Alinsunod sa utos ng pamahalaan (Memorandum from the Executive Secretary On Additional Measures to Address the Rising Cases of COVID-19 in the Country, March 21, 2021) ang buong NCR kabilang na ang Pateros, at ang mga karatig probinsya nito (Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal) ay muling sasailalim sa General Community Quarantine magmula ika-22 ng Marso hanggang ika-apat ng Abril. Kabilang sa mga ipinag-utos ay ang mga sumusunod:
- All mass gatherings including religious gatherings shall be prohibited. (B.2)
- Holding of weddings, baptisms, and funeral services shall be limited to ten (10) persons. (B.3)
Maraming umalma, kabilang na ang ilang mga pari at obispo. Ako ma'y nalilito rin sa mga nangyayari. Tila ba tahasang nilalabag nito ang kalayaang pangrelihiyon na itinatakda ng Saligang Batas, na tahasang nagsasabi:
Hindi dapat magbalangkas ng batas para sa pagtatatag ng relihyon, o nagbabawal sa malayang pagsasa-gamit nito. Dapat ipahintulot magpakailanman ang malayang pagsasagamit at pagtatamasa ng paghahayag ng relihyon at pagsamba nang walang pagtatangi o pamimili. (ARTIKULO III, SEK. 5)
Malinaw naman ang batas, subalit may malawak na kahulugan itong hindi agad pansin sa biglaang pagbabasa lamang. Dapat nating maintindihan na ang kalayaang pangrelihiyon ay may limitasyon, at ito'y kinikilala mismo ng Simbahang Katolika. Ayon sa katuruan ng Second Vatican Council:
"The right to religious freedom is exercised in human society: hence its exercise is subject to certain regulatory norms. In the use of all freedoms the moral principle of personal and social responsibility is to be observed. In the exercise of their rights, individual men and social groups are bound by the moral law to have respect both for the rights of others and for their own duties toward others and for the common welfare of all. Men are to deal with their fellows in justice and civility.
"Furthermore, society has the right to defend itself against possible abuses committed on the pretext of freedom of religion. It is the special duty of government to provide this protection." (Dignitatis Humanae, 7)
Oo, kailangan nating magsimba: hindi lamang dahil sa kabilang ito sa ating mga pangunahing karapatang pantao, ngunit lalo't higit dahil pangunahing tungkulin natin ito sa Diyossiya na nararapat sambahin maging ano pa man ang sitwasyon natin dito sa daigdig. Subalit paano kung ang Simbahan ay nasa isang pamayanang nakararanas ng pandemya, na sa bawat araw ay parami nang parami ang nagkakasakit at may ilan pang nangangamatay? Naipagsasaalang-alang ba natin ang lahat ng posibleng implikasyon ng ating pagsisimba, lalo na sa mga lugar na tinukoy sa Resolution No. 104 ng IATF?
Obispo Buenaventura M. Famadico
Sirkular Tungkol Sa Pag-iingat Sa COVID-19
March 14, 2020
Madaling igiit na may mga pag-iingat namang ginagawa ang Simbahan para sa kaligtasan ng mga maninimba, subalit ito ba'y nagdudulot ng katiyakan na ang sinumang lalabas ng kanyang bahay at tutungo sa simbahan upang magsimba ay hindi makakapitan o mahahawaan ng COVID-19, at hindi magiging sanhi ng lalong ikalulubha ng pandemya? Hindi ba't ang ibig nga nating mangyari, bilang ito ang pinakamabisang paraan ng pag-iingat, ay ang manatili sa loob ng tahanan at lumabas lamang kung lubhang kinakailangan?
Napagtatanto ba nating ang tinutukoy na "religious gatherings" ay hindi lamang patungkol sa mga Banal na Misa ng Simbahang Katolika, kundi pati sa lahat ng mga relihiyosong pagtitipon ng alinmang relihiyon? Hindi ba't hindi magiging patas, anupa't lalabag pa nga sa Saligang Batas, kung pahihintulutan ang mga "religious gatherings" ng Simbahang Katolika, habang ang sa ibang mga relihiyon ay hindi? Kung mahalaga sa atin ang ating mga pagsamba, sa kanila rin naman, hindi ba? Kung ibig nating maging patas, papayagan ang lahat sa kani-kanilang relihiyosong pagtitipon, at kung magka-gayon, hindi ba ito magbunsod sa lalong ikalalaganap ng pandemya?
Bakit hindi naglaan ng panahon ang gobyerno na konsultahin muna ang iba't ibang mga relihiyon sa loob ng tinaguriang "NCR Plus", bago nagtakda ng mga pagbabawal? Ewan ko ba. Subalit kung ating ipagsasaalang-alang na ang GCQ ay tatagal lamang ng mga dalawang linggo, maipagpapalagay kong ang "pagmamadali" ng gobyerno ay dahil maituturing nang isang emergency ang sitwasyon sa mga lugar na isinailalim sa GCQ. Hindi ba't tatagal lamang at maaaring lumikha pa ng mga di kinakailangang mga kumplikasyon kung magsasagawa pa ng mga pag-uusap at pag-aaral sa kung dapat ba o hindi dapat pahintulutan ang mga relihiyosong pagtitipon? Siguro nga, emergency na ito; siguro nga, namemeligro na kami (taga-Laguna po ako).
Batid kong maraming Katoliko ang maiinis sa aking mga sinasabi. Bakit nga naman hindi ako makisabay sa mga pagrereklamo hinggil sa kung bakit pinapayagan ang mga gym, spa, atbp. na manatiling bukas, habang ang mga simbahan ay ipinasasara? Hindi ko na ibig magreklamo, sapagkat batid kong alinsunod sa itinatakdang Pagkakahiwalay ng Simbahan at Estado, hindi mo maaaring asahan ang gobyerno na itaguyod ang mga relihiyosong pagtitipon ng alinmang relihiyon. Siyempre, mas uunahin ng gobyerno yaong may kinalaman sa ekonomiya, kaysa sa buhay-espirituwal. Wala namang kikitain ang gobyerno sa pagbubukas ng mga simbahan, kaya't wala ring dahilan na ituring niya ang Simbahan bilang "essential" sa buhay ng mga Pilipino. Sa bagay na iyan, sa palagay ko, ay wala tayong magagawa. Huwag nating kalimutan na ang Pilipinas ay HINDI nga pala isang Cristianong bansa. Ang Katolisismo ay HINDI nga pala pambansang relihiyon ng Republika ng Pilipinas. Iyan ang negatibong implikasyon ng Separation of Church and Statetulad ng isang espadang may dalawang talim, sabay tayong nakikinabang at napeperwisyo sa naturang "karapatan"/"tungkulin".
Ang Simbahang Katolika ay bukas sa mga posibilidad na may mga pagkakataong ang tungkuling magsimba ay maaaring mahadlangan, at bilang Katoliko, mahalagang maging bukas din ang ating kamalayan sa mga sandaling nahaharap tayo sa mga gayong pagkakataon, at mahinahong tumugon nang ayon sa tagubilin ng Simbahan:
"If because of lack of a sacred minister or for other grave cause participation in the celebration of the Eucharist is impossible, it is specially recommended that the faithful take part in the Liturgy of the Word if it is celebrated in the parish church or in another sacred place according to the prescriptions of the diocesan bishop, or engage in prayer for an appropriate amount of time personally or in a family or, as occasion offers, in groups of families." (CCC 2183)
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF