Ano ang Pasko para sa iyo?
Para sa akin, bilang isang Katolikong Cristiano, ang Pasko1 ay ang Dakilang Kapistahan ng Kapanganakan ng Panginoong Jesu-Cristo. Wala nang ibang kahulugan. Hindi kailangang pakumplikahin at mag-isip ng kung anu-anong "tunay na diwa" ng Pasko. Ang kaarawan ng Panginoong Jesu-Cristo ang "dahilan" ng Pasko, at wala nang iba pang pinaka-mabuti't pinaka-dakilang paraan ng paggunita sa kanyang kaarawan liban sa mismong pagdiriwang ng Banal na Misa.2 Kaya nga tinawag itong Christmas "Cristo" + "Misa". Kalimutan mo ang Panginoong Jesus sa buong kapanahunan ng Kapaskuhan, at huwag kang magsimba sa mismong araw ng Pasko, at nawawalan ng kahulugan ang lahat. Kung wala sa puso mo ang Panginoon,3 walang kabuluhan ang mga ginagawa mong paghahanda at pagsasaya at pagsasabit ng mga dekorasyon.
Kung anu-anong "tunay na diwa" ng Pasko ang ipinauuso natin: na ito daw ay para sa mga bata, para sa pagsasalu-salo ng pamilya, para sa kapayapaan at pagkakasundo, para sa pagbibigayan at pagtulong sa mga nangangailangan, para sa pagpapakumbaba, atbp. Oo, mabuti ang lahat ng iyan, at maiuugnay naman talaga sa mensahe ng Pasko. Subalit ito ri'y mga kabutihang maaari mong itaguyod kahit hindi ka Cristiano. Ito'y mga bagay na maaari mong gunitain at ipagdiwang habang tahasang binabalewala ang Panginoong Jesu-Cristo. At kapag wala na ang Panginoong Jesus sa usapan, sino nang ipapalit natin? Si Santa Claus? Kalilimutan mo na ang sabsaban sa Betlehem, at ibabaling ang atensyon sa kathang-isip na pagawaan ng regalo sa North Pole?
Sa totoo lang, magkahalong tuwa at inis ang nararamdaman ko tuwing sumasapit ang Kapaskuhan. Nakakatuwa, dahil bilang empleyado, marami kang pera tuwing Disyembre. May dagdag sa sahod mo kung papasok ka nang ika-walo (Imakulada Konsepsyon), ika-25 (Pasko), ika-30 (Rizal Day), at ika-31 (bisperas ng Bagong Taon). Mayroon kang 13th Month Pay. May ilan na binibigyan pa ng Christmas bonus. Nakakatuwa dahil pakiramdam mo, "sulit" ang buong taon ng kusang-loob na pagpapa-alila sa kumpanyang pinagtatrabahuan mo (mga kumpanyang puro pera lang ang iniisip, kaya't pinagtatrabaho ka kahit Pasko at Bagong Taon!). Matapos ang buong taon ng kunsumisyon, heto't mahigit sa doble ng pang-isang buwang sahod ang natatanggap mo. Iba talagang magpasaya ang makabagong diyus-diyusan ng sanlibutan! Iba talaga ang saya na dulot ng pera! Aminin man natin o hindi, materyalismo ang talagang nangingibabaw na diwa ng Pasko para sa marami sa atin.
Nakakatuwa talaga, pero nakakainis din. Sa panahon kasing ito kumakapal ang pagmumukha ng maraming tao. Biglang dumarami ang mga namamalimos sa kalsada. Biglang dumarami ang mga nagaabot ng sobre. Biglang dumarami ang mga kamag-anak at kaibigan mong may mga kung anu-anong "emergency" at "pangangailangan". Sa isip nila, anumang "sobra" na meron ka tuwing Pasko ay karapatan nilang singilin sayo. Obligado kang magbigay "dahil Pasko naman" isang walang katuturang pangangatuwiran na bukambibig ng mga taong ginagawa kang palagatasan.
Ito rin ang panahon na nagkalat ang mga plastik, mga taong nagbabait-baitan, mga taong mapanamantala, mga taong matapos mamerwisyo ay aali-aligid at nagpaparamdam, umaasang "dahil Pasko naman" ay mapipilitan kang maging mabait sa kanila, at magbubulag-bulagan ka sa mga kasamaan nilang ayaw talikdan at pagsisihan. Umaasa silang huhugasan ng Kapaskuhan ang mga katarantaduhan nila, at makapagsisimula silang muli isang bagong simula ng katarantaduhan at pamemerwisyo.
Sino bang nagsabi na obligado kang maging mabait tuwing Pasko? Sino bang nagsabi na kailangan mong pagbigyan ang lahat tuwing Pasko? Kapag niyaya ka ng boyfriend mo na makipagtalik, bubukaka ka na lang ba kesyo "Pasko naman"? Kapag may nangholdap sa iyo, ibibigay mo na lang ba lahat pati susi ng bahay mo dahil "Pasko naman"? Kapag hindi ka sinuklian sa jeep, hahayaan mo na lang ba dahil "Pasko naman"? Wala ka bang karapatang mainis at magreklamo at tumanggi dahil "Pasko naman"? Hindi ko alam kung nararanasan din ito ng marami, subalit para sa akin, tila ba naglalaho ang katuwiran at katarungan sa mundo tuwing Pasko; tila ba nasisiraan ng ulo ang maraming tao kapag Pasko.
Tiyak na sasabihin ng marami, "Ano ba yan, naturingan kang Katoliko pero napaka-negatibo ng pananaw mo sa Pasko!" Kanya-kanya naman kasing karanasan yan. Mapalad ang mga taong puro masasayang bagay lang ang nakikita sa Pasko. Pero para sa akin, sa kabila naman ng mga pangit na elemento ng Kapaskuhan, mas naihahalintulad ko ito sa mga pangyayari sa kauna-unahang Pasko sa Betlehem. Hindi ba't magkahalong galak at pagkabalisa rin naman ang mga naranasan ng Banal na Mag-anak noong mga panahong iyon? Sa palagay ko, kung puro saya lang ang Pasko mo, dapat kang kabahan, dahil baka ibang "pasko" na iyan, isang Paskong pera-pera, party-party, deko-dekorasyon, pero wala man lang paggunita sa mismong may-kaarawan na si Jesus.
Talaga bang isinilang ang Panginoong Jesus noong ika-25 ng Disyembre?
Maski anong araw naman ay maaari mong gunitain at ipagdiwang ang kaarawan ng Panginoon. Sa katunayan, halos araw-araw nga natin itong inaalala: sa tuwing dinarasal ang Angelus, ang Apostles' Creed, ang mga Misteryo ng Tuwa sa Santo Rosaryo; kapag inaawit yung Papuri sa Diyos sa Banal na Misa (na hinalaw sa inawit ng mga anghel noong unang Pasko), kapag binabasa mo't pinagninilayan ang salaysay ng mga Ebanghelyo tungkol sa pagsilang ng Panginoon, atbp. Saka ang Pasko, hindi lang yan eksklusibong ginugunita sa ika-25 ng Disyembre; ginugunita ang Pasko sa loob ng 12 araw (o higit pa): nagsisimula sa ika-25 ng Disyembre at nagtatapos sa kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon.
Hindi tayo sigurado sa eksaktong petsa ng kaarawan ng Panginoon,4 at wala namang doktrina opisyal ang Simbahan na nagsasabing ang ika-25 ng Disyembre nga ang tunay na petsa ng Pasko. Naghahanap lang ng kaaway ang mga anti-Katolikong ginagawa yang napaka-laking isyu, na akala mo nama'y sapat na yang batayan para talikuran mo ang Simbahang Katolika at umanib ka sa kung ano mang gawa-ng-taong sektang kinaaaniban nila. Hindi ko lubos maisip kung ano bang importansya ng isyung yan para maging marapat kang papasukin sa Kaharian ng Langit. Maliligtas ka ba nang dahil lang sa natumbok mo ang mga tumpak na petsa ng mga banal na araw na ipinagdiriwang mo?5 Maiimpyerno ka ba nang dahil lang sa sumablay ka sa petsa ng Pasko? Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan itong seryosohin at pagtalunan.
Ang Pasko ba ay isang paganong pagdiriwang?
Noong unang panahon ay may tinatawag na kapistahan ng Saturnalia, kapistahan ni Saturn (Cronus), diyus-diyusan ng mga Romano. Ayon sa alamat, nang patalsikin siya sa trono ng anak niyang si Jupiter (Zeus), nagtungo siya sa Italy at nagdulot doon ng kapayapaan, kaligayahan, at masaganang ani. Ang naturang "Golden Age" ang ginugunita ng mga Romano sa loob ng mga pitong araw, na nagsisimula sa ika-17 ng Disyembre. Ang mga pagdiriwang ay karaniwang kinasasangkutan ng mga handaan, pagpapalitan ng regalo, pagbabakasyon ng mga tindahan, korte, at mga sundalo; pansamantalang pagpapalaya sa mga alipin, pagsusugal, paghahandog ng bangkay ng mga napaslang na gladiators, atbp.
Ngayon, kung sadya mong aalisin ang kaarawan ng Panginoong Jesus sa diwa ng Pasko, ano na lang ang matitira? Kung ang Pasko mo ay tungkol lang sa mga handaan, pagpapalitan ng regalo, pagbabakasyon, at kung anu-ano pang anyo ng pagsasaya, wala ka na talagang ipinagkaiba sa mga pagano. Subalit hindi iyan ang diwa ng Pasko nating mga Katoliko. Ang tunay na diwa ng Pasko ay ang ipinahahayag mismo ng Kredo:
"I believe in one Lord Jesus Christ, the Only Begotten Son of God, born of the Father before all ages. God from God, Light from Light, true God from true God, begotten, not made, consubstantial with the Father; through him all things were made. For us men and for our salvation he came down from heaven, and by the Holy Spirit was incarnate of the Virgin Mary, and became man."
Wala namang ganyan sa paganismo. Walang ganyan sa Saturnalia o kahit pa sa kaarawan ng Sol Invictus (ang diyos ng araw, na isinilang daw noong ika-25 ng Disyembre, at ipinauso ng paganong emperador na si Aurelian noong 274 A.D.). Katangi-tangi ang batayan at dahilan ng Cristianong pagdiriwang ng Pasko,6 at hindi ito kailanman naging tungkol lang sa petsang ika-25 ng Disyembre, ni sa mga salu-salo, dekorasyon, at kung anu-ano pang kaugaliang nakasanayang ikapit dito.
Isa pa, hindi lang naman mga kapistahang pagano ang sumasabay sa pagdiriwang ng Pasko tuwing Disyembre noong mga unang siglo ng Cristianismo. Ginaganap din noon ang Hanukkah, ang "Kapistahan ng mga Ilaw" ng mga Judio, at ito'y malimit tumama sa panahon ng Kapaskuhan (paiba-iba ang petsa dahil kalendaryong Hebreo ang pinagbabatayan).
Paano ka magdiwang ng Pasko?
Kabilang ako sa pamilyang hindi mahilig sa Pasko. Hindi kami nagsasabit ng parol at ng mga Christmas lights (sayang kasi sa kuryente). Hindi kami nagtatayo ng Christmas tree (binabahayan kasi ng lamok). Paminsan-minsan, nagpapatugtog kami ng mga kantang pamasko, pero kadalasan mas gusto naming manahimik lang. Hindi kami nagbibigayan ng regalo, bagama't paminsan-minsan, may mga kamag-anak o kaibigang naaalala kami at nagbibigay ng pamasko, regalo, o pagkaing hinanda nila. Simple lang ang hinahanda namin (parang nakakasuya, dahil makalipas ng isang linggo ay maghahanda nanaman para sa Bagong Taon), at kadalasan, hindi na kami naghihintay nang alas-dose ng gabi para kumain.
Nitong mga nagdaang taon nagtrabaho ako sa call center, at karaniwan na kaming pinagtatrabaho kahit pa tuwing Pasko at Bagong Taon. Madalas, sa opisina ako nagpapasko, at kahit ano pang kalokohang maisip ng kumpanya para pasayahin kami, hindi mo na rin gaanong mararamdaman ang Pasko dahil lagi kang may kausap sa telepono na nagrereklamong customer mga Amerikanong paskong-pasko ay tawag pa rin nang tawag sa customer service at tila ba hindi nauubusan ng poproblemahin sa buhay.
Kaya kadalasan talaga, ang Pasko ko ay tungkol lang sa pagsisimba sa umaga ng ika-25 ng Disyembre. Hindi na baleng pagod at puyat ako galing sa trabaho; ang mahalaga'y makapagsimba ako at makahalik sa imahen ng Banal na Sanggol. Sa aking pag-uwi, saka na ako kakain ng mga ininit na spaghetti o pansit, ininit na hamon, makunat na lumpia, at tumigas na fruit salad. Kakain, magpapahinga, at matutulog, at papasok nanaman sa trabaho kinagabihan.
Nagsisimbang gabi ka ba?
Minsan ko lang naranasan ang makapag-simbang gabi, at ito'y noong taong 2018, nang umalis ako sa trabaho nang dahil sa pagkakasakit. Hindi ko masabing sakripisyo ang paggising nang alas-tres ng madaling araw sa magkakasunod na siyam na araw, dahil bilang call center agent, sanay na ako sa pagpupuyat at paglalakad sa dilim. Balewala na ang mga lumilipad na paniki sa daan. Balewala na ang panganib na baka ako maholdap o mapaginitan ng mga adik at lasing. Ang tanging nasa isip ko noong mga panahong iyon ay ang pagnanais kong mapanauli ang pakiramdam ng Kapaskuhan. Masaya naman, pero hindi na ito naulit sa mga sumunod na taon, dahil nagkatrabaho na ako ulit sa ibang kumpanya. Halos imposible para sa isang call center agent na makapag-simbang gabi, dahil kadalasan, sa gabi ka nagtatrabaho.
Tumutulong ka ba sa mga mahihirap tuwing Pasko?
Tumutulong ba ako sa mga mahihirap? Oo, pero ayoko nang magpaliwanag. May mga bagay tayong ginagawa na hindi na dapat ipinamamalita (Mateo 6: 1-4). Isa pa, kapag marami kang ibinigay, may mga nagsasabing nagsasayang ka ng pera, o kung bakit yung iba hindi mo binigyan ng katulad na halaga, o yung mga binigyan mo ay mga pakawala ng sindikato at hindi totoong mahirap, atbp. Kapag naman kaunti ang ibinigay mo, sasabihan kang kuripot o kesyo hindi mo madadala sa hukay ang kayamanan mo, atbp. Nakakatakot maging mapagbigay tuwing Kapaskuhan dahil laging may nagrereklamo, laging may nananamantala. Kaya mas mabuti talagang tahimik at sikreto ang anumang gagawin mong pagtulong.
- Pasko. Dahil sa impluwensya ng mga Kastila na tinawag itong Pascua de Navidad kaya natin nakagisnang tawaging "Pasko" ang Kapanganakan ng Panginoon. Sa Espanya, naging malawak ang gamit ng salitang pascua, na sa pasimula'y tumutukoy lamang sa Pista ng Paskuwa ng mga Judio (Pascua judía, Pascua de los hebreos, Pascua de los judíos). Dahil ang Paskuwa ay isang malaking kapistahan sa Judaismo, at dahil tayong mga Cristiano ay hindi na ito ipinagdiriwang, nakaugalian nang tawaging pascua ang mga mahahalagang kapistahan sa Simbahan. Kaya't sa Espanya, bukod sa Pascua de Navidad, ikinapit din ang salitang "pasko" sa Dakilang Kapistahan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon (Pascua de Resurrección) at sa Dakilang Kapistahan ng Pagpanaog ng Espiritu Santo (Pascua de Pentecostés). [BUMALIK]
- "Q. 1082. What meaneth the nativity of Christ, or Christmas? A. It is a solemn feast or mass yearly celebrated by the whole Catholic Church from the Apostles' time to this day, in memory of the birth of Christ at Bethlehem; and therefore is called the feast of the Nativity, and Christmas from the mass of the birth of Christ." (The Douay Catechism of 1649) [BUMALIK]
- "We must also take care lest to our great injury it should happen that just as there was no room for Him in the inn at Bethlehem, in which to be born, so likewise now, after He has been born in the flesh, He should find no room in our hearts in which to be born spiritually. For since He is most desirous of our salvation, this spiritual birth is the object of His most earnest solicitude." (The Roman Catechism, Article III, Duty of Spiritual Nativity) [BUMALIK]
- "25 December, celebration of the anniversary of the birth of Our Lord. In the earliest days of the Church there was no such feast; the Saviour's birth was commemorated with the Epiphany by the Greek and other Eastern Churches. First mention of the feast, then kept on 20 May, was made by Clement of Alexandria, c.200. The Latin Church began c.300 to observe it on 25 December, though there is no certainty that Our Lord was born on that day." ("Christmas", New Catholic Dictionary, 1910) [BUMALIK]
- "If one man keeps certain days as holier than others, and another considers all days to be equally holy, each must be left free to hold his own opinion. The one who observes special days does so in honour of the Lord." (Romans 14: 5-6 JB) [BUMALIK]
- "At Christmas the glory of heaven is shown forth in the weakness of a baby" (CCCC 103). "To become a child in relation to God is the condition for entering the kingdom. For this, we must humble ourselves and become little. Even more: to become 'children of God' we must be 'born from above' or 'born of God'. Only when Christ is formed in us will the mystery of Christmas be fulfilled in us." (CCC 526) [BUMALIK]
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF