"How can the RCC explain this?" Bilang mga Katolikong Cristiano, ipinaliliwanag namin ang aming relihiyon batay sa pamantayan ng mga Banal na Kasulatan, Banal na Tradisyon, at Mahisteryo (CCC 95). Sinisikap din namin na maging makatuwiran at mapagpakumbaba, taliwas sa pag-uugali ng mga bulaang mangangaral na "mapagmataas," "parang mga hayop na walang isip," at "kinakalaban ang mga bagay na hindi nila nauunawaan" (2 Pedro 2: 10, 12 MBB).
Ngayon, bilang tugon sa naturang anti-Katolisismo na nakita ko sa Facebook, narito ang mga masasabi ko:
- Hinggil sa larawang ginamit sa post, hindi ito imahen na ang pangunahing diwa ay ang pagpapakilala kay Maria bilang Ina ng Diyos. Bagkus, ito'y imahen ng Pagpuputong ng Korona kay Maria, na matatagpuan sa Santuário de Fátima sa Portugal. Isa itong matalinghagang paglalarawan ng kanyang dakilang katatayuan bilang Inang Reyna ng Panginoong Jesu-Cristo, ang Hari ng mga Hari. Naipaliwanag ko na ito noon sa aking artikulo tungkol sa Santo Rosaryo:
Sa mga sinaunang kaharian (lalo na sa paghahari ni Haring Solomon), ang nagiging Reyna ng Kaharian ay ang INA NG HARI, hindi ang asawa ng Hari (1 Hari 15: 10, 13; 2 Hari 21: 1, 19, 22: 1, 18: 2; Nehemiah 2: 6; Daniel 5: 10). Siya'y tinatawag na Gebira, salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay "dakilang ginang". Ang Inang Reyna ang may kapamahalaang pangalawa lamang sa Hari. Siya'y napuputungan din ng korona, tanda ng kanyang kapangyarihan (Jeremias 13: 18) at naluluklok din siya sa isang trono na nasa kanan ng trono ng Hari (1 Hari 2: 19).
Ang Panginoong Jesu-Cristo ay "Hari ng mga hari" (Pahayag 1: 5, 17: 14). Sa kanya ipinagkaloob ang trono ni David (Lucas 1: 32). "Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan." (Lucas 1: 33). Kaya't kung ang ina ng Hari ang Reyna sa Kaharian ni David, at si Jesus ang nagmana sa Kaharian ni David, at si Maria ang ina ni Jesus (Mateo 1: 16), samakatwid, si Maria ang Inang Reyna sa Kaharian ni Jesus. Nang dinalaw ni Maria si Elisabet, sinabi nito sa kanya: "Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon?" (Lucas 1: 43). Pinatutunayan nito ang kanyang dakilang katayuan sa harap ng mga Cristianong nakakikilala sa kanya.
Ayon sa Hebreo 1: 8-9, ang Panginoong Jesu-Cristo ang katuparan ng Salmo 45: 6-7. Subalit sa pagpapatuloy ng naturang awit hanggang sa ika-siyam na taludtod, binabanggit din ang Inang Reyna na nakatayo sa kanan ng Hari: "Samantalang sa kanan mo, nakatayo yaong reyna, palamuti'y gintong lantay sa damit na suot niya." Kaya kung si Jesus ang Hari sa salmong ito, si Maria naman ang Reyna.
Sa Pahayag 12: 1, ipinakita ng Diyos kay Apostol San Juan si Maria na puspos ng kadakilaan bilang Inang Reyna ng Kaharian ng Diyos: "Isang babaing nararamtan ng araw at nakatuntong sa buwan; ang ulo niya'y may koronang binubuo ng labindalawang bituin." Sa Biblia, ang mga araw, buwan, at bituin ay simbolo ng regalya o makaharing katayuan. Halimbawa, bago naging Tagapamahala ng Egipto ang patriarkang si Jose, nakita niya sa panaginip ang araw, buwan, at bituin na yumukod sa harap niya (Genesis 37: 9). Ang korona ng labindalawang bituin ni Maria ay sumasagisag sa Kaharian kung saan siya naging Reyna: Ang labindalawang lipi ng Israel o ang Kaharian ni David, at ang labindalawang Apostol ni Jesu-Cristo o ang mga haligi/saligan ng Kaharian ng Diyos. Kung si Maria ang Inang Reyna ng Kaharian ni David at ng Kaharian ng Diyos, samakatwid ang kanyang Anak na si Jesus ang siyang "itinakdang maghahari sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng kamay na bakal" (Pahayag 12: 5). Sa halip na sapawan o lituhin ang kadakilaan ng Panginoong Jesus, binibigyang-diin pa nga ng pagka-Reyna ni Maria ang katotohanang kay Jesus ipinagkaloob ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa lupa (Mateo 28: 18).
Sinasabi natin na ito'y "matalinghagang paglalarawan" sapagkat ang mga banal na imahen sa Simbahan ay laging may kaakibat na malalim na kahulugan na sinasagisag ng mga detalye at estilo ng mga ito. Sila'y mga kasangkapan ng pagninilay (CCC 2502-2503), hindi mga litratong nagpapakita ng aktuwal o literal na hitsura o pangyayari. Kaya't sa naturang imahen, hindi sinasabi ng Simbahan na gayon ang literal at eksaktong hitsura ng Ama, ng Panginoong Jesus, ng Espiritu Santo, at ng Mahal na Birhen. Hindi sinasabi ng Simbahan na gayon ang literal at eksaktong mga nangyari nang si Maria ay naging Inang Reyna ng Panginoong Jesus.
- "Paano naging mother of God si Mary" Natalakay ko na ito noon sa aking artikulong "Maria: Ina ng Diyos, Ina ng Simbahan." Malinaw ang pagpapaliwanag ng Simbahan hinggil sa doktrinang ito:
"Ibinibigay ni Maria kay Jesus ang anumang ibinibigay ng ina sa sarili niyang sanggol. Sa pamamagitan niya, si Jesus ay taong totoo. Ang Anak ni Maria at ang Anak ng Diyos ay iisa at parehong persona, Emmanuel . . . . Ipinagkaisa ng Walang-hanggang Anak ng Diyos sa kanyang persona ang sanggol na ipinaglihi ni Maria sa kanyang sinapupunan sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang sanggol na iniluwal ni Maria ay Diyos-tao, si Jesus. Kung kaya't walang pag-aatubili ang mga banal na Ama ng Simbahan na tawaging 'Ina ng Diyos' (Theotokos, 'tagapagdala-ng-Diyos') ang Mahal na Birhen." [KPK 520]
- Ngayon, paano nadawit dito ang Juan 1: 18? "No one has ever seen God. The only Son, God, who is at the Father's side, has revealed him" (NABRE). Hindi malinaw kung ano bang ipinupunto rito ng post. Hindi naman sinasabi ng taludtod na ito na walang makakakita sa Diyos kailanman; na tanging ang Anak lang ang maaaring makakita sa Ama, anupa't kahit makarating ka na sa Langit ay hindi mo pa rin makikita ang Diyos. Kung si Maria ay naiakyat na sa Langit nang may katawan at kaluluwa, samakatuwid, "nakikita" na niya ang Diyos nang harapan:
"Beloved, we are God's children now; what we shall be has not yet been revealed. We do know that when it is revealed we shall be like him, for we shall see him as he is." (1 John 3: 2 NABRE) "Blessed are the clean of heart, for they will see God." (Matthew 5: 8 NABRE)
Kung ang punto ng post ay ang pagsasabing hindi pa nakikita ni Maria ang Diyos nang siya'y nabubuhay pa sa daigdig, tama naman. Sa kabila ng kanyang dakilang katatayuan bilang Ina ng Diyos at Inang Reyna ng Hari ng mga Hari, namuhay din siya sa daigdig nang gaya natin namuhay din siya nang batay sa pananampalataya, umaasa sa katuparan ng mga ipinangako ng Diyos, at naninindigan sa mga bagay na di pa niya nakikita (Hebreo 11: 1; Lucas 1: 45). Kung tutuusin, naging marapat nga siyang parangalan sa kanyang katatayuan bilang Ina ng Diyos dahil sa kanyang pananampalataya:
"Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpala ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!" (Lucas 1: 42-45 MBB)
•••
Karaniwan na sa social media ang mga ganitong kakatwa at mababaw na anti-Katolisismo, kung saan sadyang binabaluktot ang panig ng Simbahan para magmukhang mali o katawa-tawa. Subalit para sa anong layunin? Para magpapansin? Para magmukhang magaling sa harap ng mga inaakalang mangmang na Katoliko? Iniisip ba nilang may nagagawa silang mabuti sa mundo, at napararangalan nila ang Diyos sa gayong pag-uugali? Maging ano pa man ang motibo ng naturang post, malinaw itong nagtataglay ng halos lahat ng mga katangian ng isang bulaang mangangaral na noon pa ma'y ibinabala na sa atin nina Apostol San Pedro at San Judas Tadeo (2 Pedro 2; Judas). Agad nalalantad sa mundo kung sino ba talaga ang nasa panig ng Diyos, at kung sino ang mga nasa panig ng diyablo, ang ama ng kasinungalingan (Juan 8: 44).
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF