"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Lunes, Oktubre 19, 2020

Pagkakahiwalay ng Simbahan at Estado

UPDATED: 9:49 AM 1/31/2022

"Nakikialam nanaman ang Simbahan!" ang karaniwang reklamo ng mga anti-Katoliko sa tuwing may ipinahahayag ang ating mga Obispo at Kaparian na may kinalaman sa mga usaping panlipunan at pampulitika. Agad nilang iginigiit na paglabag daw ito sa separation of Church and State na itinatakda ng Konstitusyon. Abusado daw ang Simbahan, at ipinagpipilitan daw nito ang Katolikong Pananampalataya sa buong bansa, gayong hindi naman lahat ng Pilipino ay Katoliko. Ang Simbahan daw ay dapat manahimik lang at magdasal, at maging masunurin sa anumang sabihin ng pamahalaan. Walang maitutulong sa gobyerno ang anumang mga salitang mamumutawi sa bibig ng sinumang lider ng relihiyon. Sa madaling salita, hindi kailangan ng Estado ang Simbahan.

Isang kabalintunaan na sa tuwing sasapit ang panahon ng eleksyon, mistulang naglalaho ang naturang pagkakahiwalay, sapagkat karaniwan na sa mga kandidato ang manuyo sa mga maimpluwensyang grupong pang-relihiyon gaya ng El Shaddai ni Mike Velarde at ng Iglesia ni Cristo ng pamilya Manalo. Isa ring lalong malaking kabalintunaan na sa mismong Panimula (Preamble) ng Konstitusyon, sasabihing ang sambayanang Pilipino ay "humihingi ng tulong sa Makapangyarihang Diyos". Sinong "Diyos" ang hinihingan ng tulong dito, kung sadya namang inihihiwalay ang Estado mula sa Simbahang itinatag ng Diyos (Mateo 16: 18-19)? Paano naging "Makapangyarihan" ang "Diyos" na iyan, kung ang Estado ay hindi pala maaaring pakealaman ng Simbahan niya? Hindi ba't napakalaking kakapalan ng pagmumukha na humingi ng tulong sa Diyos matapos mong hamak-hamakin at balewalain ang kanyang Simbahan?

Kaya nga, mahalagang magkaliwanagan sa usaping ito — isang usaping paulit-ulit na lang isinasangkalan ng mga anti-Katoliko. Ano nga ba talaga ang tunay na kahulugan ng pagkakahiwalay ng Simbahan at Estado? Labag nga ba sa batas na magpahayag ang Simbahan ng anumang salungat sa sinasabi, ginagawa, o ipinatutupad ng pamahalaan? Subalit bilang Katoliko — na naninindigang "nararapat na tumalima muna sa Diyos bago sa mga tao" (Gawa 5: 29) — ang mas mahalagang tanong ay: Kasalanan ba sa Diyos ang pakikialam ng Simbahan sa mga usaping panlipunan at pampulitika?

 

KONSTITUSYON

Kung tuwirang sasangguniin ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas ng 1987, ang sinasabing "pagkakahiwalay" ng Simbahan at Estado (Artikulo II, Seksyon 6) ay tumutukoy sa mga sumusunod:

  1. ARTIKULO III, SEKSYON 5. Hindi dapat magbalangkas ng batas para sa pagtatatag ng relihyon, o nagbabawal sa malayang pagsasa-gamit nito. Dapat ipahintulot magpakailanman ang malayang pagsasagamit at pagtatamasa ng paghahayag ng relihyon at pagsamba nang walang pagtatangi o pamimili. Hindi dapat kailanganin ang pagsusulit panrelihyon sa pagsasagamit ng mga karapatang sibil o pampulitika.

    Hindi maaaring magkaroon ng pambansang relihiyon na sapilitang ipatatanggap sa lahat ng Pilipino, at hindi rin naman maaaring magpatupad ng pambansang ateismo kung saan lubusang susupilin o pasusunurin ng gobyerno ang lahat ng relihiyon. Malinaw na ipinagkakaloob sa Simbahan (at sa lahat ng mga relihiyon) ang karapatan ng malayang pagpapahayag, pamumuhay, at pagsambang alinsunod sa kanyang mga paniniwala.

  2. ARTIKULO VI, SEKSYON 28, NUMERO 3. Dapat malibre sa pagbabayad ng bwis ang mga institusyong pangkawanggawa, mga simbahan, at mga rektorya o mga kumbento na kaugnay nito, mga mosque, di pangnegosyong mga sementeryo, at lahat ng mga lupain, mga gusali, at mga mehora na aktwal, tuwiran, at tanging gamit sa mga layuning panrelihyon, pangkawanggawa, o pang-edukasyon.

    Marami sa mga anti-Katoliko ang nayayamot sa batas na ito, sa pag-aakalang ito daw ay nagbibigay ng espesyal na pagtrato sa Simbahan at sa iba pang mga relihiyon. Subalit dapat itong unawain sa diwa ng pagkakahiwalay ng Simbahan at Estado:

    • Kung hindi makabayad ang Simbahan ng buwis na ayon sa itinakda ng gobyerno, maaari na ba siyang supilin/parusahan/kontrolin ng gobyerno? Ipakukulong ba nila ang ating mga pari? Ipasasara ba nila ang ating mga simbahan? Kakamkamin ang kanyang mga sagradong kasangkapan at likhang-sining? Kapag nagka-gayon, tahasan nang pinanghihimasukan ng Estado ang Simbahan, anupa't nawala na ang kalayaang ipinagkakaloob ng Artikulo III Seksyon 5.
    • Kung bubuwisan ang Simbahan, ibig sabihin, may karapatan na ang Simbahan na makinabang sa pera ng bansa. Magiging tungkulin na ng Estado na gastusan ang mga pangangailangan ng Simbahan. Kapag nangyari iyon, tahasan itong lalabag sa mga hangganang itinatakda ng Artikulo III Seksyon 5.
    • Kung alin ang mas laganap (o mas mayaman) na relihiyon, ito rin ang makapagbibigay ng mas malaking buwis. At dahil mas malaki ang ambag nito sa kaban ng bayan, hahantong ito sa unti-unting pagkilala sa naturang relihiyon bilang pambansang relihiyon na suportado ng pamahalaan. Muli, lalabag ito sa Artikulo III Seksyon 5.

  3. ARTIKULO VI, SEKSYON 29, NUMERO 2. Hindi kailanman dapat ilaan, iukol, ibayad, o gamitin ang ano mang salapi, o ariariang pambayan, sa tuwiran o di-tuwiran, para sa gamit, pakinabang, o tangkilik sa ano mang sekta, simbahan, denominasyon, institusyong sektaryan, o sistema ng relihiyon, o sa sino mang pari, pastor, ministro, o iba pang mga guro o dignitaryo ng relihyon bilang gayon, maliban kung ang gayong pari, pastor, ministro, o dignitaryo ay nakatalaga sa mga sandatahang lakas, o sa alin mang institusyong penal, o ampunan o leprosaryum ng pamahalaan.

    Ang katuwiran sa likod nito'y katulad ng sa kung bakit libre sa buwis ang Simbahan. Hindi tutulungan ng gobyerno ang pangangailangang pinansyal ng anumang relihiyon. Kung ang Simbahan ay magkaproblema sa pananalapi, o kung magkawasak-wasak ang kanyang mga gusali at opisina dulot ng mga kalamidad, o kung ano pa mang suliraning nangangailangan ng tulong pinansyal o materyal, walang pakealam ang Estado. Ito ang dahilan kung kaya't makatuwiran lang na masangkot ang Simbahan (at ang iba pang mga relihiyon) sa pagnenegosyo, pagbili ng stocks, at walang katapusang panghihingi ng donasyon maging sa mga di niya kaanib. Ito ang dahilan kung bakit kailangang maging maingat at matalino ang anumang relihiyon sa kung paano gagastusin ang anumang "kayamanang" mayroon sila, sa halip na walang patumangga at walang kapararakang magbenta at mamahagi ng mga ari-arian para ipantulong sa sinumang "mahirap" na hihingi ng tulong (na sa totoo lang, ang talagang may pangunahing tungkuling tumulong sa kanila ay ang estado, hindi ang Simbahan!). Ito rin ang matinong dahilan kung bakit walang karapatan ang sambayanang Pilipino na silipin ang pananalapi ng Simbahan, pagpaliwanagin siya hinggil sa kanyang mga "kayamanan", at obligahin siyang ilaan ang lahat ng kanyang ari-arian para sa kapakinabangan ng taong-bayan. Ang pera ng Simbahan ay hindi pera ng bayan, at sa pera ng bayan ay walang bahagi ang Simbahan, at sa panahon ng kagipitan, bahala ang Simbahan sa buhay niya. Iyan ang isang aspeto ng Pagkakahiwalay na tila di maarok ng isip ng karaniwang anti-Katolikong Pilipino.

  4. ARTIKULO XIV, SEKSYON 3, NUMERO 3. Sa opsyong nakalahad nang nakasulat ng mga magulang o mga tagakupkop, dapat pahintulutang ituro ang relihyon sa kanilang mga anak o mga ampon sa mga pambayang paaralang elementarya at hayskul sa regular na mga oras ng klase ng mga tagapagturong itinalaga o pinahintulutan ng relihyosong awtoridad ng relihyong kinaaniban ng mga anak o mga ampon, nang walang dagdag na gastos ang pamahalaan.

    Hindi sapilitang itinuturo ang relihiyon sa mga pampublikong paaralan, subalit hindi rin naman ito ipinagbabawal. Muli, kinikilala nito ang kalayaang pangrelihiyon habang pinananatili ang diwa ng pagkakahiwalay ng Simbahan at Estado: Maaaring magturo ng relihiyon sa mga paaralan, subalit hindi ito gagastusan ng gobyerno.

Iyan ang malinaw na nasasaad sa batas, at wala rito ang mga anti-Katolikong sentimyentong paulit-ulit nating naririnig, lalo na sa social media. Hindi bawal tumutol. Hindi bawal tumangkilik o tumuligsa sa isang pulitiko. Hindi bawal magbigay ng opinyon o mungkahi sa mga usaping panlipunan at pampulitika. Maliwanag ang Konstitusyon sa kung paanong paraan ba "nagkakahiwalay" ang Simbahan at Estado! Ang pinakamahalagang layunin ng naturang Pagkakahiwalay ay protektahan ang karapatang pantao sa kalayaang pang-relihiyon (religious freedom).

 

IBIGAY SA CESAR ANG SA CESAR

"Ibigay sa Cesar ang sa Cesar at sa Diyos ang sa Diyos", sabi ng Panginoong Jesus nang siya'y tanungin kung dapat bang magbayad ng buwis sa Cesar (Mateo 22: 15-22). Ito ang malimit na bukambibig ng mga anti-Katoliko para igiit ang kanilang balintuwad at di-konstitusyonal na konsepto ng pagkakahiwalay ng Simbahan at Estado. Marapat lang na tanungin sila:

  • Ano ang dapat ibigay sa Cesar? "Ang lahat ng tao ay dapat pasakop sa mga nakatataas na kapangyarihan. Sapagkat walang kapangyarihan na di galing sa Diyos, at yaong mga umiiral ay itinatag ng Diyos." (Roma 13: 1). Gayon man, nilinaw ni Apostol San Pablo na ang naturang kapangyarihan ay para sa pagtataguyod ng kabutihan at pagpaparusa sa kasamaan (taludtod 2-4). Hangga't ginagamit ang kapangyarihan para sa adhikaing ito, maaaring ibigay sa mga pinuno ang "nararapat" sa kanila: "bayad sa dapat pagbayaran, buwis sa dapat buwisan, takot sa dapat katakutan, galang sa dapat igalang." (taludtod 7). Subalit bilang isang Cristiano, hindi ka magpapasakop sa kapangyarihang maliwanag na pinakikilos na ng diyablo (Pahayag 13). Hindi ka magpapasakop sa kapangyarihang ginagamit para laitin ang Diyos, laitin ang Simbahan, at laitin ang mga Banal sa Langit (Pahayag 13: 5-8)! Sa mga Huling Araw, kung kailan sinasabing maghahari ang Anti-Cristo, sinong matinong Cristiano ang magpapasakop sa pamamahala niya?
  • Ano ang dapat ibigay sa Diyos? Nakalulungkot na nakatuon lamang ang atensyon ng mga anti-Katoliko sa mga salitang "Ibigay sa Cesar ang sa Cesar", at kinalimutan nang dapat din na "Ibigay sa Diyos ang sa Diyos". Sapagkat siya'y Diyos, sa kanya tayo lubos na nagpapasakop. "Sapagkat nasa kanya ang ating buhay, pagkilos at pagkatao" (Gawa 17: 28). At paano nga ba natin natatalastas ang kanyang kalooban? Alam nating lahat ang sagot: Sa pamamagitan ng Simbahan. Ang di nagpapasakop sa Simbahan ay di nagpapasakop sa Diyos! Noong 1302, sa kanyang sulat na Unam Sanctam, walang pag-aalinlangang ipinahayag ni Pope Boniface VIII: "We declare, we proclaim, we define that it is absolutely necessary for salvation that every human creature be subject to the Roman Pontiff."
The mutual autonomy of the Church and the political community does not entail a separation that excludes cooperation. Both of them, although by different titles, serve the personal and social vocation of the same human beings. The Church and the political community, in fact, express themselves in organized structures that are not ends in themselves but are intended for the service of man, to help him to exercise his rights fully, those inherent in his reality as a citizen and a Christian, and to fulfil correctly his corresponding duties. The Church and the political community can more effectively render this service for the good of all if each works better for wholesome mutual cooperation in a way suitable to the circumstances of time and place.

COMPENDIUM OF THE SOCIAL DOCTRINE OF THE CHURCH, 425


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Martes, Oktubre 13, 2020

Ang Aking Opinyon hinggil kay Blessed Carlo Acutis


SOURCE: http://carloacutis.com

Sa totoo lang, hindi ako masyadong apektado ng anumang mga nagaganap na beatification at canonization sa Simbahan. Noon ngang idineklarang Santo si San Pedro Calungsod, hindi naman ako natuwa, ni nakaramdam ng pagmamalaki na dalawa na sila ni San Lorenzo Ruiz—na dalawa na silang Pilipinong Santo. Tila ba ang aking likas na pagkasuplado ay dala-dala ko maging sa aking pakikipag-ugnayan sa aking mga kapamilya sa Langit! Isa marahil ito sa marami kong mga pagkukulang bilang Katoliko, kaya't nagiging mahirap para sa akin ang landas ng pagpapakabanal. Nasanay na ako na magsarili sa lahat ng bagay, maging sa aking buhay-espirituwal. Isa itong pagkukulang na sinisikap ko pang baguhin, sa awa ng Diyos.

Sino ba si Blessed Carlo Acutis? Nang maging laman siya ng mga balita nitong mga nakaraang araw, tulad ng dati'y wala rin akong masyadong pakealam. "Oo, siya'y marapat parangalan, tularan, at nawa'y isama niya ako sa kanyang mga panalangin," ang sabi ko sa aking sarili, pero hanggang dun lang—hindi ko na ibig tuklasin pa ang kanyang buhay, o magkaroon pa ng natatanging pagdedebosyon sa kanya. Subalit gaya ng sabi ko, sinisikap ko nang magbago, kaya't pinilit ko siyang kilalanin.

Kung ang pagbabatayan ay ang iba't ibang mga artikulong mababasa sa internet, ito ang mga paulit-ulit na sinasabi tungkol sa kanya:

  • patron ng mga gumagamit ng internet (Meron na palang ganun?)
  • huwaran ng mga millennials
  • isang santong mahilig sa mga matatamis, maglaro ng soccer, at computer games
  • may pananamit na tulad ng sa isang karaniwang binatilyo sa ating kapanahunan

Lubha akong naguguluhan dito. Bakit gayon na lamang ang pagkabighani natin sa mga bagay na ito, anupa't tila ito na lamang ang napagtutuunan ng ating atensyon hinggil kay Blessed Carlo? Sa Facebook, paulit-ulit ang pagsasangkalan sa kanya bilang huwaran ng paggamit ng internet sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo, at kung minsan nama'y kasangkapan para hiyain ang mga kabataang ipinagpapalagay nating walang nagagawang magaling sa mga buhay nila. Bilang isang Beato, ito na ba talaga ang naging batayan ng kabanalan niya—na nakarating siya sa Kaharian ng Langit dahil sa husay niya sa computer, paglalaro ng Playstation, at pagsusuot ng rubber shoes?


SOURCE: http://carloacutis.com

Siguro nga'y ang mas dapat itanong ay kung paano ba naging banal si Blessed Carlo. Ito ang aking napag-alaman:

  • Mula nang siya'y tumanggap ng First Communion sa edad na 7, araw-araw na siyang nagsisimba at nangongomunyon.
  • Bago o pagkatapos ng Misa, lagi siyang nagdarasal sa harap ng Santisimo Sakramento.
  • Isang beses kada linggo siya kung mangumpisal.
  • Nagdarasal siya ng Santo Rosaryo araw-araw.
  • Sa edad na 11, nagsimula siyang magsaliksik hinggil sa mga milagro ng Eukaristiya, at kalauna'y ginawan niya ito ng isang website.
  • Bagama't mayaman ang kanilang pamilya, pinili niyang mamuhay nang payak. Isang Hindu na nagtatrabahong tagalinis sa kanilang pamilya ang naantig sa kanyang mabuting pamumuhay, na humantong sa pagpapabinyag nito sa Simbahang Katolika.
  • Ipinagtatanggol niya ang mga kaklase niyang may-kapansanan mula sa mga nangaapi sa kanila.
  • Naging matulungin siya sa mga mahihirap sa kanilang lugar.
  • Mahilig siyang maglakbay at mag-pilgrimage sa mga banal na lugar.
  • Nang siya'y ma-diagnosed na may leukemia noong taong 2006, inialay niya sa Diyos ang kanyang mga pagdurusa para kay Pope Benedict XVI at sa Simbahan.

Aaminin ko, napaluha ako nang mapagtanto ang lahat ng ito. "Kaya naman pala siya banal," ang sabi ko sa sarili. Hindi pala talaga ito tungkol sa internet, sa mga computer games, paglalaro ng soccer, o pagkahilig sa pagkain ng mga chichirya. Tungkol ito sa isang binatilyong namuhay sa kapanahunan natin, subalit nagawa pa ring isabuhay ang kanyang pagiging Katoliko nang tapat at mahusay.

"Our goal must be the infinite and not the finite. The Infinity is our homeland. We are always expected in Heaven."

BLESSED CARLO ACUTIS


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Ang aking Opinyon hinggil sa "Papa Jesus"

UPDATED: 2:26 PM 8/15/2022

Hindi ko kailanman kinasanayan na tawaging "papa" ang Panginoong Jesus. Mga anim o pitong taong gulang pa lang ako, batid ko nang siya'y "panginoon" — isang katayuang higit na mataas kaysa sa aking mga magulang, mga guro, o sa kung sino pa man. Marahil, dulot ito ng pagkahilig ko sa mga relihiyosong komiks at babasahin na ipinamimigay sa amin noon sa eskwelahan (nag-aral ako noon sa Paco Catholic School), at pati na rin sa pagkahumaling ko sa kopya namin ng Bagong Tipan ng Magandang Balita Biblia (na kinagiliwan ko dahil sa mga kakatwang larawang mayroon ito). Mula pa sa pagkabata hanggang sa ngayon, "Panginoon"/"Lord" lang ang naging palagiang tawag ko sa kanya.

Subalit may mali ba sa pagtawag sa Panginoon na "Papa Jesus?" Nakasusuya ang mga katuwirang kesyo "Wala yan sa Biblia!" Ang tanong: Wala nga ba? Ang pagiging "biblikal" ay hindi lamang tungkol sa letra-por-letra at tahasang pagkakasulat; tungkol din ito sa kung tumutugma ba sa mga aral ng Biblia ang mga bagay-bagay na ginagawa mo. At ang mga aral ng Biblia ay natatalastas natin, hindi sa pamamagitan ng sarilinang pagbabasa at pagbibigay-kahulugan batay sa sariling kakayahan, kundi sa pamamagitan ng ➊ malalim na pag-aaral (na ipinagsasaalang-alang ang mga iba't ibang uri ng sinaunang panitikan at sinaunang estilo ng pananalita), at ng ➋ pakikinig sa mga paliwanag ng Simbahan, mangyaring ang Simbahan ang nagtatamasa ng karisma ng kawalang-pagkakamali (pagdating sa pagpapaliwanag ng mga katotohanan ng pananampalataya at moral na pamumuhay) at siya ring tagapagmana ng Banal na Tradisyon na mula sa mga Apostol. Kadalasan, sa tuwing sinasabi nating "Wala sa Biblia," hindi dahil wala talaga sa Biblia, bagkus, hindi lang natin makita sa Biblia dahil sarado ang ating pag-iisip (Lucas 24: 45).

Maraming dahilan para isiping "biblikal" ang "Papa Jesus" —

  • Ang Santo Papa ay siyang Bikaryo ni Cristo. Sa tuwing ginagampanan niya ang kanyang maka-amang paglilingkod sa Simbahan, hindi ba't kinakatawan niya ang pagka-ama ng siyang tunay na pinuno ng Simbahan, ang Panginoong Jesus? Sa tuwing tinatawag mo ang Panginoong Jesus na "papa," hindi ba't parang sinasabi mo na rin na siya talaga ang Santo Papa ng Simbahang Katolika — ang talagang namumuno sa sambahayan ng Diyos (Hebreo 3: 6)?
  • Kung ang Simbahan ay ang ating "ina" ("Santang Inang Simbahan," ika nga), hindi ba't ang asawa niya ay ang ating "ama?" At sino ba ang "asawa" ng Simbahan, hindi ba't ang Panginoong Jesus (Efeso 5: 21-33)?
  • Ang mga pari, sa pagtupad nila ng kanilang tungkulin, ay tinutupad ito in persona Christi. At ano ba ang kinagisnan nating tawag sa mga pari? Father. Padre. Kung mga "papa" sila (1 Corinto 4: 14-15), hindi ba't "papa" rin ang Panginoong Jesus na kumikilos sa pamamagitan nila? Hindi ba't siya ang ating "Padre Jesus Nazareno," ika nga ng isang nakagisnang awitin?
  • "Sapagkat ipinanganak sa atin ang isang bata, ibinigay sa atin ang isang anak; at nasa kanyang balikat ang pamumuno, at tatawagin siyang kahanga-hangang tagapayo, malakas na Diyos, walang hanggang Ama, prinsipe ng kapayapaan. Ang kanyang kaharian ay lalaganap at walang hanggan ang kanyang kapayapaan. Uupo siya sa luklukan ni David at sa kanyang kaharian upang pakatatagin at palakasin ito sa karapatan at sa katarungan mula ngayon magpakailan pa man." (Isaias 9: 5-6) — Hindi naman kailangang ipagpilitan na ang Panginoong Jesus ang tinutukoy dito (bagama't sa Cristianong pananaw ay halata namang siya ang tinutukoy). Sapat nang mapagtanto na sinumang pinagkalooban ng pamamahala/pamumuno bilang tagapagmana ng trono ni David ay nakikibahagi sa pagka-ama ng Diyos; bilang hari kinakatawan mo ang Diyos sa iyong mga nasasakupan. Sa katunayan, ang punong ministro ng hari (na siyang kinatawan ng hari) ay gumaganap din bilang "pinaka-ama" ng kaharian (Isaias 22: 21).

Siyempre, hindi ito ang mga dahilan kung bakit itinuturo ng maraming mga magulang sa kanilang mga anak na tawaging "Papa Jesus" ang Panginoong Jesus. Sa pananaw ng isang bata, wala namang iba pang kapangyarihang nakasasakop sa kanya kundi ang kapangyarihan ng kanyang "mama" at "papa." Tila ba may kulang kung tatawagin mo ang Panginoong Jesus na "Tito Jesus," o "Kuya Jesus," o kahit pa "Lolo Jesus" (dito sa amin sa San Pedro, kilala siyang "Lolo Uweng"), dahil sa buhay ng isang bata, ang mga lolo, tito, at kuya, bagama't mga taong iginagalang niya, ay hindi kailanman maipapantay sa nakatataas na katayuan ng kanyang mismong ama. Para sa isang bata, ang kanyang mga magulang ang pinag-uukulan ng lubos na paggalang at pagmamahal. Bilang magulang, ikaw ang kinatawan ng Diyos sa mga anak mo.

Marami ang nagrereklamo dito dahil baka daw isipin ng mga bata na mag-asawa ang "Mama Mary" at "Papa Jesus" nila, o di kaya'y mawalan nang papel ang Diyos Ama at akalaing si "Papa Jesus" lang ang Diyos. Walang katuturan ang mga pagrereklamong ito. Isang tingin lang sa mga imahen ng Mahal na Birhen, agad nauunawaan ng isang paslit na si "Mama Mary" ang nanay ng "Papa Jesus" nila. Sa pag-aantanda ng Krus, nababatid ng bata na si "Papa Jesus" ay mayroon ding "Papa" sa Langit, kung paanong ang tatay nila ay anak ng lolo nila. Siyempre, inaasahan nating sa kanilang pagtanda ay uunlad din naman ang kanilang pagkakakilala sa Panginoong Jesus, at mapagtatantong si "Papa Jesus" ay mas higit pa pala sa pagiging "papa," kundi Panginoon ng mga Panginoon, at Hari ng mga Hari. (1 Timoteo 6: 15).


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Linggo, Oktubre 11, 2020

Meron ka bang Facebook account?


Image by William Iven from Pixabay

Mahalaga bang magkaroon ng Facebook account? Sa pananaw ng Simbahang Katolika, mukhang oo. Ayon sa Pastoral Guidelines on the Use of Social Media na inilabas ng CBCP noong ika-30 ng Enero 2017, isang magandang dahilan daw para gumawa ng account ay upang maunahan ang mga may masasamang-loob na gawan ka ng pekeng account at gamitin iyon sa kung ano mang katarantaduhang maisip nila. May punto nga naman. Malaking kunsumisyon sa buhay ang maging biktima ng identity theft, sapagkat hindi lamang reputasyon mo ang nalalagay sa peligro kundi pati ang mga ari-arian mo. Kaya kahit isa ka pang introvert tulad ko, maituturing na "best practice", ika nga, ang pakikisawsaw sa maingay at magulong daigdig ng social media. Wala kang mapagpipilian kundi ang maging isang "netizen" para protektahan ang sarili mo mula sa mga modernong kawatan!

"Suriin ang lahat ng bagay at piliin ang mabuti."

1 TESALONICA 5: 21

Wala ako sa posisyon para sabihin kung mabuti ba o masama ang Facebook. Subalit kahit ipagpalagay pang "masama" nga ito, hindi naman nangangahulugan na hindi na ito maaaring maging kasangkapan ng kabutihan. Hindi ba't ang pinaka-karumal-dumal na krimen na ginawa ng tao—ang pagpatay sa Bugtong na Anak ng Diyos—ay naging sanhi pa ng kaligtasan ng sangkatauhan? Maraming pakinabang ang Facebook hangga't ginagamit mo ito sa tama. Halimbawa, naging malaking tulong ito sa akin sa pakikipag-ugnayan sa mga katrabaho, sa pagpapanatili ng koneksyon sa mga kaibigan at kakilalang matagal na panahong di ko na nakikita, sa panonood/pakikinig ng Banal na Misa lalo na ngayong panahon ng pandemya, sa maagang pagsagap ng mga mahahalagang balita at impormasyon hinggil sa Simbahan, sa bansa, sa lagay ng panahon at ng trapiko, atbp.

"Ilagan ang mga pagtatalong hangal at walang kapararakan, alam mong nagbubunga ito ng mga alitan."

2 TIMOTEO 2: 23

Subalit kaakibat ng mga kapakinabangang ito ay ang mga sari-saring kabaliwan, katangahan, at mga walang katuturang bagay na pumapatay sa oras ng isang tao. Mga fake news, trolls, memes, patalastas ng mga kung anu-anong produkto, mga personal na kalokohan at katarantaduhan ng mga "kaibigan" mo, ang makaagaw-atensyong pagtunog ng mga "notifications" sa tuwing may nagre-react o nagko-comment sa mga posts mo... Ilang oras ba ang nagugugol natin sa Facebook na dapat sana'y ginugol mo na lang sa pagpapahinga, o sa mga gawaing-bahay, o sa ibang mas naka-aaliw na libangan? Ilang beses na ba tayong nalungkot, nainis, nairita, natakot, o nabagabag nang dahil lang sa isang post na kadalasan nama'y walang tuwirang kinalaman o epekto sa mismong personal na buhay mo? Ilan na ba ang mga taong na-blocked o na-unfriend mo dulot ng mga pakikipagtalo at di-pagkakasundo hinggil sa mga kung anu-anong paksang sa "totoong buhay" ay hindi naman talaga importante sa iyo? Ilang ulit ka na bang nagduda sa halaga ng iyong pagkatao, nang dahil sa di-mapigilang pagkukumpara ng iyong sarili sa inaakala mong "perpektong buhay" ng iba? "Vanity of vanities! All is vanity." (Ecclesiastes 1: 2). Walang kakabu-kabuluhan, subalit lubus-lubos nating pinagkaka-abalahan! Walang kakwenta-kwenta, pero labis tayong nagpapa-apekto!

"Pilitin mong gumawa nang huwag mawalan ng ginagawa, sapagkat ang walang ginagawa ay nakakagawa ng mga maraming kasamaan."

SIRAC 33: 28

Kung iisipin, hindi naman talaga lubhang mahalaga ang Facebook. Oo, pinananatili nito ang koneksyon mo sa iba't ibang mga tao sa buhay mo, pero kailangan mo ba talaga ang naturang "koneksyon", gayong kaya nga kayo matagal na panahong di nagkikita ay dahil wala naman talaga kayong agarang pangangailangan sa presensya ng isa't-isa? Kung patungkol naman sa mga bagay na may kinalaman sa trabaho, hindi ba't mas naaangkop na gumamit na lang kayo ng telepono, magpadala ng e-mail, o kaya'y mag-video conference? Oo, pwedeng mag-live streaming ng Banal na Misa sa Facebook, na pwede mo namang panoorin na lang sa telebisyon o pakinggan sa radyo nang walang binabayarang internet. Tila malaking tulong ang maagang pagsagap ng mga balita na agad mong nakikita sa newsfeed mo, subalit sa totoo lang: kailan ba naging talagang lubhang kinakailangan na malaman ng isang tao ang anumang bagong balita sa lipunan? Hindi ka ba makapaghihintay sa mga paulit-ulit namang pag-uulat ng mga balita sa radyo at telebisyon? Halos lahat ng mga sinasabi nating "kapakinabangan" ng Facebook ay maaari mo namang makamit sa mga mas simple, mura, at praktikal na pamamaraan. At marami din sa mga ito ay pawang "luho" lang—iginigiit lang nating "mahalaga" bilang pagmamatuwid sa ating walang patumanggang pagtutunganga.

Magagamit mo ang Facebook sa pagpapahayag ng Ebanghelyo, subalit alalahanin mo na hindi lang ito ang tanging paraan. Alalahanin mo rin na ang tanging batayan ng mabisang pagpapahayag ay ang grasya ng Diyos na kumikilos sa nagpapahayag at pinagpapahayagan. Sa palagay ko, hindi rin maituturing na "pagpapahayag ng Ebanghelyo" ang pagtuya sa ibang relihiyon, ang pagshe-share ng mga memes, inspirational quotes, at mga Bible verse na walang kalakip na paliwanag, ang pakikipag-talo sa mga anti-Katoliko na sa simula pa'y alam mo nang hindi marunong makipag-usap nang matino (Sirac 22: 7-8)... Ilang beses mo nang niloko ang sarili mo na may nagagawa kang mabuti at magaling sa buhay, dahil lang sa mga post mong may kinalaman sa mga banal na paksa? Naisip mo na ba kung sa pagbanggit mo sa mga banal na katotohanan ng Pananampalatayang Katolika, tunay mong napararangalan ang Diyos, at hindi mo nilalabag ang kanyang utos: "Huwag mong sasambitin ang pangalan ng Panginoon mong Diyos nang walang katuturan" (Deuteronomio 5: 11)? Sa ating pagpapasyang gumawa ng Facebook account, nawa'y huwag tayong maging bulag sa mga bagay na ito.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF