Dnalor 01, Rom, Vatikan, Petersdom, Cathedra Petri (Bernini) 4, edited using ULEAD PhotoImpact 7.0 by McJeff F., CC BY-SA 3.0
ANO BA ANG WESTERN SCHISM?
Ito ay isang pangyayari sa kasaysayan ng Simbahang Katolika, kung saan mahigit 40 taon na nahati ang Simbahan sa dalawa at sa kalauna'y tatlong pangkat, na may kani-kaniyang nag-aangking Papa. Bagama't tinatawag na "iskismo", walang totoong pag-aaklas na nangyari laban sa pamunuan ng Santo Papa. Nagkaroon lamang ng malubhang kalituhan sa kung sino ba talaga sa mga nag-aangking Papa ang lehitimong Papa. Sa bawat kampo, ang mga Cristiano'y nagpasakop sa inaakala nilang tunay na Papa, sa kundisyon na iyon nga ang tunay na Papa. Kaya't kung hindi man tumalima sa tunay na Papa ang marami sa mga Katoliko noong panahong iyon, iyon ay dahil lamang sa kalituhan at hindi dahil sa kusang-loob na pag-aaklas. Ang naganap na iskismo, kung gayon, ay isang panlabas at di-sinasadyang iskismo lamang.
PAANO BA NANGYARI ANG WESTERN SCHISM?
1309 | Inilipat ni Pope Clement V ang tirahan ng Papa sa Avignon, France, upang makaiwas sa mga kaguluhang nangyayari sa Roma. |
1367 | Umuwi sa Roma si Pope Urban V, subalit agad ding bumalik sa Avignon noong 1370, dahil pa rin sa mga kaguluhang nangyayari doon. |
1376 | Nagpasya na si Pope Gregory XI na tuluyang bumalik sa Roma. |
ika-27 ng Marso, 1378 | Namatay si Pope Gregory XI. Naging malaking usapin sa buong Simbahan kung sino ang magiging kahalili at kung babalik nanaman ba ito sa Avignon. Ibig ng mga taga-Roma na magkaroon ng isang Romano o Italianong Papa, at may banta ng paghihimagsik sakaling hindi masunod ang kagustuhan nila. |
ika-7 ng Abril, 1378 | Nagsagawa ng conclave ang 16 na Kardenal na nasa Roma.1 Pinaligiran ng mga taga-Roma ang Vatican at ipinagsigawan na ang nais nilang Papa ay Romano o di-kaya'y Italiano. May ilan pang nagawang makapuslit sa loob ng silid na pinagdarausan ng halalan, at binantaan ang mga Kardenal. |
ika-8 ng Abril, 1378 | Napili ng mga Kardenal si Bartolommeo Prignano, isang Italiano. Kinagabihan, nang humupa ang kaguluhan sa paligid ng Vatican, inulit ng 13 sa 16 na Kardenal ang halalan upang masigurong buhat sa kanilang malayang kapasyahan ang kanilang pagpili, at hindi dahil sa takot sa mga tao. Muli, ang napili ay si Prignano pa rin. Tinanggap naman nito ang pagkakahirang sa kanya, at ang ginamit niyang pangalan bilang Papa ay Urban VI. Tinanggap siya ng tatlong Kardenal na hindi sumali sa inulit na halalan, pati ng mga Kardenal sa Avignon na hindi nakapunta sa Roma. |
sa mga sumunod na buwan... | Naging labis na mahigpit si Pope Urban VI sa kanyang pamumuno, lalo na sa mga Kardenal. Marami sa kanilang mga karapatan at kapangyarihan ay tinangka niyang alisin. Hindi nila ito nagustuhan, kaya't unti-unti silang bumaligtad sa Papa. |
ika-20 ng Setyembre, 1378 | Nagpulong ang mga Kardenal sa Fondi, Italy at ipinahayag nilang walang-bisa ang pagkakahalal kay Pope Urban VI, sa katuwirang may banta di-umano sa kanilang buhay noong araw ng halalan. Muli silang nagsagawa ng conclave at inihalal si Robert of Geneva, na gumamit naman ng pangalang Clement VII. Nagtungo siya sa Avignon at doon nanungkulan bilang Papa. |
Dito na nahati ang Simbahang Katolika sa dalawang pangkat: (1) ang pangkat ng tunay na Papa sa Roma, at (2) ang pangkat ng anti-papa sa Avignon. Bagama't dati nang nagkakaroon ng mga anti-papa sa mga nagdaang kasaysayan ng Simbahan, natatangi ang nangyari sa Western Schism dahil ang mga Kardenal na pumili sa tunay na Papa ang siya ring pumili ng anti-papa.2
HANAY NG MGA TOTOONG PAPA SA ROMA
- Urban VI (1378-1389)
- Boniface IX (1389-1404)
- Innocent VII (1404-1406)
- Gregory XII (1406-1415)
HANAY NG MGA ANTI-PAPA NG AVIGNON
- Clement VII (1378-1394)
- Benedict XIII (1394-1411)
- Clement VIII (1423-1429)
- Benedict XIV (1425?-1430?)
Taong 1409, dahil sa kanilang paghahangad na ayusin ang problemang ito, ang mga Kardenal at Obispo sa kampo ng Roma at ng Avignon ay nagpulong sa Council of Pisa. Pinagbitiw nila sina Pope Gregory XII at antipope Benedict XIII, at naghalal sila ng bagong Papa si Alexander V. Subalit hindi kinilala ng Papa sa Roma at ng anti-papa sa Avignon ang nasabing konseho, kaya't nahati na sa tatlong pangkat ang Simbahan: ang pangkat ng Papa sa Roma, ang pangkat ng anti-papa sa Avignon, at ang pangkat ng anti-papa ng Pisa.
HANAY NG MGA ANTI-PAPA NG PISA
- Alexander V (1409-1410)
- John XXIII (1410-1415)
The Lord says to Peter: "I say to you," he says, "that you are Peter, and upon this rock I will build my Church, and the gates of hell will not overcome it. And to you I will give the keys of the kingdom of heaven . . ." On him he builds the Church, and commands him to feed the sheep, and although he assigns a like power to all the apostles, yet he founded a single chair, and he established by his own authority a source and an intrinsic reason for that unity. Indeed, the others were also what Peter was, but a primacy is given to Peter, by which it is made clear that there is one Church and one chair. . . . If someone does not hold fast to this unity of Peter, can he think that he holds the faith? If he deserts the chair of Peter upon whom the Church was built, can he be confident that he is in the Church?ST. CYPRIAN OF CARTHAGE (251 A.D.)
PAANO NATIN MATITIYAK NA ANG MGA PAPA SA ROMA ANG TALAGANG TOTOONG PAPA?
Nakasalalay ang lahat sa pagiging lehitimo o hindi ni Pope Urban VI. Ayon sa mga Katolikong mananalaysay, matuwid ang pagkakahalal kay Pope Urban VI, sapagkat nang inulit ng mga Kardenal ang halalan nang gabi ng ika-8 ng Abril, wala nang banta sa kanilang buhay at sila'y nagkaisa sa pagpili sa kanya. Bukod pa rito, tinanggap si Pope Urban VI ng lahat ng mga Kardenal sa buong Simbahan, at nanungkulan siya nang may halos 6 na buwan bago pa man bumaligtad sa kanya ang mga Kardenal. Kaya naman, ang halalan na ginanap sa Fondi noong ika-20 ng Setyembre ay walang-bisa, at si Clement VII at ang mga sumunod sa kanya ay mga anti-papa.
Hinggil naman sa Council of Pisa, ang isang konseho ay nagiging Ekumeniko (para sa buong Simbahan) kung ito'y ipinatawag o pinahintulutan ng Papa, at ang mga katuruan at kautusan nito ay may bisa lamang kung may pagsang-ayon ng Papa. Sapagkat hindi kinilala ni Pope Gregory XII ang naturang konseho, ito'y hindi Ekumeniko, at walang-bisa ang anumang itinuro at ipinatupad nito.Bukod pa rito, walang kapangyarihan sa Simbahan kahit pa ang mga Konsilyo Ekumeniko ang nakatataas sa kapangyarihan ng Papa. Tanging ang Panginoong Jesu-Cristo, na siyang Ulo ng Simbahan, ang may kapangyarihang nakatataas sa kanyang kinatawan. kaya naman, ang Council of Pisa, sakali man na ito nga'y Ekumeniko, ay walang kapangyarihang magpatalsik kina Pope Gregory XII at anti-papa Benedict XIII. Kung magkagayon, ang Papa na iniluklok ng konseho na si Alexander V ay isang anti-papa, gayon din ang kahalili nitong si John XXIII.
Samakatuwid, ang hanay nga ng mga Papa sa Roma ang tunay na nasa apostolikong paghalili kay San Pedro, habang ang hanay ng mga Papa sa Avignon at Pisa ay mga anti-papa. Subalit kung sakali naman na si Pope Urban VI ay hindi nga lehitimong nahalal, ang hanay ng Papa sa Avignon ang magiging totoo, hindi ang hanay ng mga Papa sa Pisa. Ipinakikita nito na sa kabila kalituhan, nakatitiyak pa rin naman ang lahat na ang hanay ng mga tunay na Papa sa Simbahang Katolika ay hindi napatid.
PAANO NILUTAS NG SIMBAHAN ANG WESTERN SCHISM?
ika-9 ng Disyembre, 1413 | Ipinatawag ni John XXIII (antipapa ng Pisa) ang Council of Constance bilang pagsunod kay Emperador Sigismund ng Roma. Itinakda itong magsimula sa ika-1 ng Nobyembre, subalit pormal na nagsimula noong ika-5 ng naturang buwan. Dinaluhan ito hindi lamang ng mga Obispo at Kardenal, kundi pati ng mga dalubhasa sa teyolohiya at Canon Law. |
ika-2 ng Marso, 1415 | Nanumpa si John XXIII na magbibitiw upang makatulong sa paglutas ng iskismo. Subalit kalaunan, ika-20 ng Marso, siya'y palihim na tumakas mula sa konseho. Nag-alok siyang magbibitiw kapalit ng pagiging Kardenal, kapangyarihan sa Italy at Avignon, at 30,000 na baryang ginto. |
ika-29 ng Mayo, 1415 | Matapos maaresto, malitis, at makasuhan ng simony, perjury, pagtakas sa konseho, at masamang pamumuhay, si John XXIII ay pinatalsik sa pagka-papa at ipinakulong. Tinanggap naman nito ang desisyon ng konseho. [Tandaan na ang konseho ay walang kapangyarihang magpatalsik ng Papa. Ang mahalaga lang dito ay ang pagtanggap ni John XXIII sa pagpapatalsik sa kanya.] |
ika-4 ng Hulyo, 1415 | Dumalo sa konseho ang mga kinatawan ni Pope Gregory XII: sina Cardinal John Dominici at Carlo Malatesta. Hindi kinilala ng Papa ang konsehong ipinatawag ni John XXIII, kaya't inatasan niya si John Dominici na muling pasinayaan ang Council of Constance. Tinanggap naman ito ng konseho, batay sa sarili nilang kondisyon.3 Pagkatapos nito, si Carlo Malatesta naman ay nagpahayag ng pagbibitiw sa pagka-papa sa ngalan ni Pope Gregory XII. Tinanggap din ito ng konseho.4 Muling nagkaisa ang pangkat nina Pope Gregory XII at John XXIII. |
ika-13 ng Disyembre, 1415 | Ang mga bansang sumusuporta kay Benedict XIII (anti-papa ng Avignon) ay nakiisa sa Council of Constance. Patuloy namang nagmatigas ang anti-papa ng Avignon, sa kabila ng pagpapatawag sa kanya ng konseho upang magbitiw na rin ito. |
Marso, 1417 | Nagsimula ang paglilitis laban kay Benedict XIII. |
ika-26 ng Hulyo, 1417 | Pinatalsik ng konseho si Benedict XIII sa pagka-papa. Nanindigan naman ito na siya ang tunay na Papa hanggang sa kanyang kamatayan. [Nang siya'y mamatay, ang tatlong Kardenal na nanatiling tapat sa kanya ay inihalal si Gil Sanchez Muñoz, na gumamit ng pangalang Clement VIII. Kalauna'y nagpasakop naman ito kay Pope Martin V ang Papang nahalal sa pamamagitan ng Council of Constance. Sinasabing may isa pang Kardenal sa panig ng Avignon, si Jean Carrer, ang naghalal naman kay anti-papa Benedict XIV.] |
ika-8 ng Nobyembre, 1417 | Nagsagawa ng halalan ang mga Kardenal, at sa pagkakataong ito, kasamang bumoto pati ang mga kinatawan ng mga bansa. |
ika-11 ng Nobyembre, 1417 | Kapistahan ni San Martin. Napili si Cardinal Odo Colonna, na gumamit naman ng pangalang Martin V. |
ika-22 ng Abril, 1418 | Pormal na tinapos ang Council of Constance. |
Bagama't nagmatigas si anti-papa Benedict XIII, nagwakas na ang iskismo nang kilalanin ng buong Simbahan si Pope Martin V. Ang tanging nanatiling tapat sa anti-papa ng Avignon ay ang sarili niyang pamilya at mga kasambahay, at ilang Kardenal. Sa kalaunan, nang siya'y mamatay, ang humalili sa kanya'y nagpasakop na rin kay Pope Martin V. Kaya naman, kahit na hindi pa sigurado noon ang Simbahan kung sino sa mga Papa ng Roma, Avignon, at Pisa ang tunay na Papa, nakasisiguro naman ang lahat na si Pope Martin V ay talagang lehitimong Papa.
TOTOO BANG NAGMATAAS SA PAMUMUNO NG PAPA ANG COUNCIL OF CONSTANCE?
Dalawa sa mga kautusan ng Council of Constance ay nag-angkin na ang isang Konseho ay may kapangyarihang humihigit sa kapangyarihan ng Papa: ang Haec Sancta (Sacrosancta) at Frequens. Gayon man, ang mga ito'y itinuturing na walang bisa, sapagkat:
- Ang Sacrosancta ay ipinahayag noong ika-6 ng Abril, 1415 sa Session 5. Naging Ekumeniko lamang ang Council of Constance nang ito'y pinasinayaan ni Pope Gregory XII sa pamamagitan ni John Dominici noong ika-4 ng Hulyo, 1415 na kinilala naman sa Session 14.
- Ang Frequens ay ipinahayag noong ika-9 ng Oktubre, 1417 sa Session 39. Subalit sa isang papal consistory (pagpupulong ng Papa at ng mga Kardenal) na ginanap noong ika-10 ng Marso, 1418 pinagtibay ni Pope Martin V na ang Papa ang kataas-taasang pinuno ng Simbahan, at hindi maaaring iapela sa isang konseho ang anumang kauutusang ipinatupad nito.
- Nang kanyang pinagtibay ang mga katuruan at kautusan ng Council of Constance, ipinatupad lamang ng Papa yaong mga ginawa ng konseho "sa paraang naaangkop sa isang konseho". At dahil wala ngang kapangyarihan ang isang konseho na higit sa kapangyarihan ng Papa, tanging ang mga katuruan nito na hindi nag-angkin ng gayon ang kinilala at ipinatupad ni Pope Martin V. May katusuhan ang ginawa niyang ito, subalit kinakailangan, upang maiwasan ang anumang maaaring magpahaba o magpalala sa iskismo.
Tungkol sa Sacrosancta at Frequens, sinabi ni George H. Tavard, "The new pope . . . Martin V (pope, 1417-1431), eventually rejected the legitimacy of these conciliaristic decisions, in spite of their temporary efficacy in restoring papal unity." 5
"If in 1,800 years we clergy have failed to destroy the Church, do you really think that you'll be able to do it?"
CARDINAL ERCOLE CONSALVI to NAPOLEON BONAPARTE |
- Conclave, buhat sa mga salitang Latin na cum at clavis na ibig sabihi'y "nakasusi". Ito ang tawag sa kubling pagpupulong ng mga Kardenal mga pangunahing kleriko ng Simbahan ng Roma upang maghalal ng Papa. Sila ay literal na ikinukulong sa isang itinakdang silid upang doon ganapin ang halalan, at pinagbubuksan lamang kapag nakapili na sila ng Papa. Ipinatupad ito sa Simbahan ng Council of Lyons noong 1274. [BUMALIK]
- Anti-papa, ("laban-sa-papa"). Itinulad ito sa salitang "anti-Cristo" ("laban-kay-Cristo"). Tumutukoy ito sa mga taong nag-aangking Papa o inihalal na Papa, bagama't may nanunungkulan pang lehitimong-halal na Papa. [BUMALIK]
- "This most holy general synod of Constance . . . accepts in all matters the convoking, authorising, approving, and confirming that is now being made in the name of the lord who is called Gregory XII by those obedient to him, insofar as it seems to pertain to him to do this, since the certainty obtained by taking a precaution harms nobody and benefits all . . ." (14th session, Council of Constance) [BUMALIK]
- "The most holy general synod of Constance . . . accepts, approves, and commends . . . the cession renunciation and resignation made on behalf of the lord who was called Gregory XII in his obedience, by the magnificent and powerful lord Charles Malatesta here present, his irrevocable procurator for this business, of the right, title, and possession that he had, or may have had, in regard to the papacy." (14th session, Council of Constance) [BUMALIK]
- "Conciliarity", The Church, Community of Salvation: An Ecumenical Ecclesiology, Makati City: ST PAULS, 1997. p. 108. [BUMALIK]
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF