"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Huwebes, Enero 09, 2025

Pamimintuho sa Imahen ng Nazareno: Kalabisan nga ba?


Constantine Agustin, Black Nazarene, edited using ULEAD PhotoImpact 7.0 by McJeff F., CC BY-SA 2.0

Kung sasaksihan ang isinasagawang Traslación ng imahen ng Nuestro Padre Jesús Nazareno tuwing ika-siyam ng Enero taun-taon, at sa tuwing nakakausap natin ang mga di-Katolikong paulit-ulit itong tinutuligsa, hindi talaga maiiwasan na tayo mismo'y mapaisip at magtanong sa ating mga sarili: "Kalabisan na nga ba ang mga pinaggagagawa natin?" Bakit gayon na lamang katindi ang pamimintuhong iniuukol sa isang rebulto lang, habang walang gayong katinding debosyon na makikitang naiuukol sa mismong tunay na presensya ng Panginoong Jesu-Cristo sa Banal na Eukaristiya (halimbawa, sa tuwing nagsasagawa ng mga eucharistic procession)? At kung ang naturang debosyon ay ipinagmamalaki nating tanda ng laganap na paninindigan sa Pananampalatayang Katolika sa Pilipinas, bakit nananatiling hati ang opinyon nating mga Katoliko pagdating sa mga usaping moral gaya ng diborsyo, homoseksuwalidad, pagpaplano ng pamilya, atbp.? Hindi ba't kung talagang "deboto" ka, dapat ay walang pag-aalinlangan ka ring tatalima sa lahat ng mga pagtuturo ng Simbahan, lalung-lalo na sa mga katuruang moral?

Maraming mga tanong na mahirap sagutin dahil kakailanganin mong usisain ang bawat indibiduwal na deboto upang unawain kung ano ba talagang tumatakbo sa mga isip nila sa tuwing pinipintuho nila ang naturang imahen. Hindi ko itinuturing ang aking sarili na isang deboto — bagama't minsan na akong nakapagsimba sa Quiapo at nakahipo sa paanan ng imahen, at nagkataon namang sinundan ito kalaunan ng pagkakaroon ko ng isang malaking desisyong nagdulot ng malaking pagbabago sa buhay ko (na hindi ko na ikukwento kung ano iyon dahil masyado nang pribado) — kaya't wala ako sa lugar para magsalita para sa kanila. Ika nga ni Cardinal Tagle, "To understand the devotee, you have to be a devotee. Only a devotee could best understand a devotee." Ang tanging magagawa ko bilang isang Pilipinong Katoliko ay husgahan ang naturang debosyon batay sa Biblia at sa mga katuruan ng Simbahan:

  1. Kung ang problema natin ay ang mismong paggawa at pamimintuho sa mga banal na imahen, iyan ay matagal nang nilinaw sa mga Konsilyo Ekumeniko ng Nicaea II, Trent, at Vatican II. Walang kailangang pagtalunan hinggil sa kung ito ba'y isang kaugaliang may pahintulot ng Diyos o wala. Anumang pormal na pinahintulutan ng Simbahan sa kanyang mga konseho ay pinahihintulutan din naman ng Diyos (Mga Gawa 15: 28). "Ang makinig sa inyo ay nakikinig sa akin, ang tumanggi sa inyo ay tumatanggi sa akin, ang tumatanggi sa akin ay tumatanggi sa nagsugo sa akin" — sabi ng Panginoon (Lucas 10: 16).
  2. Kung ang problema natin ay ang mismong pagsasagawa ng mga seremonyas ng pamimintuho patungkol sa isang banal na bagay, alalahanin nating ang gayong kaugalian ay matatalunton mismo sa mga Judio, lalung-lalo na sa kanilang "debosyon" sa Kaban ng Tipan. [1] Maraming mga elemento ng pagkakatulad: parehong gawa-ng-tao (Exodo 31), parehong may imahen (ang dalawang kerubin sa ibabaw), parehong itinuturing na sagrado, parehong pinaniniwalaang naghihimala, parehong may pahintulot ng Diyos, parehong "dinadasalan" (Josue 7: 6; Mga Hukom 20: 27), parehong ginagawan ng mga seremonyas ng pamimintuho (1 Hari 3: 15; 1 Cronica 16: 4, 6), lalo na sa mga "traslación" ng Kaban (2 Samuel 6). Walang idolatriang nangyayari, [2] sapagkat ang lahat ng mga paggawing ipinatutungkol sa banal na bagay ay pawang relatibong pagsamba lamang. Ibig sabihin, hindi ang mismong banal na bagay ang sinasamba, kundi ang Diyos. Kung paanong ang pamimintuho sa Kaban ng Tipan ay isang relatibong pagsamba sa Diyos, gayon din naman, ang pamimintuho sa imahen ng Nazareno ay maituturing ding relatibong pagsamba sa Panginoong Jesu-Cristo.

Hindi sukatan ng pagsamba ang pagdumog ng mga tao ni ang sidhi ng pamimintuhong ginagawa nila tuwing ika-siyam ng Enero. Hindi porke't nakita mong sukdulang nagsasakripisyo ang isang deboto para lang makalahok sa traslación ay agad-agad mo na ring masasabi na sinasamba na niya ang mismong imahen. Isang araw lang iyan sa buong taon ng isang deboto — hindi iyan ang kabuuan ng kanilang buhay-espirituwal. Tingnan mo rin yung taimtim nilang pagsisimba tuwing Linggo at mga pistang pangilin. Tingnan mo rin yung pila ng mga tao sa kumpisalan sa simbahan ng Quiapo. Tingnan mo rin yung payak na pagsusumikap ng mga deboto na sumunod sa kalooban ng Diyos. Kadalasan, ang pinaka-matalik na pakikipag-ugnayan natin sa Diyos ay nagaganap, hindi sa mga kapansin-pansin at madamdaming pagkilos, kundi sa katahimikan ng ating mga puso (Mateo 6: 5-6).

 


 

  1. "As a general rule, Judaism rejects physical manifestations of spirituality, preferring instead to focus on actions and beliefs . . . Today, Jews do not venerate any holy relics or man-made symbols. But in the history of the Jewish people, there was one exception to this rule. One man-made object was considered intrinsically holy - the Ark of the Covenant." ("The Ark of the Convenant." Jewishvirtuallibrary.org, 2020, www.jewishvirtuallibrary.org/the-ark-of-the-convenant.) [BUMALIK]
  2. "The Christian veneration of images is not contrary to the first commandment which proscribes idols. Indeed, 'the honor rendered to an image passes to its prototype,' and 'whoever venerates an image venerates the person portrayed in it.' The honor paid to sacred images is a 'respectful veneration,' not the adoration due to God alone: 'Religious worship is not directed to images in themselves, considered as mere things, but under their distinctive aspect as images leading us on to God incarnate. The movement toward the image does not terminate in it as image, but tends toward that whose image it is.'" (CCC 2132) [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Miyerkules, Enero 01, 2025

Mga Pagmumuni-muni ng Isang Katolikong Walang Asawa


Photo by Kelvin Valerio: https://www.pexels.com/photo/man-wearing-black-cap-with-eyes-closed-under-cloudy-sky-810775 (edited)

"Bakit wala ka pang asawa?", "Kailan ka mag-aasawa?", "Single ka pa rin?", "Mag-asawa ka na, uy." Ilan lamang ito sa mga paulit-ulit mong maririnig sa mga tao habang tumatanda ka. Ngayong lumalapit na ako sa edad na 40, mas lalo pang tumitindi ang mga naturang pangangantyaw. Pakiramdam ko nga'y napagiiwanan na ako, lalo pa't halos lahat na yata ng mga kaibigan ko ay may mga sariling pamilya na. Sa Facebook nga, tila ba ako na lang ang hindi nagpopost ng picture ng sarili niyang asawa't mga anak. Sanay na tayo na gawin itong paksa ng mga biruan at mga di pinag-iisipang pangungulit at pangingialam, sa kabila ng katotohanang ang pag-aasawa ay isang seryosong desisyong panghabambuhay na may kapangyarihang baguhin ang buong buhay at pagkatao mo.

Naiintindihan ko naman ang pangangailangang magmadali sa pag-aasawa. Habang tumatanda tayo — lalo na ang mga kababaihan — unti-unti rin namang nawawala ang kakayahan nating makapagparami. Kung di ka Cristiano, siguro kuntento ka na sa posibilidad na magpabuntis/mambuntis na lang, o di kaya'y magdonate/magbenta ng sariling itlog/semilya para lang masabi mong may nagawa ka para "maikalat" ang lahi mo. Pero dahil Cristiano tayo, nababatid nating ang tanging lehitimong paraan ng pagpaparami ay ang pag-aasawa, at ang mga naunang nabanggit na pamamaraan ay pawang imoral (CCC 2376). Ang problema, paano mo naman matatagpuan ang tamang tao na pakakasalan? At ikaw ba mismo, karapat-dapat ka bang maging asawa? Karapat-dapat ka bang maging magulang? Sumasagi ba sa isip mong ang magiging panghabambuhay na kaugnayan mo sa iyong asawa't mga anak ay may mahalagang papel sa ikatataguyod o ikasisira ng mga buhay nila?

Noong nasa kolehiyo pa lang ako, isa sa mga propesor ko ang nagsabi, "Kung wala ka pang girlfriend o boyfriend, may sira ka sa ulo." Akalain mo iyon, sa mismong bibig pa ng inaakala mong edukadong tao mamumutawi ang isang malinaw na kamangmangan. Marami naman kasing posibleng dahilan para hindi magkaroon ng kasintahan ang isang tao: Nais mong tutukan ang pag-aaral mo o ang trabaho mo; may mabigat kang mga pinagdadaanan sa buhay; may mas mahalagang adhikain kang ipinaglalaban; napaliligiran ka ng mga taong di karapat-dapat asawahin, atbp. Oo, may mga taong may problema sa pag-iisip kaya walang interes na makipagrelasyon, pero ang mismong pakikipagrelasyon ay hindi naman sapat na pamantayan ng katinuan. Nakalulungkot lang, na nang dahil sa impluwensya ng mga taong gaya ng propesor ko, marami sa atin ang nagmamadaling "lumagay sa tahimik" para lang mapatahimik ang mga damuhong nagmamagaling humatol sa estado ng ating pag-iisip. Ang tanong: Sila ba mismong mga humahatol ay naging "tahimik" ang mga buhay?

"Mapalad ang babaing hindi nagka-anak kailanman,
Kung hindi siya nakipagtalik sa paraang makasalanan:
Gagantimpalaan siya ng Diyos sa Araw ng Paghuhukom.
Mapalad ang eunuko na hindi gumawa ng masama
At hindi nagkimkim ng hinanakit laban sa Panginoon.
Siya ay may tanging gantimpala para sa kanyang katapatan
Na higit na mahalaga kaysa pagkakaroon ng anak.
Bibigyan siya ng tanging lugar sa tahanan ng Panginoon."

KARUNUNGAN 3: 13-14 MBB

"Huwag kawilihan ang pagkakaroon ng mga walang-saysay na anak, ni ikagalak ang masasamang anak. Marami man sila ay huwag ikagalak, kung wala naman silang takot sa Panginoon. Huwag manalig sa haba ng kanilang buhay, ni umasa sa kanilang hinaharap. Sapagkat ang isang nakalulugod ay higit sa sanlibo, at di hamak na mabuti ang mamatay na walang anak kaysa magkaroon ng tampalasang mga anak."

SIRAC 16: 1-3

Sa kabilang banda, hindi ko lubos maisip kung ano nga bang kahalagahan ng mag-asawa't magparami sa ating kapanahunan (1 Corinto 7: 25-34). Silang mga nagsasabi na "sayang" ka daw, sino ba sila para sabihing "sayang" ang buhay ng isang matandang binata o matandang dalaga? Bilang magulang, ano bang mapapala mo sa pagkakaroon ng apo? Bilang lalaki, ano bang naitutulong sa iyo ng pagkakalat ng iyong lahi? Bilang babae, bakit pinapangarap mong maging nanay? Hindi ko maintindihan, lalo pa't kung ipagsasaalang-alang ang katotohanang ➊ hindi naman ako imortal, anupa't anumang makamundong benepisyong maaari kong matamo mula sa mga sariling anak at apo — kayamanan, karangalan, atbp. — ay pawang pansamantala lang; at ➋ hindi naman nakasalalay sa dami ng mga anak at apo ang ikaliligtas ng ating kaluluwa, kundi sa ating mga ginawang mabuti nang tayo'y nabubuhay pa sa mundong ito (Sirac 16: 14; 2 Corinto 5: 10).

Bilang Cristiano, hindi masama ang tingin ko sa pag-aasawa. Bukas nga ako sa posibilidad na maging padre de pamilya, kahit pa mangyari ito sa edad na 100 o higit pa. Subalit di tulad ng marami, hindi ko ito aktibong hinahanap. Hindi ko ito itinuturing na mahalagang adhikaing kailangan kong matupad sa lalong madaling panahon. Hindi ito nakadaragdag ni nakababawas man sa aking dignidad bilang nilalang na kawangis ng Diyos at inampong anak Niya sa pamamagitan ng ating pakikipagkaisa sa Panginoong Jesu-Cristo. Nauunawaan ko rin na ang pagiging walang-asawa ay di maaaring maging tungkol lang sa pagtataguyod ng mga makasariling hangarin sa buhay, kundi sa isang buhay na inilaan para maglingkod sa Diyos, sa Simbahan, at sa buong sangkatauhan.

Ang pagkabirhen o di-pag-aasawa, kasama ang pag-aasawa ay dalawang paraan ng pagpapahayag at pagsasabuhay ng isang misteryo ng kasunduan ng Diyos sa kanyang bayan. Alang-alang sa Kaharian ng Diyos, malayang pinili ng mga pari, mga relihiyoso/relihiyosa at mga layko ang buhay na "banal na buhay-pag-iisa" upang manangan sa Panginoon at magbigay ng natatanging pagsaksi sa Muling Pagkabuhay at sa buhay sa kabila.

KPK 2011


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF