Simple lang ba ang buhay ng tao? Sa aking palagay, hindi. Bakit? Ito'y sapagkat lagi tayong nangangailangang magdesisyon. Lagi tayong namimili ng kung ano ba ang dapat o di dapat gawin. Kahit sa panaginip nag-iisip pa rin tayo kung paano tutugon sa daigdig na kinatha ng ating imahinasyon. At kapag nakapagdesisyon ka na, napagtatanto mong marami ka palang dapat gawin, at may mga pagkakataon ding hindi lahat ng ito ay magagawa mo (dahil sa mga limitasyong itinatakda ng totoong buhay). Ang simpleng buhay, sa aking palagay, ay ang pagkakaroon ng ➊ tiyak na desisyon sa lahat ng bagay nang di nangangailangan ng matagal at masinsinang pagpapasya, at ng ➋ mabilis at mabisang pagsasakatuparan ng iyong napagpasyahan.
Maikli lang ang buhay ng tao kaya't di dapat sayangin sa labis na pag-iisip at walang katuturang pagpapakapagod. Subalit ang naturang paghahangad ay di dapat maging dahilan para huwag nang pag-isipan ang mga bagay na kailangang pag-isipan, at huwag nang pagsikapan ang mga bagay na kailangang pagpaguran. Maraming tao ang di mo makausap nang maayos at di mo maasahang kumilos udyok ng kanilang katamaran at pagbubulag-bulagan mga taong tila ba di kayang tanggapin ang katotohanang sa buhay na ito, may limitasyon kung hanggang saan lang ba maaaring pasimplehin ang mga bagay-bagay. Sabi nga ni Albert Einstein, "Everything should be made as simple as possible, but no simpler."
Ang labis at di makatuwirang pagpapasimple (oversimplification) ay malimit gawin ng mga anti-Katoliko pagdating sa mga usaping pang-relihiyon. Ilan sa mga karaniwang sinasabi nila ay ang mga sumusunod:
- "Napakaraming magkakaibang simbahan sa Cristianismo. Ibig sabihin, wala talagang mapagkakatiwalaan. Ang lahat ng kanilang sinasabi ay pawang opinyon lang at walang batayan. Mas mabuti pang talikdan ang Cristianismo. At dahil marami ring magkakaibang relihiyon sa mundo bukod sa relihiyong ito, mas mabuting talikdan na lang ang lahat ng relihiyon."
- "Kung talagang Salita ng Diyos ang Biblia, bakit napakaraming magkakaibang bersyon nito? Bakit napakaraming magkakaibang interpretasyon? Bakit napakaraming pamamaraan ng pagpapaliwanag sa halip na tanggapin ang payak at literal na sinasabi? Patunay ito na ang Biblia ay gawa-gawa lang ng tao at kasangkapan lang para ipagpilitan ang kanya-kanyang opinyon, kaya't di dapat gawing pamantayan ng tamang paniniwala at matuwid na pamumuhay."
- "Napakaraming mga paliwanag ng Simbahang Katolika hinggil sa kanyang mga doktrina. Bakit kailangan pa ng mga mahahabang paliwanag sa halip na ituro ang simpleng katotohanan? Halatang ang mga Katoliko'y nangangatuwiran lang para ipagmatuwid at pagtakpan ang kanilang mga mali at inimbentong doktrina."
Ang mga ito'y maituturing na balintunang pangangatuwiran sapagkat ang mga naging konklusyon (na ang lahat ng relihiyon ay mali, na ang Biblia ay gawa-gawa lang ng tao, na ang Katolisismo ay mali/imbento lang) ay di batay sa mga makatotohanang ebidensya at makatuwirang argumento, kundi sa sadyang pagbubulag-bulagan hindi na ibig siyasatin ang mga impormasyong mayroon dahil "napakarami" ng kailangang siyasatin. Isang kabalintunaan, sapagkat hindi porke't marami ay mali na lahat (Plain Truth Fallacy).
Oo, napakaraming magkakaibang pagpipilian, subalit ang "marami" (plenty) at "walang katapusan" (infinite) ay dalawang magkaibang bagay. Oo, imposibleng mamili mula sa isang walang hanggang listahan, subalit hindi naman ganyan ang sitwasyon pagdating sa mga magkakaibang simbahan, magkakaibang relihiyon, at magkakaibang bersyon, interpretasyon, at pamamaraan ng pagpapaliwanag ng Biblia. Oo, kumplikado ang mga doktrina ng Simbahang Katolika, subalit may mga pamamaraan naman upang maipaunawa ito kahit sa mga bata at sa mga di edukado. Ang problema, ayaw lang talaga nating magsikap, mapagod, at mag-isip nang matagal. Bakit nga ba: Tinatamad ba tayo? Natatakot ba tayong magkaroon ng mga kaaway? Masyado ba tayong abala kaya't kuntento na sa mga di pinag-isipang desisyon at panghuhusga? Napakatalino ba ng tingin natin sa ating sarili, anupa't minamaliit natin ang mga usaping pang-relihiyon?
Sa tuwing hinahatulan mo ang isang bagay, hindi ba't dumadagdag ka lang sa mga "napakaraming magkakaibang opinyon" hinggil sa bagay na iyon? Kung magkagayon, anong basehan mo para ituring na tama ang opinyon mo? Kung ang pagkakaroon ng maraming magkakaibang opinyon hinggil sa isang bagay ay nangangahulugan na wala talagang wastong impormasyong maaaring matalastas hinggil sa bagay na iyon, hindi ba't nangangahulugan din na ang mismong opinyon mo ay mali at/o di mapagkakatiwalaan?
"Before I formulate an opinion, I try as a scholar and as an academician to read entire libraries on the topic and to listen to as many people as possible, regardless of whether they are savants or plain fools. However, once I have formed an opinion, I no longer want to change it. Only experience can tell me whether I'm right or I'm wrong. If I'm right, I will gloat a little bit about it. If I'm wrong, then I will excoriate myself, I will apologize publicly."MIRIAM DEFENSOR SANTIAGO
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF