"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Martes, Oktubre 22, 2024

Mga Pagmumuni-muni #3


Image by Pedro Ivo Pereira Vieira Pedin from Pixabay

6:50 PM 10/20/2024

Nakakatamad nang Magsulat ng Apolohetika

Bilang isang Cristiano, ang pagtatanggol sa pananampalataya—alalaong-baga'y apolohetika—ay parehong isang karapatan at tungkulin (CCL: canon 229 § 1). Hindi ito dapat ituring na isa lamang libangan, karera, o kabuhayan, bagama't wala namang masama kung nalilibang ka rin dito o kung pinagkakakitaan mo rin ito (upang mapaglaanan mo ito ng karampatang panahon nang di nakokompromiso ang sariling ikabubuhay). Sa kaso ko, iyan lang talaga ang dahilan kung bakit ginawa ko itong blog na ito. Pinagkalooban ako ng Diyos ng maraming oportunidad na pag-aralan ang Pananampalatayang Katolika nang sarilinan (sa pamamagitan ng mga libro, ng internet, at ng biyaya ng sentido komun), anupa't mananagot ako sa harap ng hukuman ni Cristo kung di ko pagsusumikapang ibahagi at ipagtanggol ang Pananampalataya hanggang sa abot ng aking makakaya at nang higit sa karaniwang ginagawa ng marami. Bagama't isa lamang akong layko na walang pormal na edukasyon sa teolohiya, kaakibat ng aking pagiging Cristiano ang pakikibahagi sa maka-propetang gampanin ng Panginoong Jesus (CCC 783, 785), at kabilang na rito ang pagpapatotoo sa Pananampalatayang tinanggap ko. Isa pa, hindi ba't kabilang sa pitong kawanggawang espirituwal ang "paalalahanan ang makasalanan," "turuan ang walang nalalaman," at "pagpayuhan ang nag-aalinlangan?"

How does the laity participate in the prophetic office?
They participate in it by welcoming evermore in faith the Word of Christ and proclaiming it to the world by the witness of their lives, their words, their evangelizing action, and by catechesis. This evangelizing action acquires a particular efficacy because it is accomplished in the ordinary circumstances of the world.

CCCC 190

Oo, kung minsa'y nakalilibang itong gawin dahil sadyang nakapagpapaligaya sa puso ang mga aral ng Diyos (Lucas 24: 32). Nakagagaan sa kalooban sa tuwing may mga kapwa kang naliliwanagan o naitutuwid mula sa kanilang mga pagkakamali. Subalit habang tumatagal, ang naturang alab ng puso ay unti-unti ring nanghihina't napapalitan ng katamaran. Sa pagdaan kasi ng panahon, mas namumulat ang ating mga mata sa kung gaano ba kalala ang problemang sinisikap nating tugunan. Napagtatanto nating isa itong suliraning di malulutas kahit gugulin pa natin ang buong buhay natin sa pagsagot sa lahat ng mga hamon at tuligsa. Hanggang sa wakas ng daigdig, hindi maglalaho sa mundong ibabaw ang mga katangahan, kamalian, at kasinungalingan. At sa tuwing naiisip ko ang mga ito, nasasabi ko na lamang sa aking sarili, "May saysay pa ba itong mga pinaggagagawa ko?" Sa mga ganitong pagkakatao'y kailangan kong paulit-ulit na paalalahanan ang aking sarili: "Kami'y mga utusang walang kabuluhan; ginawa lamang namin ang dapat gawin." (Lucas 17: 10) Sa huli'y hindi naman talaga mahalaga pa kung may nakikita ba tayong bunga o wala sa ating mga pagpapagal. Ang tanging mahalaga ay tinutupad natin ang ating mga tungkulin.

 


 

3:11 PM 10/22/2024

Itinuro ba ni Pope Francis ang Erehiya ng Indifferentism?

Noong nakaraang buwan (ika-13 ng Setyembre), sa ginanap na Interreligious Meeting with Young People, naging laman ng mga balita ang mga salitang tinuran ng Santo Papa:

"All religions are paths to reach God . . . They are—to make a comparison—like different languages, different dialects, to get there. But God is God for everyone." (Source: Vatican News)

Maraming mga pundamentalistang Katoliko ang nabalisa rito at walang pag-aatubuling nagpahayag ng kanilang mga pagrereklamo sa social media. Isa nanaman daw itong malinaw na katibayan na erehe ngang talaga si Pope Francis. Heto na lamang ang mga masasabi ko hinggil sa isyung ito:

  1. Bilang Cristiano, tungkulin kong laging igalang ang mga lingkod ng Simbahan (Sirac 7: 29-31; Hebreo 13: 17), lalung-lalo na ang mismong punong kinatawan ng Panginoong Jesus dito sa lupa, ang Santo Papa. Kung sa atin mang palagay ay may mali sa mga sinabi ni Pope Francis, hindi ba't tayo ang dapat unang-unang umuunawa at nagtatanggol sa kanya? Hindi tayo dapat nagmamadaling mambatikos at magreklamo (CCC 2478), at mas lalong di tayo dapat nang-uudyok sa madla na magaklas. Ngayon, kung matapos ng taimtim na pagsisiyasat ay napagtanto nating talaga ngang nagkamali si Pope Francis, pwes idaan natin sa tamang proseso ang pagpapatalastas ng ating mga saloobin (CCL: canon 212 § 1-3). Ipamamanhik at ipauubaya natin sa mga Obispo't Kardenal ang pormal na pakikipag-ugnayan sa Santo Papa upang humiling ng paglilinaw (pagsusumite ng dubia) sa kanyang mga nakapagdududang pananalita.
  2. Ano nga ba ang erehiya ng indifferentism? Ito ay ang paniniwala na ang isang tao ay maaaring magtamo ng kaligtasang walang hanggan sa pamamagitan ng pagtalima sa kahit na anong relihiyon hangga't siya'y nagpapaka-bait (Mirari Vos, 13). Ngayon, kung susuriing mabuti ang mga sinabi ni Pope Francis, masasabi ba talaga natin nang walang anumang bahid ng makatuwirang pag-aalinlangan na talaga ngang tahasan niyang itinaguyod ang erehiya ng indifferentism dito? Sabi niya, "All religions are paths to reach God." Hindi naman niya sinabing ang lahat ng mga relihiyon ay mga tiyak, ligtas, di-maglalaho, at di-makapangliligaw na daan, na bilang mga Katoliko'y alam naman nating sa Simbahang Katolika lamang maaaring tumukoy (CCCC 162). Sabi niya, "They are...like different languages, different dialects, to get there." Hindi naman ito katumbas ng pagsasabing ang lahat ng mga wika sa mundo ay pare-pareho lang na mabisang kasangkapan sa pakikipagtalastasan at pagpapahayag ng katotohanan. Ang mga sinabi ni Pope Francis, kung gayon, ay may sapat na katusuhang nakapagbibigay-daan sa isang Katolikong interpretasyon. Sa kabilang banda, oo, may kalabuan ito na maaaring pagsamantalahan ng mga anti-Katoliko at mga erehe, at maaaring mabigyan ng maling interpretasyon ng mga mangmang. Subalit anumang paglilinaw na kinakailangan dito ay maaari namang matamo sa pamamagitan ng mga mapayapang interreligious dialogue, na siya namang tahasang itinataguyod dito ni Pope Francis. Alalahanin kasi natin na sa pakikipag-usap sa mga di-Cristiano, kinakailangan ding iakma ang ating mga pananalita sa paraang madali nilang mauunawaan at matatanggap. Saka na lamang natin ipinatatalastas ang mga mas malalalim at mas mabibigat na mga aral ng Pananampalataya kapag handa na sila na pakinggan ang mga iyon (1 Corinto 3: 1-3).
  3. May dapat bang ikabalisa kung ang mga sinabi ni Pope Francis ay may kalabuan? Sa palagay ko, hindi dapat. Dahil kung iisipin, hindi ba't halos lahat naman ng mga aral ng Katolikong Pananampalataya ay nangangailangan din ng paglilinaw? Halimbawa, sa tuwing sinasabi natin na ang Biblia ay "salita ng Diyos," o na ang Mahal na Birheng Maria ay "Ina ng Diyos," o na ang Diyos ay "Trinidad," hindi ba't ito'y mga pananalitang may sapat na kalabuan na parehong nagbibigay-daan sa tama at maling interpretasyon?

Ang problema kasi, madali tayong nagpapa-apekto sa mga kritiko ni Pope Francis, at pati tuloy tayo'y nahahawa na sa ugali nilang laging nakabantay sa bawat kilos at salita ng Santo Papa upang maghanap ng lahat ng posibleng butas na maaaring palakihin. Oo, ang pagiging Santo Papa ay hindi nangangahulugan na lahat na lang ng sasabihin nila ay tama at/o kailangang tanggapin at igalang. Subalit sa pagkakataong ito, wala akong nakikitang mali. Kahit ilagay ko pa ang sarili ko sa posisyon ng mga erehe, maipagsisiksikan ko lamang dito ang erehiya ng indifferentism kung sasadyain kong mangatuwiran nang baluktot.

What is the bond that exists between the Catholic Church and non-Christian religions?
There is a bond between all peoples which comes especially from the common origin and end of the entire human race. The Catholic Church recognizes that whatever is good or true in other religions comes from God and is a reflection of his truth. As such it can prepare for the acceptance of the Gospel and act as a stimulus toward the unity of humanity in the Church of Christ.

CCCC 170

 


 

8:59 PM 7/25/2024

Ateismo ≠ Misoteismo

Kung sinasabi mong ateista ka—alalaong-baga'y di ka naniniwalang may Diyos—subalit ang batayan mo ay dahil ang Diyos ng Cristianismo ay "masama" o "baliw" dahil ginagawan ka Niya ng mga problema para manalangin kang ipag-adya sa mga naturang problema, hindi ba't parang sinasalungat mo na rin ang iyong sarili? Hindi ka talaga ateista; isa ka lamang misotheist—isang taong galit sa Diyos. Hindi natutugunan ng iyong mga pambabatikos ang usapin sa kung may Diyos nga ba talaga o wala. Lumalabas pa nga na wala ka sa katuwiran, dahil binabatikos mo ang isang entidad na iginigiit mong di naman pala totoo. Isa itong kabalintunaang talamak sa mga modernong ateista, at mababanaagan sa mga paborito nilang memes na naglalarawan sa isang sinaunang palaisipan: Kung ang Diyos ay mabuti, bakit may kasamaan sa mundo? Sa simula pa'y batid na ito ng Simbahan at matagal na niya itong tinutugon (CCC 272, 309-314). Subalit mistulang bulag (o nagbubulag-bulagan?) ang mga bagong henerasyon sa mga naturang paliwanag, kaya't paulit-ulit na binubuhay ang mga lumang argumento't pangungutya, sa pag-aakalang nakatuklas sila ng mga bago't mabisang "katibayan" na di daw kayang sagutin ng mga Cristiano.

O baka naman hindi talaga ito tungkol sa anumang seryosong usapin tungkol sa Diyos, kundi sa isang sakit sa pag-iisip na nag-uudyok sa isang tao na laging tumuligsa at makipagtalo? Mahirap sabihin, kaya't kadalasa'y mas mabuti pang umiwas na lang. Ayaw mong maniwalang may Diyos? Eh di huwag. Gusto mo akong alipustahin dahil naniniwala akong may Diyos? Eh di sige. Salamat na lang talaga sa kalayaang pang-relihiyon na tinatamasa ko bilang Pilipino, at protektado ako sa mga seryosong pang-uusig na dinaranas ng mga Cristiano sa mga bansang komunista at/o anti-Katoliko.

How do we collaborate with divine Providence?
While respecting our freedom, God asks us to cooperate with him and gives us the ability to do so through actions, prayers and sufferings, thus awakening in us the desire "to will and to work for his good pleasure" (Philippians 2:13).

CCCC 56


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Huwebes, Oktubre 10, 2024

Diyos ang Binastos, pero sa kung Sinu-sino Humingi ng Tawad?




Kapag may kabalbalang nangyayari sa loob ng simbahan, oo, maraming tapat na Katoliko ang nababalisa. Subalit hindi sila nababalisa para sa sarili nila. Nababalisa sila para sa Diyos na nalapastangan dahil sa kabalbalang ginawa sa loob ng Kanyang banal na Tahanan. At dahil ang Diyos ang totoong "biktima" rito, hindi ba't nararapat lamang na sa Diyos tayo unang-unang humihingi ng kapatawaran at nagsasagawa ng karampatang pagbabayad-sala? Hindi ko lubos maisip kung bakit sa lahat ng mga lumabas na pahayag mula kay Julie Anne San Jose, sa Sparkle GMA Artist Center, at sa mismong Kura Paroko ng Nuestra Señora del Pilar Shrine and Parish, naisip nilang humingi ng tawad sa mga kung sinu-sinong personalidad liban sa Diyos at sa Mahal na Birheng Maria. Ipinahihiwatig ng mga naturang pag-uugali ang totoong ugat sa likod ng mga nangyaring kabalbalan. Higit nilang pinahahalagahan ang ikalulugod ng mundo kaysa sa kung ano ang ikalulugod ng Diyos. Mas ikinalulungkot pa nila ang mga negatibong reaksyon ng madla kaysa sa dangal ng Diyos na nalapastangan dahil sa kawalang respetong naganap. Mapagtatanto kaya nila ang pagkakamaling ito? May isasagawa kayang kaukulang pagbabayad-sala sa karangalan ng Diyos at ng Mahal na Ina?

"Ang pagmamahal ko sa bahay mo ay parang nagliliyab na apoy sa puso ko."

JOHN 2: 17 PVCE


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Martes, Oktubre 08, 2024

Paglalakbay Patungo sa Kamatayan: Ano ang Dapat Isaalang-alang?


Photo by Kampus Production from Pexels (edited)


Ano bang dapat gawin kapag may mahal ka sa buhay na malapit nang mamatay—kapag may iilang oras na lang siyang nalalabi sa mundong ibabaw? May nabalitaan akong ganito noon: Isang batang may kanser at may taning na ang buhay. At ano ang pinagsumikapang gawin ng kanyang nanay para sa kanya? Ang makausap niya sa telepono ang paborito niyang YouTuber. Naging napakalaking isyu pa nito dahil hindi agad napagbigyan ang hinihiling na pabor, at maraming galit na galit sa naturang YouTuber na wari ba'y mayroon siyang moral na obligasyong tuparin ang huling kahilingan ng sinumang tagahanga niyang naghihingalo.

Hindi ko lubos maisip kung bakit sa dinami-dami ng maaaring maging huling kahilingan ng isang tao, ang pakikipag-usap pa sa isang YouTuber ang gusto niya. Ano bang mapapala mo dun? Matutulungan ka ba niya para paghandaan ang nalalapit mong pagharap sa hukuman ni Cristo? Nakasalalay ba sa kanya ang magiging magpakailanmang hantungan ng iyong kaluluwa? Akalain mo iyon, mamamatay ka na pero ang laman pa rin ng puso mo ay ang mga bagay na wala naman talagang kabuluhan sa bandang huli?

May isa pa akong nabalitaan noon: Isang batang naghihingalo dahil sa rabies. Habang tinatalian na siya sa kama, wala namang tigil ang nanay niya sa kakasabi ng, "Mahal na mahal ka ni nanay. Tatandaan mo iyan, anak. Mahal na mahal kita." Naisip ko: Paano kaya kung ako ang nasa kalagayan nung bata? Oo, sige, mahal ako ng nanay ko, pero anong magagawa ng pagmamahal na iyon sa sitwasyon ko? Mapipigilan ba ng pagmamahal na iyon ang rabies na pumapatay sa akin? Maiibsan ba ng pagmamahal na iyon ang mga paghihirap ko? At bakit ko ba iyan kailangang tandaan hanggang sa huling sandali? Gusto mo pa ba akong magpasalamat? Hindi ba't parang ikaw lang ang nakikinabang sa ginagawa mong yan, dahil pamamaraan mo iyan para wala kang panghihinayangan at walang babagabag sa konsensya mo kapag wala na ako?

Oo, nakagagaan ng loob na malaman na mahal na mahal ka ng nanay mo at nasa tabi mo siya hanggang sa huling sandali. Pero kung mamamatay ka na, tila ba balewala na kahit buong mundo pa ang magmahal sa iyo. Dahil kahit gaano pa kalaki ang pagmamahal sa iyo ng sinumang tao, wala naman siyang ibang magagawa kundi ang panoorin kang mamatay. Hindi ka niya matutulungan. Hindi ka niya masasamahan hanggang sa kabilang buhay. Hindi ka madadala sa Langit ng pagmamahal ng sinumang tao dito sa lupa.

Ito ang punto ko: Na bilang isang Cristiano, kung may mahal ka sa buhay na mamamatay na, unahin mong asikasuhin ang pagtawag sa pari. At ikaw namang naghihingalo, gugulin mo na ang lahat ng nalalabing oras mo para sa pakikipagkasundo sa Diyos. Ang panahon ng paghihingalo ay panahon ng pananalangin. Grasya na nga iyang maituturing, dahil sa halip na biglaang kamatayan, minarapat ng Diyos na bigyan ka pa ng pagkakataon na maghanda. Hindi lahat ay napagkakalooban ng ganyang biyaya, kaya huwag sanang sayangin sa pagiisip at pagaasikaso ng mga bagay na walang katuturan. Mabuti na sinasamahan ka ng mga mahal mo sa buhay, pero mas mahalagang maging kasama mo ang Panginoong Jesu-Cristo mismo. Sikapin mong makatanggap ng viatiko:

Sa mga malapit nang lumisan sa buhay na ito, ay naghahandog ang Iglesia, bukod sa Pagpapahid sa mga maysakit, ng Eukaristia bilang viatiko. Sa pagtanggap sa sandaling ito ng pagyao sa Ama, ang komunyon ng Katawan at Dugo ni Cristo ay may isang tanging kahulugan at halaga. Ito'y binhi ng buhay na walang hanggan at kapangyarihan ng muling pagkabuhay, ayon sa wika ng Panginoon: "Ang kumain ng aking laman at uminom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan at siya'y aking muling bubuhayin sa huling araw" (Jn 6:54). Yayamang ito'y sakramento ni Cristong namatay at muling nabuhay, ang Eukaristia ay sakramento ng pagtawid sa buhay mula sa kamatayan, mula sa daigdig na ito patungo sa Ama (Jn 13:1).

CCC 1524


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Martes, Hulyo 02, 2024

Mga Kabalbalan ng Wattah Wattah: Kasalanan ba ng Simbahan?


AI-generated image


Ipinag-utos ba ng Simbahang Katolika sa Pilipinas na magbasaan ang mga tao tuwing sasapit ang kapistahan ni San Juan Bautista? Hindi. Bagama't may mga pagtatangkang lapatan ng espirituwal na kahulugan ang naturang kaugalian — na kesyo ito daw ay "simbolismo ng pagbibinyag ni San Juan Bautista kay Hesu Kristo" [1] — wala namang masusumpungang dokumento eclesiasticong nagtataguyod nito. Wala namang sinabi ang Santo Papa o ang CBCP. Hindi ito isang pormal na kaugalian ng Simbahan, at hindi rin bahagi ng mga itinakdang pamamaraan ng paggunita ng naturang kapistahan. At isa pa, paano naging sagisag ng binyag ang mapaglaro (at kung minsa'y mapanakit) na basaan, gayong ang Sakramento ng Binyag ay isang seryosong rituwal na may kinalaman sa kaligtasan, at kinasasangkutan ng pagpapahayag ng pananampalataya, pagtatakwil sa diyablo, at pagsisisi sa mga kasalanan? Tuwang-tuwa tayo sa paglalaro ng tubig, habang di alintana na ang talagang sinaunang kaugalian sa Kapistahan ni San Juan Bautista ay hindi naman mga basaan kundi mga marituwal na pagsisiga ng apoy:

"John's mission of witnessing to the light (cf John 1, 7) lies at the origin of the custom of blessing bonfires on St John's Eve — or at least gave a Christian significance to the practice. The Church blesses such fires, praying God that the faithful may overcome the darkness of the world and reach the 'indefectible light' of God."

CONGREGATION FOR DIVINE WORSHIP
AND THE DISCIPLINE OF THE SACRAMENTS

Directory On Popular Piety And The Liturgy:
Principles And Guidelines
,
225.

Noong 2019, matatandaang sinabi ni Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng Permanent Committee on Public Affairs ng CBCP, na ➊ di dapat nagsasayang ng tubig tuwing kapistahan ni San Juan Bautista (lalo pa't kung dumaranas ng kakulangan sa tubig ang bansa), at ➋ ang tunay na diwa ng mga kapistahan ay ang pagdiriwang ng pananampalataya, hindi ng mga nakasanayang kaugalian at walang katuturang paglalaro. [2] Ang isinasagawang "Wattah Wattah Festival" sa bayan ng San Juan, Metro Manila, sa katunayan, ay isang imbentong kaugalian lamang ng lokal na pamahalaan: Sinimulan ito noon lamang 2003! [3] Oo, pilit itong ipinagmamatuwid sa pamamagitan ng mga ipinagsisiksikang relihiyosong kapaliwanagan, subalit maituturing nga ba ang mga iyon bilang pormal na dahilan sa pagdiriwang ng Wattah Wattah? Kung oo, samakatuwid, may paglabag sa pagkakahiwalay ng simbahan at estado na itinatakda ng Konstitusyon, dahil paglabag sa batas na gastusin ang pera ng bayan para sa pagtataguyod ng alinmang relihiyon. Pero kung hindi, ano, kung gayon, ang lumalabas na totoong layunin ng Wattah Wattah? Noon pa ma'y madalas na itong nababanggit: Ang pagpapaigting ng turismo. At kung mas maraming turista, mas marami ring perang pumapasok sa bayan ng San Juan. Pera-pera lang talaga ang puno't dulo ng lahat. Dahil kung talagang maka-Diyos ang layunin, bakit kinailangan pang pormal na palitan ang pangalan ng Kapistahan ni San Juan Bautista at tawagin itong "Wattah Wattah Festival" noong 2012? [4]

Ngayon, sa tuwing may mga napeperwisyo, sa tuwing may mga nangyayaring kabalbalan, tama bang pati ang Simbahan ay pagbubuntungan ng sisi? Tama bang ang kapistahan ni San Juan Bautista ang ipapanukalang sawatahin batay sa maling akalang ang kanyang mismong kapistahan pa ang ugat ng mga nararanasang perwisyo't kabalbalan? At ang Simbahan pa rin ba ang dapat inoobligang gumawa ng mga hakbang para magkaroon ng kaayusan sa mga basaang ang lokal na pamahalaan ang talagang pasimuno't may pananagutan?

"Kaya simula ngayon, habang nabubuhay pa kayo dito sa lupa, sundin nyo ang kalooban ng Diyos at wag ang mga pagnanasa ng katawan. Tama na yung time na sinayang nyo sa paggawa ng mga bagay na ginagawa ng mga taong hindi naniniwala sa Diyos. Namuhay kayo sa kalaswaan, pagnanasa, paglalasing, sobrang pagpa-party at pag-iinuman, at nakakadiring pagsamba sa diyos-diyosan. Nagtataka sila ngayon kasi hindi na kayo nakikisama sa napakagulong pamumuhay nila, kaya binabastos nila kayo. Pero mananagot sila sa Diyos kasi sya ang magja-judge sa mga buháy at sa mga patay."

1 PETER 4: 2-5 (PVCE)

 


 

  1. "Wattah Wattah Festival: 'Basaan' in San Juan Amid the Water Crisis," ESQUIREMAG.PH, June 21, 2024, https://www.esquiremag.ph/long-reads/features/wattah-wattah-festival-history-of-basaan-in-san-juan-a1057-20240621, "History of San Juan's Wattah Wattah Festival or Basaan," quote from Mayor Zamora at par. 3. [BUMALIK]
  2. "CBCP official: 'Di dapat nagsasayang ng tubig'," Balita Online, June 24, 2019, https://balita.mb.com.ph/2019/06/24/cbcp-official-di-dapat-nagsasayang-ng-tubig. [BUMALIK]
  3. "Since 2003, San Juan celebrates the feast of its patron saint, St. John the Baptist every June 24 with its Wattah Wattah Festival, a festival with dancing, parades, and its traditional 'basaan' or water dousing along the city streets." ("San Juan, Metro Manila," Wikipedia, Accessed: July 1, 2024, Culture: Wattah Wattah Festival.) [BUMALIK]
  4. "The Wattah Wattah Festival, formerly known as the Feast of St. John the Baptist, was renamed and rebranded in 2012 by former San Juan City Mayor and now Senator JV Ejercito." ("Wattah Wattah Festival: 'Basaan' in San Juan Amid the Water Crisis," ESQUIREMAG.PH, June 21, 2024, https://www.esquiremag.ph/long-reads/features/wattah-wattah-festival-history-of-basaan-in-san-juan-a1057-20240621, "History of San Juan's Wattah Wattah Festival or Basaan," par. 2.) [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Huwebes, Hunyo 27, 2024

Sakramento ng Kumpisal

REVISED & REPOSTED: 8:52 PM 6/27/2024

 

NAGIMBENTO NG TUTULIGSAIN

Ano bang mali sa Sakramento ng Pakikipagkasundo, o mas kilala sa bansag na "Sakramento ng Kumpisal"? Para sa mga anti-Katolikong Protestante't pundamentalista, marami silang nakikitang mali, at kadalasan ang mga ito'y nakasalig sa mga di-pagkakaintindi sa kung ano ba talaga ang nagaganap sa Sakramento ng Kumpisal at sa kung ano ba talaga ang itinuturo ng Simbahang Katolika hinggil sa buong proseso ng pagbabalik-loob ng isang Cristianong nagkasala sa Diyos. Sa isang banda, hindi na rin naman tayo nagugulat sa kanilang panunuligsa sa naturang sakramento, sapagkat matapos nilang talikuran ang Simbahan, wala naman silang ibang mapagpipilian pa kundi ang mangumpisal nang tuwiran at sarilinan sa Diyos, mangyaring iyon lang naman ang maaari pa nilang gawin.

Tama naman na mangumpisal tayo nang tuwiran sa Diyos, at ito naman talaga ang ginagawa nating mga Katoliko mula pa noong unang panahon hanggang sa ngayon. Sa mga pang-araw-araw na panalangin ng isang Katoliko — lalo na sa Ama Namin — tanging sa Diyos tayo humihingi ng kapatawaran at hindi sa kung sino pa mang Santo o anghel. Sa mga panalangin sa Banal na Misa na ipinagdiriwang araw-araw, ang paghingi ng awa't kapatawaran ay tanging sa Santisima Trinidad at hindi sa Papa, sa pari, sa Mahal na Birhen, o sa kung sino pa mang nilalang sa Langit o sa lupa. Bago lumapit sa Sakramento ng Kumpisal, ang isang tapat at nakakaintinding Katoliko ay nagsusuri muna ng kanyang budhi: Ibig sabihin sa pamamagitan ng mapagpakumbabang pananalangin at pagbubulay-bulay, inaalala niya't inaamin sa Diyos ang lahat ng mga nagawa niyang kasalanan, humihingi ng kapatawaran, at nangangako't naninindigang lalapit sa Sakramento ng Kumpisal upang makipagkasundo sa Diyos at sa Simbahan. At sa mismong Sakramento ng Kumpisal, tanging sa Diyos pa rin tayo humihingi ng kapatawaran at hindi sa pari. Ang mga katotohanang ito ang dapat na maipaunawa natin sa mga anti-Katolikong Protestante't pundamentalista na nagsasabing mali daw ang Sakramento ng Kumpisal dahil ang pangungumpisal ay dapat daw "tuwiran-sa-Diyos." Dapat nating maipabatid sa kanila na tinutuligsa nila ang isang problemang hindi naman talaga umiiral.

 

PAGLAPASTANGAN SA DIYOS?

Mayroon namang nagsasabi na nilalapastangan daw ng mga pari ang Diyos sa tuwing sila'y naggagawad ng Absolusyon/Kapatawaran sa mga Katolikong nangungumpisal. "Diyos lang ang makapagpapatawad ng mga kasalanan!" ang buong pagmamalaki't pagmamarunong na ipinamumukha nila sa atin. Subalit di kailanman sa halos dalawang libung taon ng kasaysayan ng Katolisismo ay inangkin ng mga pari ang Absolusyon bilang isang kapangyarihang nagmumula mismo sa kanila. Ang kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan ay tanging sa Diyos lamang, at ito'y inihabilin lang Niya sa mga pari. Kaya't kung nagpapatawad man ng mga kasalanan ang mga pari, ang Diyos pa rin ang talagang nagpapatawad: "Ang nakikinig sa inyo'y nakikinig sa akin, ang nagtatakwil sa inyo'y nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin." (Lucas 10: 16). Ang mga Apostol ng Panginoong Jesus at ang mga Obispong humalili sa kanila, at ang mga paring itinalaga ng mga naturang obispo sa tanang kasaysayan ng Katolisismo, ay pinagkalooban ng Panginoong Jesus ng kapangyarihan at kapamahalaan sa Simbahan. Sinabi niya kay Apostol San Pedro at kalauna'y pati na rin sa iba pang mga Apostol: "Ang talian ninyo sa lupa ay tatalian sa langit, at ang kalagan ninyo sa lupa ay kakalagan sa langit." (Mateo 16: 19, 18: 18). Hindi ito tumutukoy sa mga pisikal na pagkakatali kundi sa mga espiritwal na pagkakatali. May kapangyarihan ang mga Apostol hindi lang para ➊ mangaral (na isang paraan para "kalagan" ang mga nasa tali ng kasinungalingan — Gawa 26: 18; Juan 8: 31-32; Mateo 28: 19-20), ➋ magpalayas ng mga demonyo't magpagaling sa mga maysakit (na isang paraan para "kalagan" ang mga iginapos ni Satanas — Lucas 10: 19, 13: 15-17), kundi pati na rin ➌ magpatawad ng mga kasalanan — sapagkat ang mga nagkakasala'y "alipin ng kasalanan" at nasa "tali ng katampalasan" (Juan 8: 34; Hebreo 3: 13; Gawa 8: 23).

"Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad."


JUAN 20: 23
Hindi na bago sa atin ang katwirang "Diyos lang ang makapagpapatawad ng mga kasalanan," sapagkat iyan mismo ang eksaktong pangangatwiran ng mga eskriba't Pariseo na tumuligsa noon sa ating Panginoong Jesu-Cristo nang siya'y nagpatawad ng kasalanan ng isang paralitiko. Bilang tugon, sinabi sa kanila ng Panginoon na siya — bilang Anak ng Tao (at hindi lamang bilang Diyos) — ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan (Mateo 9: 6; Marcos 2: 10; Lucas 5: 24). At upang patunayan ang kanyang sinabi, mahimala niyang pinagaling ang paralitiko. Dahil sa mga nangyaring ito, ang mga tao'y natakot at nagpuri sa Diyos dahil sa pagkakaloob ng ganoong kapangyarihan sa mga tao (Mateo 9: 8). Diyan maliwanag na itinuro sa atin ng Panginoong Jesus na ang kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan ay maaaring ipagkaloob ng Diyos sa sinomang tao na susuguin niya. Maliwanag na ang "Anak ng Tao" — ang Panginoong Jesus — ay hindi lumapastangan sa Diyos nang siya'y nagpatawad ng mga kasalanan, sapagkat sinugo siya ng Diyos Ama para sa gawaing iyon, na pinatunayan naman niya sa pamamagitan ng isang himala. At sa kalauna'y ang kapangyarihang ito'y ipinagkaloob naman ng Panginoon sa kanyang mga Apostol nang kanyang sinabi sa kanila: "Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo." (Juan 20: 21). Ipinagpapatuloy ng mga Apostol ang mga gawain ng "Anak ng Tao" dito sa lupa, at kasama sa pagkakasugong iyon ang pagpapatawad ng mga kasalanan. Kaya nga't sa kasunod lang na pangungusap, sinabi ng Panginoong Jesus sa kanila: "Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad." (Juan 20: 23). Ang mga Apostol ay may kapangyarihang hatulan ang isang nagkasalang Cristiano, parusahan o disiplinahin kung kinakailangan, patawarin sa mga kasalanan kung nagpapakita ito ng pagsisisi at paninindigang magbabagong-buhay, at ibsan ang parusang ipinataw sa mga ito upang hindi panghinaan ng loob (Mateo 18: 17-18; 1 Corinto 5: 3-5; 2 Corinto 2: 5-11, 10: 4-6, 13: 1-4). "Parang ang Diyos na rin ang namamanhik sa inyo sa pamamagitan ko," sabi ni Apostol San Pablo (2 Corinto 5: 20). Dagdag pa niya, "Sinumang pinatawad ninyo ay pinatawad ko na rin. Ang pinatawad ko, kung mayroon man, ay pinatawad ko alang-alang sa inyo, sa harapan ni Cristo, upang hindi tayo mapaglalangan ni Satanas." (2 Corinto 2: 10-11). "Wala nang pata-patawad pagdating diyan," (2 Corinto 13: 2) ang babala pa ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corintong nahihirati sa pagkakasala. Lumalapit ba ang mga Cristiano noon sa mga Apostol upang mangumpisal ng mga kasalanan nila? Oo (Gawa 19: 18). Ang mga pari — sa bisa ng kanilang ordenasyon at sa pagkakatalaga sa kanila ng namumunong Obispo, na kahalili ng mga Apostol — ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan sa ngalan ng Diyos at ng Simbahan.

 

SANGKOT ANG BUONG SIMBAHAN


"Ang buong Kristiyanong Sambayanan ay sangkot sa pagpapatawad at pakikipagkasundo."


KPK 1776
Sapagkat ➊ ang Diyos ay mabuti (Marcos 10: 18) at ➋ ang lahat ng kanyang mga nilalang ay mabuti (Genesis 1: 31; 1 Timoteo 4: 4), at dahil ➌ ang tao'y itinalaga na ng Diyos para sa mabubuting gawa mula pa sa pasimula (Efeso 1: 10), kaya't ang anumang gawang di-matuwid ay palaging kasalanan laban sa Diyos (Awit 51: 4-5; 1 Juan 5: 17; Santiago 2: 10-11), at siya ring dahilan kung bakit ang Diyos lang ang maaaring makapagpatawad ng ating mga kasalanan. Subalit ang anumang kasalanan — gaano pa ito ka-personal at ka-lihim — ay mayroong panlipunang dimensyon. Ibig sabihin, nakaka-apekto ito, hindi lamang sa ating sarili at sa ating ugnayan sa Diyos, kundi pati na rin sa ating kapwa; at kung tayo'y mga Cristiano, anumang pagkakasala'y nakasasakit sa buong Simbahan (1 Corinto 12: 26), mangyaring ang Simbahan ay katawan ni Cristo na "marilag, banal, walang batik at walang anumang dungis o kulubot" (Efeso 5: 27). Kapag ang isang Cristiano'y nagkakasala, dinudungisa't sinasaktan niya ang Simbahang kinabibilangan niya. Kaya't ang pakikipagkasundo sa Diyos ay hindi maaaring maisagawa nang ganap sa pamamagitan lang ng tuwiran at sarilinang pangungumpisal, at hindi rin tamang ipangahas ng sinoman na sa ganoong klaseng pangungumpisal ay maka-aasa siya ng kapatawaran mula sa Diyos. Hinihingi sa atin ng Diyos na makipagkasundo muna tayo sa sinomang nasaktan nang dahil sa ating mga kasalanan (Mateo 5: 24). Ang pangungumpisal ng kasalanan, pakikipagbuno sa kasalanan, at pagtatama sa mga nagawang mali ay isang panlipunang gawain, hindi "pribado" o "pansarili" lang (Bilang 5: 5-7; Josue 7: 19; 2 Samuel 12: 13; Mateo 3: 6; Marcos 1: 5; Gawa 19: 18; Santiago 5: 14-16). Tayong mga Cristiano'y tinuturuang "magpatawaran," "magpaumanhinan," at "magpahayag ng mga kasalanan sa isa't-isa" (Colosas 3: 13; Santiago 5: 14-16; Mateo 6: 12-15). Habang mabuti at tama na mangumpisal tayo ng ating mga kasalanan nang derekta sa Diyos, ito'y hindi maaaring mahiwalay sa pakikipagkasundong panlipunan. Ang ganap na pagbabalik-loob sa Diyos ay katumbas ng pakikipagkasundo sa Diyos at sa kanyang Simbahan, at ang patuloy na pakikipagbuno sa kasalanan ay laging sa tulong ng Diyos at ng Simbahan. Sabi nga sa Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko,

"Hindi lamang inaanyayahan ng Simbahan ang mga makasalanan na magsisi sa pamamagitan ng pagpapahayag ng Salita ng Diyos. Nananalangin din siya para sa kanila at tinutulungan ang mga nagsisisi na aminin at ikumpisal ang kanilang mga kasalanan upang matamo nila ang awa ng Diyos na siya lamang nagpapatawad sa kasalanan. Sapagkat 'sa buong Simbahan, bilang bayan ng mga pari, ipinagkaloob ng Panginoon ang ministeryo ng pagpapatupad sa pakikipagkasundo sa iba't ibang paraan' (Reconciliatio et Poenitentia — John Paul II, 1984). Kaya't ang Simbahan mismo ang naging instrumento ng pagbabago at kapatawaran para sa kanyang mga kaanib na nagsisisi sa pamamagitan ng ministeryong ipinagkaloob ni Kristo sa mga apostol at sa kanilang mga kahalili." (KPK 1778)

 

MAGKAIBA ANG KUMPISAL AT ANG KUMPISALAN

Sa bandang huli, tila ba wala nang iba pang mapagbalingan ang mga anti-Katoliko kundi ang silid-kumpisalan, at tinutuligsa nila ito na wari ba ang kumpisalan at ang Sakramento ng Kumpisal ay iisa lang. Ang katwiran nila, wala naman daw mababasa sa Biblia na ang mga Apostol ay nagtayo ng mga pribadong kumpisalan sa mga templo't sinagoga, at nangaral ng kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng kumpisalan. Sinasabi pa ng ilan na ang kumpisalan ay hinango lang daw ng Simbahan mula sa paganismo, at ang "Sakramento ng Kumpisal sa kumpisalan" ay isang paganong ritwal na kinakasangkapan lang daw ng mga kaparian upang maalipin ang konsensya ng mga Katoliko. Subalit ang kumpisalan at ang Sakramento ng Kumpisal ay dalawang magkaibang bagay. Hindi nakadepende ang sakramentong ito sa paggamit ng kumpisalan. Kahit walang kumpisalan, naisasagawa pa rin ang Sakramento ng Kumpisal. Isa pa, walang matibay na ebidensyang makapagpapatunay na ang mismong kumpisalan ay talagang hinango ng Simbahan sa paganismo. At paano naman nila nasasabi na "pang-aalipin" lang ang Sakramento ng Kumpisal, gayong ang mismong Santo Papa sampu ng tanang Obispo't kaparian ay nangungumpisal din? Ang buong Simbahan — kabilang na ang mga naordenahang namumuno sa atin — ay nangangailangan din ng kapatawaran, sapagkat sabi nga:

"Nangangailangan ang Simbahang Katolika ng kapatawaran sapagkat hindi siya isang mapagmataas na grupong panlipunan ng 'mga naligtas na,' kundi tulad ni Kristo ang kanyang Pinuno na parehong tumatanggap sa makasalanan at matuwid. Samakatuwid, siya 'ay parehong banal at laging nangangailangan ng paglilinis, [at] patuloy na nagsisikap na magsisi at magbagong buhay'. . ." (KPK 1777)


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Sabado, Mayo 25, 2024

Block lang nang Block


Image by William Iven from Pixabay

Kamakailan ay naging laman nanaman ng mga balita si Blessed Carlo Acutis dahil malapit na daw siyang madeklarang isang ganap na santo. Dahil ito sa pagkilala ng Santo Papa sa ikalawang himalang pinaniniwalaang nangyari sa bisa ng kanyang pagpapamagitan. Bilang mga Katoliko, itinuturing natin itong isang napaka-positibong balita, isang tanda na patuloy na pinagpapala ng Diyos ang Simbahang itinatag Niya, sa pamamagitan ng Kaisahan ng mga Banal (Communion of Saints). Subalit sa pananaw ng mga anti-Katoliko, isa itong balitang katawa-tawa at kalibak-libak, anupa't nang magpost sa Facebook ang GMA News hinggil dito, umabot nang mahigit sa 300 katao ang nag-"Haha" (😆), at ang karamihan sa mga komentong masusumpungan ay pawang mga pagtuligsa. Kung iisa-isahin ang mga nag-"Haha" na ito, mapapansing marami sa kanila ay mga kaanib ng sektang Iglesia ni Cristo at mga ateista — magkasing-ugali lang sila! — [1] at karamihan din sa mga ito ay pawang mga kabataan (at ilang mga matatandang asal-bata pa rin sa pananalita) [2]. May mga magtatanong, "Eh papaano mo naman nasabe?" Simple lang: Dahil talagang inisa-isa kong tingnan ang mga profile nila. Iyon lang kasi ang tanging paraan para ma-block ko silang lahat.

Oo, ginugol ko ang halos isang oras para lang mag-block ng mga anti-Katoliko sa isang partikular na post na pinili nilang putaktihin. Pag-aaksaya ba iyon ng oras? Marahil. Pero sa palagay ko, mas masasayang ang oras ko kung isa-isa kong sasagutin ang kanilang mga panunuya. Wala naman kasing sinumang tao ang basta-basta na lamang magpapalit ng kanyang pananaw matapos makipagtalo sa isang estranghero sa social media. Kahit makapaglatag pa ako ng mga matibay na argumento at ebidensyang nagpapatunay sa panig ng Katolikong Pananampalataya, at kahit sa kaibuturan ng kanilang puso ay mapagtanto nilang nagkamali nga sila, hahantong lamang ito sa pagmamatigas at mas lalong pagpupursigi na mangalap ng kakampi. [3] Mabuti sana kung may bagong impormasyon silang naiaambag hinggil sa mga paksang tinutuligsa nila, subalit kung titingnan ang kanilang mga komento sa post ng GMA News, makikitang wala silang anumang bagong argumento o ebidensya laban sa pagdedebosyon sa mga santo, ni sa kung bakit di dapat kilalaning santo si Blessed Carlo Acutis. Sa pagpapasya kong i-block silang lahat, hindi ko napagkakaitan ang sarili ko ng anumang importanteng datos na maaaring makatulong sa apolohetika, sa buhay espirituwal o sa kung ano pa man. Lahat ng mga paulit-ulit nilang pinagsasasabi ay maaari ko namang malaman sa paraang hindi nakapagdudulot ng kunsumisyon, at iyon ay sa pamamagitan ng AI.

Maaari mo naman kasing sabihin na lang sa ChatGPT, "Gumawa ng isang pormal, patas, at tahasang listahan ng mga argumentong karaniwang ginagamit ng mga di-Katolikong Cristiano sa tuwing tinutuligsa nila ang Katolikong pagdedebosyon sa mga santo. Pagkatapos, gumawa ng listahan ng kung paano karaniwang sinasagot ng Simbahang Katoliko ang mga naturang argumento." Ito ang sagot na ibinigay, at kung ikukumpara ito sa mga anti-Katolikong komentong pumutakti sa post ng GMA News, lahat ng mga sinasabi nila'y nailistang lahat nang maayos ng ChatGPT. Hindi mo na talaga kailangang makipag-usap pa sa kanila, at walang nawawala sa iyo sa pag-block mo sa kanila. Ang tanong: Sumasagi rin kaya sa isip nila na gawin ito, o kuntento na lang sila sa pag-"Haha" at paguulit-ulit ng mga komentong asal-bata at maledukado?

Mga Argumentong Karaniwang Ginagamit ng mga Di-Katolikong Cristiano Laban sa Pagdedebosyon sa mga Santo
  1. Idolatry (Pagsamba sa mga Larawan): Tinutuligsa ang pagsamba sa mga rebulto at larawan ng mga santo, na itinuturing na isang anyo ng idolatriya, na labag sa ikalawang utos.
  2. Mediatorship (Pagitan sa Diyos at Tao): Ang pagdedebosyon sa mga santo ay itinuturing na nagpapalabo sa tanging mediatorship ni Jesucristo sa pagitan ng Diyos at ng tao.
  3. Unbiblical Practice (Walang Batayan sa Bibliya): Walang malinaw na utos o halimbawa sa Bibliya na nagpapakita ng pagsamba o pagdedebosyon sa mga santo.
  4. Prayer to the Dead (Pagdarasal sa Patay): Ang pagdarasal sa mga santo ay itinuturing na isang anyo ng pakikipag-ugnayan sa mga patay, na labag sa Bibliya.
  5. Distracting from God (Paglilihis sa Pagtuon sa Diyos): Ang pagdedebosyon sa mga santo ay itinuturing na nakakapagpa-lihis ng atensyon at debosyon na dapat ay para lamang sa Diyos.

Mga Karaniwang Sagot ng Simbahang Katoliko

  1. Veneration vs. Worship (Paggalang vs. Pagsamba): Ipinapaliwanag ng Simbahang Katoliko na ang debosyon sa mga santo ay hindi pagsamba kundi paggalang (veneration) lamang, na iba sa pagsamba na tanging sa Diyos lamang.
  2. Communion of Saints (Komunyon ng mga Santo): Itinuturo ng Simbahang Katoliko na ang mga santo ay bahagi ng "communion of saints" at bilang mga kapatid sa pananampalataya, maaari silang hingan ng tulong at panalangin.
  3. Biblical Support (Suporta mula sa Bibliya): Ipinapakita ang mga halimbawa sa Bibliya ng paggalang sa mga banal na tao at paggamit ng kanilang mga larawan, tulad sa Exodus 25:18-20 at 1 Kings 6:23-28.
  4. Intercession (Pamamagitan): Ipinapaliwanag na ang mga santo ay humihiling lamang ng mga panalangin sa Diyos sa ngalan ng mga tao, tulad ng isang kapwa mananampalataya na humihiling ng panalangin.
  5. Focus on God (Pagtuon sa Diyos): Ipinapaliwanag na ang debosyon sa mga santo ay isang paraan ng pagpapalalim ng pananampalataya at pagtuon sa Diyos, sa pamamagitan ng halimbawa ng kabanalan ng mga santo.

Block lang nang block. Hindi mo obligasyong pakisamahan lahat ng tao sa mundo. Dapat mong tanggapin na may mga taong di na tinatablan ng paliwanag, lalo pa't kung di naman nila kaanu-ano yung nagpapaliwanag sa kanila. Dapat mong mapagtantong ang karamihan sa mga gumagamit ng Facebook sa Pilipinas ay pawang mga kabataan, [4] kaya't huwag kang masyadong umasang makasusumpong ka ng karunungan sa kanilang mga pinagsasasabi, [2] at mas lalong huwag ka ring umasang madaling maaarok ng isip nila ang mga dakilang hiwaga ng Katolikong Pananampalataya. [5] Isa pa, kung napakadali lang utusan ang AI na ilahad nang wasto at patas ang parehong panig ng mga Katoliko at mga di-Katoliko, bakit hindi man lang ito subukang gawin ng mga anti-Katoliko? Bakit tayong mga Katoliko lang ang nagmamalasakit pakinggan at pag-aralan ang panig ng mga taong laban sa atin, [6] habang sila'y kuntento na lamang sa kanilang mga nakagisnang anti-Katolikong pangangatuwiran?

"Huwag patuluyin sa bahay at huwag batiin. Ang sino mang bumati sa kanya ay nakikiisa sa masasamang gawain nito."

2 JUAN 1: 10-11

 


 

  1. "Itong mga taong sinasabi ko, binabastos nila ang kahit anong mga bagay na hindi nila naiintindihan. Ginagawa nila kung ano lang ang natural sa kanila kagaya ng mga hayop, at yun din ang sumisira sa kanila." (Jude 1: 10 PVCE) "Kung iniisip ng isang tao na religious sya, pero hindi naman nya kinokontrol ang dila nya, niloloko nya lang ang sarili nya, at walang silbi ang religion nya. Ang religion na totoo at walang kapintasan sa harap ng Diyos Ama ay yung tumutulong sa mga ulila at byuda sa kanilang paghihirap, at yung pag-iingat sa sarili para hindi mahawa sa kasamaan ng mundo." (James 1: 26-27 PVCE) [BUMALIK]
  2. "Nung bata pa ako, para akong bata kung magsalita, mag-isip, at mangatwiran. Pero ngayong matanda na ako, tapos na yung ganung ugali ko, hindi na ako isip at kilos bata." (1 Corinthians 13: 11 PVCE) [BUMALIK]
  3. Sa isang pag-aaral na isinagawa ng psychologist na si Leon Festinger at ng kanyang mga kasamahan, natuklasan nilang sa tuwing ang isang relihiyosong grupo ay napatutunayang mali, ang mga kaanib nito'y mas lalo lamang naninindigan sa kanilang mga maling paniniwala, at mas lalo lamang pinaiigting ang pagpapalaganap ng kanilang relihiyon. Ginagawa nila ito upang maibsan ang nararanasang cognitive dissonance — ang pagkabalisang dulot ng di pagkakatugma ng paniniwala at pag-uugali (nagkaroon ng di pagkakatugma, dahil alam na nilang mali sila, pero di nila iyon matanggap at maamin sa sarili). [BUMALIK]
  4. "According to the data from NapoleonCat, the highest share of Facebook users in the Philippines were between the age of 18 and 24, followed by those aged 25 to 34 years as of December 2023." (SOURCE) [BUMALIK]
  5. Tingnan: 1 Corinto 3: 1-3. Isang kabalintunaan na sa pagpapakita ng mga anti-Katolikong kabataan ng kanilang mga palasak, maledukado, at asal-batang pangungutya, mas lalo lamang nitong pinatitingkad ang karangalan ni Blessed Carlo Acutis, na bagama't isa ring kabataang tulad nila, ay nagtaglay ng malalim na pagkaunawa sa kahulugan ng buhay at sa kahalagahan ng buhay espirituwal. [BUMALIK]
  6. "We must get to know the outlook of our separated brethren. To achieve this purpose, study is of necessity required, and this must be pursued with a sense of realism and good will. Catholics, who already have a proper grounding, need to acquire a more adequate understanding of the respective doctrines of our separated brethren, their history, their spiritual and liturgical life, their religious psychology and general background." (Vatican II, Unitatis Redintegratio, 9) [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Lunes, Mayo 20, 2024

Maria: Ina ng Diyos, Ina ng Simbahan

REPOSTED: 9:32 PM 5/20/2024

 

INA NG DIYOS

Sa ating pagtawag sa Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Diyos (sa Griyego ay Theotokos na ang kahulugan ay "babaeng-nagsilang-sa-Diyos" — "God-bearer" sa literal na Ingles), HINDI ito nangangahulugan na ipinakikilala rin natin siya bilang:

  • isang Diyosa na nauna pang umiral sa Diyos,
  • isa pang Persona ng Diyos — alalaong-baga'y "Diyos Ina" — kasama ng Ama, Anak, at Espiritu Santo ("Kwatronidad"),
  • ina, hindi lamang ni Jesus, kundi ng buong Santisima Trinidad (Ama, Anak, at Espiritu Santo).

Bagkus, ang naturang taguri ay nangangahulugan na —

"Ibinibigay ni Maria kay Jesus ang anumang ibinibigay ng ina sa sarili niyang sanggol. Sa pamamagitan niya, si Jesus ay taong totoo. Ang Anak ni Maria at ang Anak ng Diyos ay iisa at parehong persona, Emmanuel . . . . Ipinagkaisa ng Walang-hanggang Anak ng Diyos sa kanyang persona ang sanggol na ipinaglihi ni Maria sa kanyang sinapupunan sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang sanggol na iniluwal ni Maria ay Diyos-tao, si Jesus. Kung kaya't walang pag-aatubili ang mga banal na Ama ng Simbahan na tawaging 'Ina ng Diyos' (Theotokos, 'tagapagdala-ng-Diyos') ang Mahal na Birhen." [KPK 520]

Ito'y isang napaka-liwanag na kahulugang imposibleng ikalito ng isang tunay na Katolikong Cristiano, lalo pa't tahasan namang ipinahahayag sa mismong Kredo ng mga Apostol (na dinarasal sa lingguhang Misa at sa tuwing nagdarasal ng Santo Rosaryo) kung sino ba talaga ang Panginoong Jesu-Cristo, at kung paano nga ba siya nagkaroon ng kaugnayan sa Mahal na Birheng Maria: "Sumasampalataya ako kay Jesu-Cristo, iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat. Nagkatawang-tao siya lalang ng Espiritu Santo. Ipinanganak ni Santa Mariang Birhen."

Ang pagpaparangal sa Mahal na Birhen bilang "Ina ng Diyos" ay isang matandang tradisyon na makikita sa mga katuruan ng mga Ama ng Simbahan — Ignatius (110 A.D.), Hippolytus (217 A.D.), Gregory Thaumaturgus (262 A.D.), Peter of Alexandria (305 A.D.), Methodius (305 A.D.), Alexander of Alexandria (324 A.D.), Athanasius (365 A.D.), Epiphanius (374 A.D.), Ambrose (377 A.D.), Gregory Nazianzus (382 A.D.). Hindi rin ito katangi-tangi sa Simbahang Katolika — kaisa niya rito ang mga Simbahang Ortodoksa, mga Protestanteng Luterano at Anglikano, at Iglesia Filipina Independiente.

HINDI layunin ng naturang taguri na sambahin ang Mahal na Birhen, parangalan siya nang higit sa nararapat, o gawin siyang kapalit sa mga diyosa ng paganismo (upang mahikayat ang mga pagano na umanib sa Simbahan). Bagkus, isa itong mahalagang pamamaraan ng pagpapahayag ng Simbahan sa kanyang pananampalataya hinggil sa Panginoong Jesus: hinggil sa kanyang pagiging tunay na Diyos at tunay na Tao. Ang taguring "Ina ng Diyos," bagama't iginagawad sa Mahal na Birheng Maria, ay hindi talaga tungkol sa kanya, kundi sa Panginoong Jesu-Cristong Anak niya.

"The Virgin Mary, being obedient to his word, received from an angel the glad tidings that she would bear God."

IRENAEUS (189 A.D.)
Against Heresies

KAISAHANG HIPOSTATIKO

Sa Panginoong Jesu-Cristo ➊ ang pagka-Diyos (Divine nature) at ang pagka-tao (human nature) ay nagkakaisa sa iisang persona (hypostasis), ➋ sa paraang ang pagkakaiba (distinctiveness) ng pagka-Diyos at pagka-tao ay hindi nawala, ➌ bagkus ang lahat ng mga katangian ng pagka-Diyos ay nananatili (kumpleto ang pagka-Diyos), at ang lahat ng mga katangian ng pagka-tao ay nananatili (kumpleto ang pagka-tao). Ito ang hiwaga ng kaisahang hipostatiko (hypostatic union), na buong ingat na ipinaliwanag at pinagtibay sa mga Konsilyo Ekumeniko ng Ephesus (431 A.D.), Chalcedon (451 A.D.), Constantinople II (553 A.D.), at Constantinople III (680 A.D.). Nangangahulugan ito na:

  • Ang Panginoong Jesu-Cristo ay maaaring tawaging Diyos/Anak-ng-Diyos, sapagkat taglay niya ang kalikasan ng pagka-Diyos.
  • Maaari din siyang tawaging Tao/Anak-ng-Tao, sapagkat taglay niya ang kalikasan ng pagka-tao.
  • Sa kanyang pagiging tao, ang lahat ng kanyang mga pagkilos, katangian, at karanasang pang-tao — may katawan at kaluluwa, pinangalanang "Jesus," ipinaglihi, isinilang, pinasuso, inaruga, naging masunuring anak kina Jose at Maria, natulog, napagod, nauhaw, nagutom, nakita, narinig, nahipo, naamoy, umunlad sa kaalaman, nagtrabaho bilang karpintero, walang alam sa kung kailan magaganap ang Huling Paghuhukom, tumangis, sinampal, sinuntok, dinuraan, pinutungan ng koronang tinik, nagpasan ng sariling krus, nadapa, ipinako sa krus, sinibat sa tagiliran, namatay, inilibing, muling nabuhay, umakyat sa Langit, atbp. — ay maipatutungkol sa kanyang iisang Persona: ang Anak.
  • Sapagkat ang Diyos Anak ay Diyos, na taglay ang kalikasan ng pagka-Diyos, at sa kanya maipatutungkol ang mga pagkilos, katangian, at karanasang pang-tao nang siya'y magkatawang-tao, maaari din namang sabihin na ang Diyos ay ipinaglihi, isinilang, pinasuso, inaruga, atbp. Maaaring sabihin na ang babaeng naglihi, nagsilang, nagpasuso, at nag-aruga sa kanya, bagama't tao lang, ay tunay na naging ina ng Diyos.

Sa Biblia, sinasabing ang Anak mismo ang "sinugo ng Diyos," "ipinanganak ng babae," "tumalima," "nagtiis" (Galacia 4: 4-5; Hebreo 5: 8-9). Ang "may gawa ng buhay" (Gawa 3: 15) — alalaong-baga'y ang Salitang-Diyos (Juan 1: 1-5) — ang ipinako at namatay sa krus. Walang dalawang persona na umiiral sa Panginoong Jesus, bagkus "iisa ang Panginoon, si Jesucristo, na sa pamamagitan niya'y nangyayari ang lahat at sa kaparaanan niya tayo nabubuhay" (1 Corinto 8: 6). Malinaw nga na mayroon lamang iisang Personang tinutukoy, at Siya ang ipinaglihi at isinilang ni Maria. At dahil ang Personang ito ay Diyos (ang Salitang-Diyos — Juan 1: 1-5), si Maria ay naglihi at nagsilang — alalaong-baga'y "ina" — ng Diyos. Isa itong nakamamanghang hiwaga, anupa't naibulalas ni Elisabet kay Maria: "Pinagpala ka sa mga babae at pinagpala ang bunga ng iyong sinapupunan. At bakit ipinagkaloob sa akin na ang ina ng aking Panginoon ay magsadya sa akin?" (Lucas 1: 42-43).

Dahil sa kaisahang hipostatiko ni Cristo kaya nararapat tawaging "Ina ng Diyos" si Maria, anupa't ang pagtanggi na tawagin siyang "Ina ng Diyos" ay nagiging katumbas din ng pagtanggi sa kaisahang hipostatiko, at sa gayo'y katumbas din ng maling pagkakakilala sa Panginoong Jesu-Cristo.

 

INA NG SIMBAHAN

Sinabi ng Panginoong Jesus: "Ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit ang siya kong ina at mga kapatid." (Mateo 12: 50). Kung tayong mga Cristiano ay nagiging kapatid ng Panginoong Jesus dahil sa ating pagsunod sa kalooban ng Amang nasa langit, anupa't tayo'y nagiging marapat tawaging mga "anak ng Diyos" (1 Juan 3: 1), ang isang Cristiano ay maaari ding maging ina ng Panginoong Jesus at sa gayo'y marapat tawaging "ina ng Diyos" dahil sa kanyang pagsunod sa kalooban ng Amang nasa langit — na siya namang maliwanag na natupad ni Maria.

Sa Ebanghelyo ni Juan, si Maria ang hinirang na ina ng "minamahal na alagad," at siya'y tinanggap sa "tahanan" ng naturang alagad (Juan 19: 25-27). Sa Aklat ng Pahayag, ang babaeng nagsilang sa lalaking "maghahari sa lahat ng mga bansa" ay siya ring ina ng mga "tumutupad ng mga utos ng Diyos at nagtataglay ng patotoo kay Jesus" (Pahayag 12). Maliwanag ang implikasyon: ang babaeng minarapat maging INA NG DIYOS nang dahil sa kanyang pananampalataya, ay siya ring babaeng minarapat maging INA NG SIMBAHAN — ang INA sa "tahanan" ng bawat "minamahal na alagad", ang INA ng sambayanang "tumutupad sa mga utos ng Diyos at nagtataglay ng patotoo kay Jesus." Napakalaki ng naitutulong ng kanyang mga panalangin, sapagkat sa Ebanghelyo ni San Juan, siya rin ang babaeng ang mga kahilinga'y di matatangihan ni Jesus kahit hindi pa niya "oras", hangga't silang nagpapasaklolo sa kanya ay ➊ tumatalima sa tagubilin ni Maria: "Gawin ninyo ang ano mang sabihin niya sa inyo," ➋ at ang hinihiling na biyaya'y maghahayag ng "kaluwalhatian" ni Jesus, at lalong magpapatibay sa pananampalataya ng kanyang mga alagad. (Juan 2: 1-12).

"Knowledge of the true Catholic doctrine regarding the Blessed Virgin Mary will always be a key to the exact understanding of the mystery of Christ and of the Church."

POPE PAUL VI
Redemptoris Mater, 47


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Miyerkules, Marso 27, 2024

Mahirap Manalangin

"Prayer is both a gift of grace and a determined response on our part. It always presupposes effort. The great figures of prayer of the Old Covenant before Christ, as well as the Mother of God, the saints, and he himself, all teach us this: prayer is a battle. Against whom? Against ourselves and against the wiles of the tempter who does all he can to turn man away from prayer, away from union with God. We pray as we live, because we live as we pray. If we do not want to act habitually according to the Spirit of Christ, neither can we pray habitually in his name. The 'spiritual battle' of the Christian's new life is inseparable from the battle of prayer."

CCC 2725

Karaniwan kong naririnig sa mga pagninilay at sa mga homiliya ang reklamong naaalala lamang daw natin ang Diyos sa panahon ng kagipitan. Nakakalimot daw tayong magdasal sa tuwing masaya tayo at walang malaking pinoproblema sa buhay. Subalit makatotohanan ba ang naturang pananaw? Ganyan nga ba talaga ang ugali ng isang mananampalataya?

Kung ako ang tatanungin, masasabi kong taliwas ito sa sarili kong mga karanasan sa aking buhay-panalangin. Para sa akin, mas madaling manalangin at magtiwala sa Diyos kapag wala akong ikinababalisa. [1] Subalit sa mga panahon ng matinding pagsubok, pakiramdam ko'y tila napakalayo ng langit anupa't di ito maaabot ng kahit na anong panalangin. [2] Sa katunayan, hindi ba't ang sukdulang pagdurusa ang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagdududa sa mismong pag-iral ng Diyos, dahil sa pakiwari mo'y wala talagang Mabuting Pastol na nagbabantay at nagaalaga sa iyo? [3]

Sa harap ng isang malaking suliranin, hindi ba't nakatuon ang atensyon mo sa paghahanap ng solusyon? Mahirap magdasal, dahil wari ba'y inilalagay mo sa sapalaran ang ikalulutas ng problema mo. Bakit? Dahil naghihintay ka nang walang katiyakan kung tutulungan ka ba ng Diyos o hindi. [4] Idagdag mo pa rito ang karaniwang karanasan ng sangkatauhan na tila ba halos lahat ng mga panalangin ay tinatanggihan ng Langit (anupa't sa daan-daang taong lumipas ay naging bihasa na ang mga teyologo at apolohista sa pagkatha ng mga sari-saring pangangatuwiran at pampalubag-loob sa kung bakit di sinasagot ng Diyos ang ating mga dasal), at talagang maiisip mong ang pagdarasal ay pagaaksaya lamang ng panahon. Iniisip mong ang mismong pag-iral ng iyong problema at ang di agarang pagsaklolo ng Maykapal ay sapat nang mga "katibayan" na talagang nakapagpasya na ang Diyos na pabayaan ka — na alinsunod sa kanyang "planong" di maarok ng iyong pag-iisip, ay minarapat niyang magdusa ka.

Subalit may mga sitwasyon nga ba talaga sa buhay natin kung saan ang pananalangin ay hindi naaangkop? Mapapalitan ba ang pananalangin ng ibang "mas mahalaga" o "mas nararapat" na mga pagkilos? Parang may mali sa gayong takbo ng pag-iisip, lalo pa't nababatid nating sa Diyos nakasalalay ang lahat-lahat sa atin. [5] Wala naman tayong magagawang kahit na ano malibang pagkalooban niya tayo ng lakas, pagkakataon, at kakayahan na gawin ang mga iyon. [6] Wala tayong mapangyayari sa mundong ito malibang ipahintulot iyon ng Panginoon na mangyari. Nangangahulugan ito na anumang solusyon ang maisip at maisagawa natin bilang tugon sa isang problema, makatotohanan pa ring sabihin na nagmumula ang lahat ng iyon sa Diyos, anupa't nararapat na ipagpasalamat mo pa rin ang mga iyon sa kanya, [7] at hingin ang kanyang patnubay para sa isang ganap at matagumpay na pagsasakatuparan ng mga iyon.

"Magalak kayong lagi, manalangin nang walang humpay, magpasalamat sa lahat ng bagay; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos sa inyo, kay Cristo Jesus."

1 TESALONICA 5: 16-18

Hinihingi ng katuwiran na manalangin tayo nang walang humpay. Hangga't mayroon tayong ulirat, ito'y dapat laging nakatuon sa pakikipag-ugnayan sa Panginoon. Hindi ibig sabihin na di na tayo titigil sa pagrorosaryo (Pero kung may pagkakataon kang gawin iyon, bakit hindi?). Hindi ibig sabihin na maglilitanya na tayo nang maghapon at magdamag (Pero kung puwede naman, bakit hindi?). [8] Ang pananalangin nang walang humpay ay ang pagkakaroon ng palagia't kusang-loob na kamalayan sa Diyos na alam mong sumasalahat-ng-dako, sa Diyos na alam mong siyang Kabutihan at Pag-ibig mismo, [9] sa Diyos na alam mong di ka kailanman pababayaan, [10] at di ka kailanman ilalagay sa mga sulirani't kasawiang walang katuturan. [11]

Paano ba mabuhay sa ilalim ng presensya ng Diyos? Maihahalintulad ko ito sa ugali ng aking alagang aso. Ibang-iba ang ugali ng aso kapag kasama niya ang amo niya kumpara sa kung ibang tao ang kasama niya. Sa piling ng kanyang amo, panatag ang loob ng aso. Hindi man ito laging nagpapapansin, naglalambing, nanghihingi ng pagkain, o nakikipaglaro, naroon pa rin lagi ang kamalayan niyang kasama niya ang amo niya, anupa't panatag siyang humiga o umupo o magiba-iba ng puwesto o maglaro nang walang ikinababahala. Subalit sa tuwing may bisita, halatang-halata ang pagbabago ng kanyang ugali. Naroon ang isang namamalaging tensyon sa kanyang mga pagkilos. Lagi siyang naka-alerto sa bawat mumunting paggalaw ng estranghero. Marinig lamang niya ang boses nito'y nagagalit na siya at tumatahol. Iiwasan niya ito, aangilan kung mapapalapit, at kahit sa pagtulog ay laging nakahandang mangagat. Sa kanyang mga pagkilos ay naipatatalastas ang isang malinaw na mensahe: "Kilala ko ang amo ko, iginagalang ko siya, at panatag ako sa piling niya. At ikaw na isang dayo ay walang kapangyarihan sa akin, at isa kang banta na kailangan kong pag-ingatan."

Kung alam kong kasama ko ang Diyos, hindi ako dapat madaling nababalisa. [12] Mabalisa man ako, palibhasa'y tao lang na mahina at makasalanan, alam ko naman kung kanino ako tatakbo at magpapasaklolo. [13] Buo rin ang pagtitiwala kong di ko na kailangan pang magmakaawa, ni magpaliwanag pa nang mahaba hinggil sa kung bakit ako nangangailangan ng tulong. [14] Anumang problema ang dumating, at kahit masawimpalad mang mapanaigan ako ng mga iyon, mananatili pa rin akong umaasa na ipagkakaloob sa akin ng Diyos ang katarungan sa panahong nararapat. [15]

Ang ating mga pagaatubili sa panalangin ay laging sintomas ng kawalan ng pananampalataya, o di kaya'y ng isang mababaw o sinsay na pagkakakilala sa Maylikha. Nagpapahiwatig ito ng isang di-halatang anyo ng idolatria, o ng kahinaan ng loob na humahantong sa idolatria. Bakit? Dahil may iba kang pinagkakatiwalaan ng buong buhay at pagkatao mo liban sa Diyos na lumikha sa iyo, o di kaya'y may mga kinatatakutan kang mga kapangyarihan sa mundong ito na inaakala mong mas makapangyarihan pa sa Diyos. Likas na sa ating mga tao ang pagiging relihiyoso, kaya't kung ayaw mong magdasal sa Diyos, tiyak na may iba ka lang na "dinadasalan." Kung mahina ang pananalig mo sa Maykapal, iyon ay dahil mas pinili mong "manalig" sa kapwa mo kinapal.

 


 

  1. Job 1: 6-12; 2: 1-6. [BUMALIK]
  2. Salmo 21. [BUMALIK]
  3. Juan 10: 11-18. [BUMALIK]
  4. Isa ito sa mga karaniwang tukso sa buhay-panalangin: Ang kawalan ng pananampalataya (Santiago 1: 6-8). [BUMALIK]
  5. Gawa 17: 28. [BUMALIK]
  6. Filipos 2: 13. [BUMALIK]
  7. 1 Tesalonica 5: 17. [BUMALIK]
  8. Lucas 2: 37. [BUMALIK]
  9. Salmo 106; 1 Juan 4: 8. [BUMALIK]
  10. Mateo 6: 25-34; 7: 7-11. [BUMALIK]
  11. Mateo 5: 3-12; Juan 15: 18-21; 2 Timoteo 2: 11-12. [BUMALIK]
  12. Salmo 26. [BUMALIK]
  13. Santiago 4: 7-8. [BUMALIK]
  14. Mateo 6: 7-8. [BUMALIK]
  15. Lucas 18: 1-8. [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Lunes, Pebrero 19, 2024

San Pedro, Unang Papa

EDITED & REPOSTED: 4:49 PM 2/19/2024


Photo by Marina Gr from Pexels (edited)

"We believe in one, holy, catholic, and apostolic Church, built by Jesus Christ on that rock which is Peter."

POPE PAUL VI
Solemni Hac Liturgia, 19
June 30, 1968

 

ANG UNANG SANTO PAPA

Kalabisan bang sabihin na si Apostol San Pedro ang unang Santo Papa ng Simbahang Katolika? Linawin natin ang pagkakaiba ng mismong katungkulan ni San Pedro at ang mga pag-unlad ng katungkulang ito nang ito'y akuhin ng kanyang mga nagiging kahalili sa Roma sa pagdaan ng panahon. Sa ating kapanahunan, kaakibat na ng salitang "Santo Papa" ang Vatican City, Roman Curia, College of Cardinals, encyclical, atbp. — mga bagay-bagay na hindi naman talaga naging bahagi ng panunungkulan ni San Pedro sa Simbahan noong unang siglo ng Cristianismo. Sa ganitong pananaw, maaari talagang sabihin na si San Pedro ay hindi naging unang "Santo Papa."

Gayon man, si San Pedro ay talagang pinagkalooban ng natatanging katungkulan sa Simbahan, at ang mga Obispo ng Roma ay talagang mga kahalili niya sa naturang katungkulan — isang katungkulang hindi kailanman nawala, nabago, o napalitan, sa kabila ng mga pag-unlad na pinagdaanan nito sa halos 2,000 taon ng Simbahang Katolika.

Si San Pedro ang ginawang Pinuno ng Simbahan, subalit hindi sa lubos na kahulugan ng pagiging "pinuno": siya ay isang alipin na "pinapamahala ng kanyang panginoon sa ibang mga alipin" (tingnan sa: Mateo 24: 45-51). Samakatuwid, ang Panginoong Jesu-Cristo ang tunay at nag-iisang Pinuno ng Simbahan, at inihabilin lamang niya kay San Pedro ang pamamahala niya. Sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo kay Apostol Simon: "Ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya" (Mateo 16: 18). Si Apostol Simon ang batong tinutukoy, sapagkat ang kahulugan ng pangalang "Pedro" (Griyego, Petros) ay "bato." Ayon sa Ebanghelyo ni Juan, ang katumbas ng pangalang ito ay "Cefas" (Aramaiko, Kepha) na "bato" rin ang kahulugan (Juan 1: 42). Ipinakikita nito na kay Apostol San Pedro nagkakaisa, itinatayo, at namamalagi ang Simbahang pag-aari ng Panginoong Jesu-Cristo. Kasunod nito'y sinabi pa ng Panginoon sa kanya: "Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ano man ang talian mo sa lupa ay tatalian din sa langit, at ano man ang kalagan mo sa lupa ay kakalagan din sa langit" (t. 19). Ang pamamahala ("mga susi") ng Panginoong Jesus sa kanyang kaharian ("kaharian ng langit") ay ipinagkatiwala niya kay San Pedro. Nangangahulugan ito na ang Simbahan ang Kaharian ng Langit na nasa lupa, at si San Pedro ang kinatawan ng Panginoong Jesu-Cristo sa lupa.


Si Apostol Simon ang bato na pagtatayuan ng Simbahan, sapagkat ang kahulugan ng pangalang "Pedro" (Griyego, Petros) ay "bato." Ayon sa Ebanghelyo ni San Juan, ang katumbas ng pangalang ito ay "Cefas" (Aramaiko, Kepha), na "bato" rin ang kahulugan (Juan 1: 42).

Ang Panginoong Jesu-Cristo ang tagapagmana ng kaharian ni David (Lucas 1: 31-33), ang Hari na may hawak ng mga "susi ni David" (Pahayag 4: 7). Sa Biblia, ang pagbibigay ng Hari sa isang tao ng mga susi ng kanyang kaharian ay nagpapahiwatig na ang naturang tao na iyon ang pinagkalooban ng kapamahalaan sa buong kaharian bilang "katiwala ng palasyo" at "pinakaama". Bukod pa rito, ang pagbibigay ng susi ay pahiwatig din na ang kapamahalaan na iyon ay maaaring akuhin ng mga magiging kahalili—hindi nagwawakas o naglalaho ang katungkulang ito kapag nagbitiw o namatay na ang siyang mayhawak nito. Ayon sa Aklat ni Propeta Isaias:

Tatawagin ko sa araw na iyon ang aking lingkod, si Eliaquim na anak ni Helcias. Siya ang pagsusuutin ko ng iyong kasuutan, Ibibigay ko sa kanya ang iyong kapangyarihan, Siya ang magiging pinakaama ng Jerusalem at ng Juda. Ibibigay ko sa kanya ang susi ng bahay ni David; Ang kanyang buksa'y walang makapagsasara At walang makapagbubukas ng ipininid niya. (Isaias 22: 20-22)

Tumutukoy ito sa paghalili hindi sa Hari kundi sa "katiwala ng palasyo" (Isaias 22: 15). Si Eliaquim ang humalili kay Sabna: "Aalisin kita sa iyong katungkulan . . . Tatawagin ko . . . si Eliaquim" (Isaias 22: 19-20). Kaya naman, nang ibinigay ng Panginoong Jesus ang mga "susi ng kaharian ng langit" kay San Pedro, Ipinahihiwatig nito na si San Pedro ang itinalagang Punong Ministro at Pinakaama ng Simbahan, at iyon ay isang katungkulang ipagpapatuloy ng mga magiging kahalili niya. Kaya nga, makatuwirang ituring si Apostol San Pedro bilang unang Santo Papa ng Simbahang Katolika. "Ang Pinunong nasa Roma, ang Papa, ang Kumakatawan kay Kristo at kahalili ni Pedro, ang siyang may lubos, pinakamataas at pangkalahatang kapangyarihan sa Simbahan." (KPK 1410).

Tiniyak ng mga Apostol na bago pa man sila mawala sa mundo ay may mga taong hahalili sa kanilang mga Apostolikong katungkulan (Gawa 20: 28; 1 Pedro 5: 1-4; Hebreo 13: 17). Ang mga taong yaon ay ang mga Obispo. Ayon mismo kay San Pablo, ang Espiritu Santo ang nagkakaloob ng tungkuling ito (Gawa 20: 28) sa pamamagitan ng Sakramento ng Banal na Orden ("pagpapatong ng kamay" — 2 Timoteo 1: 6-7). At dahil ang Espiritu Santo ay namamalagi sa Simbahan upang gabayan ito (Juan 14: 16), at ang Panginoong Jesus na rin mismo ay nangakong sasamahan niya ang Simbahan hanggang sa katapusan ng sanlibutan (Mateo 28: 20), samakatuwid, tinitiyak ng ating pananampalataya na ang Apostolikong Paghalili ng mga Obispo ay hindi kailanman mawawala o mapapatid sa Simbahan. Sumasampalataya tayong magpapatuloy ang paghalili ng mga Papa kay San Pedro hanggang sa dumating ang Panginoong Jesus. Pagbalik ng Panginoon mula sa langit, buo ang ating pagtitiwalang may madadatnan pa rin siyang pangulong alipin ng kanyang sambahayan (Mateo 24: 45-51; Lucas 12: 41-47). Parurusahan niya ang mga Papa na nagpabaya sa Simbahan at nang-abuso ng kapangyarihan, at gagantimpalaan naman ang mga naging tapat sa kanilang tungkulin.

 

HINDI MAGKAKAPANTAY

Ang ibang mga Apostol ay pinagkalooban ng katulad na katungkulan, subalit ang tinanggap ni San Pedro ay nakatataas sa kanilang lahat at sumasakop sa buong Simbahan. Oo, ang lahat ng mga Apostol ay mga "saligan" din ng Simbahan (Efeso 2: 20; Pahayag 21: 14), subalit si San Pedro ang nagpapatatag sa kanila (Lucas 22: 31-32). Oo, ang lahat ng mga Apostol ay binigyan din ng kapangyarihang "magtali" at "magkalag" (Mateo 18: 18), subalit ito'y bilang mga pinuno ng isang bahagi lamang ng Simbahan na ipinagkatiwala sa kanila (t. 15-18), di tulad ni San Pedro na may pamamahala sa buong Simbahan. Isa pa, ipinahihiwatig ng hiwalay na pagtatalaga kay San Pedro na siya ang kanilang pinuno1 — na maaari niyang baguhin, ipawalang-bisa, o papagtibayin ang anumang "tinalian" o "kinalagan" ng ibang mga Apostol.

Nang magtalu-talo ang mga Apostol kung sino ba sa kanila ang pinaka-dakila, sinaway nga sila ng Panginoon, subalit hindi niya sinabi na sila'y magkakapantay; bagkus itinagubilin niya na "ang pinakadakila sa inyo ang siyang maging pinakamaliit, at ang pinuno ang siyang maglingkod." (tingnan sa: Lucas 22: 24-27). Pagkaraan nito'y saka naman niya tinagubilinan si Simon (si San Pedro) kung ano ang paglilingkod na gagawin nito sa iba pang mga Apostol: "pagtibayin mo ang iyong mga kapatid." (t. 32) — isang malinaw na patunay na siya ang kanilang pinuno.

Sa 1 Pedro 5: 1 sinabi ni San Pedro sa mga "matatanda" ng Simbahan: "Nananawagan ako bilang isa ring matandang tulad ninyo". Nangangahulugan ba ito na si San Pedro, ang iba pang mga Apostol, at ang mga "matatanda" ay magkakapantay lamang talaga? Sa katunayan, makikita naman sa konteksto kung bakit sinabi ni San Pedro na siya'y isa ring "matanda": tungkulin ng mga "matatanda" na maging mga ulirang pastol ng kawang ipinagkatiwala sa kanila (t. 2-3), tungkuling ginagampanan ni San Pedro sa buong kawan (tingnan sa: Juan 21: 15-17). Subalit may isa pa itong maaaring ipinahihiwatig. Kung sinasabi ni San Pedro na siya'y isa ring "matanda", nangangahulugan kaya ito na minabuti na niyang pirmihang humimpil sa isang partikular na Simbahan upang manungkulang Obispo nito? At kung magkagayon, posible kayang siya ang nanunungkulang Obispo ng mga Cristianong nasa "Babilonia" na binabanggit niya sa katapusan ng naturang sulat (1 Pedro 5: 13) — ang Simbahan sa Roma?2 Kung gayon, pinatutunayan nito na ang Papa nga ang kahalili niya.

May mga nagsasabi naman na nang magpulong "ang mga apostol at matatanda" sa Jerusalem, si San Santiago daw ang namuno at nagpasya, hindi si San Pedro (basahin sa: Gawa 15: 1-29). Sa katunayan, hindi lang naman si San Santiago, kundi ang buong kapulungan ng mga Apostol at Matatanda, "sampu ng buong iglesya", ang nagpasya (t. 22, 28; 16: 4), alinsunod sa naging hatol ni San Santiago (t. 19-21), na batay naman sa mga ipinaliwanag ni San Pedro (t. 14-18) — pagpapaliwanag na nagpatahimik sa mahabang pagtatalo at nagbigay ng pagkakataon kina San Pablo at Bernabe na isalaysay ang panig nila (t. 7-12). Sa mga naitalang pangyayaring ito, makikita natin kung paano ba kumikilos noon ang mga Apostol sa pamumuno ni San Pedro. Si San Pedro, bilang Bato (Mateo 16: 18), ang nagpapahayag ng Pananampalataya na pinagbabatayan ng desisyon ng kapulungan.

Malimit ding gamitin ng mga anti-Katoliko ang Gawa 8: 14, kung saan sinasabing sina San Pedro at San Juan ay "isinugo" ng mga Apostol na nasa Jerusalem. Iginigiit ng mga di-Katoliko: "Maaari bang isugo ang pinuno?" Ang ating sagot ay oo, maaaring isugo ang pinunong lingkod ng Simbahan kung kinakailangan, lalo na kung may isang mahalagang tungkuling siya lamang ang maaaring gumanap (gaya ng pagkukumpil sa mga binyagan at pagsaway sa isang maimpluwensyang salamangkero — tingnan ang konteksto ng Gawa 8: 9-25). Ang mga pinuno ng Simbahan ay nanunungkulan, hindi bilang mga hari, kundi bilang mga ulirang pastol (tingnan sa: 1 Pedro 5: 1-4). Si San Pedro ay hindi "diktador" ng Simbahan, kundi ang "alipin na pinapamahala ng kanyang panginoon sa ibang mga alipin" (Mateo 24: 45). Ipinakikita lamang sa Gawa 8: 14 (at sa mga sumunod na taludtod) kung paanong pinaglingkuran ni San Pedro ang Simbahan, bilang pagtupad sa tagubilin ng Panginoon: Ang pinuno ang siyang maglingkod. Gayon pa man, ang kababaang-loob ng mga pinuno ng Simbahan ay hindi nangangahulugan na sila'y walang katungkulang dapat igalang ng kanilang nasasakupan. Maaari silang maghigpit kung kinakailangan (Tito 2: 15; 2 Corinto 13: 1-10). Kung nagkaroon man ng pagpapalawig at paghihigpit sa mga kapangyarihan at karapatan ng mga Papa sa pagdaan ng panahon, ito'y bilang tugon sa mga sari-saring pagkilos sa loob at labas ng Simbahan na naglalayong balewalain o batikusin ang pamumuno ng Papa.

Sa bandang huli, igigiit ng mga anti-Katoliko na kaya lamang daw naging pangunahing Apostol si San Pedro ay dahil siya ang hinirang na "Apostol ng mga Judio," gaya ni San Pablo na hinirang na "Apostol ng mga Hentil" (tingnan sa: Galacia 2: 1-10). Sa katunayan, ang tinutukoy lamang dito ay ang pangangaral ng Ebanghelyo sa mga hindi pa Cristiano, hindi ang pamamahala sa Simbahan. Ayon na rin mismo kay San Pablo: "Si Santiago, si Cefas at si Juan, na inaaring mga haligi, ay nag-abot sa akin at kay Bernabe ng kanilang kanang kamay ng pakikipagkaisa upang kami ay magtungo sa mga Hentil at sila naman sa mga tuli. Ang kanilang bilin lamang ay huwag naming kalilimutan ang mga dukha" (2: 9-10).

 

OBISPO NG ROMA

Hindi natin alam kung kailan at paano nakarating sa Roma si San Pedro. Ang nalalaman lamang natin ay ang mismong pagpunta niya sa Roma, na siya ang nagtatag ng pamunuan ng Simbahan doon (tinulungan siya ni Apostol San Pablo sa gawaing ito), na siya ay ipinapatay ni Emperador Nero (ipinako sa krus nang patiwarik, dahil inari niyang di karapat-dapat ang sarili na matulad sa pagkakapako sa Panginoong Jesus), at ang kanyang mga labi ay inilibing sa isang sementeryo sa burol ng Vatican. Ang lahat ng ito ay wala sa Biblia,2 kundi batay sa patotoo ng mga sinaunang Cristiano: Clement I (98 A.D.), Ignatius (107 A.D.), Papias (110 A.D.), Dionysius (170 A.D.), Irenaeus (180 A.D.), Caius (198 A.D.), Clement ng Alexandria (200 A.D.), at Tertullian (200 A.D.).

Ayon sa sulat ni St. Ignatius sa mga Taga-Roma, ang kanilang Simbahan ang "gumaganap ng pangangasiwa," "mapagmahal na nangangasiwa," at "nagtuturo sa iba." Ayon kay St. Irenaeus, ang Simbahan sa Roma ang "pinaka-dakila at pinaka-matandang simbahang nakikilala ng lahat," at "dahil sa nakatataas na pinagmulan nito, ang lahat ng mga simbahan ay dapat tumalima, alalaong-baga'y ang lahat ng mga mananampalataya sa buong mundo." Natatala rin sa kasaysayan na talagang may mga Papa buhat noong una at ikalawang siglo — gaya nina Clement I (91-100 A.D.) at Victor I (189-199 A.D.) — na nakikialam at nagpapatupad ng mga patakaran sa mga Simbahang malayo sa Roma. Pinatutunayan nito ang kamalayan ng mga Papa na sila'y may pananagutan sa buong Simbahan, hindi lamang sa kanilang nasasakupan — na sila ay humahalili sa pinakamataas na katungkulang umiiral sa Simbahan, na walang iba kundi ang katungkulan ni San Pedro.

 

KAWALANG-PAGKAKAMALI NG PAPA

Nang tinanong ng Panginoong Jesu-Cristo ang kanyang mga alagad kung sino ba siya ayon sa mga tao, nagkaroon ng iba't ibang sagot: siya daw si Juan Bautista, si Elias, si Jeremias, o isa sa mga propeta (Mateo 16: 13-14). Ipinakikita nito na ang pakikinig sa mga tao hinggil sa pananampalataya at moral ay nagdudulot ng pagkakawatak-watak at pagkakamali. Subalit nang tinanong ng Panginoong Jesu-Cristo ang kanyang mga alagad kung sino ba siya ayon sa kanila, si Apostol Simon ang sumagot para sa lahat: "Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buha'y" (t. 15-16). Dahil dito'y pinuri siya ng Panginoon: "Pinagpala ka, Simon na anak ni Jonas, sapagkat hindi laman at dugo ang nagpahayag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa langit. Ngayon sinasabi ko sa iyo na ikaw ay Pedro . . ." (t. 17-18) Ipinakikita nito na ang mga Apostol ay nagkakaisa sa pananampalatayang ipinahahayag ni Apostol San Pedro, at ang pananampalatayang yaon ay hindi mula sa tao kundi sa Diyos, kaya't ang Simbahang nakatayo sa ibabaw ng Bato — alalaong-baga'y ang Simbahang nananatili sa mga katuruan ni San Pedro — ay nagkakaisa at hindi nagkakamali. Ito ang biyaya ng kawalang-pagkakamali na ipinagkaloob sa katungkulan ni San Pedro, na ipinagpapatuloy naman ng Santo Papa.3

"We believe in the infallibility enjoyed by the successor of Peter when he teaches ex cathedra as pastor and teacher of all the faithful, and which is assured also to the episcopal body when it exercises with him the supreme magisterium."

POPE PAUL VI
Solemni Hac Liturgia, 20
June 30, 1968

Kung si San Pedro ay talagang pinagkakalooban ng biyaya ng kawalang-pagkakamali sa tuwing ipinahahayag niya ang pananampalataya at moral ng Simbahan, bakit minsan na siyang tinuligsa at pinagsabihan ni Apostol San Pablo? Sa katunayan, kung titingnan ang konteksto ng ginawa ni San Pablo na binabanggit sa Galacia 2: 11-14, ang ginawa niya'y batay sa mga katuruang si San Pedro din naman mismo — kasama ang iba pang mga Apostol — ang naunang nagturo at nagpatupad (Galacia 1: 18, 2: 1-10; Gawa 11: 1-18, 15: 1-29). Samakatuwid, hindi nito pinabubulaanan ang kawalang-pagkakamali ni San Pedro, bagkus ipinakikita nito ang katapatan at lubos na pagtalima ni San Pablo sa mga alituntuning itinakda ni San Pedro at ng iba pang mga Apostol sa konseho ng Jerusalem (Gawa 15: 22-29, 16: 4).


 
 

 
  1. Sa listahan ng Labindalawang Apostol na naitala sa Ebanghelyo ni San Mateo, binigyang-diin na si San Pedro ang "una" (Mateo 10: 2). Pansinin na hindi na tinukoy pa ang "pangalawa" hanggang "ika-labindalawa": ito'y dahil hindi naman layon ng Ebanghelyo na tukuyin ang pagkakasunud-sunod ng mga Apostol sa kanilang hanay. Bagkus, tinutukoy lamang nito na si San Pedro ang pangunahin — ang namumuno — sa Labindalawa. Ang pagiging pangunahin ni San Pedro ay makikita rin sa: Marcos 16: 7; Gawa 2: 14, 37, 5: 29; 1 Corinto 9: 5, 15: 5; Galacia 1: 18-19. [BUMALIK]
  2. Hindi napasulat sa Biblia kung si San Pedro ba ang naging unang Obispo ng Simbahan sa Roma. Wala ring tahasang nasusulat kung siya ba'y nagpunta nga sa Roma. Gayon man, makatuwirang ituring na katibayan ng kanyang pagpunta sa Roma ang nasasaad sa 1 Pedro 5: 13: "Kinukumusta kayo ng mga kapatid na nasa Babilonia, mga hirang na paris ninyo". Ayon sa ilang mga dalubhasa sa Biblia, hindi maaaring ang sinaunang bayan ng Babilonia ang tinutukoy dito, sapagkat wala namang naitatag na Simbahan sa naturang bayan noong unang siglo. Sa Aklat ng Pahayag, ginamit ang pangalang Babilonia bilang patalinghagang tawag sa Roma (14: 8, 17: 5, 18: 2), kaya't maaari nating ipagpalagay na ang bayan ng Roma ang talagang tinutukoy ni San Pedro sa kanyang sulat.

    Hindi mahalaga kung nasa Biblia ba ito o wala, una, sapagkat hindi naman itinakda ng Diyos ang mga Banal na Kasulatan bilang tanging batayan ng lahat ng may kinalaman sa Pananampalataya, at pangalawa, mga pangyayari naman sa kasaysayan ang pinag-uusapan dito, at ito'y maaaring matukoy sa pamamagitan ng mga tradisyon, ng mga mananalaysay, at ng mga siyentipikong pagsasaliksik. [1-BUMALIK] [2-BUMALIK]
  3. Ang pinakamahalagang tungkulin ng Obispo ay ang "pagpapahayag ng Ebanghelyo". Ang mga Obispo ay "tunay na guro", na pinagkalooban ng kapangyarihan ni Kristo, na nangangaral sa pakikipag-isa sa Papa sa Roma. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, iginawad ni Kristo sa kanyang Simbahan, lalung-lalo na sa Kolehiyo ng mga Obispong nagtuturong kaisa ng Kahalili ni Pedro, ang Santo Papa, ang biyaya ng kawalang pagkakamali. Ang biyayang ito ay nagpapanatili sa Simbahan na malayo sa pagkakamali sa pagtuturo ng anumang ipinahayag ng Diyos tungkol sa pananampalataya at moral na pamumuhay. (KPK 1423)

    . . . Ang natatanging kaloob na ito ay tinatamasa ng Santo Papa sa Roma, dahil sa kanyang katungkulan bilang Punong Pastol at guro ng lahat ng mananampalataya, kapag ipinahahayag niya sa isang tiyak na pagkilos, ang isang doktrina tungkol sa pananampalataya at moral na pamumuhay. Ang kawalang pagkakamaling ito na ipinangako sa Simbahan ay nasa mga Obispo rin kapag, bilang isang kapulungan kaisa ng Kahalili ni Pedro, ay ginaganap nila ang kanilang pangunahing tungkuling magturo . . . (KPK 1424) [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF