"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Sabado, Mayo 25, 2024

Block lang nang Block


Image by William Iven from Pixabay

Kamakailan ay naging laman nanaman ng mga balita si Blessed Carlo Acutis dahil malapit na daw siyang madeklarang isang ganap na santo. Dahil ito sa pagkilala ng Santo Papa sa ikalawang himalang pinaniniwalaang nangyari sa bisa ng kanyang pagpapamagitan. Bilang mga Katoliko, itinuturing natin itong isang napaka-positibong balita, isang tanda na patuloy na pinagpapala ng Diyos ang Simbahang itinatag Niya, sa pamamagitan ng Kaisahan ng mga Banal (Communion of Saints). Subalit sa pananaw ng mga anti-Katoliko, isa itong balitang katawa-tawa at kalibak-libak, anupa't nang magpost sa Facebook ang GMA News hinggil dito, umabot nang mahigit sa 300 katao ang nag-"Haha" (😆), at ang karamihan sa mga komentong masusumpungan ay pawang mga pagtuligsa. Kung iisa-isahin ang mga nag-"Haha" na ito, mapapansing marami sa kanila ay mga kaanib ng sektang Iglesia ni Cristo at mga ateista — magkasing-ugali lang sila! — [1] at karamihan din sa mga ito ay pawang mga kabataan (at ilang mga matatandang asal-bata pa rin sa pananalita) [2]. May mga magtatanong, "Eh papaano mo naman nasabe?" Simple lang: Dahil talagang inisa-isa kong tingnan ang mga profile nila. Iyon lang kasi ang tanging paraan para ma-block ko silang lahat.

Oo, ginugol ko ang halos isang oras para lang mag-block ng mga anti-Katoliko sa isang partikular na post na pinili nilang putaktihin. Pag-aaksaya ba iyon ng oras? Marahil. Pero sa palagay ko, mas masasayang ang oras ko kung isa-isa kong sasagutin ang kanilang mga panunuya. Wala naman kasing sinumang tao ang basta-basta na lamang magpapalit ng kanyang pananaw matapos makipagtalo sa isang estranghero sa social media. Kahit makapaglatag pa ako ng mga matibay na argumento at ebidensyang nagpapatunay sa panig ng Katolikong Pananampalataya, at kahit sa kaibuturan ng kanilang puso ay mapagtanto nilang nagkamali nga sila, hahantong lamang ito sa pagmamatigas at mas lalong pagpupursigi na mangalap ng kakampi. [3] Mabuti sana kung may bagong impormasyon silang naiaambag hinggil sa mga paksang tinutuligsa nila, subalit kung titingnan ang kanilang mga komento sa post ng GMA News, makikitang wala silang anumang bagong argumento o ebidensya laban sa pagdedebosyon sa mga santo, ni sa kung bakit di dapat kilalaning santo si Blessed Carlo Acutis. Sa pagpapasya kong i-block silang lahat, hindi ko napagkakaitan ang sarili ko ng anumang importanteng datos na maaaring makatulong sa apolohetika, sa buhay espirituwal o sa kung ano pa man. Lahat ng mga paulit-ulit nilang pinagsasasabi ay maaari ko namang malaman sa paraang hindi nakapagdudulot ng kunsumisyon, at iyon ay sa pamamagitan ng AI.

Maaari mo naman kasing sabihin na lang sa ChatGPT, "Gumawa ng isang pormal, patas, at tahasang listahan ng mga argumentong karaniwang ginagamit ng mga di-Katolikong Cristiano sa tuwing tinutuligsa nila ang Katolikong pagdedebosyon sa mga santo. Pagkatapos, gumawa ng listahan ng kung paano karaniwang sinasagot ng Simbahang Katoliko ang mga naturang argumento." Ito ang sagot na ibinigay, at kung ikukumpara ito sa mga anti-Katolikong komentong pumutakti sa post ng GMA News, lahat ng mga sinasabi nila'y nailistang lahat nang maayos ng ChatGPT. Hindi mo na talaga kailangang makipag-usap pa sa kanila, at walang nawawala sa iyo sa pag-block mo sa kanila. Ang tanong: Sumasagi rin kaya sa isip nila na gawin ito, o kuntento na lang sila sa pag-"Haha" at paguulit-ulit ng mga komentong asal-bata at maledukado?

Mga Argumentong Karaniwang Ginagamit ng mga Di-Katolikong Cristiano Laban sa Pagdedebosyon sa mga Santo
  1. Idolatry (Pagsamba sa mga Larawan): Tinutuligsa ang pagsamba sa mga rebulto at larawan ng mga santo, na itinuturing na isang anyo ng idolatriya, na labag sa ikalawang utos.
  2. Mediatorship (Pagitan sa Diyos at Tao): Ang pagdedebosyon sa mga santo ay itinuturing na nagpapalabo sa tanging mediatorship ni Jesucristo sa pagitan ng Diyos at ng tao.
  3. Unbiblical Practice (Walang Batayan sa Bibliya): Walang malinaw na utos o halimbawa sa Bibliya na nagpapakita ng pagsamba o pagdedebosyon sa mga santo.
  4. Prayer to the Dead (Pagdarasal sa Patay): Ang pagdarasal sa mga santo ay itinuturing na isang anyo ng pakikipag-ugnayan sa mga patay, na labag sa Bibliya.
  5. Distracting from God (Paglilihis sa Pagtuon sa Diyos): Ang pagdedebosyon sa mga santo ay itinuturing na nakakapagpa-lihis ng atensyon at debosyon na dapat ay para lamang sa Diyos.

Mga Karaniwang Sagot ng Simbahang Katoliko

  1. Veneration vs. Worship (Paggalang vs. Pagsamba): Ipinapaliwanag ng Simbahang Katoliko na ang debosyon sa mga santo ay hindi pagsamba kundi paggalang (veneration) lamang, na iba sa pagsamba na tanging sa Diyos lamang.
  2. Communion of Saints (Komunyon ng mga Santo): Itinuturo ng Simbahang Katoliko na ang mga santo ay bahagi ng "communion of saints" at bilang mga kapatid sa pananampalataya, maaari silang hingan ng tulong at panalangin.
  3. Biblical Support (Suporta mula sa Bibliya): Ipinapakita ang mga halimbawa sa Bibliya ng paggalang sa mga banal na tao at paggamit ng kanilang mga larawan, tulad sa Exodus 25:18-20 at 1 Kings 6:23-28.
  4. Intercession (Pamamagitan): Ipinapaliwanag na ang mga santo ay humihiling lamang ng mga panalangin sa Diyos sa ngalan ng mga tao, tulad ng isang kapwa mananampalataya na humihiling ng panalangin.
  5. Focus on God (Pagtuon sa Diyos): Ipinapaliwanag na ang debosyon sa mga santo ay isang paraan ng pagpapalalim ng pananampalataya at pagtuon sa Diyos, sa pamamagitan ng halimbawa ng kabanalan ng mga santo.

Block lang nang block. Hindi mo obligasyong pakisamahan lahat ng tao sa mundo. Dapat mong tanggapin na may mga taong di na tinatablan ng paliwanag, lalo pa't kung di naman nila kaanu-ano yung nagpapaliwanag sa kanila. Dapat mong mapagtantong ang karamihan sa mga gumagamit ng Facebook sa Pilipinas ay pawang mga kabataan, [4] kaya't huwag kang masyadong umasang makasusumpong ka ng karunungan sa kanilang mga pinagsasasabi, [2] at mas lalong huwag ka ring umasang madaling maaarok ng isip nila ang mga dakilang hiwaga ng Katolikong Pananampalataya. [5] Isa pa, kung napakadali lang utusan ang AI na ilahad nang wasto at patas ang parehong panig ng mga Katoliko at mga di-Katoliko, bakit hindi man lang ito subukang gawin ng mga anti-Katoliko? Bakit tayong mga Katoliko lang ang nagmamalasakit pakinggan at pag-aralan ang panig ng mga taong laban sa atin, [6] habang sila'y kuntento na lamang sa kanilang mga nakagisnang anti-Katolikong pangangatuwiran?

"Huwag patuluyin sa bahay at huwag batiin. Ang sino mang bumati sa kanya ay nakikiisa sa masasamang gawain nito."

2 JUAN 1: 10-11

 


 

  1. "Itong mga taong sinasabi ko, binabastos nila ang kahit anong mga bagay na hindi nila naiintindihan. Ginagawa nila kung ano lang ang natural sa kanila kagaya ng mga hayop, at yun din ang sumisira sa kanila." (Jude 1: 10 PVCE) "Kung iniisip ng isang tao na religious sya, pero hindi naman nya kinokontrol ang dila nya, niloloko nya lang ang sarili nya, at walang silbi ang religion nya. Ang religion na totoo at walang kapintasan sa harap ng Diyos Ama ay yung tumutulong sa mga ulila at byuda sa kanilang paghihirap, at yung pag-iingat sa sarili para hindi mahawa sa kasamaan ng mundo." (James 1: 26-27 PVCE) [BUMALIK]
  2. "Nung bata pa ako, para akong bata kung magsalita, mag-isip, at mangatwiran. Pero ngayong matanda na ako, tapos na yung ganung ugali ko, hindi na ako isip at kilos bata." (1 Corinthians 13: 11 PVCE) [BUMALIK]
  3. Sa isang pag-aaral na isinagawa ng psychologist na si Leon Festinger at ng kanyang mga kasamahan, natuklasan nilang sa tuwing ang isang relihiyosong grupo ay napatutunayang mali, ang mga kaanib nito'y mas lalo lamang naninindigan sa kanilang mga maling paniniwala, at mas lalo lamang pinaiigting ang pagpapalaganap ng kanilang relihiyon. Ginagawa nila ito upang maibsan ang nararanasang cognitive dissonance — ang pagkabalisang dulot ng di pagkakatugma ng paniniwala at pag-uugali (nagkaroon ng di pagkakatugma, dahil alam na nilang mali sila, pero di nila iyon matanggap at maamin sa sarili). [BUMALIK]
  4. "According to the data from NapoleonCat, the highest share of Facebook users in the Philippines were between the age of 18 and 24, followed by those aged 25 to 34 years as of December 2023." (SOURCE) [BUMALIK]
  5. Tingnan: 1 Corinto 3: 1-3. Isang kabalintunaan na sa pagpapakita ng mga anti-Katolikong kabataan ng kanilang mga palasak, maledukado, at asal-batang pangungutya, mas lalo lamang nitong pinatitingkad ang karangalan ni Blessed Carlo Acutis, na bagama't isa ring kabataang tulad nila, ay nagtaglay ng malalim na pagkaunawa sa kahulugan ng buhay at sa kahalagahan ng buhay espirituwal. [BUMALIK]
  6. "We must get to know the outlook of our separated brethren. To achieve this purpose, study is of necessity required, and this must be pursued with a sense of realism and good will. Catholics, who already have a proper grounding, need to acquire a more adequate understanding of the respective doctrines of our separated brethren, their history, their spiritual and liturgical life, their religious psychology and general background." (Vatican II, Unitatis Redintegratio, 9) [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Lunes, Mayo 20, 2024

Maria: Ina ng Diyos, Ina ng Simbahan

REPOSTED: 9:32 PM 5/20/2024

 

INA NG DIYOS

Sa ating pagtawag sa Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Diyos (sa Griyego ay Theotokos na ang kahulugan ay "babaeng-nagsilang-sa-Diyos" — "God-bearer" sa literal na Ingles), HINDI ito nangangahulugan na ipinakikilala rin natin siya bilang:

  • isang Diyosa na nauna pang umiral sa Diyos,
  • isa pang Persona ng Diyos — alalaong-baga'y "Diyos Ina" — kasama ng Ama, Anak, at Espiritu Santo ("Kwatronidad"),
  • ina, hindi lamang ni Jesus, kundi ng buong Santisima Trinidad (Ama, Anak, at Espiritu Santo).

Bagkus, ang naturang taguri ay nangangahulugan na —

"Ibinibigay ni Maria kay Jesus ang anumang ibinibigay ng ina sa sarili niyang sanggol. Sa pamamagitan niya, si Jesus ay taong totoo. Ang Anak ni Maria at ang Anak ng Diyos ay iisa at parehong persona, Emmanuel . . . . Ipinagkaisa ng Walang-hanggang Anak ng Diyos sa kanyang persona ang sanggol na ipinaglihi ni Maria sa kanyang sinapupunan sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang sanggol na iniluwal ni Maria ay Diyos-tao, si Jesus. Kung kaya't walang pag-aatubili ang mga banal na Ama ng Simbahan na tawaging 'Ina ng Diyos' (Theotokos, 'tagapagdala-ng-Diyos') ang Mahal na Birhen." [KPK 520]

Ito'y isang napaka-liwanag na kahulugang imposibleng ikalito ng isang tunay na Katolikong Cristiano, lalo pa't tahasan namang ipinahahayag sa mismong Kredo ng mga Apostol (na dinarasal sa lingguhang Misa at sa tuwing nagdarasal ng Santo Rosaryo) kung sino ba talaga ang Panginoong Jesu-Cristo, at kung paano nga ba siya nagkaroon ng kaugnayan sa Mahal na Birheng Maria: "Sumasampalataya ako kay Jesu-Cristo, iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat. Nagkatawang-tao siya lalang ng Espiritu Santo. Ipinanganak ni Santa Mariang Birhen."

Ang pagpaparangal sa Mahal na Birhen bilang "Ina ng Diyos" ay isang matandang tradisyon na makikita sa mga katuruan ng mga Ama ng Simbahan — Ignatius (110 A.D.), Hippolytus (217 A.D.), Gregory Thaumaturgus (262 A.D.), Peter of Alexandria (305 A.D.), Methodius (305 A.D.), Alexander of Alexandria (324 A.D.), Athanasius (365 A.D.), Epiphanius (374 A.D.), Ambrose (377 A.D.), Gregory Nazianzus (382 A.D.). Hindi rin ito katangi-tangi sa Simbahang Katolika — kaisa niya rito ang mga Simbahang Ortodoksa, mga Protestanteng Luterano at Anglikano, at Iglesia Filipina Independiente.

HINDI layunin ng naturang taguri na sambahin ang Mahal na Birhen, parangalan siya nang higit sa nararapat, o gawin siyang kapalit sa mga diyosa ng paganismo (upang mahikayat ang mga pagano na umanib sa Simbahan). Bagkus, isa itong mahalagang pamamaraan ng pagpapahayag ng Simbahan sa kanyang pananampalataya hinggil sa Panginoong Jesus: hinggil sa kanyang pagiging tunay na Diyos at tunay na Tao. Ang taguring "Ina ng Diyos," bagama't iginagawad sa Mahal na Birheng Maria, ay hindi talaga tungkol sa kanya, kundi sa Panginoong Jesu-Cristong Anak niya.

"The Virgin Mary, being obedient to his word, received from an angel the glad tidings that she would bear God."

IRENAEUS (189 A.D.)
Against Heresies

KAISAHANG HIPOSTATIKO

Sa Panginoong Jesu-Cristo ➊ ang pagka-Diyos (Divine nature) at ang pagka-tao (human nature) ay nagkakaisa sa iisang persona (hypostasis), ➋ sa paraang ang pagkakaiba (distinctiveness) ng pagka-Diyos at pagka-tao ay hindi nawala, ➌ bagkus ang lahat ng mga katangian ng pagka-Diyos ay nananatili (kumpleto ang pagka-Diyos), at ang lahat ng mga katangian ng pagka-tao ay nananatili (kumpleto ang pagka-tao). Ito ang hiwaga ng kaisahang hipostatiko (hypostatic union), na buong ingat na ipinaliwanag at pinagtibay sa mga Konsilyo Ekumeniko ng Ephesus (431 A.D.), Chalcedon (451 A.D.), Constantinople II (553 A.D.), at Constantinople III (680 A.D.). Nangangahulugan ito na:

  • Ang Panginoong Jesu-Cristo ay maaaring tawaging Diyos/Anak-ng-Diyos, sapagkat taglay niya ang kalikasan ng pagka-Diyos.
  • Maaari din siyang tawaging Tao/Anak-ng-Tao, sapagkat taglay niya ang kalikasan ng pagka-tao.
  • Sa kanyang pagiging tao, ang lahat ng kanyang mga pagkilos, katangian, at karanasang pang-tao — may katawan at kaluluwa, pinangalanang "Jesus," ipinaglihi, isinilang, pinasuso, inaruga, naging masunuring anak kina Jose at Maria, natulog, napagod, nauhaw, nagutom, nakita, narinig, nahipo, naamoy, umunlad sa kaalaman, nagtrabaho bilang karpintero, walang alam sa kung kailan magaganap ang Huling Paghuhukom, tumangis, sinampal, sinuntok, dinuraan, pinutungan ng koronang tinik, nagpasan ng sariling krus, nadapa, ipinako sa krus, sinibat sa tagiliran, namatay, inilibing, muling nabuhay, umakyat sa Langit, atbp. — ay maipatutungkol sa kanyang iisang Persona: ang Anak.
  • Sapagkat ang Diyos Anak ay Diyos, na taglay ang kalikasan ng pagka-Diyos, at sa kanya maipatutungkol ang mga pagkilos, katangian, at karanasang pang-tao nang siya'y magkatawang-tao, maaari din namang sabihin na ang Diyos ay ipinaglihi, isinilang, pinasuso, inaruga, atbp. Maaaring sabihin na ang babaeng naglihi, nagsilang, nagpasuso, at nag-aruga sa kanya, bagama't tao lang, ay tunay na naging ina ng Diyos.

Sa Biblia, sinasabing ang Anak mismo ang "sinugo ng Diyos," "ipinanganak ng babae," "tumalima," "nagtiis" (Galacia 4: 4-5; Hebreo 5: 8-9). Ang "may gawa ng buhay" (Gawa 3: 15) — alalaong-baga'y ang Salitang-Diyos (Juan 1: 1-5) — ang ipinako at namatay sa krus. Walang dalawang persona na umiiral sa Panginoong Jesus, bagkus "iisa ang Panginoon, si Jesucristo, na sa pamamagitan niya'y nangyayari ang lahat at sa kaparaanan niya tayo nabubuhay" (1 Corinto 8: 6). Malinaw nga na mayroon lamang iisang Personang tinutukoy, at Siya ang ipinaglihi at isinilang ni Maria. At dahil ang Personang ito ay Diyos (ang Salitang-Diyos — Juan 1: 1-5), si Maria ay naglihi at nagsilang — alalaong-baga'y "ina" — ng Diyos. Isa itong nakamamanghang hiwaga, anupa't naibulalas ni Elisabet kay Maria: "Pinagpala ka sa mga babae at pinagpala ang bunga ng iyong sinapupunan. At bakit ipinagkaloob sa akin na ang ina ng aking Panginoon ay magsadya sa akin?" (Lucas 1: 42-43).

Dahil sa kaisahang hipostatiko ni Cristo kaya nararapat tawaging "Ina ng Diyos" si Maria, anupa't ang pagtanggi na tawagin siyang "Ina ng Diyos" ay nagiging katumbas din ng pagtanggi sa kaisahang hipostatiko, at sa gayo'y katumbas din ng maling pagkakakilala sa Panginoong Jesu-Cristo.

 

INA NG SIMBAHAN

Sinabi ng Panginoong Jesus: "Ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit ang siya kong ina at mga kapatid." (Mateo 12: 50). Kung tayong mga Cristiano ay nagiging kapatid ng Panginoong Jesus dahil sa ating pagsunod sa kalooban ng Amang nasa langit, anupa't tayo'y nagiging marapat tawaging mga "anak ng Diyos" (1 Juan 3: 1), ang isang Cristiano ay maaari ding maging ina ng Panginoong Jesus at sa gayo'y marapat tawaging "ina ng Diyos" dahil sa kanyang pagsunod sa kalooban ng Amang nasa langit — na siya namang maliwanag na natupad ni Maria.

Sa Ebanghelyo ni Juan, si Maria ang hinirang na ina ng "minamahal na alagad," at siya'y tinanggap sa "tahanan" ng naturang alagad (Juan 19: 25-27). Sa Aklat ng Pahayag, ang babaeng nagsilang sa lalaking "maghahari sa lahat ng mga bansa" ay siya ring ina ng mga "tumutupad ng mga utos ng Diyos at nagtataglay ng patotoo kay Jesus" (Pahayag 12). Maliwanag ang implikasyon: ang babaeng minarapat maging INA NG DIYOS nang dahil sa kanyang pananampalataya, ay siya ring babaeng minarapat maging INA NG SIMBAHAN — ang INA sa "tahanan" ng bawat "minamahal na alagad", ang INA ng sambayanang "tumutupad sa mga utos ng Diyos at nagtataglay ng patotoo kay Jesus." Napakalaki ng naitutulong ng kanyang mga panalangin, sapagkat sa Ebanghelyo ni San Juan, siya rin ang babaeng ang mga kahilinga'y di matatangihan ni Jesus kahit hindi pa niya "oras", hangga't silang nagpapasaklolo sa kanya ay ➊ tumatalima sa tagubilin ni Maria: "Gawin ninyo ang ano mang sabihin niya sa inyo," ➋ at ang hinihiling na biyaya'y maghahayag ng "kaluwalhatian" ni Jesus, at lalong magpapatibay sa pananampalataya ng kanyang mga alagad. (Juan 2: 1-12).

"Knowledge of the true Catholic doctrine regarding the Blessed Virgin Mary will always be a key to the exact understanding of the mystery of Christ and of the Church."

POPE PAUL VI
Redemptoris Mater, 47


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF