[Photo by Isabella and Louisa Fischer on Unsplash]
"Prayer is both a gift of grace and a determined response on our part. It always presupposes effort. The great figures of prayer of the Old Covenant before Christ, as well as the Mother of God, the saints, and he himself, all teach us this: prayer is a battle. Against whom? Against ourselves and against the wiles of the tempter who does all he can to turn man away from prayer, away from union with God. We pray as we live, because we live as we pray. If we do not want to act habitually according to the Spirit of Christ, neither can we pray habitually in his name. The 'spiritual battle' of the Christian's new life is inseparable from the battle of prayer." CCC 2725 |
Karaniwan kong naririnig sa mga pagninilay at sa mga homiliya ang reklamong naaalala lamang daw natin ang Diyos sa panahon ng kagipitan. Nakakalimot daw tayong magdasal sa tuwing masaya tayo at walang malaking pinoproblema sa buhay. Subalit makatotohanan ba ang naturang pananaw? Ganyan nga ba talaga ang ugali ng isang mananampalataya?
Kung ako ang tatanungin, masasabi kong taliwas ito sa sarili kong mga karanasan sa aking buhay-panalangin. Para sa akin, mas madaling manalangin at magtiwala sa Diyos kapag wala akong ikinababalisa. [1] Subalit sa mga panahon ng matinding pagsubok, pakiramdam ko'y tila napakalayo ng langit anupa't di ito maaabot ng kahit na anong panalangin. [2] Sa katunayan, hindi ba't ang sukdulang pagdurusa ang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagdududa sa mismong pag-iral ng Diyos, dahil sa pakiwari mo'y wala talagang Mabuting Pastol na nagbabantay at nagaalaga sa iyo? [3]
Sa harap ng isang malaking suliranin, hindi ba't nakatuon ang atensyon mo sa paghahanap ng solusyon? Mahirap magdasal, dahil wari ba'y inilalagay mo sa sapalaran ang ikalulutas ng problema mo. Bakit? Dahil naghihintay ka nang walang katiyakan kung tutulungan ka ba ng Diyos o hindi. [4] Idagdag mo pa rito ang karaniwang karanasan ng sangkatauhan na tila ba halos lahat ng mga panalangin ay tinatanggihan ng Langit (anupa't sa daan-daang taong lumipas ay naging bihasa na ang mga teyologo at apolohista sa pagkatha ng mga sari-saring pangangatuwiran at pampalubag-loob sa kung bakit di sinasagot ng Diyos ang ating mga dasal), at talagang maiisip mong ang pagdarasal ay pagaaksaya lamang ng panahon. Iniisip mong ang mismong pag-iral ng iyong problema at ang di agarang pagsaklolo ng Maykapal ay sapat nang mga "katibayan" na talagang nakapagpasya na ang Diyos na pabayaan ka na alinsunod sa kanyang "planong" di maarok ng iyong pag-iisip, ay minarapat niyang magdusa ka.
Subalit may mga sitwasyon nga ba talaga sa buhay natin kung saan ang pananalangin ay hindi naaangkop? Mapapalitan ba ang pananalangin ng ibang "mas mahalaga" o "mas nararapat" na mga pagkilos? Parang may mali sa gayong takbo ng pag-iisip, lalo pa't nababatid nating sa Diyos nakasalalay ang lahat-lahat sa atin. [5] Wala naman tayong magagawang kahit na ano malibang pagkalooban niya tayo ng lakas, pagkakataon, at kakayahan na gawin ang mga iyon. [6] Wala tayong mapangyayari sa mundong ito malibang ipahintulot iyon ng Panginoon na mangyari. Nangangahulugan ito na anumang solusyon ang maisip at maisagawa natin bilang tugon sa isang problema, makatotohanan pa ring sabihin na nagmumula ang lahat ng iyon sa Diyos, anupa't nararapat na ipagpasalamat mo pa rin ang mga iyon sa kanya, [7] at hingin ang kanyang patnubay para sa isang ganap at matagumpay na pagsasakatuparan ng mga iyon.
1 TESALONICA 5: 16-18
Hinihingi ng katuwiran na manalangin tayo nang walang humpay. Hangga't mayroon tayong ulirat, ito'y dapat laging nakatuon sa pakikipag-ugnayan sa Panginoon. Hindi ibig sabihin na di na tayo titigil sa pagrorosaryo (Pero kung may pagkakataon kang gawin iyon, bakit hindi?). Hindi ibig sabihin na maglilitanya na tayo nang maghapon at magdamag (Pero kung puwede naman, bakit hindi?). [8] Ang pananalangin nang walang humpay ay ang pagkakaroon ng palagia't kusang-loob na kamalayan sa Diyos na alam mong sumasalahat-ng-dako, sa Diyos na alam mong siyang Kabutihan at Pag-ibig mismo, [9] sa Diyos na alam mong di ka kailanman pababayaan, [10] at di ka kailanman ilalagay sa mga sulirani't kasawiang walang katuturan. [11]
Paano ba mabuhay sa ilalim ng presensya ng Diyos? Maihahalintulad ko ito sa ugali ng aking alagang aso. Ibang-iba ang ugali ng aso kapag kasama niya ang amo niya kumpara sa kung ibang tao ang kasama niya. Sa piling ng kanyang amo, panatag ang loob ng aso. Hindi man ito laging nagpapapansin, naglalambing, nanghihingi ng pagkain, o nakikipaglaro, naroon pa rin lagi ang kamalayan niyang kasama niya ang amo niya, anupa't panatag siyang humiga o umupo o magiba-iba ng puwesto o maglaro nang walang ikinababahala. Subalit sa tuwing may bisita, halatang-halata ang pagbabago ng kanyang ugali. Naroon ang isang namamalaging tensyon sa kanyang mga pagkilos. Lagi siyang naka-alerto sa bawat mumunting paggalaw ng estranghero. Marinig lamang niya ang boses nito'y nagagalit na siya at tumatahol. Iiwasan niya ito, aangilan kung mapapalapit, at kahit sa pagtulog ay laging nakahandang mangagat. Sa kanyang mga pagkilos ay naipatatalastas ang isang malinaw na mensahe: "Kilala ko ang amo ko, iginagalang ko siya, at panatag ako sa piling niya. At ikaw na isang dayo ay walang kapangyarihan sa akin, at isa kang banta na kailangan kong pag-ingatan."
Kung alam kong kasama ko ang Diyos, hindi ako dapat madaling nababalisa. [12] Mabalisa man ako, palibhasa'y tao lang na mahina at makasalanan, alam ko naman kung kanino ako tatakbo at magpapasaklolo. [13] Buo rin ang pagtitiwala kong di ko na kailangan pang magmakaawa, ni magpaliwanag pa nang mahaba hinggil sa kung bakit ako nangangailangan ng tulong. [14] Anumang problema ang dumating, at kahit masawimpalad mang mapanaigan ako ng mga iyon, mananatili pa rin akong umaasa na ipagkakaloob sa akin ng Diyos ang katarungan sa panahong nararapat. [15]
Ang ating mga pagaatubili sa panalangin ay laging sintomas ng kawalan ng pananampalataya, o di kaya'y ng isang mababaw o sinsay na pagkakakilala sa Maylikha. Nagpapahiwatig ito ng isang di-halatang anyo ng idolatria, o ng kahinaan ng loob na humahantong sa idolatria. Bakit? Dahil may iba kang pinagkakatiwalaan ng buong buhay at pagkatao mo liban sa Diyos na lumikha sa iyo, o di kaya'y may mga kinatatakutan kang mga kapangyarihan sa mundong ito na inaakala mong mas makapangyarihan pa sa Diyos. Likas na sa ating mga tao ang pagiging relihiyoso, kaya't kung ayaw mong magdasal sa Diyos, tiyak na may iba ka lang na "dinadasalan." Kung mahina ang pananalig mo sa Maykapal, iyon ay dahil mas pinili mong "manalig" sa kapwa mo kinapal.
- Job 1: 6-12; 2: 1-6. [BUMALIK]
- Salmo 21. [BUMALIK]
- Juan 10: 11-18. [BUMALIK]
- Isa ito sa mga karaniwang tukso sa buhay-panalangin: Ang kawalan ng pananampalataya (Santiago 1: 6-8). [BUMALIK]
- Gawa 17: 28. [BUMALIK]
- Filipos 2: 13. [BUMALIK]
- 1 Tesalonica 5: 17. [BUMALIK]
- Lucas 2: 37. [BUMALIK]
- Salmo 106; 1 Juan 4: 8. [BUMALIK]
- Mateo 6: 25-34; 7: 7-11. [BUMALIK]
- Mateo 5: 3-12; Juan 15: 18-21; 2 Timoteo 2: 11-12. [BUMALIK]
- Salmo 26. [BUMALIK]
- Santiago 4: 7-8. [BUMALIK]
- Mateo 6: 7-8. [BUMALIK]
- Lucas 18: 1-8. [BUMALIK]
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF