FEATURED POST

Miyerkules ng Abo

[ REVISED AND REUPLOADED ] "Sa pamamagitan ng Miyerkules ng Abo, sinisimulan natin ang panahon ng Kuwaresma bilang paghahanda sa Misteryo ng Paskuwa—ang pagpapakasakit, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesus. Sinisimulan natin ang Kuwaresma sa pagpapahid ng abo sa noo bilang tanda ng ating pagdadalamhati o pagsisisi sa mga ginawa nating kasalanan. Subalit ang ritwal na ito ay kailangang may kalakip na pagbabalik-loob o pagbabago ng puso. Umaasa tayo sa kabutihan at awa ng Diyos sapagkat batid natin na hindi sapat ang sarili nating lakas." [SOURCE: Paunang Salita, Sambuhay, Pebrero 25, 2009.] [ PHOTO: Ahna Ziegler on Unsplash ]   TAYO LANG BANG MGA KATOLIKO ANG NAGDIRIWANG NG MIYERKULES NG ABO? Hindi nag-iisa ang Simbahang Katolika sa pagdiriwang ng MiĆ©rcoles de Ceniza. Isinasagawa rin ito ng mga sektang Anglikano , Luterano , Metodista , at ng iba pang mga grupong Protestante at independienteng Katoliko . Bagama't hindi ito ipinagdiriwang ng karamiha...

Ang Aking Opinyon Hinggil sa Paggamit ng Kalapati sa Rituwal ng Salubong sa Parokya ng Inmaculada Concepcion, Diyosesis ng Kalookan

"Animals are entrusted to man's stewardship; he must show them kindness. They may be used to serve the just satisfaction of man's needs."

– CATECHISM OF THE CATHOLIC CHURCH, 2457




1. Ano bang nangyari?

Batay sa opisyal na paliwanag ng diyosesis at ng parokya,1 walong dekada na silang gumagamit ng buhay na kalapati sa bahagi ng pagtatanggal ng belo sa imahen ng Mahal na Birhen: nakabitin sa mga lobo, nakatali ang mga pakpak sa patpat upang manatiling nakabuka, may pangkalawit na nakatali sa paa para panungkit ng belo, at saka hinahayaang tangayin sa alapaap kasama ng mga lobo. Ito daw ang ginawa nilang alternatibo sa nakagisnang paggamit ng mga bata na nagdadamit anghel habang nakalambiting hinihila ang belo sa imahen.

TALABABA
  1. "The parish has long practiced the use of a live pigeon—rather than a child dressed as an angel—for several decades, ever since after the Second World War, as a safer and less distressing alternative." (The Diocesan Shrine and Parish of Immaculate Conception - Malabon, Public Apology on Salubong Celebration. April 8, 2026. URL: https://web.facebook.com/ICPmalabon1907/posts/pfbid02bTduRY5aJXAVYEPPBGR86cZ3oTWPRrHudNyb9wim7HpBbWYULaUQY8d9toHMf8wTl) | "Walong dekada na pala nilang ginagawa ang tradisyon na iyon." (Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David. URL: "https://www.veritasph.net/cardinal-david-humingi-ng-paumanhin-sa-insidente-ng-animal-abuse-sa-malabon")

Marami ang nagalit ngayong taon sa halatang kalupitang dinanas ng mga kalapati, at nagpahayag sa social media ng kanilang mga saloobin.





2. Ano bang masama eh kalapati lang naman 'yan?

Kahit pagsamahin pa ang lahat ng hayop sa daigdig, hindi pa rin nila matutumbasan ang dangal ng kahit isang tao, sapagkat ang tao lamang ang nilikhang kalarawan ng Diyos (Genesis 1:26-27) at may kaluluwang imortal (Genesis 2:7; Mateo 10:28), at siyang inatasang tagapangalaga ng iba pang mga maybuhay na nilalang (Salmo 8:6-8). "Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon?" (Mateo 6:26 MBB)

Gayon man, ang ating nakatataas na dangal ay hindi nagbibigay sa atin ng karapatan na mang-api ng hayop, bagkus tungkulin pa nga natin na maging mabait sa kanila at huwag silang dudulutan ng di kinakailangang paghihirap. "Kahit sa kanyang mga hayop ang matuwid ay mabait." (Kawikaan 12:10 MBB)

Samakatuwid, masama ang ginawa sa mga kalapati, hindi dahil sa pagkakaroon nila ng "karapatang pang-hayop" ni ng dangal na kapantay ng tao, kundi dahil paglapastangan ito sa dangal ng tao bilang mga inatasang tagapangalaga.2 Sa mga nangyaring pagpapahirap sa mga kalapati, dinudungisan natin ang imahen ng Diyos na taglay natin sa ating pagkatao: ang imahen ng Diyos na nagmamahal at nangangalaga sa lahat ng maybuhay (Karunungan 11:24-26; Mateo 6:26).

TALABABA
  1. "It is contrary to human dignity to cause animals to suffer or die needlessly. It is likewise unworthy to spend money on them that should as a priority go to the relief of human misery. One can love animals; one should not direct to them the affection due only to persons." (CCC 2418)

Bukod pa riyan, ang mga kalapati, kahit may nakabababang antas ng pag-iisip kumpara sa atin ("...katulad ng isang kalapati, mangmang at walang pang-unawa" — Oseas 7:11 MBB), ay bahagi ng kalikasang nagpapahayag ng dakilang karunungan at kapangyarihan ng Diyos (Salmo 148:10; Job 12:7-11). Kaya naman, ang walang pakundangang pagpapahirap sa kanila ay kawalang-galang sa Diyos.3

TALABABA
  1. "Animals are God's creatures. He surrounds them with his providential care. By their mere existence they bless him and give him glory. Thus men owe them kindness. We should recall the gentleness with which saints like St. Francis of Assisi or St. Philip Neri treated animals." (CCC 2416)



3. Eh di masama palang saktan o patayin ang mga hayop?

Ang Panginoong Jesus mismo ay kumain ng karne, gumamit ng mga produktong galing sa hayop, at gumamit ng mga hayop bilang kasangkapan. At dahil Siya ang rurok ng kabutihang pang-tao (1 Corinto 11:1; 1 Juan 2:6), walang katuturan na sabihing masama ang Kanyang mga ginawa, o di kaya'y mas mabuti sa Kanya ang mga taong di kailanman kumain ng karne ni kumasangkapan sa mga hayop. Alalahanin din natin na mismong ang Mahal na Birhen at si San Jose ay naghandog sa Templo ng isang pares ng kalapati bilang pagtupad sa Kautusan ni Moises (Lucas 2:22-24), na sa tradisyon ng Judaismo ay kinasasangkutan ng prosesong maaaring ituring na kalupitan sa modernong pananaw.

Ang masama ay ang pagdudulot ng "di kinakailangang" pagpapasakit at pagpatay. Ibig sabihin, may mga pagkakataong "kinakailangan" dahil di maiiwasan sa pagtataguyod ng buhay ng tao (bilang pagkain, kasangkapan sa hanapbuhay, atbp.) at pagtupad sa ating mga tungkulin sa Diyos at sa kapwa (tulad ng mga maritwal na pagbabayad-puri sa kasalanan sa Lumang Tipan). Sa kaso ng mga ginamit na kalapati sa Salubong, maituturing iyon na di kinakailangan, dahil (a) wala namang kinalaman sa buhay-at-kamatayan ng tao, (b) hindi naman moral na obligasyon ang rituwal ng Salubong, at (c) marami namang alternatibong pamamaraan ng paghila sa belo ng imahen na di kinasasangkutan ng paggamit ng mga kalapati.




4. Ano ang naging tugon ng Simbahan dito?



Pareho nang humingi ng tawad ang diyosesis at ang parokya, at mismong si Cardinal David na rin—na may ilang beses nang nakadalo sa naturang kontrobersyal na seremonya—ay humingi ng tawad sa kanyang nakaraang homiliya.4 Kinilala ang kalupitan ng rituwal, pati na ang panganib sa kalikasan ng pagpapalipad ng mga lobo. Titiyakin daw na hindi na ito mauulit.

TALABABA
  1. "Siya nga ho pala, ako na po ang humihingi ng paumanhin para sa nakaugaliang tradisyon doon sa Parokya ng Concepcion sa Malabon. Walong dekada na pala nilang ginagawa 'yung tradisyon na 'yon. Akala ko kasi, tapos na 'yung Salubong 'pag nahablot na ng kalapati ang belong itim. Eh dahil nasa ilalim po ako ng pagoda, hindi ko alam na kasama palang pinapalipad ang kawawang kalapati na nakatali pa rin. Malupit nga naman, at malupit din sa mga isda na makakalunok ng mga lobo pagbagsak ng mga ito sa dagat. Kaya rest assured po, pinakikiusap ko na sa mga organizers ng Salubong na huwag na pong uulitin sa susunod na taon. Salamat po sa mga comments ninyo." (Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David. Homily. April 8, 2026. URL: https://web.facebook.com/SRCDoK/videos/1276392820506125)

Subalit may pagkukulang pa sa mga naturang paghingi ng tawad, na tila tumutugon lamang sa isyu ng pagpapalipad ng lobo kasama ng nakataling ibon. May pangako na sa susunod daw ay titiyaking pakakawalan ang kalapating gagamitin. May pagkukulang dahil ang pagpapakawala sa kanila ay hindi naman hahantong sa pagbabalik sa kanilang "normal na buhay" sa kalikasan. Ang mga puting kalapati na ginagamit sa mga seremonya ng pagpapalipad/pagpapakawala ay mga alagang ibon na lumaki at nasanay sa pag-aaruga ng tao. Di tulad ng mga ligaw na kalapati, wala silang alam kung paano mabubuhay sa kalikasan. Ibig sabihin, kapag basta mo na lamang silang pinakawalan, halos tiyak na mamamatay din sila nang maaga dahil sa aksidente, sa pag-atake ng ibang hayop, o sa gutom. Sa simula pa lang, nang isangkot mo sila sa isang di kinakailangang rituwal, naibulid mo na rin sila sa proseso ng maaga at di kinakailangang kamatayan.

Ang dapat ay lubusan nang ipatigil ang paggamit ng mga kalapati, o di kaya'y tiyakin na ang gagamiting kalapati ay patuloy na aalagaan matapos ang seremonya. Pero higit pa rito ay ang tunay na pagsasapuso sa mga aral ng Simbahan upang di maging bulag sa mga kabalbalang harap-harapan at paulit-ulit nang nangyayari.




DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

POPULAR POSTS (LAST 30 DAYS)

Mga Banal na Imahen: Diyus-diyusan Ba?

Pamimintuho sa mga Banal

Bakit Bawal Mag-asawa ang mga Pari?

Espiritismo ba ang pananalangin sa mga Santo?

Miyerkules ng Abo