"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Martes, Oktubre 08, 2024

Paglalakbay Patungo sa Kamatayan: Ano ang Dapat Isaalang-alang?


Photo by Kampus Production from Pexels (edited)


Ano bang dapat gawin kapag may mahal ka sa buhay na malapit nang mamatay—kapag may iilang oras na lang siyang nalalabi sa mundong ibabaw? May nabalitaan akong ganito noon: Isang batang may kanser at may taning na ang buhay. At ano ang pinagsumikapang gawin ng kanyang nanay para sa kanya? Ang makausap niya sa telepono ang paborito niyang YouTuber. Naging napakalaking isyu pa nito dahil hindi agad napagbigyan ang hinihiling na pabor, at maraming galit na galit sa naturang YouTuber na wari ba'y mayroon siyang moral na obligasyong tuparin ang huling kahilingan ng sinumang tagahanga niyang naghihingalo.

Hindi ko lubos maisip kung bakit sa dinami-dami ng maaaring maging huling kahilingan ng isang tao, ang pakikipag-usap pa sa isang YouTuber ang gusto niya. Ano bang mapapala mo dun? Matutulungan ka ba niya para paghandaan ang nalalapit mong pagharap sa hukuman ni Cristo? Nakasalalay ba sa kanya ang magiging magpakailanmang hantungan ng iyong kaluluwa? Akalain mo iyon, mamamatay ka na pero ang laman pa rin ng puso mo ay ang mga bagay na wala naman talagang kabuluhan sa bandang huli?

May isa pa akong nabalitaan noon: Isang batang naghihingalo dahil sa rabies. Habang tinatalian na siya sa kama, wala namang tigil ang nanay niya sa kakasabi ng, "Mahal na mahal ka ni nanay. Tatandaan mo iyan, anak. Mahal na mahal kita." Naisip ko: Paano kaya kung ako ang nasa kalagayan nung bata? Oo, sige, mahal ako ng nanay ko, pero anong magagawa ng pagmamahal na iyon sa sitwasyon ko? Mapipigilan ba ng pagmamahal na iyon ang rabies na pumapatay sa akin? Maiibsan ba ng pagmamahal na iyon ang mga paghihirap ko? At bakit ko ba iyan kailangang tandaan hanggang sa huling sandali? Gusto mo pa ba akong magpasalamat? Hindi ba't parang ikaw lang ang nakikinabang sa ginagawa mong yan, dahil pamamaraan mo iyan para wala kang panghihinayangan at walang babagabag sa konsensya mo kapag wala na ako?

Oo, nakagagaan ng loob na malaman na mahal na mahal ka ng nanay mo at nasa tabi mo siya hanggang sa huling sandali. Pero kung mamamatay ka na, tila ba balewala na kahit buong mundo pa ang magmahal sa iyo. Dahil kahit gaano pa kalaki ang pagmamahal sa iyo ng sinumang tao, wala naman siyang ibang magagawa kundi ang panoorin kang mamatay. Hindi ka niya matutulungan. Hindi ka niya masasamahan hanggang sa kabilang buhay. Hindi ka madadala sa Langit ng pagmamahal ng sinumang tao dito sa lupa.

Ito ang punto ko: Na bilang isang Cristiano, kung may mahal ka sa buhay na mamamatay na, unahin mong asikasuhin ang pagtawag sa pari. At ikaw namang naghihingalo, gugulin mo na ang lahat ng nalalabing oras mo para sa pakikipagkasundo sa Diyos. Ang panahon ng paghihingalo ay panahon ng pananalangin. Grasya na nga iyang maituturing, dahil sa halip na biglaang kamatayan, minarapat ng Diyos na bigyan ka pa ng pagkakataon na maghanda. Hindi lahat ay napagkakalooban ng ganyang biyaya, kaya huwag sanang sayangin sa pagiisip at pagaasikaso ng mga bagay na walang katuturan. Mabuti na sinasamahan ka ng mga mahal mo sa buhay, pero mas mahalagang maging kasama mo ang Panginoong Jesu-Cristo mismo. Sikapin mong makatanggap ng viatiko:

Sa mga malapit nang lumisan sa buhay na ito, ay naghahandog ang Iglesia, bukod sa Pagpapahid sa mga maysakit, ng Eukaristia bilang viatiko. Sa pagtanggap sa sandaling ito ng pagyao sa Ama, ang komunyon ng Katawan at Dugo ni Cristo ay may isang tanging kahulugan at halaga. Ito'y binhi ng buhay na walang hanggan at kapangyarihan ng muling pagkabuhay, ayon sa wika ng Panginoon: "Ang kumain ng aking laman at uminom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan at siya'y aking muling bubuhayin sa huling araw" (Jn 6:54). Yayamang ito'y sakramento ni Cristong namatay at muling nabuhay, ang Eukaristia ay sakramento ng pagtawid sa buhay mula sa kamatayan, mula sa daigdig na ito patungo sa Ama (Jn 13:1).

CCC 1524


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF