"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Sabado, Hulyo 24, 2021

Masama bang maging korporasyong pang-relihiyon?

EDITED: 10:27 PM 10/25/2023


Patrick Roque, Iglesia ni Cristo Central Temple (Commonwealth Avenue, Quezon City)(2018-02-07), edited using Ulead PhotoImpact 7.0 by McJeff F., CC BY-SA 4.0


 

Sa unang lathala ng magasin na "Know The Truth" ni Fr. Paul Kaiparambadan, sa pahina 18, ay may ganitong sinasabi hinggil sa sektang "Iglesia ni Cristo" ni Felix Manalo:

"When Jesus instituted His Church, it was registered in the hearts of those who repent and baptize in the Holy name of Trinity. It is a spiritual Kingdome, guided and regulated, not by rules of any state, but by the Holy Spirit. It can never be called or officially registered as a commercial corporation, with a trade mark, instituted for financial security, and one person as the owner of all financial and temporal assets! Jesus said: 'You can not serve God and mammon at a time.
'Iglecia Ni Cristo' of Mr. Manalo is officially registered as a Corporation on July 27, 1914. The Executive minister of this Corporation Mr. Erano Manalo certifies: 'That he is the executive minister of the Church of Christ, a religious corporation sole, originally registered in the Bureau of Commerce, Division of Archives, patents, Copyright and Trade Marks...' The Corporation is guided, not by the Holy Spirit; but by The Department of Commerce and Industry, in Manila.
Jesus says: 'You have made the house of my father, a market place'."

Marami akong mga katanungan at agam-agam hinggil sa mga pahayag na ito ni Fr. Paul:

  1. Anong ibig niyang sabihin na ang Simbahan ay "rehistrado" sa puso ng mga Cristiano? Maaari mo ba itong gamiting isang legal na pangangatuwiran sa harap ng anumang pamahalaan?
  2. Bilang isang "kahariang espirituwal," ang Simbahan ay di maaaring mapailalim sa anumang batas ng estado — hindi ba't mapanganib ang gayong pag-iisip? Hindi ba't ito'y maaari ding ikatwiran ng kahit na anong relihiyon, at nagbibigay sa kanila ng kalayaang gawin ang anumang maibigan nila, mabuti man o masama?
  3. Lahat ba ng korporasyon ay maituturing na pang-komersyo? Wala bang pagkakaiba ang "commercial corporation" sa "religious corporation"?
  4. Maituturing bang imoral o kasalanan ang mismong pagpaparehistro bilang korporasyon (corporation sole), pagkakaroon ng opisyal na tatak, pagtitiyak sa seguridad ng pananalapi, at pagtatalaga ng iisang taong may-hawak ng mga pananalapi at ari-arian ng isang relihiyon?
  5. Masama ba ang mismong Bureau of Commerce? Kalaban ba ito ng Cristianismo? Masama bang magkaroon ng anumang ugnayan ang Simbahan at ang anumang kawanihan ng gobyerno?

Sa paglalahad ko ng mga katanungang ito, hindi ko nilalayong tuligsain si Fr. Paul at ang iba pang mga apolohistang may katulad na pangangatuwiran. Mas lalo rin namang hindi ko layong ipagtanggol ang sekta ni Felix Manalo, na alinsunod sa Katolikong pananaw ay (1) hindi maituturing na isang totoong simbahan, at (2) ang mga kaanib ay hindi maituturing na mga Cristiano.1 Bagkus, ang layon ko'y ang magkaroon ng makatotohanan at patas na pananaw hinggil sa pagpaparehistro ng anumang relihiyon bilang isang korporasyon. Bilang isang Katolikong layko, wala naman akong moral na obligasyon na sumang-ayon kay Fr. Paul at sa sinumang apolohistang Katoliko hinggil sa paksang ito. Maaari akong kumatha ng sarili kong opinyon nang ayon sa patnubay ng Pananampalataya at ng sarili kong pagsasaliksik.

Alinsunod sa Revised Corporation Code of the Philippines (RCC), ang isang religious corporation ay maaaring mabalangkas bilang isang (a) corporation sole kung ito'y pinangangasiwaan ng iisang pinuno (Section 108), o isang (b) religious society kung ito'y pinangangasiwaan ng isang kapulungan (Section 114). Taliwas sa mga paratang ni Fr. Paul, ang parehong balangkas na ito ay hindi nangangahulugan na ang mga pananalapi at ari-arian ng isang relihiyon ay pag-aari na ng namumunong indibiduwal o kapulungan. Bagkus, sila'y kinikilalang mga "katiwala" lamang ng mga ito: "For the purpose of administering and managing, as trustee, the affairs, property and temporalities of any religious denomination, sect or church" (Section 108). Kung iisipin, ang pagpaparehistro ng isang relihiyon bilang isang religious corporation ang siya pa ngang nagtitiyak na ang mga pananalapi at ari-arian ng naturang relihiyon ay hindi personal na pag-aari ng sinumang tao o kapulungan para gamitin sa kanilang mga personal na kapakinabangan, kundi pag-aari ng mismong rehistradong relihiyon at maaari lamang gamitin para sa mga layunin nito: "A corporation sole may purchase and hold real estate and personal property for its church, charitable, benevolent, or educational purposes, and may receive bequests or gifts for such purposes" (Section 111).

Sa pamamagitan ng pagpaparehistro bilang isang korporasyon, ang isang relihiyon ay nagiging isang legal entity — alalaong-baga'y isang pormal na pangkat-relihiyosong nagtatamasa ng mga karapatan at tungkulin sa lipunang kinabibilangan nito. Alalahanin nating sa ilalim ng Konstitusyon, ang bawat relihiyon ay napagkakalooban ng mga natatanging karapatan at tungkulin alinsunod sa itinatakdang pagkakahiwalay ng Simbahan at Estado. Ang tanong: kung may isa, dalawa, o higit pang katao ang kakatha ng mga doktrinang espirituwal at mga seremonya, bubuo ng isang pangkat, at magpapakilala sa lipunan bilang isang relihiyon, ito ba'y agad-agad na magkakaloob sa kanila ng mga karapatan at tungkulin ng isang relihiyon sa ating bansa? Maaari na ba silang magtayo ng mga gusaling sambahan at huwag magbayad ng amilyar? Maaari na ba silang tumanggap ng mga donasyon? Maaari na ba silang magtayo ng mga paaralan at ituro doon ang kanilang mga paniniwala? Kung hindi iparerehistro ang naturang relihiyon, hindi ba hinihingi ng katarungan na ang igawad sa kanila ay ang mga karapatan at tungkuling naaangkop lamang sa mga indibiduwal, asosasyon, o korporasyong pang-komersyo? Bakit sila tatratuhing relihiyon kung di naman rehistrado?

Nang may mga Obispong nasangkot sa tinaguriang "Pajero Scandal" mga halos isang dekada na ang nakararaan, ipinaliwanag ni Archbishop Oscar Cruz na ang mga naturang sasakyan, bagama't nakapangalan sa mga indibiduwal na Obispo, ay hindi nila personal na pag-aari, bagkus ay nakapangalan lamang sa kanila dahil ang bawat diyosesis ay isang corporation sole. Walang katuturan ang naturang paliwanag kung hindi natin tatanggapin ang halatang katotohanan: na ang mga diyosesis ng Simbahang Katolika sa Pilipinas, gaya ng sekta ni Felix Manalo, ay nagpaparehistro rin sa Securities and Exchange Commission (SEC) bilang mga korporasyong pang-relihiyon. Sa katunayan, mismong ang Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) ay nagpaparehistro rin sa SEC. Malinaw ang lumilitaw na kabalintunaan dito: Kung ang sekta ni Felix Manalo ay ituturing mong isang negosyo batay lamang sa katuwirang sila'y rehistrado bilang korporasyon, hindi ba't dapat mo ring ituring na negosyo ang mga Katolikong diyosesis na rehistrado rin bilang mga korporasyon? Ang mga diyosesis bang rehistrado sa SEC ay hindi pinapatnubayan ng Espiritu Santo? Sila ba'y "naglilingkod sa kayamanan" at "ginagawang palengke ang bahay ng Ama"?

Hindi ako dalubhasa sa batas, at ang lahat ng mga ito'y pawang opinyon ko lamang bilang isang Katolikong layko na nagsisikap unawain ang panig ng mga anti-Katoliko, alang-alang sa diwa ng ekumenismo.2 Sa aking pananaw, wala akong nakikitang masama sa pagpaparehistro ng isang relihiyon bilang isang korporasyon. Ang pagiging korporasyon ay hindi agad nangangahulugan na ang isang relihiyon ay negosyo lamang, o na ito'y napaiilalim sa kapangyarihan ng tao sa halip na sa Diyos. Walang masamang layunin ang pamahalaan sa pagtatakda ng mga batas para sa isang korporasyong pang-relihiyon. Bilang isang Katolikong Cristiano, labag sa aking konsensya na tuligsain ang sekta ni Felix Manalo at paratangan ito ng kung anu-ano dahil lamang sa sila'y rehistrado bilang corporation sole.




  1. Ayon sa paglilinaw ng Congregation for the Doctrine of the Faith hinggil sa mga katuruan ng Second Vatican Council, ang isang pamayanan ng mga mananampalataya ay maituturing na simbahan kung ito'y nagtataglay ng apostolikong paghalili ng mga Obispo [LINK]. Malinaw na ang sekta ni Felix Manalo ay walang obispong may apostolikong paghalili, kaya't hindi sila isang "simbahan" bagkus ay "pamayanang eklesiyal" lamang. Ang kanilang mga kaanib ay hindi maituturing na Cristiano, sapagkat ang tunay na Cristiano ay yaong napawalang-sala sa bisa ng Sakramento ng Binyag (Vatican II, Unitatis Redintegratio, 3). Hindi tunay ang binyag sa sekta ni Felix Manalo, sapagkat hindi iginagawad sa ngalan ng Santatluhang Diyos. [BUMALIK]
  2. "We must get to know the outlook of our separated brethren. To achieve this purpose, study is of necessity required, and this must be pursued with a sense of realism and good will. Catholics, who already have a proper grounding, need to acquire a more adequate understanding of the respective doctrines of our separated brethren, their history, their spiritual and liturgical life, their religious psychology and general background." (Vatican II, Unitatis Redintegratio, 9) [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Biyernes, Hulyo 16, 2021

Iglesia ni Cristo: Pangalan ng Simbahan?

Iginigiit ng sektang "Iglesia ni Cristo" ni Felix Manalo na ang pangalan daw ng sekta nila ang tanging wastong pangalan ng tunay na Simbahan, anupa't ang lahat ng mga denominasyong may naiibang pangalan, mabuti man o masama ang kahulugan ng pangalan nila, ay mga huwad na simbahan. Ang tunay na Simbahan, di umano, ay dapat "nakapangalan kay Cristo". Wala silang pakealam kahit pa may batayan sa Biblia ang pangalan ng simbahang kinaaaniban mo. Kung hindi literal na "Iglesia ni Cristo" ang tawag sa simbahan mo, nasa huwad na simbahan ka daw.

Subalit masusumpungan nga ba sa Biblia ang pangalang "Iglesia ni Cristo"? HINDI. May mababasa ba sa Biblia hinggil sa pagbibigay ng pangalang "Iglesia ni Cristo" sa Simbahan? WALA. Ang pang-isahang pariralang pang-pangngalan (noun phrase, singular) na "Iglesia ni Cristo" (Church of Christ) ay hindi matatagpuan sa mga pangunahin at pinagtitiwalaang Bibliang pang-Katoliko, bagkus matatagpuan lamang ito nang isang beses sa Lamsa Bible, sa pagkakasalin nito ng Gawa 20: 28"Take heed therefore to yourselves and to all the flock over which the Holy Spirit has appointed you overseers, to feed the church of Christ which he has purchased with his blood." Kaduda-duda ang kawastuhan nito sapagkat sa pananaw ng mas nakararaming dalubhasa, "iglesya ng Diyos" (church of God) o "iglesya ng Panginoon" (church of the Lord) ang tanging dalawang posibleng wastong salin nito batay sa mga umiiral na manuskritong Griyego. Ang Lamsa Bible ay batay sa Peshitta, na bersyon ng Biblia sa wikang Aramaiko na binuo noon lamang ika-limang siglo A.D. Mas matanda pa rito ang mga manuskritong Griyego ng Bagong Tipan na pinagbabatayan ng mga pangunahing Bibliang pang-Katoliko gaya ng NABRE at RSVCE2. Isa pa, hindi naman isinasalaysay ng Gawa 20: 28 ang aktuwal na pagbibigay ng pangalan sa Simbahan. Ano pa man ang maging aktuwal na binabanggit sa taludtod na ito — "Iglesia ni Cristo", "Iglesia ng Diyos", o "Iglesia ng Panginoon" — wala itong pinatutunayan hinggil sa kung ano ba ang tanging wastong pangalan na dapat itawag sa Simbahan.

Sa tuwing nadidiin hinggil sa integridad ng Lamsa Bible,1 sumisipi ang sekta ni Felix Manalo sa iilang di-kilalang bersyon ng Biblia sa Ingles gaya ng "The Peschito Syriac New Testament" ni J.W. Etheridge (na sa pangalan pa lang ng Biblia ay halata namang ang Peshitta rin ang pinagbatayan ng teksto), kung saan sinasabi: "Take heed therefore to yourselves, and to the whole flock over which the Spirit of Holiness hath constituted you the bishops; to pasture the church of the Meshiha which he hath purchased with his blood". Mapapansin na sa bersyong ito, ginamit ang salitang "Cristo" ("Meshiha" sa Aramaiko) hindi bilang pangalan kundi titulo, anupa't kung wastong isasalin sa Filipino, hindi ito "Iglesia ni Cristo" kundi "Iglesia ng Mesias".

Mahalagang mapansin na makasusumpong din naman sa Biblia ng iba pang mga katawagan sa Simbahan na may mas matibay na batayan sa mga manuskritong Griyego,2 anupa't walang katuturan na ipagpilitang "Iglesia ni Cristo" lang ang tanging maaaring itawag sa Simbahan:

  • IGLESIA NG DIYOS (CHURCH OF GOD) — 1 Corinto 1: 2, 10: 32, 11: 22, 15: 9; 2 Corinto 1: 1; Galacia 1: 13; 1 Timoteo 3: 5.
  • SAMBAHAYAN NG DIYOS (HOUSEHOLD OF GOD) — Efeso 2: 19; 1 Timoteo 3: 15; 1 Pedro 4: 17.
  • ANG DAAN (THE WAY) — Gawa 9: 2, 18: 25, 26, 19: 9, 23, 24: 14, 22.
  • SEKTA NG MGA NAZARENO (SECT OF THE NAZOREANS) — Gawa 24: 5.
  • TEMPLO NG DIYOS (TEMPLE OF GOD) — 1 Corinto 3: 16-17; 2 Corinto 6: 16.
  • KATAWAN NI CRISTO (BODY OF CHRIST) — Efeso 4: 12.

Madalas ding sipiin nang may katusuhan ang Roma 16: 16 kung saan sa saling Filipino ay sinasabi: "Magbatian kayo sa pamamagitan ng isang banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesya ni Cristo". Mapapansing nasa anyong pang-maramihan (plural) ang pariralang ginamit: "mga iglesya ni Cristo" (churches of Christ). Palibhasa'y apat na mga salita ito sa Filipino ("mga iglesya ni Cristo"), sadya nilang binibigyang-diin lamang ang mga salitang "iglesya ni Cristo" upang di mapansin ang anyong pang-maramihan nito sa teksto. Subalit kahit ipagpilitan pa na ito daw ay "katibayan" na "Iglesia ni Cristo" ang tanging pangalan ng Simbahan, paano nila ipaliliwanag ang katulad na pariralang binanggit sa Roma 16: 4: "Sa kanila ay nagpapasalamat hindi lamang ako kundi ang lahat ng iglesya ng mga Hentil"? Malinaw ang pagkakatulad ng mga pananalita sa dalawang taludtod na ito, anupa't walang katuturan na igiit na "Iglesia ni Cristo" o "Iglesia ng mga Hentil" ang tanging wastong pangalan ng Simbahan.

Hindi naman masama na tawaging "Iglesia ni Cristo" ang Simbahan batay sa diwang ang Simbahan ay sa Panginoong Jesus at siya ring nagtayo nito (Mateo 16: 18), subalit nagiging masama kung inaangkin mo ang pangalang ito (at iginigiit pang ito lang ang tanging wastong pangalan) gayong ang sekta mo ay wala namang makasaysayang pagkakaugnay sa Simbahang itinayo ng Panginoong Jesus! Nang iparehistro ni Felix Manalo ang kanyang sekta noong 1914, ganito ang nasasaad: "That said applicant appears before this office and respectfully declares: That said applicant is the founder and present head of the Society named 'Iglesia Ni Kristo' and desires to convert said society into a unipersonal corporation." Sa isa pang kaugnay na dokumento (na may petsang July 13, 1914), hindi lamang si Felix Manalo, bagkus marami pang pinangalanang "founders" ng kanyang sekta, kabilang na sina Pedro Inocencio, Atanacio Morte, Felicimo de Leon, Federico Inocencio, Gorgonio Sta. Maria, Maximano Diosenito, Juana de la Cruz, Emilia de Leon, Barbara Cordero, Engracia Ramos, Remigia Guevarra, Serapio Dionisio, Vicente Reyes, Paulino Demaguilo, Paulino Dinging Bayan, Remorata Manalo, at Hugo Santos. Isa itong tahasan at pormal na pagpapahayag na ang sektang "Iglesia ni Cristo" ay itinatag ng mga naturang personalidad, hindi ng Cristong binabanggit sa pangalan ng sekta nila. Kaya nga't nang gawing special national working holiday ang petsang July 27 sa bisa ng Republic Act No. 9645, tahasang sinabi na ang naturang petsa ay ang founding anniversary ng "Iglesia ni Cristo" sa Pilipinas. Malinaw, kung gayon, na ang pangalang "Iglesia ni Cristo" na inaangkin ng sekta ni Felix Manalo ay hindi tumutugma sa katotohanan hinggil sa kanilang sekta. At kapag ang pangalan at ang katotohanang pinangangalanan ay magkasalungat, ito'y hindi maituturing na tunay kundi HUWAD.

Hindi sapat ang pangalan lang para matukoy ang tunay na pagkakakilanlan. Katawa-tawa na ngang isipin na kailangan pa natin itong ipaliwanag, gayong dapat ay arok na ito ng ating sentido kumon. Kapag ba inangkin mo ang pangalan ko, sa palagay mo ba, mawiwithdraw mo ang pera ko sa bangko? Makukuha mo ba ang mga medical records ko sa ospital? Papapasukin ka ba ng security guard sa kumpanyang pinagtatrabahuan ko? Paniniwalaan ka ba ng sarili kong pamilya at mga kaibigan? Sasalubungin ka ba ng aso ko? Pareho ba ang DNA natin? Yung fingerprint mo, katulad ba ng sa akin? Kahit angkinin mo pa ang pangalan ko, hindi mo basta-basta maaangkin ang pagkatao ko. Hindi mo basta-basta masasabi na ikaw nga talaga ako.

Hindi sapat na ikapit mo ang taguring "Cristo" sa iyong sarili o sa iyong itinatag na samahan para masabing nasa panig ka nga ng Panginoong Jesu-Cristo (1 Corinto 1: 12-13). Alalahanin nating darating ang panahong maraming lilitaw na "huwad na Cristo" na magsasabing "Ako ang Cristo" o "Ang Cristo ay narito o naroon" (Mateo 24: 5, 23, 24). Sa ganang atin, nakikilala natin ang tunay na Simbahan sa pamamagitan ng kanyang apat na marka, na ayon sa Kredo ay IISA, BANAL, KATOLIKA, at APOSTOLIKA.

"If ever you are sojourning in cities, inquire not simply where the Lord's House is (for the other sects of the profane also attempt to call their own dens houses of the Lord), nor merely where the Church is, but where is the Catholic Church. For this is the peculiar name of this Holy Church, the mother of us all, which is the spouse of our Lord Jesus Christ, the Only-begotten Son of God (for it is written, As Christ also loved the Church and gave Himself for it, and all the rest,) and is a figure and copy of Jerusalem which is above, which is free, and the mother of us all; which before was barren, but now has many children."

ST. CYRIL OF JERUSALEM (313-86 AD)
Catecheses, xviii, 26

UPDATED: 11:12 PM 12/14/2021


  1. Sa kabilang banda, sa Lamsa Bible tahasang pinapawi ang mga pagdududa na si San Pedro ang "bato" na pinagtayuan ng Simbahan sa Mateo 16: 18. Ayon sa pagkakasalin nito: "I tell you also that you are a stone, and upon this stone I will build my church; and the doors of Sheol shall not shut in on it." Kung malaki ang pagtitiwala ng sekta ni Felix Manalo sa kawastuhan ng Lamsa Bible, anupa't pinagtitiwalaan nila itong batayan ng anila'y tunay at wastong pangalan ng Simbahan, bakit kaya hindi nila gamitin ang Lamsa Bible sa pagtalakay ng Mateo 16: 18, kung saan nasusulat ang isa sa mga mahahalagang pagkakakilanlan ng tunay na Simbahan — na ito ay dapat nakatayo sa ibabaw ng pagka-bato ni Apostol San Pedro? [BUMALIK]
  2. Ang Simbahan ay isang dakilang hiwaga (Efeso 5: 32), kaya't ang buong katotohanan hinggil sa kanyang pagkakakilanlan ay hindi lubos na maipahahayag ng iisang pangalan o taguri lang. Kung paanong ang Panginoong Jesu-Cristo ay maraming pangalan, gayon din ang kanyang Simbahan. Sa katunayan, hindi ba't bukod sa "Simbahang Katolika", tinatawag din natin siyang "Katawang Mistiko ni Cristo", "Santang Inang Simbahan", "Iglesia Katolika Apostolika Romana", "Bayan ng Diyos", "Santa Iglesia", "Pandaigdigang Sakramento ng Kaligtasan", at kung anu-ano pa? Nagpapakita ng mababaw na Cristolohiya at Eklesiyolohiya ang pagsasabing ang Simbahan ay mayroon lamang nag-iisang tamang pangalan at wala nang iba pang maaaring itawag sa kanya. [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Martes, Hulyo 13, 2021

Himala: Pagninilay sa MATEO 11: 20-24

Kung araw-araw bang may himala, araw-araw din bang madaragdagan ang mga sumasampalataya sa Diyos? Araw-araw din kaya tayong mahihikayat na magsisi sa mga kasalanan at magsikap sa landas ng kabanalan? Batay sa naging karanasan ng Panginoong Jesus, HINDI. Kung saang mga bayan pa siya gumawa ng mas maraming himala, sila pa ang naging matigas ang puso at di nagsisi sa kanilang mga kasalanan. Bakit kaya?

Ano bang tingin ng tao sa mga himala? Kalimitang hamon ng mga ateista, "Maghimala lang ang diyos sa harap ko, maniniwala na ako!" Naghahanap sila ng mga kagimbal-gimbal na himala: malakas na tinig na dadagundong sa kalangitan, pagtubo ng mga naputol na braso o binti, muling pagkabuhay ng namatay na naagnas na sa libingan, mga nagliliwanag at lumilipad na mga pari na gaya ng mga superhero sa pelikula, atbp. Subalit sapat na nga ba ang mga ito upang sumampalataya ang isang tao? Kung makarinig ka ng tinig mula sa langit, hindi mo ba muna ito sisiyasatin kung saan nagmumula? Kung may isang naputulan ng binti na tinubuan ng bagong binti, hindi mo ba muna susuriin ang taong ito upang maghanap ng posibleng maka-agham na paliwanag? Sa totoo lang, hangga't sarado ang isip ng tao sa posibilidad na may Diyos na naghihimala, hindi siya mauubusan ng dahilan upang magduda. Maubusan man siya ng maaaring suriin o siyasatin, igigiit na lamang niya, "Maaaring hindi ko pa alam ngayon, subalit kung patuloy na pag-aaralan, mahahanap ko rin ang sagot balang araw!"

Kung iisipin, hindi naman kailangan ng himala para patunayang may Diyos. Kahit ang dumi ng aso, kung pag-aaralan mo, ay maghahatid sa iyo sa pananampalataya! Sapagkat nabubuhay tayo sa isang sanlibutang pinatatakbo ng mga sanhi at epekto, ang simpleng pagninilay sa pinagsimulan ng lahat ng mga sanhi ay maghahatid sa iyo sa pagkakatantong may Unang Sanhi na nagpapa-iral sa lahat ng bagay. Milagro man o natural na pangyayari, ang lahat ng ito ay matatalunton sa iisang Diyos na lumikha sa lahat at nagpapanatili sa pag-iral ng lahat.

Nakapagpapatibay ba ng pananampalataya ang makasaksi o makaranas ng mga himala? Para sa karamihan sa atin, ang tingin natin sa mga himala ay mga mabilisang solusyon sa mga kumplikado nating problema sa buhay. "Kung simple lang ang problema ko, hindi ko na kailangan ang Diyos sa buhay ko. Pero kung sobrang bigat na, kung nahihirapan na ako, kung halos ikamatay ko na ang problema ko, saka na ako lalapit at magmamaka-awa. At kung hindi lulutasin ng Diyos ang problema ko sa paraang gusto ko, ibig sabihin, wala siyang kwentang Diyos, at sa gayo'y walang dahilan na magsisi ako sa mga kasalanan ko sa kanya! Anong pakealam ko kung pasayawin niya ang araw, o kung magbagong-anyo ang ostiya sa literal na laman na dinudugo, o kung may mga labi ng mga banal na hindi naaagnas, o kung may naitatalang mga kaso ng milagrosong paggaling sa simbahan sa Lourdes? Kung hindi Niya lulutasin ang problema KO sa paraang gusto KO, hindi Niya ako mahal!"

Aminin natin: hindi ba't ganyan tayo mag-isip kung minsan? Hindi ba't ganyan ang ibinibulong ni Satanas sa ating puso sa tuwing namomroblema tayo?

Ang mga himala ay hindi pagpapakitang-gilas ng Diyos. Wala siyang kailangang patunayan sa tao sapagkat ang mismong lupang tinatapakan mo at ang hanging hinihinga mo ay sa kanya nanggagaling. Wala namang pakinabang sa buhay ng tao ang mga milagrong pawang pagpapakitang-gilas lang. Oo, namangha ka at natakot sa nakita mo, o tapos ano na? Papalakpakan mo ba ang Diyos, na tulad lamang ng isang mahikerong nagtatanghal sa perya? Nagdudulot ba iyan ng pananampalataya?

Ang mga himala ay tanda: mga pagpapa-pansin ng Diyos sa ating mga matang labis na nabaling sa mga bagay na makamundo. Pinaaalalahanan tayong huwag bigyan ng sobrang kapangyarihan sa ating buhay ang mga problema natin sa lupa sapagkat may Diyos na higit na makapangyarihan, na hindi kailanman malilimitihan ng mga batas ng kalikasang siya rin naman mismo ang nagtatakda. Tinatawag niya tayo upang buksan ang mga mata sa buong katotohanan ng buhay — na hindi lamang tungkol sa mga katotohanang materyal kundi pati sa mga katotohanang espirituwal. Sa katunayan, ang mga himala ay maituturing na pagpapakababa ng Diyos, na sa kabila ng kanyang walang hanggang kapangyarihan na sumasakop sa buong sanlibutan ay minamabuting magpapansin sa ating mga makasalanan — tayo na kung ikukumpara sa hindi malirip na kalakhan ng sanlibutan, ay pawang napakaliit at walang kabuluhan (Salmo 8)!

"...pinagsabihan niya ang mga lungsod na nakakita ng marami niyang himala sapagkat hindi sila nagsisi."

MATEO 11: 20


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Linggo, Hulyo 11, 2021

Kulto ba ang Simbahang Katolika?


Photo by Oleg Magni from Pexels (edited)

Marapat bang ituring na kulto ang Simbahang Katolika? Upang masagot nang maayos ang tanong na ito, kailangan nating linawin ang kahulugan ng salitang "kulto". Buhat sa salitang Latin na cultus—na ang karaniwang kahulugan ay "pamimintuho o pagsamba", at past participle ng colere na ang kahulugan ay "linangin, ihanda, o papagyamanin"—ang kulto ay maaaring tumukoy sa:

  1. mga bagay, pamamaraan, o rituwal hinggil sa pagsamba sa Diyos, at sa pamimintuho sa Mahal na Birhen, sa mga Santo, sa mga banal na imahen, at sa mga relikya (1910 New Catholic Dictionary);
  2. malaking paghanga o debosyon sa isang tao, ideya, bagay, kilusan, o pilosopiya (Merriam-Webster app 2021, #2 definition); o
  3. mga "alternatibong relihiyon" na ang mga paggawi at paniniwala ay iba sa mga mas nakararaming relihiyon ("Cult." Microsoft Encarta 2009).

Makikita sa mga nabanggit na ang mismong salitang "kulto" ay walang masamang kahulugan, bagkus nagiging masama lamang depende sa bagay o layon nito, at sa gampanin nito sa lipunang kinabibilangan. Maraming matataguriang "kulto" sa ating lipunan na katanggap-tanggap o di naman itinuturing na malaking problema ng nakararami:

  • mga taong malaki ang pagpapahalaga sa pagpapanatili ng "mabuting pangalan" ng pamilya, at mahigpit na sumusunod sa mga tradisyon ng kanilang angkan — nagiging masama kung masama ang tradisyon ng angkan, at/o nasisiil ang karapatang pantao ng indibiduwal.
  • mga "kapatiran" (fraterniy at sorority) o samahan ng mga propesyunal o ng mga magkakatulad ang hilig/gawain — nagiging masama kung may labis na katapatan, pang-aabuso, at karahasan.
  • mga tapat na tagasunod/tagataguyod ng isang ipinagpipitaganang pulitiko — nagiging masama kung ang pulitiko ay tiwali, at ang mga tagataguyod ay nagkakalat ng mga maling impormasyon para pagtakpan ang mga katiwalian nito.
  • pagkilala at pagpaparangal sa mga tinaguriang bayaning makabayan — nagiging masama kung pati ang mga kamalian ng kinikilalang bayani ay itinataguyod din.
  • mga tagahanga ng mga kilalang artista, mang-aawit, banda, teleserye, pelikula, manunulat, atbp. — nagiging masama kung labis na ang pagkahumaling, at nagbubulag-bulagan na sa mga kamalian at masamang paggawi ng mga pinatutungkulan ng paghanga.
  • mga indibiduwal o grupong mapagkawanggagawa na nagpasimula, nakiisa, at tumulong sa mga tinaguriang "community pantry" — nagiging masama kung kinakasangkapan ang pagkakawanggawa upang ikampanya ang isang pulitiko o ideyolohiya.
  • mga deboto ng Itim na Nazareno, Sto. Niño, Ina ng Laging Saklolo, atbp. at iba't ibang grupong Karismatiko — nagiging masama kung mas pinahahalagahan ang debosyon at espirituwal na karanasan kaysa sa mga Sakramento, at/o ang debosyon ay hinahaluan ng mga pamahiin at/o pinagkakaperahan.
  • mga "tradisyunal na Katoliko" na may malaking pagpapahalaga sa Misang Latin at sa iba pang mga matatandang paggawing Katoliko — nagiging masama lamang kung humahantong sa iskismo at pagtuligsa sa mga di-umano'y "liberal na Katoliko".
  • mga apolohistang masugid na ipinagtatanggol ang Simbahan mula sa mga paninira ng mga anti-Katoliko — nagiging masama kung gumagamit ng mga maling impormasyon at argumento, at nagbubulag-bulagan sa mga totoong pagkakamali at pagkukulang ng Simbahan.

Sa katunayan, masasabi nating ang lahat ng mga kasalukuyang dominanteng relihiyon sa mundo—kabilang na ang mismong Simbahang Katolika—ay nagsimula sa pagiging kulto. Bilang isang alternatibong relihiyon, malinaw namang ipinahayag ng Cristianismo ang kaibahan nito sa naunang relihiyong Judaismo, dahil sa pagkilala sa Panginoong Jesus bilang katuparan ng mga propesiya hinggil sa Mesias/Tagapagligtas. Magmula sa isa lamang maliit na grupong nakapaligid sa Panginoon, ang Simbahan ay unti-unting lumaganap hanggang sa kasalukuyang mahigit isang bilyong kaanib buhat sa iba't ibang panig ng mundo.

Taglay pa rin naman ng Simbahang Katolika ang halos lahat ng mga pangunahing elemento ng isang kulto: ang pagiging minorya at ang pagkakaroon ng mga karismatikong lider na pinaniniwalaang may taglay na mahimalang kapangyarihan.

  • Oo, kabilang nga tayo sa mga pangunahing relihiyon sa daigdig, subalit hindi naman tayo ang pinakamarami. Kung ikukumpura sa bilang ng mga Katoliko (1.3 bilyon), higit na nakararami ang mga Muslim (1.9 bilyon), at halos kasingdami natin ang mga Hindu (1.2 bilyon). Kung pagsasamahin ang lahat ng mga hindi Katoliko, tinatayang sila'y humigit-kumulang 6.5 bilyong katao. sa ganitong pandaigdigang pananaw, malinaw na tayo'y nasa minorya — isang katotohanang di natin alintana, palibhasa'y ang Simbahang Katolika ang pinakalaganap na relihiyon sa ating bansa. Lalo pa ngang lumiliit ang ating bilang kung ipagsasaalang-alang na 46% lang ng mga Katoliko sa Pilipinas ang nagsisimba tuwing linggo.
  • Sa panig nating mga tapat sa Simbahan (versus mga Katolikong hindi regular na nagsisimba at hindi lubusang tumatalima sa mga katuruan ng Simbahan), malaki ang paggalang natin sa Santo Papa, mga Obispo, at mga Kaparian—paggalang na kung nagkataong maliit na grupo lamang tayo, maihahalintulad tayo sa mga kakatwang grupong mistulang sunud-sunuran sa kanilang karismatikong pinuno. Maituturing pa nga ang Sakramento ng Kumpisal bilang lubos na pagpapasakop ng ating isip at kalooban sa mga pinuno ng Simbahan!
  • Hindi naman maikakaila na naniniwala tayong may taglay na "mahimalang kapangyarihan" ang mga namumuno ng Simbahan. Naniniwala tayo sa bisa ng mga pagbasbas, sa kawalang-pagkakamali ng Santo Papa, sa kapangyarihan ng pari na mapangyari ang transubstantiation ng tinapay at alak sa Banal na Misa, sa kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo, atbp.

Tiyak na maraming Katoliko ang maiinis sa aking mga sinabi, palibhasa'y nakintal na sa ating isipan ang negatibong diwa ng salitang "kulto". Mga taong 1960's at 1970's nang simulang iugnay ang salitang ito sa mga bagong litaw na grupong relihiyoso na itinuturing na mapanganib sa lipunan, sa mga kadahilanang:

  1. sila'y pinamumunuan ng isang makapangyarihang lider na kinokontrol ang halos lahat ng aspeto ng pamumuhay ng mga kaanib, anupa't di sila pinahihintulutang magtanong o tumutol sa lahat ng mga itinuturo at ipinag-uutos nito;
  2. sila'y di kumikilala o nagpapasakop sa umiiral na pamahalaan at sa mga batas ng lipunang kinabibilangan nila;
  3. sila'y karaniwang nagtuturo na malapit nang magunaw ang mundo, o di kaya'y may kung anong malaking sakunang magaganap, at maaari ka lamang makaligtas sa pamamagitan ng kanilang mga katuruan o seremonyas;
  4. sila'y karaniwang nanghihikayat sa mga kaanib na pumatay, magpakamatay, magsagawa ng terorismo, magsuko ng lahat ng mga ari-arian, at magpagamit sa mga gawang kahalayan.

Kabilang sa mga di maikakailang mapanganib na kulto sa kasaysayan ay ang Ku Kluk Klan, Aum Shinrikyo, Peoples Temple, at Heaven's Gate. Dito sa atin sa Pilipinas, nariyan naman ang Pulahan (dios-dios) at ang Philippine Benevolent Missionaries Association.

May ilan na itinuturing na lubhang kakatwa—gaya ng Iglesia Watawat ng Lahi (na naniniwalang si Jose Rizal ay diyos) at Apostolic Catholic Church (na naniniwalang si Juan Florentino Teruel ay reinkarnasyon ni Propeta Elias at ni San Juan Bautista, at ang kanyang inang si Maria Virginia Leonzon ay reinkarnasyon ng Mahal na Birheng Maria)—subalit hindi itinuturing na mapanganib sa lipunan. Ang Iglesia ni Cristo ay malimit ding taguriang kulto dahil sa pagkilala nito kay Felix Manalo bilang "huling sugo", gayon din ang Kingdom of Jesus Christ dahil sa pagkilala nito kay Apollo Quiboloy bilang "Appointed Son of God".

Kung iisipin, kung patas nating hahatulan ang ating relihiyon batay sa mga karaniwang sukatan ng isang mapanganib na kulto, hindi ba't parang hindi rin tayo naiiba sa kanila? Kung ating iisa-isahin:

  • Hindi ba't ang Panginoong Jesu-Cristo ay kinikilala nating panginoon ng buong buhay at pagkatao natin, at kinikilala naman natin ang Santo Papa, mga Obispo, at mga Kaparian bilang kanyang mga lehitimong kinatawan sa daigdig?
  • Hindi ba't naninindigan tayo sa mga katuruan ng Simbahan hinggil sa pananampalataya at moral, anupa't kung mangyaring sumalungat sa mga ito ang umiiral na pamahalaan, handa tayong sumuway sa batas, at tumanggap ng parusa kahit pa parusang kamatayan?
  • Hindi ba't naniniwala din naman tayo na nabubuhay tayo sa "mga huling araw", na malapit na ang wakas ng panahon, at darating ang araw na maghahari ang anti-Cristo sa daigdig at daranas ang Simbahan ng pinaka-mahigpit na pag-uusig?
  • Hindi ba't nasangkot din naman ang Simbahan sa mga insidente ng karahasan at kalupitan (gaya ng Crusades at Inquisition), kahalayan (dahil sa pagkakasangkot ng mga Kaparian sa mga kaso ng seksuwal na pang-aabuso), at sa kung anu-ano pang mga krimen at katiwalian sa lipunan?

Mapalad tayo dahil sa kasalukuyang lipunang kinabibilangan natin, nagtatamasa tayo ng karapatan sa kalayaang pangrelihiyon. Mapalad tayo dahil tayo ang pinakamarami sa ating bansa, kaya't nananatiling mahalagang boses sa lipunan ang mga pahayag ng ating mga Obispo at Kaparian. Gayon man, hindi ito dapat maging dahilan upang tayo'y magmataas at hamak-hamakin ang mga mas maliit na relihiyon sa atin. Alalahanin nating ang ating Simbahan ay nagsimula rin sa isang maliit na grupo, at itinuring na kakatwa, baliw, o masama (Gawa 26: 24). Alalahanin nating marami rin tayong pagkakatulad sa mga di-Katolikong relihiyon na tinutuligsa natin. Alalahanin natin na darating din ang panahon na magiging mas marami ang mga anti-Katoliko kaysa sa atin (Pahayag 20: 7-9) — na tila magbabalik tayo sa katayuan ng isang kulto.

Sa kabilang banda, paano ba tayo tutugon sa mga taong tinatawag tayong "kulto" batay sa negatibong diwa nito? Alalahanin natin ang mga salita ng Pariseong si Gamaliel:

"Mga lalaking Israelita, tingnan ninyong mabuti ang binabalak ninyong gawin sa mga taong ito. Nang nakaraang mga panahon ay lumitaw si Teudas, na nagsasabing siya ay dakilang tao, at may apatnaraang katao ang sumunod sa kanya. Nang siya ay mapatay, nagkawatak-watak ang lahat niyang taga-sunod at naging walang kabuluhan. Pagkatapos nito ay lumitaw naman si Judas na taga-Galileo nang panahon ng senso; maraming tao ang sumunod sa kanya. Siya ay napatay din at sumabog ang lahat niyang taga-sunod. Kaya't sinasabi ko sa inyo: Lumayo kayo sa mga taong ito at pabayaan sila; sapagkat kung galing sa mga tao ang kanilang binabalak o ginagawa, ito'y masisira; subalit kung galing sa Diyos ay hindi ninyo masisira. Baka lumabas pang kayo ay lumalaban sa Diyos."

GAWA 5: 35-39


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF