"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Lunes, Agosto 31, 2020

Masama bang magdiwang ng kaarawan?


Photo by Joyce Adams on Unsplash

"Wag kayong maglalasing, sisirain lang nyan ang buhay nyo. Imbes na malasing, dapat mapuno kayo ng Holy Spirit. Mag-usap kayo gamit ang mga psalms, mga hymns, at mga spiritual songs, kumanta kayo at magpuri nang buong puso sa Panginoon. Lagi kayong magpasalamat sa Diyos Ama sa lahat ng bagay, sa pangalan ng Panginoon nating si Jesus Christ."

(EPHESIANS 5: 18-20 PVCE)

Habang papalapit na ang aking kaarawan, unti-unti rin namang nagkakapatung-patong ang aking mga katanungan hinggil sa mga kaugalian at kaisipang nakagisnan:

  • Kailangan ko ba talagang kumain ng spaghetti, pansit, o cake sa araw na iyon? Kailangan ba talagang maginuman? Dapat ba akong manlibre? Dapat ko bang pagipunan, paghandaan, at pagkagastusan ang pagpapakain sa maraming tao? At kung wala akong sapat na pondo, dapat ba akong mangutang?
  • Ang kaarawan ba ay hudyat upang sumubok ng mga bago? Ito ba ang pagkakataon upang gawin ang mga ipinagbabawal? Kailangan ko bang magkaroon ng mga bagong karanasan at kaalaman? Katungkulan ko bang gawin ang mga bagay na karaniwan kong di ginagawa, o mga bagay na sadyang di ko lang talaga gustong gawin? Ito ba ang araw upang kalimutan ang mga sariling paninindigan, at hayaang ang bugso ng damdamin ang magdikta ng anumang gagawin at sasabihin ko?
  • Ito ba ang taunang "araw ng paghuhukom," kung kailan tinitimbang ko ang halaga ng aking pagkatao batay sa kung ano na ang mga naabot ng mga kasing-edad ko o ng mga mas bata sa akin? May dapat ba akong ikatuwa kung sa wari ko'y "nakaka-angat" ako sa kanila, o ikalungkot kung "napag-iiwanan" na ako?
  • Ano bang dapat kong maramdaman sa tuwing may nakakaalaala o nakakalimot sa aking kaarawan? Dapat ba akong matuwa at magpasalamat sa mga bumabati sa akin ng "Happy birthday"? Ano ba ang kahulugan ng pagbating ito — ang tunay na motibo sa likod ng mga naturang pananalita? Sa tuwing sinasambit natin ito, masaya ba talaga tayo para sa taong binabati natin? Ito ba ang sukatan para malaman kung may mga taong nagmamahal sa iyo? Mayroon bang mali o kulang sa buhay at pagkatao mo kung hindi ka "happy" sa kaarawan mo?
  • Kailangan ko ba ng regalo? Kailangan ko bang regaluhan ang sarili ko? Tungkulin ba ng sangkatauhan na ako'y gawaran ng mga parangal at pribilehiyo, at bigyan ng espesyal na pagtrato sa buong maghapon at magdamag ng aking kaarawan? Naaayon ba sa katarungan na pagbigyan ako sa lahat ng gusto ko? Sa akin ba dapat maukol ang lahat ng atensyon?
  • May malalim bang kahulugan kung ang aking kaarawan ay siya ring petsa ng isang mahalagang pangyayari sa kasaysayan? May kinalaman ba sa magiging kapalaran ko ang posisyon ng mga planeta, buwan, at mga bituin noong araw na ako'y ipanganak? Ano bang nakakatuwa kung may mga sikat na taong kasing-kaarawan ko? Mas malaki ba ang tiyansa na manalo ako sa lotto kung tataya ako gamit ang mga numero ng aking kaarawan? Ang petsa ba ng aking pagsilang ang siyang nagtatakda ng aking habambuhay na pagkatao?

Madalas tayong mag-isip ng mga kung anu-ano at gumawa ng mga malalaking desisyon sa buhay nang dahil lang sa kaarawan natin. Sa araw na iyon, hindi na natin pinagbubulay-bulay kung alinsunod pa ba sa pamantayan ng katotohanan, katuwiran, at kabanalan ang ating mga pinagkaka-abalahan. Nagiging masaya o malungkot tayo nang wala namang matinong dahilan.

Oo, ang buhay ay isang biyaya na marapat ipagpasalamat sa Panginoon, subalit huwag naman sanang humantong ang mga pagpapasalamat sa pagbubuhat ng sariling bangko, at sa mga imoral at walang katuturang pagpapakasaya. Tao lang ako: Nanggaling sa alabok at babalik sa alabok, ipinaglihing makasalanan at maraming mga pagkukulang at kahinaan. Sa katunaya'y hindi mabuti ang kalalagayan nating lahat nang tayo'y ipanganak, kaya nga't nangangailangang ipanganak muli (Juan 3: 1-8). Malaking pagkakamali na isiping ako ang "bida" sa aking kaarawan, gayong "hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, hubad din akong babalik sa kanya" (Job 1: 21). Hindi ba't kahangalan na ipagmalaki mo ang anumang naabot mo sa buhay, gayong pare-pareho lang naman tayong lahat na mamamatay? Ano mang nakamit natin sa buhay na ito — kayamanan, edukasyon, kapangyarihan, katayuan, karanasan, mga relasyon, at kung anu-ano pa mang mga bagay na pawang patungkol lamang sa ating makalupang pag-iral — ay pawang walang kabuluhan sa sandali ng ating kamatayan.

Kung ako ang tatanungin, tatlong bagay lang ang kailangan bilang paggunita sa araw ng kapanganakan:

  1. Magsimba at magpasalamat sa Diyos. Magpasalamat ka kahit nahihirapan ka sa buhay, dahil nababatid mong karamay mong lagi ang Panginoong Jesus sa iyong mga pinagdaraanan. Matuwa ka pa rin, dahil kalakip nito ang isang dakilang pangako: "Kung naki-share tayo sa paghihirap ni Christ, makiki-share din tayo sa karangalan nya." (Romans 8: 17 PVCE)
  2. Magpasalamat sa mga magulang. Kahit mangyari pang sila na ang pinaka-masamang tao sa buhay mo, na mula pa sa sinapupuna'y isinusumpa ka na at itinuturing na isang malaking problema, magpasalamat ka pa rin, sapagkat kinasangkapan sila ng Panginoon para likhain ka.
  3. Tumulong sa mga nangangailangan. Tumulong ka, hindi para ipamukha sa kanila na mabuti ang katayuan mo habang sila nama'y kawawa. Tumulong ka dahil nababatid mong ang anumang kabutihang ginagawa mo sa kanila ay sa Panginoong Jesus mo ginagawa (Mateo 25: 31-46). Sa gayon, tuwiran mo siyang napasasalamatan sa biyaya ng buhay na ipinagkaloob niya sa iyo.

Sa ganitong paraan, naigagawad natin sa naturang araw ang nararapat na "pagpapala," taliwas sa mga taong "isinusumpa" ang kanilang kaarawan sa tuwing dumaranas ng matinding pagsubok (Job 3, Jeremias 20: 14-18). Mas napararangalan ba ang Diyos sa tuwing isinusumpa mo o binabalewala mo ang kaarawan mo? Hindi na kailangan ng malalim na teolohiya rito. Kung ibig mong higit na maparangalan ang Diyos, pagpalain mo ang kaarawan mo hangga't nabubuhay ka pa. Magdiwang ka kung nais mo, subalit gawin mo ito nang may kababaang-loob. Sapagkat ang kaarawan ay araw ng pagpapakumbaba, hindi ng pagmamataas. Sa ating kaarawan, hindi tayo ang bida kundi ang Diyos.

"Iniisip ng ibang tao na mas importante ang isang araw kesa sa ibang araw. Sa iba naman, pare-pareho lang ang lahat ng araw. Kailangan nating mag-decide talaga. Yung mga nagpapahalaga sa isang araw, ginagawa nila yun para i-honor ang Panginoon."

(ROMANS 14: 5-6 PVCE)


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Lunes, Agosto 24, 2020

Matuwa Kayo at Mag-celebrate


Photo by Mohamed Nohassi on Unsplash

"Blessed kayo pag iniinsulto, inaapi, at pinagbibintangan kayo ng lahat ng uri ng kasamaan na di naman totoo dahil sumusunod kayo sa akin. Matuwa kayo at mag-celebrate, kasi malaki ang reward nyo sa langit."

(MATTHEW 5: 11-12 PVCE)

Nung nakaraang taon, nag-text sa akin ang dati kong katrabaho. Isa siyang ateista.

"Hi Mcjeff, you are a nerd one na makakarelate so ikaw agad naisip ko na maaaring magbasa ng aking book. Hahaha"

Nagbigay siya ng link sa isang libro sa Wattpad. Tungkol ito sa mga pananaw niya bilang ateista, at sa kanyang mga pagtuligsa sa relihiyon. Ang pamagat ng naturang libro ay "Atis". Hindi naman ito humantong sa mainitang pagtatalo, bagkus pinuri ko pa nga siya sa husay niya sa pagsusulat. Magkasundo pa rin kami matapos ko itong basahin, anupa't minsa'y nasabi niya:

". . . at some point naniniwala naman akong hindi ka yung tipong talagang sarado ang utak. You even bother to read my book even though it’s against your belief. Natapos mo nang hindi ako minumura at pinag bantaan sa kabila ng mga pangbabatikos ko"

Lingid sa kanyang kaalaman, ang dahilan kung bakit hindi ako nakakaramdam ng sama ng loob ay dahil sa pakiwari ko, nagawa ko naman nang ipaliwanag nang maayos ang aking mga dahilan sa kung bakit naniniwala akong may Diyos. Sa aking palagay, wala sa alinmang mga argumento niya ang nakapagpapabulaan, kahit kamunti man, sa mga pangangatuwiran na ginawa ko dito sa aking blog. Wala akong dapat ikabalisa sapagkat batid kong nasa panig ako ng katotohanan.

Nakakatawang isipin na wala siyang kamalay-malay sa mismong pag-iral ng blog na ito. Hindi niya nababatid na habang nagpo-post siya sa Facebook ng mga memes na tumutuligsa sa Diyos at sa relihiyon, ako'y nananahimik lamang—mahinahong nagsusulat ng apolohetika sa paraang hindi gumagawa ng malaking eksena sa social media. Bagama't naroon ang tukso na sabihin sa kanya, "Tutal binasa ko yung libro mo, bisitahin mo rin sana ang blog ko", hindi ko iyon ginagawa, bilang pagsunod sa tagubilin ng Panginoon:

"Wag nyong ibigay sa mga aso ang banal na bagay. Babalikan at lalapain lang kayo ng mga yun. Wag nyong ihagis ang mga perlas nyo sa mga baboy. Tatapak-tapakan lang nila yun."

(MATTHEW 7: 6 PVCE)

Ibigay mo lang ang mga banal na bagay sa mga taong nagnanais maging banal at may pagpapahalaga sa kabanalan. Ihagis mo lang ang mga perlas mo sa mga taong marunong kumilatis ng halaga ng mga mamahaling bato at handang bayaran ka nang malaki para sa mga ito. Hindi ko siya inaanyayahang basahin ang blog ko, dahil hindi naman siya kailanman nagpahayag ng interes na tuklasin ang aking panig bilang "religitard" (ito ang pakutyang tawag niya sa mga taong naniniwala sa Diyos). Nagkakasundo kami dahil sa aking pagpapaubaya—hinahayaan ko siyang ipahayag ang mga saloobin niya laban sa relihiyon, at pinagtutuunan ko lamang ng pansin yaong mga kabutihang nakikita ko sa mga sinasabi niya. Hindi ko ibabahagi ang panig ko, malibang siya mismo ang magkusang magtanong. Hindi ko ipagtatanggol ang aking pananampalataya, malibang siya mismo ang magbigay sa akin ng pagkakataong magpahayag. Ang pananampalataya ay hindi isang bagay na maipipilit mong ipatanggap sa isang tao na sa simula pa'y hindi na interisadong makinig sa iyo. Bagkus, ang pananampalataya ay isang biyaya na nagbibigay-liwanag sa ating isipan, at nag-aanyaya sa ating makinig sa tinig ng katotohanan. Una lagi ang grasya, at panghuli na ang papel ng apolohetika.

"Matuwa kayo at mag-celebrate"—iyan ang gusto ng Panginoon na gawin natin. Huwag mong ipagmapuri ang dangal mo kapag iniinsulto ka. Huwag mong ipaglaban ang mga karapatan mo kapag inaapi ka. Huwag mong pabulaanan ang mga maling bintang sa iyo. Kung dinaranas mo ang lahat ng ito dahil sa iyong pagiging Katolikong Cristiano, magalak ka!


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Lunes, Agosto 17, 2020

Ang Diyos ay Pag-ibig, kaya Magdusa Ka

Lahat ng tao ay dumaranas ng paghihirap. Magkakaiba man tayo ng pinagdaraanan sa buhay, at magkakaiba man tayo ng kakayahang magtiis at makibaka sa mga ito, walang sinuman ang makapagsasabi na hindi siya nahihirapan sa buhay niya. Kahit pa ang problemang "mabigat" sa akin ay "magaan" sa pananaw ng iba, hindi naman nagbabago ang katotohanan: ang problema ay problema, ang karamdaman ay karamdaman, ang kahirapan ay kahirapan. Hindi naglalaho ang mga kasamaan sa mundo batay lang sa mga damdamin mo sa mga ito. Sa bandang huli, walang sinumang tao ang makatatakas sa pinakamalaking problema sa lahat—ang kamatayan. Ito ang huli at pinakamalala sa lahat ng mga paghihirap, ang sukdulan at hantungan ng lahat ng mga pagdurusa sa mundong ito.

Sa kabila nito'y hindi tayo gaanong nagrereklamo sapagkat bilang mga Katolikong Cristiano, batid natin ang pangunahing sagot sa misteryo ng pagdurusa: ang kasalanang-mana (original sin).

itinuturo ng Simbahan na "sa pagsuway sa utos ng Diyos sa paraiso, si Adan, ang unang tao, ay kaagad nawalan ng kabanalan at katarungan na humubog sa kanya, at inanyayahan sa kanyang sarili... ang kamatayan." Ang kabanalan at katarungang tinanggap mula sa Diyos ay nawala hindi lamang para sa kanya kundi para sa kanyang mga salinlahi. (KPK 376)

Halos lahat ng mga suliraning idinadaing natin sa buhay ay tinutugon ng mga natatanging biyayang sa pasimula'y tinatamasa nina Adan at Eba—mga biyayang mamanahin sana ng sangkatauhan kung hindi sila nagkasala:

  • Taglay nila ang mataas na antas ng karunungan hinggil sa Diyos at sa sanlibutan, na karaniwang natatamo lamang sa pamamagitan ng masusing pag-aaral at pagsasaliksik.
  • Taglay nila ang tibay ng kalooban na lubusang napasusunod ang mga damdamin at pagnanasa.
  • Ang kanilang buhay sa mundo ay walang sakit, paghihirap, at kamatayan.

Sila'y namuhay sa isang lubos na pinagpalang kalalagayan, na matalinghagang inilalarawan ng kakatwang salaysay sa ikalawang kabanata ng Genesis: ang pamumuhay nang hubad sa isang halamanan na kusang dinidilig ng ilog, ang pagpapatubo sa lahat ng uri ng punongkahoy na kaaya-aya sa paningin, ang punongkahoy ng buhay na hindi ipinagkait sa tao, ang paglikha sa mga hayop upang maging katulong ng tao at ang karapatan ng tao na pangalanan sila, ang Diyos na tuwirang nakakausap at nakakasalamuha . . . Tila ba napaka-walang kakwenta-kwentang dahilan na itapon ang lahat ng ito para lang matikman ang bunga ng "punongkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama". Subalit ang naturang puno ay isa ring talinghaga: sinasagisag nito ang pagmamataas ng tao, ang paghahangad na ilagay sa sariling kapasyahan kung ano ba ang mabuti o masama para sa kanya, sa halip na gawing tanging batayan ang kalooban ng Diyos na lumikha sa kanya.

Nang magkasala sina Adan at Eba, hindi lamang ang buong sangkatauhan, kundi ang buong sanlibutan ay naapektuhan. Ito'y isa ring talinghaga: pinaaalalahanan tayo na sa tuwing may ginagawa tayong masama gaano man kaliit o kalaki sa ating pananaw, tayo'y nakapipinsala sa lahat ng tao at sa buong sanlibutan. Napagtatanto nating kung maghahanap pala tayo ng sisisihin sa kung bakit natin dinaranas ang mga kung anu-anong problema sa buhay natin at sa buhay ng iba, huwag nating kakaligtaang sisihin ang ating sarili. Hindi mo maaaring sabihin na wala kang kinalaman. Hindi mo maaaring igiit na wala kang pananagutan.

Sa kabila ng pananaw na ito'y hindi maiwasan ang mga agam-agam. Madaling magbigay ng paliwanag sa kung bakit tayo nahihirapan. Subalit ano bang magagawa ng mga paliwanag para lunasan ang ating mga pagdurusa? Anong pakinabang ng mga doktrina para pawiin ang ating mga pagkabalisa? Kung may problema, ang kailangan ay solusyon hindi paliwanag. Kung nagugutom ako, huwag mo akong pangaralan tungkol sa Salita ng Diyos bilang "espirituwal na pagkain" na nagbibigay-buhay, bagkus bigyan mo ako ng totoong pagkain na mailalaman ko sa aking sikmura! Kung naghihingalo sa karamdaman ang aking mahal sa buhay, hindi ko kailangan ng mga doktrina tungkol sa kasalanang-mana; kung talagang may Diyos at siya'y pag-ibig, pagalingin niya ang taong minamahal ko!

Mahirap pakalmahin ang damdaming naghihimagsik laban sa isang malaking problemang nangangailangan ng agarang solusyon. Madaling manalangin at magtiwala sa Diyos sa mga sitwasyong makapagtitiis ka pa. Subalit sa sandaling maabot mo na ang sukdulan ng pasensya mo, makukuha mo pa rin bang magpaubaya sa Maykapal? Sa panahon ng kagipitan muli tayong nahaharap sa isang pagsubok na katulad ng pinagdaanan nina Adan at Eba. Magtitiwala pa rin ba ako sa Diyos at magpapaubaya sa kanyang kalooban, o bahala na ako sa buhay ko? Kung wala namang naitutulong ang relihiyon, ibig sabihi'y hindi ito makatotohanan. At kung hindi ito makatotohanan, hindi rin totoo ang Diyos!

Matapos lumaya sa "gapos" ng relihiyon na inakala mong sumisiil sa kakayahan mong makapag-isip ng mga bagay na "makatotohanan", hindi ka na nangingiming batikusin ang iba pang mga doktrina ng pananampalataya na sa iyong pananaw ay "walang pakinabang" sa buhay ng tao. Hindi ka na nagaalinlangang talikuran at pagtawanan ang mga nakagisnang ugali at paniniwala na sa iyong pananaw ay wala namang naitutulong upang lutasin ang mga "totoong problema" ng lipunan. "Naliwanagan" ka na; kabilang ka na sa mga iilang "matatalino" na nakatuklas ng mga katangahan at katarantaduhan ng relihiyon. Subalit sa pagkumbinsi mo sa iyong sarili na walang Diyos, ang mga suliraning kumitil sa iyong pananampalataya ay hindi naman nalutas, bagkus ay lalo mo pang kinawawa ang sarili mo dahil sa kusang pagpapakatanga.

"Sinabi ng hangal sa kanyang puso: 'Walang Diyos'." (Salmo 13: 1). Katangahan ang maging ateista nang dahil lang sa mga panalanging hindi nasagot. Kahangalan ang pagdudahan ang pag-iral ng isang Dakilang Manlilikha nang dahil lang sa mga problemang pinagdadaanan mo sa buhay. Gayon ma'y isa itong kapata-patawad na katangahan, sapagkat sa tuwing napananaigan ang tao ng kanyang mga damdamin, hindi talaga maiiwasan na gumawa tayo ng mga malalaking desisyon sa buhay nang hindi na nag-iisip. Isang kabalintunaan na habang abala tayo sa ating mga panaghoy at pananambitan, hindi natin napagtatanto na ang buhay ng tao ay hindi lang puro pagdurusa. Gaano man kabigat ang pinapasan mo, hindi nito sinusupil ang kabutihan sa mundo. Nakakalungkot lang na sa mga sandaling humuhupa na ang unos, hindi na sumasagi sa isipan ng marami na pagbulay-bulayan ang kanilang mga pinagdaanan. Sa dami ng mga binabatikos natin sa relihiyon, hindi man lang natin naisip na batikusin ang sarili: "Wala nga ba talagang Diyos?" "Tama ba ang ginawa kong pagtalikod sa relihiyon?"

Kung ipagsasaalang-alang ang ugnayan ng Diyos at ng sanlibutang nilikha niya, ang kanyang pagka-Diyos ay hindi nakasalalay sa anumang kalalagayan ng mga bagay na nilikha niya na pawang nilikhang buhat sa wala (creatio ex nihilo). Magutom man ako o mabusog, hindi nito mapatutunayan o mapabubulaanan ang katotohanang sa Diyos nagmumula ang lahat ng pagkain. May magmahal man sa akin o wala, hindi nito mapatutunayan o mapabubulaanan na ang Diyos ay pag-ibig. Ako, bilang isang nilalang, ay walang angking halaga na dapat pahalagahan, walang angking karapatang dapat igalang. Ako, sa aking sarili, ay walang kabuluhan.

Kung pinagmamasdan ko ang iyong langit,
na gawa ng iyong mga daliri,
ang buwan at mga bituin na inilagay mo—
Ano kaya ang tao at siya'y sukat mong maalaala
o kaya ang anak ng tao na sukat mong alagaan?

(SALMO 8: 3-4)

Sapagkat ang Diyos ang lumikha sa lahat ng bagay na umiiral, ang Diyos, sa kanyang sarili, ay walang pangangailangan. Walang nabawas sa Diyos nang nilikha niya ang sanlibutan, at wala rin namang maidadagdag sa kanya ang sanlibutan. Hindi niya kailangan ang pagsamba ng tao. Hindi niya kailangan ang paglilingkod ng tao. Hindi niya kailangan ang pagmamahal ng tao. Wala rin siyang kailangang gawin para sa tao at sa buong sanlibutan. Ang Diyos ng Katolikong Pananampalataya ay isang perpektong Diyos. At dahil perpekto, anumang inaakala nating "mas mabuti" na dapat ginagawa ng Diyos ay hindi kailanman magiging mas mabuti. Kahit pagsama-samahin pa ang lahat ng isipang umiiral sa sanlibutan, hindi ito makapag-iisip ng "mas mabuting kabutihan" o "mas mapagmahal na pagmamahal" kaysa sa mismong kabutihan at pagmamahal ng Diyos.

"Ano kaya ang tao at siya'y sukat mong maalaala o kaya ang anak ng tao na sukat mong alagaan?" Bilang isang walang kabuluhang bagay na umiiral, bakit nga ba ako aalalahanin at aalagaan ng Diyos? Bakit niya ako nilikha, at patuloy na pinaiiral? Anong matinong sagot sa tanong ng Salmista? Hindi niya ako kailangan. Kung sasabihing para aliwin siya (batay sa pananaw na ikinaaaliw ng Diyos ang panoorin akong nagdurusa), iyon ay walang katuturan, sapagkat bilang perpektong Diyos, nasa kanya nang sarili ang lahat ng kaaliwan—anumang kaaliwang maidudulot ng pag-iral ko ay walang kabuluhan sa kanya. Walang katuturan na sabihing ang Diyos ay naglalaro lang, o wala lang magawa, o inaaliw lang ang sarili niya, o kung ano pa man. Wala siyang mapapala sa tao. Wala siyang mapapala sa sanlibutan. Wala siyang anumang pangangailangan na pinupunan ng mga nilikha niya.

Sabi ni Bishop Robert Barron, sa kanyang librong "Word on Fire: Proclaiming the Power of Christ", iisa lang ang posibleng sagot sa tanong ng Salmista:

"If God has no need, it follows directly that God is love. Love is willing the good of the other as other. Since God has no need of anything, whatever he does and whatever he wills is purely for the sake of the other. The world, accordingly, is not a threat or rival to God—it is something which, in the purest sense of the word, has been loved into existence." (p. 20)

Mangangahulugan ito na kahit ang mismong pagkakasadlak sa impyerno ay maituturing na isang mapagmahal na pagkilos ng Diyos. Anong kabalintunaan ito! Paano naging pagmamahal ang walang katapusang pagpaparusa? Napapawi ang kabalintunaan sa sandaling pag-isipan ang mismong diwa ng pagmamahal. Huwag na nating pag-usapan ang mga malalalim na katuruan tungkol sa pag-ibig. Kung nagmamahal ka, alam mo na kung ano ang kahulugan nito.

  1. Kung nagmamahal ka, nais mong makapiling ang minamahal mo. Hindi mo gugustuhing mawala sila. Ipinaliliwanag nito ang magpakailanmang pag-iral ng mga tampalasan sa impyerno.
  2. Kung nagmamahal ka, hindi mo pipilitin ang minamahal mo na mahalin ka rin nila. Hahayaan mo silang magpasya. Hahayaan mong sila mismo ay kusang-loob na mahalin ka. Ipinaliliwanag nito ang pagpapaubaya ng Diyos sa malayang kapasyahan ng mga tampalasan na huwag siyang mahalin.
  3. Kung nagmamahal ka, ibibigay mo sa minamahal mo ang pinakamabuti na maaari mong ibigay sa kanila. Ang Diyos mismo ang Kabutihan—siyang perpektong kabutihan na pinagmumulan ng lahat ng kabutihan sa mundo. Subalit paano ibibigay ng Diyos ang sarili sa mga tampalasang ayaw sa kanya? Ang tanging pinakamabuting maibibigay niya ay ang kanilang magpakailanmang pag-iral at ang makatarungang pagpaparusa sa mga nagawang kasamaan na magpakailanmang hindi pinagsisisihan. Ayaw nila sa Diyos na siyang pinagmumulan ng kabutihan, kaya't nagdurusa sila. Ipinaliliwanag nito ang walang katapusang pagdurusa sa impyerno.

Kung iisipin, ang kabalintunaan ng impyerno ay hindi dahil sa Diyos, kundi sa mga nilalang na nagpasyang magpakailanmang talikuran siya. Sinong matinong tao ang pipiliin ang walang katapusang pagdurusa? Sinong matinong tao ang tatanggihan ang siyang pinagmulan ng mga kabutihang nagpasaya at nagpaginhawa sa kanya nang siya'y nabubuhay sa mundong ibabaw? Sinong matinong tao ang makapagsasabing mas alam niya kung ano ang mabuti at masama, gayong ang mismong kaalaman na taglay niya ay sa Diyos din naman nagmula?

Maaaring sabihin ng ilan: Bakit hindi sila bigyan ng ikalawang pagkakataon na mamili? Subalit hahantong sa walang katapusan ang tanong na ito. Kung may ikalawang pagkakataon, bakit di magbigay ng ikatlo, ikaapat, ikalima, ikaanim, ikapito... ad infinitum? Ang tao ay nilikhang may likas na pagnanasa sa mabuti, at ang tanging kaganapan ng pagnanasang ito ay ang Diyos mismo. Ang makapiling ang Diyos sa Langit ang magiging katapusan ng ating malayang pagpapasya, sapagkat nakamit na natin ang rurok ng ating mga inaasam-asam. Wala ka nang hahanapin pa, dahil nasa Diyos na ang lahat ng kailangan mo. Kinailangang masadlak sa kalalagayan ng kawalang-katiyakan (sa buhay sa mundong ito na laging may kulang sa kabutihang kailangan mo) upang magkaroon ng pagkakataong magtiwala at manalig, na ang tanging "katiyakan" ay ang dikta ng katuwiran na kung may pag-ibig at kabutihan sa mundong ito, ang Diyos lang ang maaaring pagmulan ng mga ito at siya lamang talaga ang tangi kong kailangan.

Kung tatanggihan mo pa ang Diyos, ano pang matitira? Kung bibigyan ka niya ng walang katapusang pagkakataon na mamili hanggang sa mapagtanto mo na siya pala talaga ang kailangan mo, katumbas nito ang pagkakaroon ng isang walang hanggang puwang sa pagitan mo at ng Diyos—isang puwang na walang hanggang lumalaki, dahil lagi kang nasa kalalagayan ng pagsubok, laging nasa kalalagayan na kailangan mong magtiwala at manalig, laging nasa kalalagayan ng kakulangan na imposibleng mapunan dahil lagi kang pinapipili. Masahol pa ito sa impyerno—ito ang talagang maituturing na walang katuturang pagpapahirap sa tao na sasalungat sa Pag-ibig ng Diyos! Subalit hindi gayon. Ang Diyos ay pag-ibig, kaya may impyerno.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF