pagsisisi at naninindigan pa sa ginawang kasalanan sa iyo, ay "ipalagay mo siyang tulad ng Hentil at publikano." (Mateo 18: 15-17). May mga pagkakataon talaga na kailangan mong putulin ang relasyon mo sa mga taong mapanganib. Hindi mo kailangang makisama at magpaubaya sa lahat ng pagkakataon!

"Huwag patuluyin sa bahay at huwag batiin. Ang sino mang bumati sa kanya ay nakikiisa sa masasamang gawain nito."

2 JUAN 1: 10-11

Kaya nga, sino ka mang nagkasala sa kapwa mo, mahiya ka naman. Alalahanin mo ang napakalaking responsibilidad mo na ayusin ang mga sinira mo. Hindi obligado ang mga biktima mo na pagkatiwalaan ka. Hindi katungkulan ng mga winalang-hiya mo na unawain ka, patuluyin ka pa sa buhay nila, tumugon sa mga pangungumusta mo, at kalimutan ang mga nangyari. At huwag ka rin naman sanang makapal ang mukha na baliktarin ang sitwasyon, at palitawing kami pang mga biktima mo ang masama dahil ayaw na naming makisama pa sa iyo. Mahirap ang landas ng pagpapakabanal. Kung ang mabuting tao nga ay nahihirapan, ang mga masasamang tao pa kaya? Hindi basta-basta naitutuwid ang masamang pag-uugali. Hindi kayo pwedeng "bumalik sa dati" — sa dati na pinagtitiisan ka ng biktima mo sa mga krimen mo. Maawa naman kayo sa mga biktima ninyo! Maawa naman kayo sa mga taong ang tanging hangad ay mamuhay nang tahimik. Maawa naman kayo sa mga taong sawang-sawa na, pagod na pagod nang umunawa, magpasensya, magpatawad. Hindi porke't Katoliko ako ay maaari na ninyo akong apak-apakan.

P.S. Iyan nga pala ang dahilan kung bakit nawalan ako ng pananampalataya sa Diyos sa mga sumunod na dalawang taon. Oo, naging ateista ako noon. Mga taong 2017 nang unti-unti akong kumalma, nakapag-isip-isip, hanggang sa kalauna'y nakapag-kumpisal. At kahit nagbalik-loob na ako, masasabi kong tila ba nagkaroon ng isang permanenteng ateista na naninirahan sa puso ko — isang munting tinig na laging nagpapaalala sa akin na ang mundong ito ay napaghaharian ng MASAMA.

"Huwag makisama sa kanino mang kapatid kung siya ay mahalay, sakim, sumasamba sa diyus-diyosan, mapanglait, mapaglasing, o mandarambong; sa ganyang tao ay huwag kahit makisalo . . . Paalisin ang masama sa piling ninyo."

1 CORINTO 5: 11, 13


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Lunes, Oktubre 18, 2021

Mga Personal na Tanong Tungkol sa Santo Rosaryo

Ano ang Santo Rosaryo para sa iyo?

Para sa akin, isa itong mahalagang debosyon; isang mahalagang bahagi ng pakikipag-ugnayan ko sa Diyos sa pamamagitan ng Mahal na Birhen. Ang halos kalahating oras na ginugugol para dasalin ito, ang paguulit-ulit ng mga dasal, ang paggalaw ng mga daliri sa kuwintas na rosaryo, ang pagninilay sa mga mahahalagang pangyayari sa Ebanghelyo, ang lahat ng iyan ay napakalaking tulong para patahimikin ang isip sa labis na pagkabalisa, at ituon ang pansin sa mga bagay na mas mahalaga, mas mabuti, mas dakila.

Paano nakakatulong ang paulit-ulit na dasal?

Likas na sa tao ang magpaulit-ulit. Kapag problemado ka, masaya ka, nababalisa ka, nananabik ka, atbp., hindi ba't paulit-ulit mong iniisip ang mga iyon? Madali para sa atin na makagawian ang paulit-ulit na dasal sa Rosaryo dahil hindi ito kakaiba sa atin; napaka-natural nito. Sumasabay ang mga dasal sa paulit-ulit na takbo ng ating isipan. At habang sumasabay, nagsisilbi silang gabay para sa tamang pag-iisip. Napaaalalahanan tayo kung ano ba ang mas dapat na iniisip natin kaysa sa ating mga alalahanin sa buhay. Habang inuulit mo ang Aba Ginoong Maria, naaalala mo na mayroon nga palang isang dakilang babae na nasa langit, at siya ay nanay ng Diyos at nanay mo rin. Ang nanay na ito ay minamahal ka nang higit pa sa pagmamahal ng nanay mo dito sa lupa, at hinihiling mo sa kanyang ipagdasal ka hanggang sa huling araw mo dito sa lupa. Sa pagdarasal ng Rosaryo, isipin mo na parang naglalakbay ka sa panahon kasama ni Maria, habang pinupuntahan ninyo ang iba't ibang mga pangyayari sa buhay niya at ng Panginoong Jesus.

Sa Rosaryo, 53 Aba Ginoong Maria at isang Aba Po Santa Mariang Reyna ang dinarasal, habang anim na Ama Namin at anim na Luwalhati lang ang dinarasal. Hindi ba't mas pinararangalan nito si Maria kaysa sa Diyos?

Kapag gusto mong kumain ng paborito mong pagkain, maghapon ka bang nasa mesa habang kinakain iyon? Hindi, sa katunayan nga, napakahaba na ng kalahating oras para kainin mo iyon. Subalit gaano katagal ang panahong ginugugol mo sa pamamalengke para bumili ng mga kailangang sangkap, sa paghihiwa at pagbabalat ng mga gulay na lulutuin, sa mismong pagluluto mo nito sa ibabaw ng kalan, atbp.? Hindi ba't mas mahabang panahon ang nagugugol kaysa sa sandaling panahong ginugugol mo sa mismong pagkain ng niluto mo? Ibig bang sabihin, mas mahalaga para sa iyo ang pamamalengke at pagluluto kaysa makakain ng paborito mong pagkain? Ganoon din sa pagdarasal ng Santo Rosaryo. Ang Diyos ang gusto mong parangalan. Ang Diyos ang gusto mong tumulong sa iyo. Ang Diyos ang gusto mong isipin. Ang Diyos ang sinasampalatayanan mo at pinagtitiwalaan mo at sinasamba mo. Mas marami kang dasal kay Maria dahil tinutulungan ka niyang manalangin sa Diyos. Siya ang gumagabay sa iyo at sinasamahan ka sa paglalakbay mo patungo kay Jesus. Kung baga sa isang atleta, si Maria ang trainer/coach mo habang nagsasanay ka, habang si Jesus naman ang medalya/tropeyo/premyo mo sa sinalihan mong palakasan/kumpetisyon. Isa pa, nakakalimutan na nating 30 taon ang ginugol ng Panginoong Jesus kasama si Maria, habang tatlong taon lamang sa kanyang pampublikong ministeryo. Hindi ibig sabihin na mas mahalaga ang pananahimik sa Nazaret kasama ni Maria kaysa sa pangangaral ng kaharian ng Diyos, bagkus, ang 30 taon na iyon ay naging mahalagang bahagi ng paghahanda sa kanyang dakilang misyon ng pagliligtas sa sangkatauhan.

Bakit ka laging may dalang rosaryo sa bulsa sa tuwing lumalabas ng bahay?

Nagdadala ako ng rosaryo hindi para magdasal sa jeep o habang nakapila o habang break time sa trabaho o habang may hinihintay na kung ano. Oo, may mga debotong gumagawa ng gayon, pero hindi ako. Yang mga sitwasyong nabanggit ko, importante sa mga iyan ang presence of mind; hindi pwedeng may iba kang iniisip. Kapag nagrosaryo ka sa jeep, baka makalagpas ka sa bababaan mo, o baka madukutan ka, o baka hindi ka makapaghanda sakaling babangga na pala sa kasalubong na sasakyan yung jeep o kung nawalan na pala ito ng preno at dederetsto na sa bangin, atbp. Kapag nagrosaryo ka sa pila, baka makalimutan mong umusad, o baka iba ang mapilahan mo, at muli, baka madukutan ka, atbp. Walang masama na magdasal sa mga sitwasyong iyan, pero kapag may mahalaga kang ginagawa, bigyan mo ng kaukulang atensyon yung ginagawa mo.

May tamang lugar at panahon sa pagrorosaryo. Kung sakaling matagpuan ko ang sarili ko sa tamang lugar at panahon na iyon habang nasa labas ako ng bahay, eh di magrorosaryo ako. Halimbawa, kung may panahon akong sumaglit sa isang simbahan o kapilya, eh di magrorosaryo ako doon.

Ang talagang pumukaw sa akin na magdala lagi ng rosaryo sa bulsa ay nang may mapanood ako sa balita na isang lalaking namatay sa aksidente, at ang tanging nakita sa bulsa niya ay yung rosaryo niya. Siyempre, hindi naman ako nagpaplanong maaksidente at makitaan din ng rosaryo sa bulsa. Gusto ko lang na sakaling mamatay ako, yung pagiging Katoliko ko ang unang mahalagang impormasyong makukuha ng mga imbestigador tungkol sa akin; yung hanggang sa huling sandali ng buhay ko ay may nagawa ako para paalalahanan ang mundo na magdasal din ng Rosaryo, kasi napakagandang debosyon nito, at napakalaki ng naitutulong sa ating pananampalataya.

Pakiramdam mo ba protektado ka kapag may dala kang rosaryo sa bulsa?

Parang oo, kasi nababalisa ako kapag natutuklasan kong nakalimutan kong dalhin yung rosaryo ko, katulad ng pagkabalisa kapag nakakalimutan ko yung wallet ko o yung panyo ko o yung cellphone ko, atbp. Parang pakiramdam ko, hindi ako handang makibaka sa anumang hamon na meron sa labas ng bahay kapag wala akong dalang rosaryo sa bulsa. Pero hindi ko iniisip na nagbibigay ng "mahiwagang proteksyon" yung rosaryo sa akin. Sabi ko nga, diba, tanggap ko na ang posibilidad na mamatay ako kapag lumalabas ako ng bahay. Para sa akin, hindi anting-anting ang rosaryo, kundi isang banal na bagay na nagpapaalala sa akin sa Diyos.

Bakit di ka nalang magdala ng Biblia kaysa rosaryo?


"Hindi magkasalungat ang Biblia at ang Rosaryo; walang dahilan para mamili ako sa dalawa."

Una, dahil hindi magkakasya ang Biblia sa bulsa ko. Pangalawa, dahil hindi ako lumalabas ng bahay para magbasa ng libro. Pangatlo, dahil may mga Bible apps na ako sa cellphone ko, kaya parang may dala na rin akong Biblia kapag lumalabas ako. At pang-apat, hindi naman magkasalungat ang Biblia at ang Rosaryo; walang dahilan para mamili ako sa dalawa. Dahil sa mga natututunan ko sa Biblia, mas lalo kong nagugustuhang magrosaryo, at dahil sa pagrorosaryo, mas lalo kong naaalala yung mga natututunan ko sa Biblia, lalo na yung Ebanghelyo.

Saka kalabisan naman pati yun, yung lalabas ka para mamalengke tapos magdadala ka ng Biblia? Papasok ka sa trabaho, may dala kang Biblia? Katulad ng pagrorosaryo, may tamang oras at lugar sa pagbabasa ng Biblia. Saka, wala ka bang tiwala sa memorya mo? Iniisip mo bang makakalimutan mo lahat ng mga binasa mo kapag lumabas ka ng bahay? Pastor ka ba na kailangang lagi kang handang mangaral? Kung tulad ko, meron kang mga personal na dahilan sa pagdadala ng Biblia, eh di magdala ka ng Biblia. Pero huwag mong hatulan yung pananampalataya ng kapwa mo Cristianong minabuting magdala ng ibang banal na bagay kaysa Biblia. Yung iba nagsusuot ng krusipiho. Yung iba may dalang mga holy cards. Yung iba may scapular at miraculous medal. Yung iba walang dalang kahit ano, pero mas mabuti at mas banal na tao kaysa sa iyo. May kanya-kanya tayong paraan kung paano "baunin" sa labas ng bahay yung relihiyon natin, at walang dapat ituring na "mas mabuti" sa mga iyan, dahil pare-parehong mabuti yan.

Alin ang mas gusto mo: magrosaryo nang sarilinan o nang sama-sama?

Mas gusto kong magrosaryo nang sarilinan dahil kapag sumasali ako sa sama-samang pagrorosaryo, naoobliga akong sabayan sila. Kapag sobrang bagal nilang magrosaryo, eh di wala akong choice kundi magdasal din nang napakabagal. Kapag sobrang bilis naman, eh di pati ako nagmamadali rin. Nakakagambala rin ng isip kapag mali-mali ang mga pagbigkas nila ng dasal: "Aba ginoong Maria, napupuno ka ng grasa", "Hell Mary, pull of grace", "Pray for us sinners now and at the hour of our far death, Amen." Madalas kong marinig ang ganyang mga mali-maling pagdarasal sa isang kalapit na parokya sa lugar namin. Nahahati agad ang isip ko, dahil may bahaging gustong seryosohin ang pagdarasal, habang may bahaging automatic na pinipintasan ang mga maling naririnig ng tenga ko. Parang mas napapagod ako at nababalisa, kaysa mapahinga at mapayapa ang isip ko. Siguro dulot na rin ito ng pagiging introvert ko.

Siyempre depende pa rin naman yan sa sitwasyon. May mga taong mas nakapagdarasal nang maayos at taimtim kapag sama-samang nagdarasal. Saka siyempre, sabi nga ng Panginoon, kapag marami kayong nagkakaisa sa panalangin, nandun siyang kasama ninyo, di ba? May mga sama-samang pagrorosaryo na pwede sa akin, pero karamihan ay hindi ko talaga gusto.

Nagrorosaryo ka ba bago matulog?

Minsan oo, minsan hindi. Hangga't maaari, iniiwasan kong magrosaryo bago matulog dahil kapag oras na ng pagtulog, mas nangingibabaw ang antok kaysa sa pagnanais kong magdasal. Ang mangyayari niyan, mamadaliin ko ang pagrorosaryo para makatulog na agad, o kaya nama'y pilit na dadahan-dahanin ang pagrorosaryo at mamamalayan ko na lang na nakatulog na pala ako. Mas gusto kong magrosaryo tuwing umaga o tuwing hapon.

Anong masasabi mo sa mga di-Katolikong tinutuligsa ang Santo Rosaryo?

Naiintindihan ko naman ang panig nila, kasi makakapagrosaryo ka lang kung Katoliko ka eh; hindi mo yan magagawang dasalin kung may mga agam-agam ka sa mga katuruan ng Simbahan. Siyempre, kung hindi ka Katoliko, natural, "masama" ang tingin mo sa Rosaryo. Kung ayaw mo sa Simbahang Katolika, ayaw mo din siyempre sa mga debosyon niya. Sa tingin ko, pag-aaksaya ng panahon na ipagtanggol ko ang Rosaryo sa kanila at hikayatin silang dasalin ito, kasi ang talagang kailangang lunasan ay yung mismong ugat ng anti-Katolisismo nila. Kailangan muna nilang maintindihan na tama yung Pananampalataya natin, kasi iyan yung pundasyon ng lahat ng mga debosyong ginagawa natin. Nang sumulat ako ng apolohetiko tungkol sa Rosaryo, hindi ako umaasa na, "Ah, kapag may anti-Katolikong nakabasa nito, maliliwanagan siya at magrorosaryo na rin." Hindi ako nag-iisip nang ganon. Ang inaasam ko, "Sana naman hindi na niya isiping masama kaming tao dahil nagrorosaryo kami. Sana naman hindi na niya isiping nilalapastangan namin ang Diyos kapag nagrorosaryo kami. Sana naman hindi na niya isiping ang tanga-tanga namin kaya kami nagrorosaryo." Ganyan kasi mag-isip ang karamihan sa mga anti-Katoliko. Masamang tao ka daw, nilalapastangan mo daw ang Diyos, ang tanga-tanga mo daw. Tumigil ka na sa pagrorosaryo para maging mabait ka na, para maging okay ka na sa Diyos, para hindi ka na tanga. Kadalasan talaga, below the belt ang atake ng mga anti-Katoliko sa atin, at yun yung talagang gusto nating pawiin sa tulong ng apolohetika.

Naniniwala ka ba sa "15 Promises" ng Santo Rosaryo?

Oo, pero hindi sa lebel ng isang dogma o sa encyclical ng Santo Papa o sa talata sa CCC. Nakabatay yung paniniwala ko sa pagtitiwala ko sa Diyos na handang magbigay ng dakilang gantimpala kapalit ng pagsunod mo sa isang simpleng instruction. Kung baga, naniniwala ako sa isang napaka-mapagbigay na Diyos, na kung magrorosaryo ka lang, handa siyang buhusan ka ng kataku-takot na biyaya. Siya yung Diyos na kapag may ginawa kang mabuti, kahit gaano man yan kaliit, tuwang-tuwa na siya at halos kaladkarin ka na papuntang langit. Yan yung Diyos na kilala ko, kaya hindi ako nagugulat sa mga dakilang biyaya na sinasabing matatamo mo kapag nagrosaryo ka. Siyempre, ang pagrorosaryo, hindi mo iyan pwedeng ipampalit sa pagsisimba, sa pangungumpisal, sa pagbabasa ng Biblia, sa pagpapakabanal, atbp. Pero kahit maliit lang na bagay yan, malaki pa rin ang naitutulong niyan sa buhay natin. Parang upos yan ng sigarilyo sa isang tuyong kagubatan. Napakaliit at parang walang kakwenta-kwentang ningas lang yan, pero pwedeng pagsimulan ng isang napakalaking forest fire. Parang COVID-19 lang yan, napakaliit nung virus, pero nakapagdulot ng global pandemic. Ganyan dapat yung pananaw natin sa mga kung anu-anong sinasabing "promises" sa mga ganito-ganyang debosyon. Oo, debosyon lang yan, maliit na bagay lang yan, pero kapag taimtim mong dinasal, unti-unti kang nilalapit sa Diyos, pinatitibay yung pananampalataya mo, at humahantong sa mga patung-patong na biyaya mula sa langit.

Anong masasabi mo sa mga Katolikong ayaw magrosaryo?

Ang masasabi ko, "Bakit ayaw nyo? Anong meron?" Mahirap unawain kung bakit may mga bagay na maganda para sa iyo pero para sa iba hindi. Yun lang siguro ang masasabi ko sa kanila, ang tanungin sila kung bakit. Anong meron sa buhay-espirituwal mo na hindi pwedeng magkaroon ng lugar ang Santo Rosaryo? May kakaiba ba sa pag-iisip mo? Nahihirapan ka bang magnilay? Hindi ka ba sanay sa matagal na pagdarasal? Magkakaproblema lang naman tayo kung kaya ka di nagrorosaryo ay dahil sa impluwensya ng mga anti-Katoliko. Pero bukas ako sa posibilidad na meron talagang mga Katoliko na may naiibang espirituwalidad, may naiibang relasyon sa Diyos at sa Mahal na Birhen, may naiibang pamamaraan ng debosyon at pananalangin. Ang mahalaga diyan ay yung respeto natin sa isa't isa. Wala namang obligasyon na magrosaryo tayo. Kahit ang Mahal na Birhen, sa mga Aparisyon niya, ang pagkaka-alam ko, hindi niya tayo inuutusang magrosaryo, bagkus, nakikiusap siya sa atin, na baka naman, kung pwede lang naman, kung hindi nakaka-abala sa iyo, pwede bang magrosaryo ka? Sino namang Katoliko na may matigas na puso ang hindi mahihimok sa pakikiusap ng nanay natin sa langit, hindi ba? Maliban na lang talaga, kung may mabigat at makatuwirang dahilan kung bakit hindi sila pwedeng magrosaryo. Kapag ganun naman ang sitwasyon, walang problema dun.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Lunes, Oktubre 11, 2021

Kung Gusto Mong Maging Perfect


Heinrich Hofmann creator QS:P170,Q467449, Hoffman-ChristAndTheRichYoungRuler, edited using ULEAD PhotoImpact 7 by McJeff F., CC0 1.0

Pagnilayan natin ang salaysay ng mga Ebanghelyo hinggil sa lalaking mayaman na nagtanong sa Panginoong Jesus kung paano siya magkakamit ng buhay na walang hanggan (Mateo 19: 16-30; Marcos 10: 17-31; Lucas 18: 18-30). Gagamitin natin ang PVCE.

May lalaking lumapit kay Jesus. "Teacher, anong mabuting bagay po kaya ang dapat kong gawin upang para magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?" tanong niya.
Sumagot si Jesus, "Bakit ako ang tinatanong mo kung anong mabuti? Iisa lang ang mabuti. Sundin mo ang mga kautusan ng Diyos kung gusto mong magkaroon ng buhay na walang hanggan."

Sa Mark 10: 17, "Mabuting Teacher" ang itinawag ng lalaki sa Panginoong Jesus, at saka naman siya sinagot nito, "Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Ang Diyos lang ang mabuti." Dahil dito, ginagamit ito ng ilang mga anti-Katolikong sekta bilang katibayan na ang Panginoong Jesu-Cristo ay hindi Diyos, at sa gayo'y mali daw ang aral ng Simbahan hinggil sa Santisima Trinidad.

Subalit itinanggi ba ng Panginoong Jesus na siya'y Diyos? Itinanggi ba niya na siya'y mabuti? Hindi, bagkus inanyayahan niya ang lalaki na unawaing mabuti ang implikasyon ng kanyang mga pananalita nang tawagin niya siyang "Mabuting Teacher". Ipinahihiwatig nito na nasumpungan niya sa Panginoong Jesus ang isang natatanging kabutihan na wala sa iba pang mga guro, na taglay niya ang kabutihang marapat gawing huwaran ng lahat ng mga teacher. At kung ang Panginoong Jesus ang itinuturing niyang pinakamabuting guro sa lahat, anupa't marapat pagtanungan hinggil sa pagtatamo ng buhay na walang hanggan, dapat niyang mapagtanto na ang kabutihang iyon ay nagmumula sa likas na kalagayan ng Panginoong Jesus bilang Diyos — ang Mabuting Diyos na siyang bukal ng lahat ng kabutihan. Ang nilapitan niya ay ang mismong Diyos na kailangan niyang sundin!

"Ang Diyos lang ang mabuti." Kalauna'y ang Panginoong Jesus na rin mismo ang magsasabi: "Ako ang good shepherd" (John 10: 11, 14).

"Sundin mo ang mga kautusan ng Diyos kung gusto mong magkaroon ng buhay na walang hanggan." Tahasan nitong pinabubulaanan ang paniniwalang Protestante na hindi na daw kailangan ang paggawa ng mabuti para sa pagtatamo ng kaligtasan. Kung iisipin, hindi na nga ito nangangailangan pa ng mga malalalim na paliwanag. Kung hindi mo sinusunod ang Diyos, ibig sabihin, masamang tao ka. At saan ba nararapat mapunta ang mga masasamang tao, sa Langit ba? Hindi natin sinasabi na ang paggawa ng mabuti ang tanging batayan ng kaligtasan, na wari ba'y nagkakaroon pa ng utang na loob sa iyo ang Diyos kaya't katungkulan niyang "bayaran" ka ng kaligtasan kapalit ng mga mabubuting gawa mo. Ang sinasabi natin, tungkulin ng tao na laging sumunod sa Diyos. Maging ano pa man ang katatayuan mo sa buhay (mahirap o mayaman, Cristiano o di-Cristiano, Katoliko o di-Katoliko), ang Diyos ay hindi nagtatangi. "Para sa mga gumagawa ng masama, may katapat yung pagdurusa at grabeng hirap . . . Pero paparangalan ang lahat ng gumagawa ng mabuti, pupurihin sila, at bibigyan ng kapayapaan . . . kasi, patas ang pag-judge ng Diyos sa lahat." (Romans 2: 9, 10, 11)


"Alin po sa mga yun?" tanong ng lalaki.
Sumagot si Jesus, "Wag kang papatay; wag kang mangangaliwa; wag kang magnanakaw; wag kang magsisinungaling laban sa kapwa mo; igalang mo ang mga magulang mo; at mahalin mo ang kapwa mo gaya ng pagmamahal mo sa sarili."

Alam naman natin kung saan matatagpuan ang mga kautusan ng Diyos. Magbasa ka ng Biblia. Makinig ka sa Simbahan. Wala nang iba pang batayan. Huwag na nating daanin ito sa mga kung anu-anong pamimilosopo. Iwasan natin ang pagiimbento ng mga sariling pamantayan ng kabutihan. Sa panahon natin ngayon, kung anu-anong mga ipinagsasangkalan nating pamantayan ng mabuting pamumuhay: kesyo kung ano yung "normal", uso, "praktikal", ginagawa sa ibang bansa, wala kang "naaapakan", kung saan ka masaya, basta daw "magpakatotoo" ka, kung ano yung "legal", kung ano yung maganda sa pandinig, hindi mo "ikamamatay", atbp. Iyan ay mga huwad na pamantayan na batay lang sa pagdudunung-dunungan ng mundo, na pawang nakatuon lang sa pagtatamasa ng inaakalang "matagumpay na buhay" sa mundong ibabaw. Iyan ay mga huwad na moralidad na hindi magdadala sa tao sa buhay na walang hanggan.


Pero sinabi ng lalaki sa kanya, "Nagawa ko na po lahat yan. Ano pa po ang kulang?"

Iyan ang wastong pag-uugali na dapat nating tularan, anupa't "buong pagmamahal" siyang tiningnan at sinagot ng Panginoong Jesus (Mark 10: 21). Pagpapakita ito ng kababaang-loob, na hindi ipinangangahas ang sariling kabutihan, bagkus laging nagtatanong kung ano pang kulang sa kanya. Bilang Cristiano, huwag kang makukuntento. Huwag kang magpapaka-kampante. Huwag kang magiging hukom ng sarili mong kaluluwa. Tingnan natin ang mga Santo at Santa. Kung hindi tayo tulad nila, ibig sabihin, may kulang pa sa atin. Lagi nating hilingin sa Panginoon na ilantad ang lahat ng ating mga kahinaan at pagkukulang. Kaya nga napakahalaga ng Sakramento ng Kumpisal. Sa harap ng Panginoong Jesus at ng kanyang Simbahan, isinisiwalat natin ang lahat ng karumihan natin.


Sinabi sa kanya ni Jesus, "Kung gusto mong maging perfect, ibenta mo lahat ng property mo at ibigay mo sa mahihirap yung pinagbentahan para magkaroon ka ng kayamanan sa langit."

Isa ito sa mga paboritong taludtod ng mga anti-Katoliko na laging tinutuligsa ang mga inaakala nilang "kayamanan" ng Simbahan, na anila'y dapat ipinamamahagi sa lahat ng mga mahihirap. Sayang daw ang pera na ginagastos para sa mga magagandang simbahan at likhang-sining. Ibenta ang Vatican City. Ipamahagi ang lahat ng pera ng Vatican Bank. Huwag nang magbigay ng mga handog at abuloy sa Simbahan, bagkus direkta nang ibigay sa mga mahihirap. Gawing libre ang lahat ng mga Katolikong paaralan at ospital. Gawing libre ang mga pagpapamisa, pagpapabasbas, pagpapabinyag, at pagpapakasal. Lahat ng pwedeng ibenta sa loob ng mga simbahan at monasteryo at kumbento ay ibenta na. Hayaang ang lahat ng mga taong-simbahan, mula sa Santo Papa, mga Kardenal, mga Obispo't Kaparian, pati na rin ang lahat ng mga monghe at madre, ay maging mga pulubing hubu't hubad na walang-wala. At lahat din naman ng mga Katolikong layko ay gawin din ang gayon. Bilang Katoliko, magresign ka sa trabaho. Ibenta mo lahat ng ari-arian mo. Wala kang ititira na kahit ano para sa sarili mo at sa pamilya mo. Lahat tayo ay maging mga pulubing hubu't hubad na sumusunod sa Panginoong Jesus. Kung hindi daw natin gagawin iyan, kaplastikan lang daw ang ating relihiyon!

Makatotohanan ba ang gayong sistema? Una sa lahat, kanino mo ibebenta o ipamamahagi ang mga ari-arian mo? Hindi naman pwedeng sa kapwa mo Katoliko, dahil pare-pareho nga tayong magpapaka-pulubi. Ibig sabihin, magbebenta ka sa mga di-Katolikong mayayaman, at saka ipamamahagi sa mga di-Katolikong mahihirap ang pinagbilhan? Pangalawa, dahil walang-wala ka na, paano ka pa makakatulong sa kapwa? Paano ka tutulong kung sarili mo'y hindi mo matulungan? Paano pa magagampanan ng Simbahan ang kanyang misyon na gawing alagad ang lahat ng mga bansa? Pangatlo, bilang mga ganap na pulubi, kanino ka manghihingi ng limos? Wala tayong maipanlilimos sa isa't isa, kaya't mamamalimos tayo sa mga di-Katoliko. At dahil bawal kang magkaroon ng ari-arian, hindi ka magtatrabaho at magpupundar ng kabuhayan, bagkus habambuhay kang sasandal sa ibang tao. Ang resulta nito ay isang relihiyong perwisyo sa lipunan, mahigit isang bilyong mga parasitikong Katoliko na umaasa sa ayuda ng sanlibutan!

Siyempre, wala namang baliw na Katoliko na gagawa nang ganyan. Kalakip ng utos na mahalin ang kapwa ay ang pagmamahal sa sarili. Pagmamahal ang punto ng sinasabing pagbebenta ng mga ari-arian. Bilang Cristiano, ang lahat ng mayroon ka ay dapat laging ginagamit sa pagmamahal, hindi sa kasamaan at sa mga walang katuturang bagay. Kahit radikal mo pang sundin ang mga sinabi ng Panginoon, anupa't ibinenta mo talaga ang lahat ng mga ari-arian mo at ipinamahagi ang pinagbentahan sa mga mahihirap, walang kwenta ang ginawa mo kung hindi ka naman nagmamahal (1 Corinthians 13: 3).


"Tapos, bumalik ka at sumunod sa akin."

Hindi nagtatapos sa pagtulong sa kapwa ang gawain ng isang Cristiano, bagkus ito'y isang habambuhay na pagsunod sa Panginoong Jesu-Cristo. Maraming matulunging tao sa mundo, subalit masunurin din ba sila sa Diyos? Mabuting tao ka na ba porke't nagabuloy ka? Mabuting lider ka na ba ng pamayanan porke't namahagi ka ng mga ayuda? Ang pagkakawanggawa ay hindi maaaring ipampalit sa isang tunay na Cristianong pamumuhay.


Nang marinig to ng lalaki, malungkot siyang umalis, dahil napakayaman niya.
Sinabi ni Jesus sa mga disciples, "Tandaan nyo to, napakahirap para sa isang mayamang tao na makapasok sa Kaharian ng langit. Sinasabi ko uli sa inyo, mas madali pang makapasok ang camel sa butas ng karayom kesa makapasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Diyos."

Mahirap maging mayaman. Maraming tukso. Maraming pinagkaka-abalahan. Maraming mga pananagutan. Sa ayaw mo man o sa gusto, may malaking gampanin ka sa lipunan, lalo na kung Cristiano ka. Kung minsan pa, hindi mo namamalayan na may mga taong nasa ilalim mo ay nagiging mga biktima ng kawalang-katarungan, at hindi mo ito nabibigyan ng kaukulang aksyon. "With great power comes great responsibility", sabi nga ni Uncle Ben sa pelikulang Spider-Man. Malaki ang inaasahan ng Diyos sa iyo; inaasahan niyang gagamitin mo nang tama ang mga "talentong" ipinagkatiwala niya sa iyo (Matthew 25: 14-30).


Nang marinig to ng mga disciples, sobrang na-shock sila kaya sabi nila, "Kung ganun, sino po ang pwedeng maligtas?"
Tiningnan sila ni Jesus saka niya sinabi, "Imposible to para sa mga tao, pero sa Diyos, walang imposible."

Sa totoo lang, nagtataka ako sa reaksyong ito ng mga Apostol. Bakit sila na-shock? Ang tingin ba nila, karamihan ng mga tao ay mayayaman? O iniisip ba nila ang literal na pagpapaka-pulubi? O umaasa ba silang ikayayaman nila balang araw ang pagsunod nila sa Panginoon? Sa palagay ko, na-shock sila dahil bago ito sa pandinig ng mga Judio. Batay sa nakagisnang paniniwala, ang pagiging mayaman ay tanda ng pagpapala mula sa Diyos, hindi isang hadlang sa kaligtasan. Ngayon, biglang sinasabi ng Panginoon na kung mayaman ka, ikaw pa pala yung kawawa (Luke 6: 24-25)!

"Imposible to para sa mga tao." Ang kaligtasan ay walang kinalaman sa katatayuan mo sa buhay. Hindi porke't mayaman ka ay hindi ka na maliligtas. Hindi porke't mahirap ka ay maliligtas ka na. Ang Diyos ang nagliligtas, hindi ang anumang gawa ng tao. Kaya nga, importanteng sumunod ka palagi. Ang pagsunod sa Panginoong Jesus ang unahin mo sa lahat ng bagay. Gamitin mo ang lahat ng bagay para sa pagsunod sa Diyos at sa pagkalinga sa kapwang nangangailangan. Alisin mo sa buhay mo ang anumang "kayamanang" pumipigil sa iyo para maialay mo ang buong buhay mo sa Diyos. Gawin mo ang lahat ng posible, at ipaubaya sa Diyos ang mga imposible. Kung gusto mong maging perfect, maging masunurin ka.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF