UPDATED: 9:03 AM 2/10/2022
"No law shall be made respecting an establishment of religion, or prohibiting the free exercise thereof. The free exercise and enjoyment of religious profession and worship, without discrimination or preference, shall forever be allowed."1987 PHILIPPINE CONSTITUTION
Article III, Section 5
Bilang Katoliko, nauunawaan ko ang kahalagahan ng krusipiho bilang simbolo ng aking pananampalataya, at nauunawaan ko rin ang kabutihang dulot ng paglalagay nito sa mga silid ng mga Katolikong ospital. Kung ako lang ang masusunod, mas gugustuhin kong may krusipiho sa LAHAT ng lugar. Yan ang sentimyento ko bilang isang Katolikong Cristiano.
Image by Holger Schué from Pixabay
Ngayon, may isinusulong na panukalang batas na nagsasabing gawing "optional" sa mga pasyente ang paglalagay ng mga krusipiho sa kwarto nila, dahil maaaring magdulot daw ng pagkabagabag sa mga di-Katolikong pasyente na makakita ng isang simbolo ng relihiyong hindi nila sinasang-ayunan. Ito ay ang House Bill No. 4633, "An Act Making The Hanging Of Religious Mementos, Such As Crucifixes, In Hospital Suites Optional" na isinusulong ni House Deputy Speaker Rodante Marcoleta.
Marami akong hindi maunawaan sa konteksto ng isyung ito. Nangangahulugan ba ito na "ipinagpipilitan" ang mga naturang krusipiho sa mga ospital na kahit pakiusapan mong takpan o tanggalin ang mga ito sa kwarto mo ay hindi ka nila pagbibigyan? Pagmumultahin ka ba ng ospital kapag nagkusa kang tanggalin o takpan ang mga ito sa kwarto mo? Makararanas ka ba ng pangaalipusta o panguusig mula sa mga doktor at nars kapag hiniling mo ito? May negatibong epekto ba ito sa serbisyong ibibigay nila sayo? Kung magkagayon nga, siguro, kailangan nga talaga ng batas na deretsahang nagsasabi na gawin itong "optional". Masasabi ko pa nga na dagdagan pa nila yung panukalang batas, lalo pa itong higpitan, at maglagay ng kaukulang parusa sa mga ospital na hindi tatalima!
Bilang Katoliko, ang natural na reaksyon ko sa mga ganitong usapin ay ang agarang pagtatanggol sa dakilang kahulugang sinasagisag ng Krus. Bilang Katoliko, hindi mo ako mapipigilang magpahayag ng pagkadismaya sa mga taong "kaaway ng Krus ni Cristo", kung aking hihiramin ang pananalita ni San Pablo (Filipos 3: 18). Subalit hindi nito sinasagot ang problemang nais tugunan ng panukalang batas. Kung ako'y isang di-Katoliko, wala akong pakealam sa mga doktrina ninyong mga Katoliko tungkol sa krus; ang isyu rito ay nababagabag ako sa krus ninyo. Sabi nga sa "Explanatory Note" ng House Bill No. 4633,
"In our country where people are ultra-sensitive about their faith, a minor swipe at their religion is such a major slight. Hence, a non-Catholic patient would be ill at ease to find a crucifix hovering in his or her room."
Una sa lahat, kakailanganin ko ng sapat na katibayan sa panlahatang panghuhusga na yan: Na di umano, ang mga Pilipino ay "ultra-sensitive about their faith". Kulang na lang ay sabihan mo ang mga Pilipino na sila'y nababaliw na sa relihiyon nila, na "minor swipe" lang ay nagiging "major slight" na. Kung ang relihiyon ay "very important" para sa 83% ng mga Pilipino (ayon sa isang SWS survey), katumbas na rin ba ito ng pagiging "ultra-sensitive" hinggil sa kanilang relihiyon? Pangalawa, kung ganyan pala ang pilosopiyang pinagbabatayan ng House Bill na ito, hindi ba't maituturing din na "major slight" sa mga Pilipinong Katoliko ang mismong House Bill No. 4633? Hindi ba't magiging "ill at ease" din tayo kapag naging batas na ito? Batay sa parehong pamantayan, kung dapat gawing "optional" ang mga krusipiho, dapat ding gawing "optional" ang pagsunod sa House Bill No. 4633 na isang kabalintunaan!
"Baphomet"
Gusto kong maging patas sa usaping ito. Kung maoospital ako, at sa kwartong paglalagyan sa akin ay may nakasabit na imahen ni Baphomet, isang imahen na kung Katoliko ka ay agad mong iisiping imahen ito ng diyablo, magiging "ill at ease" ba ako, dahil sa aking pagiging "ultra-sensitive" na Katoliko? Palalain pa natin: Paano kung may munting altar pa itong kasama, at may mga itim na kandilang nakatirik? Paano kung mayroon ding kapilya ang ospital na ito, kung saan may mas malaking rebulto ni Baphomet, at sumasaglit doon ang karamihan sa mga doktor, nars, at pasyente para magpatirapa?
Kung tapat ako sa mga damdamin ko, sasabihin kong OO, MABABAGABAG AKO, AT GUGUSTUHIN KONG TAKPAN IYON O TANGGALIN IYON. Baka nga hilingin ko pang ilipat na lang ako sa ibang ospital, sa takot na baka may mangyari pa sa akin na masama! Siguro ang ganyang sentimyento ang pinupunto ng House Bill No. 4633. Para sa mga di-Katolikong "na-brainwashed" laban sa krusipiho, ang makakita ng krusipiho ay nagdudulot ng matinding pagkabalisa sa kanila, kaya't dapat respetuhin ang kagustuhan nilang tanggalin ang krusipiho sa kwarto nila. Isang kabalintunaan na habang "nirerespeto" ka nila sa damdamin mo, sabay ka rin naman nilang "nilalait" sa pagturing sayo bilang isang panatikong "ultra-sensitive".
Nakakalungkot kung gayon ang pananaw ng mga di-Katoliko sa krusipiho. Nakayayamot din na magpapagamot sila sa mga Katolikong ospital gayong nababagabag pala sila sa krus, maliban na lang kung emergency at wala nang panahong maghanap ng ibang ospital. Magiging kalabisan naman kung magpapaliwanag pa ang ospital sa mga pasyente na wala silang dapat ikabahala sa krusipiho, sapagkat ibibigay pa rin naman sa kanila nang maayos ang serbisyong medikal na kailangan nila kahit pa hindi sila Katoliko. Ang sakit sa damdamin na nahuhusgahan ang Simbahang Katolika, at nagdudulot ng pagkabalisa sa mga di-Katoliko ang kanyang mga simbolo, gayong pagmamahal sa kapwa ang isa sa mga nangingibabaw na prinsipyo ng Pananampalatayang Katolika. Nakakasama ng loob na ang mismong relihiyong itinuturing na pasimuno ng konsepto ng isang pampublikong pagamutan, ay siya pa ngayong pinalalabas na kontrabida sa pananaw ng ilang mga "ultra-sensitive" na pasyente.
Sa kabilang banda, natutuwa ako nang sinabi sa Explanatory Note na "the crucifix is the most salient representation of the Catholic church". Isang karangalan na ang imahen ni Jesu-Cristong nakapako sa krus ay agad palang nagpapa-alaala sa kanila sa Simbahang Katolika!
"Ang aral ng krus ay kamangmangan sa mga napapahamak ngunit sa atin na nasa daan ng kaligtasan, iyan ay lakas ng Diyos."
1 CORINTO 1: 18
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF