"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Biblikal ba ang Simbang Gabi?

UPDATED: 4:23 PM 2/7/2022

ANO BA TALAGA ANG LAYUNIN NG PAGSISIMBANG-GABI?

Sinasabing ang Simbang Gabi ay isinasagawa para sa karangalan ng Mahal na Birheng Maria (Lucas 1: 42-45, 46-49): ang siyam na gabi ay sumasagisag sa siyam na buwang pagdadalang-tao ng Mahal na Birhen, hanggang sa pagsilang ng Panginoong Jesus, na ginugunita nga sa araw ng Pasko. Itinuturing itong isang "nobena" (siyam na araw ng pananalangin)1 kalakip ang mga personal na intensyon ng isang deboto, kaya't lumaganap ang paniniwalang kung makukumpleto mo ang Simbang Gabi'y matutupad din ang iyong kahilingan. May mga nagsasabi ring ito daw ay isang nakagisnang pamamaraan ng pagpapasalamat sa dakilang kagandahang-loob ng Diyos, na nagbigay sa sangkatauhan ng pinaka-dakilang "aginaldo" (regalo) — ang pagkakatawang-tao ng mismong bugtong na Anak ng Diyos, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan (Juan 3: 16). Ang pagsasakripisyo ng siyam na gabing pagsisimba ay nagiging tanda ng pasasalamat sa Diyos, at paghahanda ng sarili sa pagdating ng Panginoong Jesus (sa gayo'y napananatili ang pangunahing tema ng Adbiyento: ang paghahanda sa Muling Pagparito ng Panginoon).

Maging ano pa man ang mga sinasabing layunin ng Simbang Gabi, hindi dapat makaligtaan ang orihinal na layunin na itinatakda ng Simbahan, nang ang naturang kaugalia'y pinahintulutan ni Pope Sixtus V. Mayroong tatlong pangunahing intensyon na hindi dapat mawala:

  1. para sa ikaluluwalhati't ikararangal ng Santang Inang Simbahan (Roma 8: 16-17; Efeso 3: 20-21),
  2. para sa ikalalaganap ng Banal na Katolikong Pananampalataya (Mateo 28: 19-20), at
  3. para sa ikapananatili ng mga bagong-binyagan sa Totoong Pananampalataya (Efeso 4: 1-16).
"Lamay naman ang diwa ng simbang gabi. Pinaglalamayan natin at pinaghahandaan ang mga importanteng okasyon sa buhay natin. Pinagpupuyatan hanggang gabi, o pinagkaka-abalahang gumising nang madaling-araw. Nagbibigay-diwa ang lamay, kaya’t hindi iniinda ang antok at puyat. Sa atin, mahalagang maramdaman ang konting sakripisyo para mapatingkad pa ang diwa ng pagdiriwang. At tulad ng iba pang mga pagdiriwang na dapat sana’y kay Kristo nakatutok, hinding-hindi isasaisantabi ng Katolikong Pilipino ang Mahal na Birhen sa eksena ng Pasko. Sa kanya nakalaan ang nobena ng Simbang Gabi, siya pa rin ang naka-sentro sa drama ng panunuluyan, pati na ang Misa ng Bagong Taon na parangal sa kanya bilang Ina ng Diyos."

CATHOLIC BISHOPS' CONFERENCE OF THE PHILIPPINES
Landas ng Pagpapakabanal, no. 43

LABAG BA SA BIBLIA ANG PAGSISIMBA TUWING GABI?

Isang kabalintunaan na may mga anti-Katolikong tinutuligsa ang Simbang Gabi nang dahil lang sa ito'y isinasagawa tuwing gabi. Ang Simbang Gabi ay pagdalo sa pagdiriwang ng Banal na Misa, na sa Katolikong Pananampalataya'y itinuturing na pinaka-dakila't kataas-taasang panalangin.2 Mauunawaan natin kung hindi nila matanggap ang mismong Banal na Misa, subalit walang dahilan upang ang mismong pagdalangin sa gabi ay hindi nila matanggap, sapagkat tahasang mababasa sa Biblia ang mga halimbawa ng pananalangin nang "buong magdamag", "maghahating-gabi", at nang "madaling araw" (Lucas 6: 12; Gawa 16: 25; Marcos 1: 35). Itinuturing na "mapalad" silang pinagninilayan ang kalooban ng Panginoon "araw at gabi", anupa't "siya'y katulad ng isang punungkahoy na nakatanim sa tabi ng umaagos na tubig, na namumunga sa takdang panahon at hindi nalalanta ang mga dahon" (Salmo 1). Ang profetesang si Ana na tumanggap sa sanggol na Jesus at nagpahayag hinggil sa kanya ay sinasabing namamalagi sa Templo at naglilingkod sa Diyos nang "gabi at araw" (Lucas 2: 36-38). Ang taimtim na pananalangin sa gabi ay maituturing na pagpupuyat-kasama-ng-Panginoon upang hindi mapanaigan ng tukso at ng mga kahinaan ng laman (Mateo 26: 41-42). Maaari itong maging tanda ng ating kalalagayan bilang mga "anak ng kaliwanagan" na nagpupuyat sa paghihintay sa pagdating ng Panginoon, habang ang iba'y natutulog at naglalasing sa gabi (Mateo 24: 43-44; 1 Tesalonica 5: 4-7).

Sa kabila ng lahat ng ito, bakit gayon na lamang kung tuligsain ng mga anti-Katoliko ang Simbang Gabi, gayong wala namang kakatwa o masama sa pananalangin tuwing gabi? Sinasabi ba nilang "mas mabuti" pa ang matulog o magpuyat para sa mga kung anu-anong kadahilanang makamundo? Maging ano pa man ang mga ipinaglalaban nila, malinaw na ito'y hindi talaga udyok ng kanilang katapatan sa Biblia, kundi udyok ng di-makatuwiran at di-pinagiisipang pagkayamot at pagdududa sa anumang bagay na may kinalaman sa pagiging Katoliko.

"Nang unang araw ng sanlinggo, samantalang nagkakatipon kami sa paghati ng tinapay, si Pablo na sa kinabukasan ay aalis, ay nagsalita sa kanila at nangaral hanggang hatinggabi. Marami ang mga ilaw sa silid sa itaas na aming kinaroroonan . . . Pagkatapos... hinati ang tinapay at kumain; matagal pang nagsalita hanggang sa magbukang-liwayway, at saka siya umalis."

MGA GAWA 20: 7, 8, 11

TALAGA BANG MATUTUPAD ANG KAHILINGAN NG SINUMANG MAKAKA-KUMPLETO NG SIMBANG GABI?

Bilang isang Cristiano, maging ano pa man ang ginagawa mong pamamaraan ng pananalangin, kung batid mong ➊ nananalangin ka nang wasto (Roma 8: 26) at ➋ para sa kabutihan ang hinihiling mo (Santiago 4: 3), dapat kang manalangin "nang may pananampalataya at huwag nang mag-alinlangan" (Santiago 1: 6). "Ang lahat ng inyong hingin sa panalangin, sumampalataya kayo na inyong natanggap na, at makakamit nga ninyo", ang sabi ng Panginoong Jesus (Marcos 11: 24). Hindi ito tungkol sa bisa ng panalangin na nakadepende sa eksaktong pagtupad ng mga takdang bilang at pananalita; tungkol ito sa kung ano ba ang dapat na maging paninindigan mo sa tuwing nananalangin ka. Ano pang saysay na magsimbang gabi ka at magkaroon ka ng mga personal na intensyon sa pagsisimba, kung hindi ka naman naniniwalang pagbibigyan ng Diyos ang mga kahilingan mo?





  1. "The One whom we adore in the Sacrament of the Altar is the Emmanuel, God-with-us, who came into the world for our redemption. In the Christmas Novena . . . as we gradually draw close to the Holy Night, the liturgy, increasing in spiritual intensity, makes us repeat: 'Maranatha! Come, Lord Jesus!'. This invocation rises from the hearts of believers in all corners of the earth and ceaselessly resounds in every Ecclesial Community." (SOURCE: Address Of His Holiness Benedict XVI To The Members Of The Italian Armed Forces, 16 December 2005) [BUMALIK]
  2. "The Eucharistic Celebration is the greatest and highest act of prayer, and constitutes the centre and the source from which even the other forms receive 'nourishment': the Liturgy of the Hours, Eucharistic adoration, Lectio divina, the Holy Rosary, meditation." (SOURCE: Homily of His Holiness Benedict XVI, Holy Mass for the Ordination to the Priesthood of 19 Deacons of the Diocese of Rome, St Peter's Basilica, 3 May 2009) [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF