Image by Dorothée QUENNESSON from Pixabay
Ang mga Relikya ay tumutukoy ➊ sa mga labi o bahagi ng mga labi ng mga Santo at Santa, at ➋ sa mga bagay na may tuwirang kaugnayan (nadaiti/ginamit) sa buhay ng Panginoong Jesu-Cristo at ng mga Santo at Santa. Sapagkat ang anumang madaiti sa mga bagay na banal ay nababahaginan ng kabanalan nito (Exodo 29: 37, 30: 29; Isaias 6: 5-7), itinuturing ding Relikya ang mga bagay na naugnay/nadaiti sa katawan ng Panginoong Jesus at ng mga Santo at Santa. Pinipintuho natin ang mga ito sapagkat ayon sa paliwanag ng Council of Trent (25th session):
- ang kanilang mga banal na katawan ay
- . . . naging mga buhay na bahagi ni Cristo
- at templo ng Espiritu Santo, (1 Corinto 3: 16, 6: 19; 2 Corinto 6: 16)
- at nakatakdang ibabangon sa kaluwalhatian.
Pinipintuho ang mga Relikya, subalit hindi tulad ng Pamimintuho sa mga Santo at Santa. Ang iginagawad ay relatibong-paggalang (relative worship): ibig sabihin, ang mismong Relikya ay walang taglay na sariling pagka-tao o kapangyarihan o kadakilaan; anupa't walang katuturang purihin at dalanginan. Ang mga Relikya ay nauugnay sa Panginoong Jesus at sa mga Santo at Santa, kaya't ang mga ito'y:
- Pinahahalagahan bilang mga bagay na banal: iniingatan at inilalagay sa maayos at kagalang-galang na lugar, bilang paggalang sa alaala ng Panginoong Jesus at ng mga Santo at Santa.
- Itinatangi bilang kagamitan sa panalangin at pagsamba: hindi ginagamit sa anumang bagay na walang kaugnayan sa pananampalataya. Itinatanghal o ipinag-puprusisyon o hinahalikan o iniinsensuhan o ipinagtitirik ng kandila (o kung ano pa man) sa tuwing ginugunita o pinararangalan ang Panginoong Jesus at ang mga Santo at Santa, hinahawakan, hinahalikan, niluluhuran (o kung ano pa man) sa tuwing nananalangin sa Panginoong Jesus at sa mga Santo at Santa.
Ang Pamimintuho sa mga Relikya ay may matibay na batayan sa Biblia. Nakapagtataka na tinutuligsa ito ng mga anti-Katoliko gayong kabilang ito sa mga tahasang aral na mababasa sa mga Banal na Kasulatan!
- Ang balabal ni Elias ay humawi sa ilog Jordan nang ito'y ihampas sa tubig ni Eliseo (2 Mga Hari 2: 12-14).
- Bagay na naugnay sa isang banal na tao (balabal ni Elias),
- nanalangin sa Diyos (t. 14), at
- ginamit ang Relikya sa panalangin (hinampas sa tubig).
- Ang bangkay na nadaiti sa mga buto ni Eliseo ay muling nabuhay (2 Hari 13: 21). Nangyari ito sapagkat patuloy na "nag-propesiya" si Eliseo kahit siya'y patay na (Sirac 48: 13), upang ang mga tao ay magbalik-loob sa Diyos at magsisi sa kanilang mga kasalanan (Sirac 48: 15). Ang Relikya ay nababahaginan ng kabanalan ni Eliseo, at sa pamamagitan ng isang himala ay nagpapaala-ala sa mga turo ni Eliseo. Ipinahihiwatig nito na ang mga Relikya ay dapat paglaanan ng kaugnay-na-pamimintuho sapagkat nananatiling nauugnay sa pinagmulan nila.
- Ang babaeng dinudugo nang 12 taon ay gumaling matapos niyang hipuin ang laylayan ng damit ni Jesus (Mateo 9: 20-22; Marcos 5: 25-34).
- Bagay na naugnay kay Jesus (laylayan ng kanyang damit),
- babaeng nananalig na siya'y pagagalingin ni Jesus (Mateo 9: 21, 22),
- paghipo sa relikya kaakibat ng pananalig, at
- tumanggap ng kagalingan, hindi mula sa Relikya, kundi mula kay Jesus (Marcos 5: 30).
- "Ang Diyos ay gumawa ng kagila-gilalas na mga himala sa pamamagitan ni Pablo, na kahit idampi lamang sa mga maysakit ang mga panyo at tapi na nasalang sa kanyang katawan, nililisan sila ng sakit at napalalayas ang masasamang espiritu." (Gawa 19: 11-12).
- Bagay na naugnay kay San Pablo (panyo at tapi na nasalang sa kanyang katawan),
- mga maysakit na nananalangin sa Diyos para sa kagalingan,
- pagdampi sa kanila ng Relikya ni San Pablo,
- tumanggap ng kagalingan, hindi mula sa panyo o tapi, kundi sa Diyos na "gumawa ng kagila-gilalas na mga himala sa pamamagitan ni Pablo",
- "Sa ganitong paraan ay malakas na lumaganap ang salita ng Panginoon at lalong nagtibay." (Gawa 19: 20) ang mga Relikya ay nagiging kasangkapan ng pagpapalaganap ng Ebanghelyo at pagpapatibay ng pananampalataya.
Sa mga halimbawang ito, malinaw na ang mga Relikya ay hindi "anting-anting". Ang mga Relikya ay walang anumang taglay na kapangyarihang nakapag-hihimala, bagkus ang Diyos lamang ang naghihimala. Ang mga Relikya ay hindi makapipilit sa Diyos na maghimala para sa atin, bagkus makatatanggap lamang tayo ng biyaya mula sa Diyos sa pamamagitan ng Relikya kung tayo'y may pananalig sa Diyos at mananalangin.
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF