". . . tinupok niya ang dalawang lungsod ng Sodoma at Gomora at pinarusahan sila hanggang malipol bilang halimbawa ng sasapit sa mga tampalasan; iniligtas niya ang matuwid na si Lot, na nahirapan dahil sa kahalayan ng mga salaring yaon sapagkat ang taong matuwid na ito na nakikipamayan sa kanila ay nahihirapan sa kanyang kaluluwang banal araw-araw dahil sa masasamang gawain na kanyang nakikita at naririnig. Nalalaman ng Panginoon kung paanong ililigtas sa pagsubok ang mga banal at ilalaan ang parusa sa mga tampalasan hanggang sa araw ng paghuhukom . . ."(2 PEDRO 2: 6-9)
Bilang mga Katoliko, tinuruan tayong alalahanin ang buhay ng mga Santo at Santa upang matuto tayo sa kanilang mga halimbawa. Alalahanin natin, kung gayon, itong si Lot na ayon kay San Pedro ay isang "taong matuwid" at may "kaluluwang banal" daw, at suriin natin kung anu-ano ba ang mga maaari nating matutuhan mula sa kanya partikular, sa kanyang "kabanalan" nang siya'y naroroon sa bayan ng Sodoma.
"Ang mga tao sa Sodoma ay sukdulan nang sama at mga makasalanan laban sa Panginoon" (Genesis 13: 13). Sabi pa, sila'y mga palalo, walang malasakit sa mga dukha at nangangailangan, mapagmataas, at gumawa ng mga nakasusuklam sa paningin ng Diyos (Ezekiel 16: 49-50). Sila'y "nagumon sa kahalayan at sa nakahihiyang mga kasalanan sa laman" (Judas 1: 7).
Sa kabila nito'y pinili pa rin ni Lot na makipamayan sa kanila! Ito ba ang pag-uugali ng isang "taong matuwid" na may "kaluluwang banal"?1 Hindi ba't ang isang tunay na mabuting tao ay "di tumatahak sa daan ng mga makasalanan, ni umuupo sa pagtitipon ng mga palalo" (Salmo 1: 1)? Subalit bago tayo magsimulang mag-isip ng kung anu-ano, alalahanin nating napakadaling manghusga ng kapwa batay lang sa kung saan sila nakatira, o kung sinu-sino ang mga taong lagi nilang kasalamuha. Mismong ang Panginoong Jesus nga ay naging biktima rin ng ganitong di makatarungang panghuhusga (Juan 1: 46; Mateo 11: 19). Marami tayong hindi alam sa kalalagayan ni Lot, at kung ano ba talagang nagtulak sa kanya na magpasyang manirahan sa piling ng mga taong sukdulan ang kasamaan. Hindi dahil sa naninirahan ka isang masamang lugar, ay agad-agad na nating masasabi na ikaw mismo'y naging masama na rin!
Hindi natin ipinagwawalang-bahala ang panganib ng pakikihalubilo sa mga masasamang tao (1 Corinto 15: 33; Judas 1: 23), kaya hangga't maaari, ang pag-iwas sa kanila ang pinakamabuting gawin (1 Corinto 5: 11). Subalit hindi ito dahilan upang husgahan silang mga di makaiwas, lalo pa't kung di mo naman batid ang kani-kanilang natatanging sitwasyon sa buhay. Ang Diyos lamang, na siyang nakatatalastas sa nilalaman ng ating puso, ang makapagsasabi ng ating tunay na katayuan sa harap niya. Sa kaso ni Lot, nakita ng Diyos ang paghihirap ng kaluluwa nito sa piling ng mga taga-Sodoma, at itinuring niya itong kabanalan.
Dahil sa sukdulang kasamaan ng Sodoma, nagpasya ang Diyos na gunawin na ito. Subalit hindi ito dahil sa sila'y wala na talagang pag-asa, at lubusan nang pinagkaitan ng pagkakataong magbago. Sa kanilang pag-uusap ni Abraham, tiniyak ng Diyos na kung may masusumpungan siyang kahit sampung matuwid na tao lang sa bayang iyon, hindi na niya ito gugunawin (Genesis 18: 16-33). Kaya naman, dalawang anghel ang isinugo ng Diyos upang tingnan ang aktuwal na kalalagayan ng bayan.
Nagtungo nga sila habang nasa anyo ng dalawang kalalakihan. Saka naman sila sinalubong ni Lot, na sinasabing "nakaupo sa pintuan ng Sodoma" (Genesis 19: 1). Bakit siya nakaupo lamang doon hanggang sa magtatakipsilim? Paraan kaya niya ito upang ilayo sa kapahamakan ang mga dayuhang mapapadaan sa Sodoma? Siguro. Sinabi niya sa mga anghel: "Ipinamamanhik ko sa inyo, aking mga panginoon, na tumuloy kayo sa bahay ng inyong lingkod, dito kayo magpagabi at maghugas ng mga paa; at bukas ay gumising kayo nang maaga at ipagpatuloy ang inyong lakad." (Genesis 19: 2) malinaw na ipinahihiwatig ng kanyang mga pananalita at pagkilos na hindi niya ibig manatili sa bayan ang mga anghel, at sila'y sadya niyang iniiwas na makahalubilo ng mga taga-roon.
Para sa mga mahihilig magbasa ng Biblia, alam na natin ang mga sumunod na nangyari: ang bahay ni Lot ay pinaligiran ng buong bayan (Genesis 19: 4), at inutusan siyang palabasin ang kanyang mga panauhin upang gahasain nila. Isa itong lubhang nakatatakot na sitwasyon. Anong gagawin mo kung ikaw ang nasa kalagayan ni Lot? Marahil, nang mga sandaling iyon, napagtanto na niya na siya'y nalalagay sa isang desperadong sitwasyon na hindi matatakasan, na ang tanging mga pagpipilian ay (a) ipaglaban ang kanyang sambahayan at mga panauhin hanggang kamatayan, (b) hayaang ipagahasa ang kanyang mga panauhin, o (c) isakripisyo ang kanyang dalawang anak na dalaga.
Sa kanyang pagkaligalig, nagdesisyon si Lot:
"Ipinakikiusap ko sa inyo, mga kapatid, na huwag sana kayong gumawa ng masama. May dalawa akong anak na babae na hindi pa nakakikilala ng lalaki. Sila'y aking ilalabas sa inyo: gawin ang nais ninyo sa kanila, huwag lamang kayong gumawa ng ano mang bagay sa mga taong ito, dahil sila'y nakituloy lamang sa aking bubong." (Genesis 19: 7-8)
Sinong matinong magulang ang magmumungkahing ipagahasa ang kanyang sariling mga anak, upang di magahasa ang kanyang mga panauhin? Maling-mali at lubhang nakababagabag!2 Ganyan ba dapat mag-isip ang isang "taong matuwid" na may "kaluluwang banal"? Subalit paano kung may naiibang anggulo sa pangyayaring ito na hindi natin natatalastas? Malinaw naman sa konteksto na parehong masama ang gahasain ang mga panauhin ni Lot o ang gahasain ang dalawang anak niyang dalaga, at malinaw din namang ipinakiusap niya sa mga taga-Sodoma na huwag silang gumawa ng masama. Nang ialok niya ang kanyang mga anak sa kanila, posible kaya na may iba talaga siyang intensyon?
Makasusumpong tayo sa Biblia ng mga pagkakataong may masamang gawang tila ba ipinagagawa ng Diyos o ng isang matuwid na tao, subalit hindi talaga ito ang tunay na motibo, bagkus ay may natatagong matuwid na layunin. Halimbawa:
- Nang ipag-utos ng Diyos kay Abraham: "Kunin mo ang iyong kaisa-isang anak na minamahal, at pumaroon ka sa lupain ng Moriah, at doon ay ialay mo siya sa akin bilang isang susunuging handog sa bundok na aking ituturo sa iyo" (Genesis 22: 2), batid nating hindi talaga ito ang tunay na layunin ng Diyos. Alam nating sinusubok lamang niya si Abraham. (Wikipedia: Binding of Isaac)
- Nang may dalawang babaeng lumapit kay Solomon upang humatol hinggil sa kanilang pinag-aagawang sanggol, ipinag-utos niya: "Dalhin ninyo ang isang tabak! Hatiin ninyo ang bata nang dalawang bahagi at ibigay ang kalahati sa isa at ang kalahati sa ikalawa!" (1 Mga Hari 3: 24-25). Batid nating hindi talaga ito ang ibig niyang mangyari, bagkus pamamaraan lamang niya ito upang matukoy ang tunay na ina ng bata. (Wikipedia: Judgement of Solomon)
- Nang dinala kay Jesus ang isang babaeng nahuli sa pakikiapid, at siya'y tinanong kung sumasang-ayon ba siya sa itinatakda ng Kautusan na ito'y batuhin hanggang mamatay, sinabi niya: "Ang walang kasalanan sa inyo ang siyang unang pumukol ng bato sa kanya!" (Juan 8: 7). Batid nating hindi talaga niya ibig hatulan ng parusa ang babae, bagkus bigyan ito ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa kasalanan. (Wikipedia: Jesus and the woman taken in adultery)
Sa panig ni Lot, ano naman kaya, kung gayon, ang posibleng matuwid o makatuwirang motibo sa pag-aalok ng sariling mga anak upang ipagahasa? Hindi ko alam, at mahirap maghaka-haka.3 Ang sa pakiwari ko lang, ang kanyang mga pananalita ay tila ba nagdulot ng pag-uusig ng budhi sa mga taga-Sodoma, anupa't inisip nilang siya'y nangangahas na maging pinuno o hukom nila ("This fellow came to sojourn, and he would play the judge!" Genesis 19: 9 RSVCE2). Ang talagang tangi't nangingibabaw na layunin ni Lot ay ang kanyang naunang sinabi: "Ipinakikiusap ko sa inyo, mga kapatid, na huwag sana kayong gumawa ng masama." Marahil, umaasa siyang sila mismo'y matitigilan at mababagabag sa kanyang alok, at mag-uudyok sa kanilang mapagtanto na sumosobra na pala talaga sila. Sa ganitong pananaw, hindi ba't nagiging mas katanggap-tanggap na ang pagpapakilala sa kanya ni San Pedro bilang isang "taong matuwid" na may "kaluluwang banal"?
Kung nakinig sana sila kay Lot, baka hindi na ginunaw ang Sodoma. Subalit sa halip na mabagabag sa alok ng isang amang ipagagahasa ang sariling mga anak, nakaisip pa sila ng mas masamang gagawin: "Ngayon ay sasamain ka, higit pa sa kanila" ang banta nila kay Lot (Genesis 19: 9). Ipinahihiwatig nito na silang lahat si Lot, ang asawa't mga anak nito, at ang mga panauhing anghel ay gagahasain nila, at titiyaking si Lot ang daranas ng pinakamalalang panggagahasa. Nakatatakot. Nakapangingilabot. Karimarimarim.
Matapos gunawin ng Diyos ang Sodoma at Gomora, heto nanaman si Lot at nalagay sa isang sitwasyong napagdududahan ang kanyang pagiging "matuwid". Sa pag-aakalang nalipol na ang sangkatauhan at ang ama na lamang nila ang tanging lalaki sa mundo, minabuti ng dalawang anak na babae ni Lot na lasingin siya at makipagtalik sa kanya (Genesis 19: 30-38).4 Kung iisipin, biktima lamang si Lot dito; masasabi nating ginahasa siya ng sarili niyang mga anak.
Hindi tamang maglasing. Hindi tamang makipagtalik sa sariling magulang. Hindi tamang nagdedesisyon ka sa buhay nang di isinasangguni sa Diyos. Subalit ang mga nangyari sa kanila ay maituturing na bunsod ng labis na pagkabalisa (psychological trauma) sa kanilang mga pinagdaanan: ang pagkawala ng lahat ng kanilang mga ari-arian, ang pagkamatay ng asawa ni Lot (na naging haliging asin) at ng mga dapat sana'y magiging asawa ng mga anak niya, at ang mismong karanasan ng kanilang pagtakas habang nagaganap ang paggunaw sa Sodoma at Gomora. Kung ako ang tatanungin, kalabisan nang pag-isipan pa nang masama sina Lot at ang mga anak niya sa mga nangyaring ito. Oo, maling-mali ang mga nangyari, subalit ito'y mga kapata-patawad na pagkakamali.
Ano, kung gayon, ang masasabi natin hinggil kay Lot? May punto ba si San Pedro para ituring siyang isang "taong matuwid" na may "kaluluwang banal"? Matututo ba tayo ng kabanalan kung ating pagninilayan ang kanyang buhay? Marapat ba siyang mapabilang sa hanay ng mga Santo na pinararangalan at dinadalanginan sa Simbahang Katolika? Ito'y mga katanungang mahirap sagutin. Ang masasabi ko lang, siguro, kung ako ang nasa kalagayan ni Lot, baka mas masama pa ang mga ginawa ko, at ang mga sinapit ko! Hindi ko maituturing ang aking sarili na "mas matuwid" kaysa sa kanya!
- Sa katunayan, maraming Judio rin ang nakapansin ng kabalintunaang ito, at nagkaroon ng mga negatibong pananaw hinggil kay Lot. Ayon sa 1906 Jewish Encyclopedia,
"Lot is generally represented by the Rabbis in an unfavorable light . . . Lot showed himself rebellious . . . Lot, while separating himself from Abraham, separated himself from God . . . Lot was given over to lust; therefore he chose Sodom as his residence . . . . he was besides very greedy of wealth; and at Sodom he practised usury . . . All the special favors which Lot received from God were granted through the merit of Abraham; otherwise he would have perished with the people of Sodom." (https://jewishencyclopedia.com/articles/10122-lot)
Sa kabilang banda, mayroon din namang mga Judio, gaya ng may-akda ng Aklat ng Karunungan, na kinilala si Lot bilang matuwid na tao (Karunungan 19: 17), at marahil, ito pa nga ang nakaimpluwensya kay San Pedro, na tatlong beses pang tinawag na "matuwid" si Lot.
Pansinin na hindi kabilang si Lot sa listahan ng mga Banal na tao ng Matandang Tipan na tahasang pinipintuho sa Simbahang Katolika. [BUMALIK]
- Muli, isa ito sa mga itinuturong katibayan ng maraming mga Judio upang ituring si Lot na talagang isang masamang tao:
"According to the midrash (Tanhuma, Vayera 12), Lot, from the outset, decided to dwell in Sodom because he wanted to engage in the licentious behavior of its inhabitants. His negative behavior comes to the fore when the townspeople mill about his door, demanding that he hand over the angels, and he instead offers his daughters to the mob. The Rabbis observe that a man usually allows himself to be killed in order to save his wife and children, while Lot was willing to allow the townspeople to abuse his daughters."
(https://jwa.org/encyclopedia/article/lots-daughters-midrash-and-aggadah) [BUMALIK] - Ayon sa karaniwang paliwanag ng mga dalubhasa, noong kapanahunan daw ni Lot ay napaka-sagradong tungkulin ang mabuting pakikitungo sa panauhin, kaya't sa pagitan ng dalawang kasamaan, inisip ni Lot na mas masama na hayaang magahasa ang kanyang mga panauhin kaysa sa ipagahasa ang kanyang sariling mga anak (ganito ang paliwanag sa mga Bibliang NAB at JB).
Iba naman ang mungkahing paliwanag dito ng Haydock Catholic Bible Commentary. Anila, batid naman na ni Lot na pawang mga bakla ang mga lalaking taga-Sodoma na sumugod sa bahay niya, at ang kanyang mga anak na dalaga ay naipagkasundo nang makasal sa mga kababayan nila, kaya't natitiyak niyang tatanggihan nila ang kanyang mga anak. Ang talagang layunin ng kanyang pag-aalok ay upang lituhin sila, at bigyan ng panahon ang kanyang mga panauhin na makatakas. [BUMALIK]
- Kasalanan pa rin ba ni Lot ang pakikipagtalik sa kanya ng sarili niyang mga anak? Sa pananaw ng maraming Judio, oo:
"Another midrash (Aggadat Bereshit [ed. Buber] 25:1) regards the daughters' act as punishment for their father's own sexual promiscuity. Lot thought that if he were to dwell in Sodom, he could engage in licentious behavior without anyone's knowledge. He accordingly was punished by his daughters engaging in intercourse with him . . . Lot was eager to engage in promiscuity; in the end, his daughters played the harlot with him.
"Another Rabbinic view was that Lot secretly lusted after his daughters. He was intoxicated when the elder sister lay with him, but he was sober when she rose . . . Despite his knowledge of what had transpired, he did not refrain from drinking wine the next night as well, and lying with his younger daughter (Gen. Rabbah 51:8–9)."
(https://jwa.org/encyclopedia/article/lots-daughters-midrash-and-aggadah) [BUMALIK]
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF