"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Martes, Pebrero 09, 2021

Emperador Constantino: Pasimuno ng Katolisismo?


Pagdating sa kasaysayan, napakadaling manloko ng tao. Madali tayong linlangin dahil ang karamihan sa atin ay walang panahong magsaliksik.

Ano ba naman kasi ang pakinabang ng mga kaalamang pang-kasaysayan sa araw-araw na buhay ng isang Pilipino? Sa kaso ko, masasabi ko talagang wala. Limang araw sa sanlinggo'y pumapasok ako sa trabaho, at umuuwi akong pagod. At sa dalawang araw na day off ko, nakalaan na ang mga libreng oras para sa pag-aasikaso ng labada, sa pamamalengke, sa mga gawaing-bahay, at sa pag-tupad ng iba ko pang mga responsibilidad. Anumang nalalabing oras ay laan na para sa pagpapahinga at paglilibang. Saan pa isisingit ang pagsasaliksik? Paalaala nga ng Mangangaral: "Nakababagot sa laman ang matagal na pag-aaral" (Eclesiastes 12: 12).

Si Emperador Constantino daw ang nagtatag sa Simbahang Katolika, ayon sa mga anti-Katoliko. Nakayayamot sagutin ang bintang na ito, hindi lamang dahil sa naaabala ako; nakayayamot sapagkat maituturing itong paglapastangan sa Panginoong Jesus, na siyang nagtatag ng Simbahan (Mateo 16: 18) at tumubos nito ng sarili niyang dugo (Gawa 20: 28).

"Until the break with the Eastern church in 1054 and the break with the Protestant churches in the 16th century, it is impossible to separate the history of the Roman Catholic Church from the history of Christianity in general." (Dolan, Jay P. "Roman Catholic Church." Microsoft Encarta 2009. Redmond, WA: Microsoft Corporation, 2008.). Iyan ang simpleng katotohanang batid ng nakararami, at napakadaling hanapan ng katibayan, anupa't walang pag-aalinlangang itinuturo sa mga pangunahing encyclopedia gaya ng Encarta. Oo nga't maraming mga pagbabago ang nangyari at patuloy na nangyayari sa Simbahang Katolika sa pagdaan ng panahon, subalit hindi ito pagbabagong unti-unting nasusupil ang mga orihinal na sangkap at napapalitan ng mga naiibang sangkap. Bagkus, ito'y mga pagbabagong tulad ng sa paglaki ng sanggol mula sa sinapupunan, hanggang sa siya'y isilang at maka-abot sa hustong gulang (Efeso 4: 11-16); o ng isang buto na tumubo't nag-ugat, nagsanga-sanga, at naging isang malaking puno (Mateo 13: 31-32). Ang Simbahang Katolika ay isang buháy na pamayanan na patuloy sa pag-unlad, habang napananatili ang kanyang mga pangunahing pagkakakilanlan.

Ano nga ba ang isa sa mga pangunahing pagkakakilanlan ng Simbahang Katolika? Siya'y "sambayanan ng mga tao na nagkakaisa kay Kristo at ginagabayan ng Espiritu Santo, sa pamumuno ng kahalili ni Pedro at ng mga Obispong nakikiisa sa kanya" (KPK 1444). Mahalaga ito, sapagkat tahasang nasusulat sa Biblia na si San Pedro ang batong pinagtayuan ng Panginoong Jesus ng Simbahan niya (Mateo 16: 18).

Angkinin mo man na ikaw ay sumusunod sa Panginoong Jesus, sa Biblia, at sa kung sino pa mang mabait, matalino, at milagrosong "sugo", atbp., kung wala namang kaugnayan sa pamumuno ni San Pedro ang iyong kinabibilangang "simbahan", wala ka pa rin sa totoong Simbahan. At kung wala ka pala sa totoong Simbahan, hindi ba't ikaw ang mas dapat na mag-isip-isip, na baka ang inaakala mong "tunay na pananampalataya" ay kasinungalingan pala? Kung hahatulan ang mga anti-Katoliko sa parehong sukatan ng panghuhusga, makakaya ba nilang patunayan na ang Panginoong Jesus nga ang nagtatag ng mga "simbahan" nila? Kung madali para sa kanila na imbentuhin ang kwentong si Emperador Constantino ang pasimuno ng Katolisismo, mas lalong madaling maglabas ng mga di-mapasusubaliang katibayan na ang bawat di-Katolikong "simbahan" ay pawang itinatag lamang ng mga kung sinu-sinong tao!

Sa panig nating mga Katoliko, bilang tanging Simbahang naninindigan sa pamumuno ni San Pedro, at tanging Simbahang pinamumunuan ng Obispong nag-aangkin na siya'y kahalili ni San Pedro (pag-aangking kinikilala maging ng mga Simbahang Ortodoksa),1 wala tayong pagdududa sa ating pananampalataya, sapagkat nababatid natin ang mga pangako ng Panginoong Jesus hinggil sa kanyang Simbahan: "di mananaig sa kanya ang mga pintuan ng impiyerno" (Mateo 16: 18), "ako ay sumasainyo sa lahat ng araw hanggang sa wakas ng daigdig" (Mateo 28: 20).

Taong 251 A.D., hindi pa man isinisilang si Emperador Constantino (ipinanganak noong ika-27 ng Pebrero, 274 A.D.), sinasabi na ng Church Father na si St. Cyprian of Carthage:

The Lord says to Peter: "I say to you," he says, "that you are Peter, and upon this rock I will build my Church, and the gates of hell will not overcome it. And to you I will give the keys of the kingdom of heaven . . ." On him he builds the Church, and commands him to feed the sheep, and although he assigns a like power to all the apostles, yet he founded a single chair, and he established by his own authority a source and an intrinsic reason for that unity. Indeed, the others were also what Peter was, but a primacy is given to Peter, by which it is made clear that there is one Church and one chair. . . . If someone does not hold fast to this unity of Peter, can he think that he holds the faith? If he deserts the chair of Peter upon whom the Church was built, can he be confident that he is in the Church?

Sa unang tatlong siglo ng Cristianismo, masusumpungan na ang isang aktibo at primitibong anyo ng Katolikong Simbahan, taliwas sa alamat ng mga anti-Katolikong ipinagpipilitang si Emperador Constantino daw ang nagtatag sa kanya. Isang magandang halimbawa ay si St. Clement I, Obispo ng Roma noong 88 - 97 A.D., kung saan sa bisa ng kanyang kapangyarihan, sa kanyang Sulat sa mga Taga-Corinto2 (na sa mahabang panaho'y kinilalang bahagi ng Biblia hanggang noong ika-apat na siglo), pinanghimasukan at inayos niya ang suliraning nararanasan ng simbahan doon — isang kabalintunaan kung igigiit na tanging ang simbahan sa Roma lamang ang saklaw ng kapangyarihan niya, subalit tumutugma sa Katolikong pananaw na naniniwalang ang Santo Papa ay may panlahatang kapangyarihan sa buong Simbahan saan mang lugar. Isa pang halimbawa ay si St. Victor I (189 - 199 A.D.), na nagpatupad ng alituntunin hinggil sa petsa ng paggunita sa Pasko ng Pagkabuhay, at nagbanta ng parusa ng ekskomunikasyon sa mga simbahang di saklaw ng simbahan sa Roma. Mahalaga na ang papel ng Simbahan sa Roma bago pa man siya nagkaroon ng kahit na anong kaugnayan kay Emperador Constantino, sapagkat sabi nga ng Church Father na si St. Irenaeus (180 - 190 A.D.), "it is a matter of necessity that every Church should agree with this Church, on account of its preeminent authority."

Ano nga ba kasing pinagbabatayan ng bintang na si Emperador Constantino ang pasimuno ng Katolisismo? Hindi naman maaaring maging batayan ang Edict of Milan na isang kauutusan noong 313 A.D. na nagkakaloob lamang ng kalayaang pang-relihiyon para sa lahat — Cristiano, Judio, o pagano man. Hindi rin maaaring gawing batayan ang First Council of Nicaea noong 325 A.D., sapagkat ang desisyon ng Konsilyo ay batay sa kapasyahan ng mga Obispo, hindi ng Emperador — ang mga Obispo ang tumalakay, nagdebate, at kalauna'y kumatha ng kredo at kumondena sa erehiya ng Arianism, at naging tagapagpatupad lamang nito si Emperador Constantino.3 Mas lalo namang hindi maaaring gawing batayan ang dokumentong Donatio Constantini (Donation of Constantine), isang pekeng dokumentong nagsasaad na pinagkakalooban ng emperador ang Santo Papa at ang mga kahalili nito ng mga natatanging karapatan at kayamanan sa emperyo, sapagkat napatunayang kinatha lamang ito noong ika-walong siglo A.D. — humigit-kumulang 500 taon na hiwalay sa kapanahunan ni Emperador Constantino!4

Kung si Emperador Constantino ang pasimuno ng Katolisismo, bakit hindi siya agad nagpabinyag sa Katolikong pananampalataya, bagkus ay nagpabinyag sa ereheng Obispong si Eusebius of Nicomedia, na isang masugid na tagapagtanggol ng erehiya ng Arianism? Bakit niya inilipat sa Byzantium ang kabisera ng emperyo (at tinawag itong Constantinople), sa halip na panatilihin ito sa Roma upang mabantayan ang kanyang di-umano'y inimbentong katungkulan ng Santo Papa? Hindi ba't mas makatuwiran kung ang pagiimbentuhan niya ng kapangyarihan ay ang Obispo ng Constantinople? Hindi ba't mas kapani-paniwala kung ang magiging bagong Pontifex Maximus (ang taguri sa punong pari ng sinaunang paganong Roma) ng kanyang inimbentong relihiyon ay hindi ang Obispo ng Roma kundi ang Obispo ng Constantinople? Sa totoo lang, napakaraming mga kabalintunaang mahirap sagutin kung ipagpipilitan na si Emperador Constantino ang pasimuno ng Simbahang Katolika!

Ang problema, walang pakealam sa kasaysayan ang mga anti-Katolikong nagsasangkalan sa bintang na ito. Kuntento na sila sa alamat ng "tumalikod na simbahan", na sa pagkamatay daw ng mga Apostol ay unti-unting nalipol ang mga tunay na Cristiano, at napalitan ng isang relihiyong pinaghalu-halong aral at paggawi ng Cristianismo, paganismo, at kung anu-ano, at nakilala sa taguring "Simbahang Katolika", at ito'y sapilitang ipinatanggap sa sangkatauhan sa tulong ng kapangyarihan ni Emperador Constantino at ng mga emperador na humalili sa kanya. At ano ang paborito nilang "katibayan" ng pagtalikod na ito? Walang iba kundi ang sarili nilang interpretasyon ng Biblia. Mali daw ang mga aral ng Simbahang Katolika, dahil ang mga aral ng sekta nila ang "tama". Isa itong nakasusuyang sistema na laging humahantong sa pagpapagalingan ng interpretasyon sa isang libro.


  1. "Orthodox believe that among the five Patriarchs a special place belongs to the Pope . . . Orthodoxy does not deny to the Holy and Apostolic See of Rome a primacy of honour, together with the right to hear appeals from all parts of Christendom . . . . Rome was the city where St Peter and St Paul were martyred, and where Peter was bishop . . . The Orthodox Church acknowledges Peter as first among the Apostles . . . And while many Orthodox theologians would say that not only the Bishop of Rome but all bishops are successors of Peter, yet most of them at the same time admit that the Bishop of Rome is Peter's successor in a special sense." (Ware, Timothy. "The Orthodox Church". New York: Penguin Books, 1997. p. 27-28.) [BUMALIK]
  2. "Although few details of his life are known, the high esteem in which Clement was held is evident from his Epistle to the Corinthians, which was widely considered a canonical book of the Bible until the 4th century. One of the most important documents of apostolic times, the letter is the earliest piece of Christian literature outside the New Testament for which the name, position, and date of the author are historically attested." ("Saint Clement I." Microsoft Encarta 2009. Redmond, WA: Microsoft Corporation, 2008.) [BUMALIK]
  3. Kung mayroon man siyang pagkakasangkot sa pagkatha ng mga katuruan ng Nicaea, ito ay ang pagmungkahi niya sa paggamit ng salitang homoousios upang ipaliwanag ang kaugnayan ng Diyos Ama sa Diyos Anak. Subalit hindi niya pinanghimasukan ang mismong pagtalakay at pagpapaliwanag ng mga doktrina, na pawang karapatan lamang ng 314 na mga Obispong dumalo sa Konsilyo. [BUMALIK]
  4. "Various opinions exist as to the purpose of the document. Some hold it was intended to support the claims of the popes to secular power in Italy; others, to exalt the power of the popes over the emperors. Most probably it was composed to establish the legitimacy of the foundation of the Western Roman Empire against the emperors of Constantinople. At any rate the popes never considered this 'Donation' as the basis of their power, but placed upon entirely different grounds the foundation of the papal prerogatives and the powers exercised by the Holy See." ("Donation of Constantine", 1910 New Catholic Dictionary) [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF