"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Mga Banal na Imahen: Diyus-diyusan ba?


Sa ating kapanahunan, ang mga pagtuligsa sa mga banal na imahen ay dinadaan sa mga walang katuturang pagtatanong, pagpaparinig, at pagsasangkalan ng mga piling taludtod sa Biblia na may katusuhang kinakapitan ng mga malisyosong interpretasyon. Hindi nila napagtatanto na noong ika-walong siglo A.D., naging seryosong usapin sa Cristianismo ang mga banal na imahen, anupa't maraming mga Katoliko ang nakaranas ng pag-uusig, maraming mga simbahan ang sapilitang pinasok upang wasakin ang mga imahen at relikya ng mga Santo, at lalo pang lumala ang di-pagkakasundo ng Santo Papa at ng mga Taga-Silangang Simbahan (na humantong sa iskismo ng mga Simbahang Ortodoksa). Ang pagtugon ng Second Council of Nicaea sa erehiya ng Iconoclasm noong 787 A.D. ang naging pinaka-mahalagang pamantayan ng ating Pananampalataya hinggil sa kung bakit nga ba tayo patuloy na gumagawa ng mga banal na imahen.

 

IPINAGBABAWAL BA NG DIYOS ANG PAGGAWA SA ANUMANG IMAHENG RELIHIYOSO?

Sa maraming pagkakataon, lalung-lalo na sa Sampung Utos, mariing ipinagbabawal ng Diyos ang paggawa ng mga diyus-diyusan — alalaong-baga'y mga imaheng sadyang ipinampapalit sa Diyos, pinag-uukulan ng pagsamba at paggalang, at kadalasa'y pinaniniwalaang pinamamahayan ng mapaghimalang kapangyarihan, o nagtataglay ng persona na wari ba ang mismong imahen ay may-buhay.

"Ako ang Panginoon mong Diyos... Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos maliban sa akin. Huwag mong igawa ang iyong sarili ng ano mang larawang inanyuan, na kawangis ng ano mang bagay na nasa langit sa itaas o sa lupa sa ibaba o sa mga tubig sa ilalim ng lupa. Huwag kang magpapatirapa sa kanila o paglingkuran man sila." (Exodo 20: 2-5)

Hindi ito nangangahulugan na ang lahat ng imaheng relihiyoso — alalaong-baga'y mga imaheng ginagamit sa konteksto ng relihiyon — ay mga diyus-diyusan din. May mga imaheng relihiyoso na maituturing na banal na imahen, sapagkat naglalarawan ng mga banal na katotohanan, nagagamit sa mga banal na gawain, at nakatutulong para sa ikapapaging-banal ng tao. Ang Diyos mismo ay nagpagawa ng mga banal na imahen:

  • Ang dalawang rebulto ng kerubin na yari sa ginto na nakalagay sa ibabaw ng Kaban ng Tipan (Exodo 25: 18-22);
  • Ang palamuting bulaklak na yari sa ginto na disenyo para sa ilawan (Exodo 25: 31-39);
  • Ang binurdang larawan ng kerubin sa tabernakulo (Exodo 26: 1);
  • Ang binurdang larawan ng kerubin sa kurtina na dibisyon ng Dakong Banal at Dakong Kabanal-banalan (Exodo 26: 31);
  • Ang kerubing ginto na ang mga pakpak ay tumatakip sa Kaban ng Tipan (1 Cronica 28: 18-19);
  • Ang mga inukit na larawan ng palma at kerubin sa pangitain ni Ezekiel sa Templo (Ezekiel 41: 15-20);
  • Ang mga inukit na bulaklak sa pader ng Templo (1 Hari 6: 18);
  • Ang imahen ng kerubin na nililok sa kahoy na olibo (1 Hari 6: 23-28);
  • Ang mga inukit na larawan ng palma at kerubin (1 Hari 6: 32-35);
  • Ang mga rebulto ng bisirong baka at leon sa trono (1 Hari 10: 18-20);
  • Ang ahas na tanso na ipinagawa ng Diyos kay Moises (Bilang 21: 8-9 mahalaga ito, sapagkat ayon mismo sa Panginoong Jesus, ito'y isang imaheng pumapatungkol sa kanya — Juan 3: 14-15); at
  • Ang mismong Tabernakulo/Santuwaryo, at kalauna'y ang Templo ng Jerusalem: Ang mismong Templo ng Jerusalem, ang lahat ng mga kasangkapan ng pagsamba, at ang lahat ng mga itinakdang pamamaraan ng pagsamba na isinasagawa sa loob nito ay mga totoong banal na imahen — sila'y mga imahen ng pagsambang maka-langit:
    "Ang kanilang paglilingkod ay anino lamang ng nasa langit. Sapagkat nang itatayo na ni Moises ang tolda, mahigpit na itinagubilin sa kanya ng Diyos ang ganito: 'Gawin mo ang lahat ayon sa huwarang ipinakita ko sa iyo sa bundok.' . . . . Anino lamang ang mga iyon . . . Ang mga bagay sa sambahang ito, na larawan ng mga nasa langit . . . sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay" (Hebreo 8: 5; 9: 9, 23, 24)

Ang mismong Templo ng Jerusalem, ang lahat ng mga kasangkapan ng pagsamba, at ang lahat ng mga itinakdang pamamaraan ng pagsamba na isinasagawa sa loob nito ay mga totoong banal na imahen — sila'y mga imahen ng pagsambang maka-langit.


Sa Dura Europos Synagogue, isang sinaunang sinagoga na sinasabing ginawa noong ikatlong siglo A.D., matatagpuan ang napakaraming mga pinintang larawan sa mga dingding nito — mga imaheng naglalarawan ng iba't ibang mga tagpo sa Matandang Tipan. Pinatutunayan nito na maging sa mga sinagoga'y naglalagay ng mga imahen ang mga Judio.

ANG SIMBAHANG KATOLIKA LAMANG BA ANG GUMAGAWA NG MGA IMAHENG RELIHIYOSO?

Ang pagkakaroon ng mga banal na imahen ay hindi katangi-tangi sa Simbahang Katolika. Ginagawa rin ito ng mga Judio (batay sa mga halimbawang nabanggit sa itaas), ng mga Simbahang Ortodoksa, ng mga sektang Protestanteng Luterano, Metodista, at Anglikano (Episkopal), ng Iglesia Filipina Independiente, ng mga iskismatikong Old Catholics, at ng erehe at iskismatikong grupong "Apostolic Catholic Church".

Sa katunayan, kahit ang mga anti-Katolikong Protestante, sa kabila ng kanilang mga pagtuligsa, ay gumagawa rin ng mga imaheng relihiyoso — gumagawa rin sila ng mga imahen ng Panginoong Jesus at ng iba't ibang mga tagpo sa Biblia sa kanilang mga komiks, sticker, bookmark, Children's Bible, coloring book, stained glass windows at mga pelikula. Ganyan din ang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga babasahin. At maging ang "Iglesia ni Cristo" ni Felix Manalo ay gumagawa din ng mga pinintang larawan, rebulto, at litrato ng kanilang "propeta" na si Felix Manalo. Tumutugma sa kanila ang mga salita ni Apostol San Pablo: "Sa paghatol mo sa iba, hinahatulan mo rin ang iyong sarili, palibhasa, ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng gayon." (Roma 2: 1).



Pananalangin, pagyuko, at pag-aalay ng bulaklak
sa harap ng rebulto ni Felix Manalo

"Catecismo: Na Pinagpalamnan Ng Mga Pangadyi At Maikling Kasaysayan Na Dapat Pag-aralan Nang Taong Cristiano" (Amezquita, Luis de, Fray., American Philosophical Society. Library. Manila: P. Sayo vda. de Soriano, 1933.). Ito'y isang librong sinisipi ng mga anti-Katoliko bilang katibayan na ipinasasamba daw ng Simbahang Katolika ang Krus at mga Mahal na Larawan. Subalit makikita sa aktuwal na kopya ng librong ito na wala namang itinuturong gayon.


ANG RELATIBONG PAGGALANG AY HINDI PAGSAMBA

Hindi "pagsamba sa altar" ang lumuhod, magpatirapa, at manalangin sa harap ng altar (1 Hari 8: 54; 2 Macabeo 3: 15, 10: 26). Hindi "pagsamba sa Templo" ang yumuko, magpatirapa, at manalangin sa harap ng Templo (Ezra 10: 1; Awit 138: 2). Hindi "pagsamba sa Kaban ng Tipan" ang magpatirapa, umawit, sumayaw, tumugtog, sumigaw ng papuri, maglingkod, humihip ng trompeta, at manalangin sa harap ng Kaban ng Tipan (2 Samuel 6: 5, 15; 1 Cronica 16: 4, 6; Josue 7: 6). Hindi "pagsamba sa Santwaryo" ang ipagbunyi ang karangalan ng Diyos sa harap ng Santwaryo (Judith 16: 20). Bagkus, ang ginagawa ay relatibong-paggalang — ang mismong altar, Templo, Kaban ng Tipan, o Santwaryo ay walang sariling dangal na marapat parangalan, bagkus sila'y sumasagisag sa mga banal na katotohanan, at ang Diyos ang talagang pinatutungkulan ng mga ginagawang pagpaparangal.

Hindi kailanman itinuro ng Simbahang Katolika na sambahin (Latria, Adoration, Absolute Worship) ang mga banal na imahen. Bagkus, itinuturo sa atin na pag-ukulan ang mga ito ng karampatang paggalang at pamimintuho — alalaong-baga'y pinag-uukulan ng relatibong-paggalang.

Salungat ba sa Unang Utos ang paggamit ng mga rebulto at larawan sa pananalangin?

Ang mga rebulto at larawan ni Kristo, Maria, at mga Santo ay mga tulong lamang tungo sa tunay na Kristiyanong pananalangin ng pagsamba sa Diyos, kay Kristo mismo, at sa pamimintuho ng mga Banal ng Diyos. Walang kapangyarihan sa kanilang sarili ang mga rebulto at larawan, ngunit tinutulungan lamang tayo upang makipag-ugnay kay Kristo, kay Maria, at mga Santo. Mahilig magbanggit ng mga tagubilin sa Matandang Tipan ang mga Pundamentalista laban sa mga "nililok na larawan" ngunit tila nalilimutan na ang sariling Anak ng Diyos ay "naging tao... at siya'y nanirahan sa piling natin" (Jn 1:14).

KPK 929

"Moreover, that the images of Christ, of the Virgin Mother of God, and of the other saints are to be placed and retained especially in the churches, and that due honor and veneration is to be given them; not, however, that any divinity or virtue is believed to be in them by reason of which they are to be venerated, or that something is to be asked of them, or that trust is to be placed in images, as was done of old by the Gentiles who placed their hope in idols; but because the honor which is shown them is referred to the prototypes which they represent, so that by means of the images which we kiss and before which we uncover the head and prostrate ourselves, we adore Christ and venerate the saints whose likeness they bear. That is what was defined by the decrees of the councils, especially of the Second Council of Nicaea, against the opponents of images."

COUNCIL OF TRENT, 25th session, (1563 A.D.)

"We decree with full precision and care that, like the figure of the honoured and life-giving cross, the revered and holy images, whether painted or made of mosaic or of other suitable material, are to be exposed in the holy churches of God, on sacred instruments and vestments, on walls and panels, in houses and by public ways, these are the images of our Lord, God and saviour, Jesus Christ, and of our Lady without blemish, the holy God-bearer, and of the revered angels and of any of the saintly holy men.
"The more frequently they are seen in representational art, the more are those who see them drawn to remember and long for those who serve as models, and to pay these images the tribute of salutation and respectful veneration. Certainly this is not the full adoration {latria} in accordance with our faith, which is properly paid only to the divine nature, but it resembles that given to the figure of the honoured and life-giving cross, and also to the holy books of the gospels and to other sacred cult objects. Further, people are drawn to honour these images with the offering of incense and lights, as was piously established by ancient custom. Indeed, the honour paid to an image traverses it, reaching the model, and he who venerates the image, venerates the person represented in that image."

SECOND COUNCIL OF NICAEA, (787 A.D.)


MAY MALALIM NA KAHULUGAN BA ANG PAGGAWA NG MGA BANAL NA IMAHEN?

Ipinatatalastas ng mga banal na imahen, sa pamamagitan ng sining, ang dalawang mahalagang katotohanan ng ating Pananampalataya:

  1. Ang Diyos ay may mga natatanging "Pagpapakita" na nakatutulong upang higit natin siyang makilala.1 Nagpakita noon ang Diyos kay Propeta Ezekiel (Ezekiel 1: 26) at kay Propeta Daniel (Daniel 7: 9) bilang isang "anyong tao" na "matanda", na nakaluklok sa maningning at nagliliyab na trono. Sa katulad na anyo din nagpakita ang Diyos kay Apostol San Juan (Pahayag 4: 1-11). Ang Espiritu Santo ay nagpakita sa anyong kalapati (Mateo 3: 16; Marcos 1: 10; Lucas 3: 22; Juan 1: 32) at dilang apoy (Gawa 2: 3). Ang Panginoong Jesus mismo ang siyang larawan ng Diyos na di nakikita (2 Corinto 4: 4; Colosas 1: 15; Hebreo 1: 3), at ang nakakita sa Anak ay nakakita na rin sa Ama (Juan 14: 9). Ayon kay Apostol San Pablo, ang mga "katangiang di nakikita ng Diyos" at ang kanyang "walang hanggang kapangyarihan" at "pagka-Diyos" ay nakikita sa mga ginawa ng Diyos (Roma 1: 20). Ang mga banal na imahen ay mga likhang-sining buhat sa mga materyal na bagay na ginawa ng Diyos, na buong ingat at pitagan na ginagawa ng artista — alinsunod sa mga nilalaman ng ating Pananampalatayang Katolika — upang sa pamamagitan ng mga ito'y lalong mahayag ang mga ipinatatalastas ng nakikitang sanlibutan hinggil sa Diyos.
  2. Ang Anak ng Diyos, siyang Ikalawang Persona ng Santisima Trinidad, ay Nagkatawang-tao at naging tunay na tao.2 Sapagkat tunay na tao, taglay niya ang lahat ng mga nakikitang katangian ng pagiging tao: siya'y ating narinig at nakita, napagmasdan at nahipo (1 Juan 1: 1). At dahil siya'y tunay na Diyos at tunay na tao sa iisang persona bilang Anak ng Diyos (Hypostatic Union), ang mga nakikitang katangian ng kanyang pagka-tao ay nagpapahayag ng mga katotohanan hingil sa kanyang pagka-Diyos. Sa gayon, ang pagninilay sa kanyang mga banal na imahen ay nakapagpapalalim sa ating pagkakakilala sa Diyos at sa pananampalataya natin sa kanya.

Ang mga banal na imahen (icons) ay isang uri ng sining, kaya't hindi naglalayon ng isang eksakto't makatotohanang paglalarawan, bagkus ay sumasagisag sa mga banal na katotohanan hinggil sa sino mang inilalarawan nito. Gayon man, ang nakagisnang paglalarawan sa mukha ng Panginoong Jesus ay mayroong sinaunang huwarang pinagbabatayan. [Sa itaas na baitang, mula kaliwa hanggang kanan] (1) Shroud of Turin, na pinaniniwalaang ang mismong telang ibinalot sa katawan ng Panginoong Jesus nang siya'y inilibing; (2) Holy Face of Vienna na isa sa mga ginawang kopya ng di-umano'y Veil of Veronica, ang ipinampunas sa mukha ng Panginoon nang siya'y patungong Kalbaryo, kung saan mahimalang nagmarka ang kanyang mukha; (3) imahen ng Panginoong Jesus sa catacomb of Commodilla na ipininta noong mga ika-apat na siglo A.D. [Sa ibabang baitang, mula kaliwa hanggang kanan] (4) isang kopya ng Holy Mandylion, ang ipinintang larawan ng Panginoong Jesus na ipinagkatiwala kay Apostol San Judas Tadeo upang iregalo sa hari ng Edessa (Wolfgang M. / CC-BY-SA-3.0); (5) Holy Face of Jaen, na isa ring kopya ng Veil of Veronica; at (6) Veil of Manoppello, na di-umano'y kopya rin ng Veil of Veronica, subalit mas nahahawig sa mukha ng Shroud of Turin.

"Kapagdaka'y binigyan mo sila ng isang sagisag ng kaligtasan. Ang ahas na tanso ay isang paalaala sa kanila ng hinihingi ng iyong Kautusan. Ang sinumang tumingin doon ay naligtas sa kagat ng ahas, ngunit hindi sa bisa ng kanilang nakita, kundi sa kapangyarihan mo, ang tagapagligtas ng sangkatauhan." (Karunungan 16: 6-7) . . . "At kung paano itinaas ni Moises sa ilang ang ahas, gayundin dapat itaas ang Anak ng Tao, upang ang sino mang sumasampalataya sa kanya ay magkamit ng buhay na walang hanggan." (Juan 3: 14-15)

"O foolish Galatians! Who has bewitched you, before whose eyes Jesus Christ was publicly portrayed as crucified?" (Galatians 3: 1)


MGA MILAGROSONG IMAHEN

Masama bang humipo sa mga banal na imahen kaakibat ng paghingi ng biyaya mula sa Diyos? Hindi. Nagiging masama lamang ito kung sa mismong imahen humihingi ng biyaya, na wari ba'y may taglay na nagbibiyayang-kapangyarihan ang naturang imahen. Pinagpapala ng Diyos ang mga taong humihipo sa mga banal na imahen kung ito'y ➊ nauunawaan ng gumagawa, at ➋ ginagawa bilang tanda ng pananalig sa Diyos. Ang mga banal na imahen ay maaaring gamitin/kasangkapanin ng Diyos sa paggawa ng mga himala at sa pagkakaloob ng mga biyaya, gaya ng ginawa niya noon sa rebulto ng ahas na tanso (Bilang 21: 8-9) — hindi pipikit o titingala sa langit, kundi titingin sa ahas na tanso; at tatanggap ng kagalingan, hindi mula sa ahas na tanso, kundi mula sa Diyos sa pamamagitan ng pagtingin sa ahas na tanso (instrumental causation).

Maihahalintulad din ito sa pagkasangkapan ng Diyos sa mga Relikya sa paghihimala. Ang bangkay na sumayad sa mga kalansay ni Propeta Eliseo ay muling binuhay ng Diyos (2 Hari 13: 20-21). Ang babaeng humipo sa laylayan ng damit ni Jesus ay gumaling sa kanyang karamdaman (Mateo 9: 20-22). Ang mga maysakit na natatapatan ng anino ni Apostol San Pedro ay gumagaling (Gawa 5: 14-16). Maging ang panyo ni Apostol San Pablo ay nakapagpapalayas ng mga demonyo at nakapagpapagaling sa mga maysakit (Gawa 19: 11-12). Hindi ang mismong mga kalansay, laylayan ng damit, anino, at panyo ang pinagmumulan ng himala, kundi ang Diyos na minarapat maghimala sa mga taong nadaiti ng mga Relikya.

 

ITINATAGO BA NG SIMBAHANG KATOLIKA ANG "IKALAWANG UTOS"?

Sapagkat karaniwang hindi makikita ang Exodo 20: 4-6 / Deuteronomio 5: 8-10 sa Sampung Utos na matatagpuan sa mga aklat-dasalan, katesismo, at mga paglalarawan sa labas ng mga simbahan, iginigiit ng ilang mga anti-Katoliko na ito daw ay dahil sadya talagang itinatago ng Simbahan ang mga naturang pahayag, upang mapagtakpan ang kanyang ginagawang pagsamba sa mga imahen. Mahalagang linawin natin:

  1. Maliwanag na nasusulat sa Biblia na hindi masama ang paggawa ng mga banal na imahen, at ang pagbibigay sa mga ito ng relatibong-paggalang. Walang pagsamba sa imahen na nagaganap sa Simbahang Katolika, kaya't wala rin naman siyang kailangang pagtakpan.
  2. Ang sinasabi nilang "Ikalawang Utos" ay nakapaloob sa iisang kautusan: "Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos maliban sa akin". Kapag gumawa ka ng imahen at sinamba mo ang imaheng iyon, maliwanag naman na ang naturang imahen ay naging ibang diyos — naging diyus-diyusan. Ang pagturing sa Exodo 20: 3-6 / Deuteronomio 5: 7-10 bilang iisang utos lamang ay hindi katangi-tangi sa Simbahang Katolika; bagkus gayon din mismo ang pananaw ng mga Judio,3 ng Ama ng Simbahan na si St. Augustine (354-430 A.D.), at ng mga sektang Protestanteng Luterano (tingnan sa: CCC 2065-2066).
  3. Kung talagang "itinatago", bakit matatagpuan sa lahat ng Bibliang pang-Katoliko ang naturang "Ikalawang Utos"? Sa katunayan pa nga, ang Exodo 20: 1-17 ang itinakdang Unang Pagbasa sa Misang gaganapin sa ika-26 ng Hulyo 2019, ayon sa kalendaryo liturhiko ng Simbahan. Bukod pa riyan, sa Bibliang pang-Katoliko mismo matatagpuan ang mga mahahaba't detalyadong pagtuligsa sa pagsamba sa mga diyus-diyusan: sa Karunungan 13-14 at Baruc 6 (Sulat ni Jeremias). Ito'y mga kasulatang Deuterokanoniko, na ayon sa karaniwang pagtuligsa ng mga Protestante ay mga kasulatang "idinagdag" daw ng Simbahang Katolika sa Biblia. Hindi ba't isang kabalintunaan, kung itatago mo ang iilang taludtod ng Sampung Utos tungkol sa mga diyus-diyusan, subalit magdadagdag ka naman sa Biblia ng lubhang mahahabang mga kasulatan na gayon din ang sinasabi? Walang kabalintunaan, sapagkat wala naman talagang itinago, wala naman talagang idinagdag, at mas lalong wala naman talagang kailangang pagtakpan.
  4. Kahit ang Panginoong Jesus mismo, nang tanungin kung anu-ano ba ang mga Utos ng Diyos na kailangang sundin upang magtamo ng buhay na walang hanggan, ay nagbigay ng kakatwang listahan ng mga Utos na walang banggit sa mga ipinagbabawal na imahen (Mateo 19: 16-18): (1) Huwag kang papatay, (2) Huwag kang makikiapid, (3) Huwag kang magnanakaw, (4) Huwag kang sasaksi nang di-totoo, (5) Igalang ang iyong ama at ina, at (6) ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili. Anim na utos lamang, sa halip na sampu, at ang ika-anim ay wala sa orihinal na Sampung Utos. Nangangahulugan din ba na ang Panginoong Jesus ay nagdagdag-bawas sa Sampung Utos ng Diyos? Hindi.

 

ANG MGA TOTOONG DIYUS-DIYUSAN

Sumasamba tayo sa Diyos "sa espiritu at sa katotohanan" (Juan 4: 23), kaya't mayroon na tayong karunungan na nagmumula sa Espiritu Santo — sa Espiritu ng Katotohanan — na nagbibigay sa atin ng kakayahang makaunawa ng mga bagay na espiritwal, anupat "ang pag-iisip ni Cristo'y taglay natin." (1 Corinto 2: 16). Hindi na makitid ang ating pang-unawa, lalo na pagdating sa mga utos ng Diyos. Nang sinabi ng Diyos na "Huwag kayong gagawa" sa Araw ng Pamamahinga (Deuteronomio 5: 12-14), alam na natin na hindi ito nangangahulugan na hindi tayo kikilos kahit na hinihingi ng katuwiran at ng kabutihan na kumilos tayo. Alam nating hindi masamang gumawa ng kabutihan at magligtas ng buhay sa Araw ng Pamamahinga (Marcos 3: 4). Gayon din naman, nang sinabi ng Diyos na "huwag kayong gagawa ng mga inanyuang larawan", alam natin na hindi ito tumutukoy sa mga imahen ni Cristo at ng mga Santo/Santa, kundi sa mga diyus-diyusan. Alam din natin kung anu-ano ba ang mga lumalaganap na pagsamba sa diyus-diyusan sa ating kapanahunan: nariyan ang pag-iimbot (Efeso 5: 5; Colosas 3: 5); kahalayan (Roma 1: 24-27); paglilingkod sa kayamanan sa halip na sa Diyos (Mateo 6: 24); atbp. — Iyan ang mga totoong pagsamba sa diyus-diyusang lumalaganap sa ating kapanahunan na dapat ituwid.





  1. The Catechism of the Council of Trent:
    "To represent the Persons of the Holy Trinity by certain forms under which they appeared in the Old and New Testaments no one should deem contrary to religion or the law of God. For who can be so ignorant as to believe that such forms are representations of the Deity? — forms, as the pastor should teach, which only express some attribute or action ascribed to God. Thus when from the description of Daniel God is painted as the Ancient of days, seated on a throne, with the books opened before hint, the eternity of God is represented and also the infinite wisdom, by which He sees and judges all the thoughts and actions of men . . . .
    "What attributes of the Holy Ghost are represented under the forms of a dove, and of tongues of fire, in the Gospel and in the Acts of the Apostles, is a matter too well known to require lengthy explanation."
    [BUMALIK]
  2. The Catechism of the Catholic Church:
    "Since the Word became flesh in assuming a true humanity, Christ's body was finite. Therefore the human face of Jesus can be portrayed; at the seventh ecumenical council (Nicaea II in 787) the Church recognized its representation in holy images to be legitimate." [CCC 476]
    "At the same time the Church has always acknowledged that in the body of Jesus 'we see our God made visible and so are caught up in love of the God we cannot see'. The individual characteristics of Christ's body express the divine person of God's Son. He has made the features of his human body his own, to the point that they can be venerated when portrayed in a holy image, for the believer 'who venerates the icon is venerating in it the person of the one depicted'." (CCC 477) [BUMALIK]
  3. Ayon sa mga Judio, ang Unang Utos ay ang Exodo 20: 2 (bagama't hindi ito isang "utos", bagkus ay una sa "Sampung Pananalita" ng Diyos), Ikalawa ay ang Exodo 20: 3-6, Ikatlo ay ang Exodo 20: 7, Ika-apat ay ang Exodo 20: 8-11, Ika-lima ay ang Exodo 20: 12, Ika-anim ay ang Exodo 20: 13, Ika-pito ay ang Exodo 20: 14, Ika-walo ay ang Exodo 20: 15, Ika-siyam ay ang Exodo 20: 16, at ang Ika-sampu ay ang Exodo 20: 17.
    SOURCES: [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF