ANG TOTOONG BORN-AGAIN
Para sa ating mga Katoliko, ang Sakramento ng Binyag ay ang sakramento ng muling kapanganakan sa pamamagitan ng "panghugas na tubig sa bisa ng salita" (Efeso 5: 26). Tubig sapagkat literal na tubig ang ginagamit sa naturang sakramento (Gawa 8: 36-39, 10: 47); sa bisa ng salita sapagkat kaakibat nito ang pagsamo at tahasang pagpapahayag ng pananampalataya sa Santatluhang Diyos, "sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo" (Mateo 28: 19-20); at muling kapanganakan sapagkat sa pamamagitan nito'y muli tayong isinisilang bilang mga inampong anak ng Diyos. Ang Sakramento ng Binyag ay ang "paghuhugas ng bagong pagsilang at pagbabagong ganap ng Espiritu Santo" (Tito 3: 5). Tayo nga'y muling isinilang (Juan 3: 3), sa pamamagitan ng Espiritu Santo na dumarating sa taong binibinyagan: "Tunay na tunay na sinasabi ko sa inyo na ang hindi isilang sa tubig at sa Espiritu ay hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos" (Juan 3: 5).
Ang muling kapanganakan sa pamamagitan ng Binyag ay itinuro din ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng halimbawa: nang siya'y ➊ bininyagan sa tubig ni San Juan Bautista, nabuksan ang Langit, ➋ bumaba ang Espiritu Santo at nanatili sa kanya, at mula sa Langit ay sinabi ng Ama ➌ "Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan" (Lucas 3: 21-22; Juan 1: 29-34). Gayon din ang nangyari sa atin nang bininyagan tayo: tayo'y marituwal na hinugasan ng literal na tubig, nabuksan ang Langit para sa atin, bumaba sa atin ang Espiritu upang ganapin ang ating muling kapanganakan, at tayo'y itinuring ng Diyos na kanyang mga inampong anak na lubos niyang kinalulugdan. Sinabi nga ni Apostol San Pablo: "Upang ipakilalang kayo'y mga anak ng Diyos, pinagkalooban niya tayo ng Espiritu ng kanyang Anak nang tayo'y makatawag sa kanya ng 'Ama, Ama ko!' Kaya't hindi ka na alipin kundi anak. Sapagkat anak, ikaw ay tagapagmana ayon sa kalooban ng Diyos." (Galacia 4: 6-7).
PAGHUHUGAS
Ang salitang "bautismo" ay salitang Kastila na hango sa salitang Griego na baptizein na ang ibig sabihin ay "paghuhugas." Sa sinaunang Tagalog, "binyag" ang pinaka-malapit na katumbas nito, na ang kahulugan ay "marituwal na paghuhugas" (ablution). Kaya't ang pagbibinyag o pagbabautismo ay maaaring isagawa hindi lamang sa pamamagitan ng paglublob, kundi sa pamamagitan din ng pagbubuhos. Walang sinasabi sa Biblia na ang Sakramento ng Bautismo ay palublob lang dapat. At kung sasangguniin ang tala ng kasaysayan, pati na rin ang testimonya ng mga sinaunang Cristiano, maliwanag na ang Binyag ay naisasagawa sa iba't ibang paraan ng paghuhugas sa tubig, hindi lang sa pamamagitan ng "paglublob."1
Sa pamamagitan ng Sakramento ng Binyag, hinuhugasan ng Diyos ang ating mga kasalanan upang tayo'y maging banal at makibahagi sa kanyang banal na buhay. "At ngayon, bakit ka natitigilan? Tumindig ka, pabinyag ka at maglinis ng iyong mga kasalanan, sa pagtawag ng kanyang pangalan" (Gawa 22: 16). Sinabi din ni Apostol San Pedro: "Pagsisihan ninyo't talikdan ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang kayo'y patawarin; at ipagkakaloob sa inyo ang Espiritu Santo." (Gawa 2: 38). Sa pamamagitan ng Sakramento ng Binyag, "nalinis na ang ating puso at nahugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan." (Hebreo 10: 22). "Ang binyag... ang siyang nagliligtas sa inyo ngayon, na... nagtatamo sa Diyos ng isang mabuting budhi sa bisa ng muling pagkabuhay ni Jesucristo" (1 Pedro 3: 21).
BAGONG PAGKA-TAO
Tayo ay nakikibahagi sa pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng Binyag. Sinabi ni Apostol San Pablo: "Hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan sa kanyang kamatayan? Samakatwid, tayo'y namatay at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo upang kung paanong binuhay na muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo nama'y mabuhay sa isang bagong pamumuhay." (Roma 6: 3-4). Ang ating dating pagkatao ang pagkataong nasa kalagayan ng Salang Orihinal (Roma 5: 12-21) ay namatay at nalibing kasama ng Panginoon sa pamamagitan ng Binyag (Roma 6:4). "Alam natin na ang dati nating pagkatao ay ipinakong kasama niya upang mamatay ang makasalanang katawan at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan" (Roma 6: 6). Patay na tayo sa Kasalanang Mana at buhay naman para sa Diyos dahil sa ating pakikiisa kay Jesus sa binyag (Roma 6: 11). "Kaya't ang sinumang nakipag-isa kay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; siya'y bago na." (2 Corinto 5: 17). "Palibhasa kayong lahat ay bininyagan kay Cristo, lubusang tinataglay ninyo si Cristo" (Galacia 3: 27).
Nagsisimula ang ating pagiging Cristiano nang tayo'y binyagan. Tayo'y naging tunay na kaanib ng Katawan ni Cristo ang Simbahang Katolika sa pamamagitan ng Binyag: "Tayong lahat, maging Judio o Griego, alipin man o malaya, ay binautismuhan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu." (1 Corinto 12: 13). Pansinin ang matalinghagang pananalita: "pinainom" sapagkat hinugasan ng totoong tubig, at pinainom sa "iisang Espiritu" sapagkat ang Espiritu Santo ang sinasagisag ng tubig na pinanghugas.
KAILANGAN SA KALIGTASAN
Napakahalaga ng Sakramento ng Binyag, kaya't tahasang itinuro ng Panginoon na kailangan natin ito upang magtamo ng kaligtasan. "Tunay na tunay na sinasabi ko sa inyo na ang hindi isilang sa tubig at sa Espiritu ay hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos" (Juan 3: 5). "Ang sumampalataya at mabautismuhan ay maliligtas." (Marcos 16: 16). Tahasan ding sinabi ni Apostol San Pedro: "Ang tubig ay larawan ng bautismong nagliligtas ngayon sa inyo . . . Inililigtas kayo ng bautismo sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo." (1 Pedro 3: 21). Hindi kalabisan, ni pagbibigay ng di nararapat na importansya sa isang seremonya, ang pagsasabing nakapagliligtas ang Binyag. Walang nakababagabag, sapagkat bilang isang sakramento, ang Panginoong Jesus mismo ang nagtatag nito, at siyang pinagmumulan ng bisa nito. Hindi ito pagbabalewala sa papel ng pananampalataya, bagkus isang makatotohanang pagkilala sa isa sa mga hakbang sa PROSESO ng kaligtasan.
BINYAG NG MGA SANGGOL
Lahat ng sanggol ay isinisilang na alipin ng kasalanan at nasa kapangyarihan ni Satanas dahil sa minana nilang Salang Orihinal (Awit 51: 5; Efeso 2: 1-3). Kaya't upang mailipat natin sila mula sa "Kaharian ng Kadiliman" tungo sa KAHARIAN NG KALIWANAGAN (Colosas 1: 12-13), kailangang "tuliin" natin sila, hindi sa pagtutuli sa laman, kundi sa pagtutuling mula kay Cristo. At ang "pagtutuli" na iyon ay ang Sakramento ng Binyag (Colosas 2: 11-12). Ang Pagtutuli sa Lumang Tipan ay ginagawa din sa mga sanggol, at ang Panginoong Jesus mismo'y tinuli din nang siya'y sanggol pa lang (Lucas 2: 21). Kaya't kung ang Bautismo ang "pagtutuli" na mula kay Cristo, samakatuwid, marapat din itong gawin sa mga sanggol. Ang bawat bata'y karapat-dapat sa Kaharian ng Diyos (Mateo 19: 13-15; Lucas 18: 15-17; Marcos 10: 13-16). "Mula sa bibig ng mga sanggol at mga pasusuhin ay pinapamutawi mo ang wagas na papuri." (Mateo 21: 16). Samakatwid, karapatan ng bawat sanggol na mabinyagan, at tungkulin ng mga nakatatanda na sila'y pabinyagan at hubugin sa buhay espiritwal. "Huwag ninyo silang hadlangan" sabi ng Panginoon (Mateo 19: 14). WALANG SINASABI SA BIBLIA NA BAWAL BINYAGAN ANG MGA SANGGOL. Ang mga sanggol ay tao rin, hindi mga naiibang uri ng nilalang: tinutuli din sila (Genesis 17: 10-14), dinadamay ng Diyos sa mga pagpaparusa sa mga makasalanang bansa (Oseas 13: 16), at isinasangkot sa mga gawain ng pagsisisi at pag-aayuno (Joel 2: 16). Kaya't nang manawagan si Apostol San Pedro sa mga tao na sila'y magsisi at magpabautismo, pati ang kanilang mga anak ay damay sa panawagan: "Sapagkat ang pangako'y para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo sa bawat tatawagin ng Panginoong Diyos." (Gawa 2: 39).
KUMPIL
Matapos mabinyagan ang isang tao, saka naman ipinagkakaloob sa kanya ang mga kaloob ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng "pagpapatong ng kamay", na maaari lamang isagawa ng mga Apostol at ng mga Obispong kahalili nila:
"Nang mabalitaan ng mga apostol na nasa Jerusalem na tinanggap ng mga Samaritano ang Salita ng Diyos, sinugo nila roon sina Pedro at Juan. Pagdating doon, ipinanalangin nila ang mga Samaritano upang sila'y tumanggap din ng Espiritu Santo, sapagkat hindi pa ito bumababa sa kaninuman sa kanila. Sila'y nabautismuhan lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. At ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang kamay sa kanila at tumanggap sila ng Espiritu Santo." (Gawa 8: 14-17)
Ito ang Sakramento ng Kumpil, na bagama't karugtong ng Sakramento ng Binyag, ay malinaw na isang naiibang Sakramentong iginagawad.2 "Ipinatong ni Pablo ang kanyang kamay sa kanila. Bumaba ang Espiritu Santo at sila'y nagsalita ng iba't ibang wika at nagpahayag ng salita ng Diyos." (Gawa 19: 6). Pinagtitibay ng Kumpil ang mga grasyang tinanggap natin sa Binyag upang tayo'y maging mga "sundalo ni Cristo" na may katatagan sa Pananampalataya at handang ipalaganap ang Ebanghelyo hanggang kamatayan. Sa Rito ng Kumpil, pinapahiran din tayo ng Banal na Krisma (Langis) kaakibat ng pagpapatong ng kamay ng Obispo bilang tanda na tayo'y "tinatakan" ng Espiritu Santo (Efeso 1: 13, 4: 30). "Naliwanagan" tayo nang tayo'y bininyagan, at "nalasap ang mga kaloob ng langit at tumanggap ng Espiritu Santo" nang tayo'y kinumpilan (Hebreo 5: 12-14).
- Ayon sa Didache (70 A.D.),
"After the foregoing instructions, baptize in the name of the Father, and of the Son, and of the Holy Spirit, in living water. If you have no living water, then baptize in other water, and if you are not able in cold, then in warm. If you have neither, pour water three times on the head, in the name of the Father, and of the Son, and of the Holy Spirit. Before baptism, let the one baptizing and the one to be baptized fast, as also any others who are able. Command the one who is to be baptized to fast beforehand for one or two days."Ayon kay St. Hippolytus (215 A.D.),
"Where there is no scarcity of water the stream shall flow through the baptismal font or pour into it from above; but if water is scarce, whether on a constant condition or on occasion, then use whatever water is available." [BUMALIK] - Ayon kay St. Hippolytus (215 A.D.),
"The bishop will then lay his hand upon them, invoking, 'Lord God, you who have made these worthy of the removal of sins through the bath of regeneration, make them worthy to be filled with your Holy Spirit, grant to them your grace, that they might serve you according to your will, for to you is the glory, Father and Son with the Holy Spirit, in the holy Church, now and throughout the ages of the ages. Amen.' After this he pours the oil into his hand, and laying his hand on each of their heads, says, 'I anoint you with holy oil in God the Father Almighty, and Christ Jesus, and the Holy Spirit.' Then, after sealing each of them on the forehead, he shall give them the kiss of peace and say, 'The Lord be with you.' And the one who has been baptized shall say, 'And with your spirit.' So shall he do to each one." [BUMALIK]
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF