Photo by Oleg Magni from Pexels (edited)
Marapat bang ituring na kulto ang Simbahang Katolika? Upang masagot nang maayos ang tanong na ito, kailangan nating linawin ang kahulugan ng salitang "kulto". Buhat sa salitang Latin na cultusna ang karaniwang kahulugan ay "pamimintuho o pagsamba", at past participle ng colere na ang kahulugan ay "linangin, ihanda, o papagyamanin"ang kulto ay maaaring tumukoy sa:
- mga bagay, pamamaraan, o rituwal hinggil sa pagsamba sa Diyos, at sa pamimintuho sa Mahal na Birhen, sa mga Santo, sa mga banal na imahen, at sa mga relikya (1910 New Catholic Dictionary);
- malaking paghanga o debosyon sa isang tao, ideya, bagay, kilusan, o pilosopiya (Merriam-Webster app 2021, #2 definition); o
- mga "alternatibong relihiyon" na ang mga paggawi at paniniwala ay iba sa mga mas nakararaming relihiyon ("Cult." Microsoft Encarta 2009).
Makikita sa mga nabanggit na ang mismong salitang "kulto" ay walang masamang kahulugan, bagkus nagiging masama lamang depende sa bagay o layon nito, at sa gampanin nito sa lipunang kinabibilangan. Maraming matataguriang "kulto" sa ating lipunan na katanggap-tanggap o di naman itinuturing na malaking problema ng nakararami:
- mga taong malaki ang pagpapahalaga sa pagpapanatili ng "mabuting pangalan" ng pamilya, at mahigpit na sumusunod sa mga tradisyon ng kanilang angkan nagiging masama kung masama ang tradisyon ng angkan, at/o nasisiil ang karapatang pantao ng indibiduwal.
- mga "kapatiran" (fraterniy at sorority) o samahan ng mga propesyunal o ng mga magkakatulad ang hilig/gawain nagiging masama kung may labis na katapatan, pang-aabuso, at karahasan.
- mga tapat na tagasunod/tagataguyod ng isang ipinagpipitaganang pulitiko nagiging masama kung ang pulitiko ay tiwali, at ang mga tagataguyod ay nagkakalat ng mga maling impormasyon para pagtakpan ang mga katiwalian nito.
- pagkilala at pagpaparangal sa mga tinaguriang bayaning makabayan nagiging masama kung pati ang mga kamalian ng kinikilalang bayani ay itinataguyod din.
- mga tagahanga ng mga kilalang artista, mang-aawit, banda, teleserye, pelikula, manunulat, atbp. nagiging masama kung labis na ang pagkahumaling, at nagbubulag-bulagan na sa mga kamalian at masamang paggawi ng mga pinatutungkulan ng paghanga.
- mga indibiduwal o grupong mapagkawanggagawa na nagpasimula, nakiisa, at tumulong sa mga tinaguriang "community pantry" nagiging masama kung kinakasangkapan ang pagkakawanggawa upang ikampanya ang isang pulitiko o ideyolohiya.
- mga deboto ng Itim na Nazareno, Sto. Niño, Ina ng Laging Saklolo, atbp. at iba't ibang grupong Karismatiko nagiging masama kung mas pinahahalagahan ang debosyon at espirituwal na karanasan kaysa sa mga Sakramento, at/o ang debosyon ay hinahaluan ng mga pamahiin at/o pinagkakaperahan.
- mga "tradisyunal na Katoliko" na may malaking pagpapahalaga sa Misang Latin at sa iba pang mga matatandang paggawing Katoliko nagiging masama lamang kung humahantong sa iskismo at pagtuligsa sa mga di-umano'y "liberal na Katoliko".
- mga apolohistang masugid na ipinagtatanggol ang Simbahan mula sa mga paninira ng mga anti-Katoliko nagiging masama kung gumagamit ng mga maling impormasyon at argumento, at nagbubulag-bulagan sa mga totoong pagkakamali at pagkukulang ng Simbahan.
Sa katunayan, masasabi nating ang lahat ng mga kasalukuyang dominanteng relihiyon sa mundokabilang na ang mismong Simbahang Katolikaay nagsimula sa pagiging kulto. Bilang isang alternatibong relihiyon, malinaw namang ipinahayag ng Cristianismo ang kaibahan nito sa naunang relihiyong Judaismo, dahil sa pagkilala sa Panginoong Jesus bilang katuparan ng mga propesiya hinggil sa Mesias/Tagapagligtas. Magmula sa isa lamang maliit na grupong nakapaligid sa Panginoon, ang Simbahan ay unti-unting lumaganap hanggang sa kasalukuyang mahigit isang bilyong kaanib buhat sa iba't ibang panig ng mundo.
Taglay pa rin naman ng Simbahang Katolika ang halos lahat ng mga pangunahing elemento ng isang kulto: ang pagiging minorya at ang pagkakaroon ng mga karismatikong lider na pinaniniwalaang may taglay na mahimalang kapangyarihan.
- Oo, kabilang nga tayo sa mga pangunahing relihiyon sa daigdig, subalit hindi naman tayo ang pinakamarami. Kung ikukumpura sa bilang ng mga Katoliko (1.3 bilyon), higit na nakararami ang mga Muslim (1.9 bilyon), at halos kasingdami natin ang mga Hindu (1.2 bilyon). Kung pagsasamahin ang lahat ng mga hindi Katoliko, tinatayang sila'y humigit-kumulang 6.5 bilyong katao. sa ganitong pandaigdigang pananaw, malinaw na tayo'y nasa minorya isang katotohanang di natin alintana, palibhasa'y ang Simbahang Katolika ang pinakalaganap na relihiyon sa ating bansa. Lalo pa ngang lumiliit ang ating bilang kung ipagsasaalang-alang na 46% lang ng mga Katoliko sa Pilipinas ang nagsisimba tuwing linggo.
- Sa panig nating mga tapat sa Simbahan (versus mga Katolikong hindi regular na nagsisimba at hindi lubusang tumatalima sa mga katuruan ng Simbahan), malaki ang paggalang natin sa Santo Papa, mga Obispo, at mga Kaparianpaggalang na kung nagkataong maliit na grupo lamang tayo, maihahalintulad tayo sa mga kakatwang grupong mistulang sunud-sunuran sa kanilang karismatikong pinuno. Maituturing pa nga ang Sakramento ng Kumpisal bilang lubos na pagpapasakop ng ating isip at kalooban sa mga pinuno ng Simbahan!
- Hindi naman maikakaila na naniniwala tayong may taglay na "mahimalang kapangyarihan" ang mga namumuno ng Simbahan. Naniniwala tayo sa bisa ng mga pagbasbas, sa kawalang-pagkakamali ng Santo Papa, sa kapangyarihan ng pari na mapangyari ang transubstantiation ng tinapay at alak sa Banal na Misa, sa kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo, atbp.
Tiyak na maraming Katoliko ang maiinis sa aking mga sinabi, palibhasa'y nakintal na sa ating isipan ang negatibong diwa ng salitang "kulto". Mga taong 1960's at 1970's nang simulang iugnay ang salitang ito sa mga bagong litaw na grupong relihiyoso na itinuturing na mapanganib sa lipunan, sa mga kadahilanang:
- sila'y pinamumunuan ng isang makapangyarihang lider na kinokontrol ang halos lahat ng aspeto ng pamumuhay ng mga kaanib, anupa't di sila pinahihintulutang magtanong o tumutol sa lahat ng mga itinuturo at ipinag-uutos nito;
- sila'y di kumikilala o nagpapasakop sa umiiral na pamahalaan at sa mga batas ng lipunang kinabibilangan nila;
- sila'y karaniwang nagtuturo na malapit nang magunaw ang mundo, o di kaya'y may kung anong malaking sakunang magaganap, at maaari ka lamang makaligtas sa pamamagitan ng kanilang mga katuruan o seremonyas;
- sila'y karaniwang nanghihikayat sa mga kaanib na pumatay, magpakamatay, magsagawa ng terorismo, magsuko ng lahat ng mga ari-arian, at magpagamit sa mga gawang kahalayan.
Kabilang sa mga di maikakailang mapanganib na kulto sa kasaysayan ay ang Ku Kluk Klan, Aum Shinrikyo, Peoples Temple, at Heaven's Gate. Dito sa atin sa Pilipinas, nariyan naman ang Pulahan (dios-dios) at ang Philippine Benevolent Missionaries Association.
May ilan na itinuturing na lubhang kakatwagaya ng Iglesia Watawat ng Lahi (na naniniwalang si Jose Rizal ay diyos) at Apostolic Catholic Church (na naniniwalang si Juan Florentino Teruel ay reinkarnasyon ni Propeta Elias at ni San Juan Bautista, at ang kanyang inang si Maria Virginia Leonzon ay reinkarnasyon ng Mahal na Birheng Maria)subalit hindi itinuturing na mapanganib sa lipunan. Ang Iglesia ni Cristo ay malimit ding taguriang kulto dahil sa pagkilala nito kay Felix Manalo bilang "huling sugo", gayon din ang Kingdom of Jesus Christ dahil sa pagkilala nito kay Apollo Quiboloy bilang "Appointed Son of God".
Kung iisipin, kung patas nating hahatulan ang ating relihiyon batay sa mga karaniwang sukatan ng isang mapanganib na kulto, hindi ba't parang hindi rin tayo naiiba sa kanila? Kung ating iisa-isahin:
- Hindi ba't ang Panginoong Jesu-Cristo ay kinikilala nating panginoon ng buong buhay at pagkatao natin, at kinikilala naman natin ang Santo Papa, mga Obispo, at mga Kaparian bilang kanyang mga lehitimong kinatawan sa daigdig?
- Hindi ba't naninindigan tayo sa mga katuruan ng Simbahan hinggil sa pananampalataya at moral, anupa't kung mangyaring sumalungat sa mga ito ang umiiral na pamahalaan, handa tayong sumuway sa batas, at tumanggap ng parusa kahit pa parusang kamatayan?
- Hindi ba't naniniwala din naman tayo na nabubuhay tayo sa "mga huling araw", na malapit na ang wakas ng panahon, at darating ang araw na maghahari ang anti-Cristo sa daigdig at daranas ang Simbahan ng pinaka-mahigpit na pag-uusig?
- Hindi ba't nasangkot din naman ang Simbahan sa mga insidente ng karahasan at kalupitan (gaya ng Crusades at Inquisition), kahalayan (dahil sa pagkakasangkot ng mga Kaparian sa mga kaso ng seksuwal na pang-aabuso), at sa kung anu-ano pang mga krimen at katiwalian sa lipunan?
Mapalad tayo dahil sa kasalukuyang lipunang kinabibilangan natin, nagtatamasa tayo ng karapatan sa kalayaang pangrelihiyon. Mapalad tayo dahil tayo ang pinakamarami sa ating bansa, kaya't nananatiling mahalagang boses sa lipunan ang mga pahayag ng ating mga Obispo at Kaparian. Gayon man, hindi ito dapat maging dahilan upang tayo'y magmataas at hamak-hamakin ang mga mas maliit na relihiyon sa atin. Alalahanin nating ang ating Simbahan ay nagsimula rin sa isang maliit na grupo, at itinuring na kakatwa, baliw, o masama (Gawa 26: 24). Alalahanin nating marami rin tayong pagkakatulad sa mga di-Katolikong relihiyon na tinutuligsa natin. Alalahanin natin na darating din ang panahon na magiging mas marami ang mga anti-Katoliko kaysa sa atin (Pahayag 20: 7-9) na tila magbabalik tayo sa katayuan ng isang kulto.
Sa kabilang banda, paano ba tayo tutugon sa mga taong tinatawag tayong "kulto" batay sa negatibong diwa nito? Alalahanin natin ang mga salita ng Pariseong si Gamaliel:
"Mga lalaking Israelita, tingnan ninyong mabuti ang binabalak ninyong gawin sa mga taong ito. Nang nakaraang mga panahon ay lumitaw si Teudas, na nagsasabing siya ay dakilang tao, at may apatnaraang katao ang sumunod sa kanya. Nang siya ay mapatay, nagkawatak-watak ang lahat niyang taga-sunod at naging walang kabuluhan. Pagkatapos nito ay lumitaw naman si Judas na taga-Galileo nang panahon ng senso; maraming tao ang sumunod sa kanya. Siya ay napatay din at sumabog ang lahat niyang taga-sunod. Kaya't sinasabi ko sa inyo: Lumayo kayo sa mga taong ito at pabayaan sila; sapagkat kung galing sa mga tao ang kanilang binabalak o ginagawa, ito'y masisira; subalit kung galing sa Diyos ay hindi ninyo masisira. Baka lumabas pang kayo ay lumalaban sa Diyos."GAWA 5: 35-39
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF