"Prayer is the raising of one's mind and heart to God, or the petition of good things from him in accord with his will. It is always the gift of God who comes to encounter man. Christian prayer is the personal and living relationship of the children of God with their Father who is infinitely good, with his Son Jesus Christ, and with the Holy Spirit who dwells in their hearts." (CCCC 534) [Photo by Isabella and Louisa Fischer on Unsplash]
(MATEO 15: 8-9)
Sabi sa isang babasahin ng mga Saksi ni Jehova: "Kapag tayo'y nananalangin dapat na kausapin natin ang Diyos mula sa ating puso. Hindi natin dapat sambitin ang ating mga panalangin mula sa memorya o basahin ang mga ito mula sa aklat-dasalan." ("Paglapit sa Diyos sa Panalangin", Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?, 2006. p. 15.) Naaalala ko tuloy dito ang pasaring ng titser ko noon sa hayskul nang minsang magdaos ng Banal na Misa sa eskwelahan namin. "Kita mo yang pari na yan... Ilang taon na ba siyang pari? Ilang taon na ba siyang nagmimisa? Bakit hanggang ngayon hindi pa rin niya saulo ang mga dasal? Bakit kailangang basahin pa?" Tawang-tawa naman kami sa mga sinabi niya, at marami ang sumang-ayon na parang may mali nga sa gayong sistema, hindi lang sa pagmimisa ng pari, kundi sa mismong nakagisnang pamamaraan ng pananalangin nating mga Katoliko.
Bakit nga ba tayo nagsasaulo ng mga dasal? Bakit nga ba tayo gumagamit ng mga itinakdang panalangin? Bakit nga ba tila balewala sa atin na manalangin na parang robot: hindi iniisip ang sinasabi, nagsasalita nang walang damdamin (at kung meron ma'y may tonong kakatwa na hindi mo mawari kung nagbibiro, nakikipag-usap sa bata, tinatamad, o nawawala sa sarili), walang pakealam kung nagkakamali na ba sa pagbigkas ng mga salita, nagmamadali o kung minsan nama'y sobrang binabagalan? Hindi mo tuloy masisisi ang mga anti-Katoliko kung isipin man nilang akmang-akma sa atin ang mga pagsaway ng Diyos na naitala sa aklat ni Propeta Isaias: "Nilalapitan ako ng bayang ito sa salita lamang at pinararangalan ako sa mga labi lamang, samantalang malayo sa akin ang puso nila, at ang pagkatakot nila sa akin ay isang pakitang tao lamang na kanilang natutuhan" (Isaias 29: 13).
(CCCC 557)
Subalit, paano nga ba manalangin nang "mula sa puso"? Isang kabalintunaan na nang sinipi ng Panginoong Jesus ang Isaias 29: 13 (tingnan sa: Mateo 15: 8-9), sa mga sumunod na taludtod ay ilalantad din niya ang karumihan ng puso ng tao: "Sa puso nanggagaling ang masasamang pag-iisip, mga pagpatay, mga pakikiapid, mga pangangalunya, mga pagnanakaw, mga pagsaksi ng di-totoo, mga paglait sa Diyos." (15: 19). Puso nga ba talaga ang pamantayan ng tamang pananalangin? Ito nga ba talaga ang dapat panggalingan ng aking mga kahilingan sa Diyos? "Masama ang inyong hinihingi upang gamitin sa inyong kalayawan" (Santiago 4: 3)!
"Hindi natin nalalaman kung ano ang dapat nating hingin sa panalangin" (Roma 8: 26), subalit tila taliwas dito ang pag-uugali ng ilan. Sa halip na magpakumbaba at hayaan ang sariling magabayan ng mga nakagisnang dasal, tinutuligsa't hinahamak pa nila ang mga ito, at iginigiit na mas kalugud-lugod pa daw sa Diyos ang mga panalanging dagling namumutawi sa bibig nang di na gaanong pinag-isipan at udyok lamang ng damdamin. Hindi na bago sa atin ang kalimitang kinahahantungan nito: mga panalanging kung anu-ano na lamang ang mga pinagsasasabi (nagpaparinig, nagkukwento ng sariling mga problema, nagmamatuwid ng mga maling desisyon sa buhay, atbp. tingnan: Lucas 18: 9-14), at pilit na gumagamit ng mga mabulaklak na pananalita, na nauuwi sa mga walang katuturang pagdaldal at pagpapaulit-ulit.
Mabuti ang manalangin nang mag-isa (Mateo 6: 6), subalit higit na mabuti ang manalangin nang may kasama (Mateo 18: 19). Sa tuwing gumagamit tayo ng mga itinakdang panalangin ng Simbahan, nangangahulugan ito na kasama natin ang Simbahan sa pananalangin. Natitiyak nating hindi lihis sa katotohanan at kabutihan ang ating mga sinasabi at hinihiling, sapagkat ang Simbahan, na siyang "haligi at saligan ng katotohanan" (1 Timoteo 3: 15), ang nagturo at/o nagpahintulot sa mga panalanging ginagamit natin.
Ang Panginoong Jesus, ang mga Apostol, at ang mga unang Cristiano ay hindi naman laging nananalangin nang kusa at daglian lamang (extemporaneous). Bukod sa mga sariling-kathang panalangin, gumagamit din sila ng mga itinakda at nakagisnang mga salmo at dasal (Mateo 26: 30; Gawa 2: 42; Efeso 5: 19; Colosas 3: 16). Kung iisipin, hindi ba't ang mismong Aklat ng Mga Salmo ay isa ring aklat-dasalan sa Matandang Tipan? Hindi ba't ang Ama Namin ay isang itinakdang panalangin na turo mismo ng Panginoong Jesus (Mateo 6: 9-13)? Sa tuwing ginagamit ng mga saserdote ng Matandang Tipan ang panalangin ng pagbabasbas na ang Diyos mismo ang nagtakda (Bilang 6: 22-27), ang pagbabasbas ba nila'y walang kabuluhan at walang bisa, palibhasa'y binasa lamang o sinambit buhat sa memorya?
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF