FEATURED POST
Mga Pagmumuni-muni #4
- Kunin ang link
- X
- Iba Pang App

Image by Pedro Ivo Pereira Vieira Pedin from Pixabay
3:18 PM 10/18/2025
Mga Anti-Katolikong Katoliko?
Habang tumatagal, napapansin kong ang anti-Katolisismo ay hindi na lamang nasusumpungan sa hanay ng mga di-Katolikong Cristiano kundi pati na rin mismo sa hanay ng mga Cristianong nagpapakilalang Katoliko. Ang kanilang karaniwang pag-uugali ay ang pambabatikos sa mga pinuno ng Simbahan, partikular sa Santo Papa. Iniiwasan ko ang mga ganyang klaseng tao. Para sa akin, ikapapahamak ng kaluluwa ang pakikinig at pakikihalubilo sa kanila.
Bilang Cristiano, hindi ka dapat nang-uudyok ng paghihimagsik. Kung mayroon ka mang inaakalang lehitimong reklamo laban sa mga pinuno ng Simbahan, paunahan mo na agad ang iyong mga pananalita ng tahasang pagpapahayag ng katapatan at pagpapasakop sa awtoridad ng Santa Iglesia. Dahil kung basta-basta ka na lang magrereklamo, kung basta-basta ka na lang magbubunganga tungkol sa mga inaakala mong pagkakamali at pagkukulang ng kaparian, hindi ba't iyan ay pagmamataas na? Nagbubuhat ka na ng sarili mong bangko at tila ba ipinamumukha mo sa kapwa mo Katoliko na sa iyo sila dapat makinig at magtiwala kaysa sa mga inordenahang pastol ng Kawan ni Cristo. Tigilan mo ang ugaling iyan. Hindi ka nakakatulong. "Tumalima kayo sa inyong mga pinuno at pasakop sa kanila, sapagkat sila ang nag-aalaga sa inyong mga kaluluwa at mananagot sa inyo." (Hebreo 13:17)
|
Why did Christ institute an ecclesiastical hierarchy? Christ instituted an ecclesiastical hierarchy with the mission of feeding the people of God in his name and for this purpose gave it authority. The hierarchy is formed of sacred ministers,; bishops, priests, and deacons. Thanks to the sacrament of Orders, bishops and priests act in the exercise of their ministry in the name and person of Christ the Head. Deacons minister to the people of God in the diakonia (service) of word, liturgy, and charity. CCCC 179 |
4:33 PM 10/18/2025
Sa Harap ng Pambabatikos: Pagtatanggol sa Banal na Imahen
Yaman na rin lang na walang katigil-tigil ang mga anti-Katoliko sa pambabatikos sa mga banal na imahen, hindi kaya't napapanahon nang pakawalan ng Simbahan ang naturang tradisyon at nang mabawasan, kahit papaano, ang mga balakid sa pagbabalik-loob ng mga naturang reklamador? Mariin akong tumututol sa ganyang takbo ng pag-iisip. Bakit mo tatalikuran ang tama para lang pagbigyan ang mga taong nasa kamalian? Ang solusyon sa malubhang kamangmangan ay dahan-dahang edukasyon, hindi pagwawaksi sa mga aral na mahirap unawain. Kung matapos ang mahabang panahon ay di pa rin maarok ng isipan nila kung paanong naging matuwid ang paggamit at pamimintuho sa mga banal na imahen, hindi ba't sila na ang talagang may problema at hindi ang ating tradisyon? Sila na mismong mga naninindigan sa anti-Katolisismo ang dapat pinapakawalan, hindi ang ating mga banal na aral at kaugalian. "Ang taong mahilig sa pagpapangkat-pangkat, matapos mong sawayin minsan at makalawa, ay iyong iwasan, yayamang alam mo na ang taong iyan ay napakasama at makasalanan, nahatulan na ang sariling budhi." (Tito 3:10) Ika nga ni Pope St. John Paul II,
"...it is not a question of altering the deposit of faith, changing the meaning of dogmas, eliminating essential words from them, accommodating truth to the preferences of a particular age, or suppressing certain articles of the Creed under the false pretext that they are no longer understood today. The unity willed by God can be attained only by the adherence of all to the content of revealed faith in its entirety. In matters of faith, compromise is in contradiction with God who is Truth. In the Body of Christ, 'the way, and the truth, and the life' (Jn 14:6), who could consider legitimate a reconciliation brought about at the expense of the truth?" [Ut Unum Sint, 18]
Ang mga banal na imahen sa Simbahan ay lehitimong paraan ng pagpapahayag ng ating pananampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo, sapagkat nagsisilbing mabisang tugon — sa pamamagitan ng sining — sa mga erehiyang Kristolohikal na hanggang sa ating kapanahunan ay ipinalalaganap pa rin ng mga huwad na Cristiano. Sa pamamagitan ng mga banal na imahen, naipahahayag natin na ang Panginoong Jesus ay Totoong Tao (at sa gayo'y maaaring ilarawan ng sining), at ang Kanyang pagka-Diyos ay kapisan ng Kanyang pagka-tao sa paraang hipostatiko (at sa gayo'y ang mga imahen Niya ay marapat pag-ukulan ng relatibong paggalang).
|
Did Christ have a true human body?
Christ assumed a true human body by means of which the invisible God became visible. This is the reason why Christ can be represented and venerated in sacred images. CCCC 92 |
5:36 PM 10/18/2025
Katotohanan, Hindi Karanasan, ang Sukatan ng Moralidad
Kailangan bang may kanser din ang doktor na gagamot sa pasyenteng may kanser? Ang isa bang mamamatay-tao ay hindi maaaring pagsabihan at sawatahin ng mga taong di pa nakararanas pumatay ng tao? Bilang magulang, di mo ba maaaring pigilan ang iyong anak na uminom ng lason kung ikaw mismo'y hindi pa personal na natitikman iyon? Ang tatay ba'y walang anumang karapatang gabayan ang kanyang anak na babae, at ang nanay ba'y walang anumang karapatang gabayan ang kanyang anak na lalaki?
Kadalasan, sa tuwing nagsasalita ang Simbahan tungkol sa mga usaping moral, may mga mangangatuwiran: "Ano bang pakialam ng mga pari sa buhay-sekswal ng mga mag-asawa, eh mga selibato sila?" "Yang mga paring iyan, wala namang mga matres pero pakikialaman ako kung gusto kong mag-contraception o magpa-abort? Ang kakapal ng mga mukha!" "Pakialam ninyo sa paraan ko ng paghahanapbuhay, eh ako itong naghihirap magtrabaho habang puro lang kayo hingi ng donasyon?"
Nakakalungkot at nakadidismaya ang mga naturang pag-uugali. Nakakalimutan yata nilang Diyos ang nagtatag ng Simbahang Katolika, at nagsasalita ang Simbahan sa ngalan ng Diyos. "Ang makinig sa inyo ay nakikinig sa akin, ang tumanggi sa inyo ay tumatanggi sa akin, ang tumanggi sa akin ay tumatanggi sa nagsugo sa akin." (Lucas 10:16) Ang mga katuruang moral na ipinahahayag ng Simbahan ay pawang matapat na pagtalima lamang sa mga aral na ipinagkatiwala sa kanila ng Panginoong Jesu-Cristo.
At isa pa, gaano ba kalaking hiwaga ang inaakala nilang bumabalot sa mga personal na buhay nila, anupa't iginigiit nilang kailangan mo munang maranasan ang sitwasyon nila bago mo sila pangaralan? Hindi kayo espesyal. Kahit sinong "walang karanasan" ay kayang unawain at ipaliwanag ang mga katarantaduhan ninyo.
|
How is a moral conscience formed to be upright and truthful?
An upright and true moral conscience is formed by education and by assimilating the Word of God and the teaching of the Church. It is supported by the gifts of the Holy Spirit and helped by the advice of wise people. Prayer and an examination of conscience can also greatly assist one's moral formation. CCCC 374 |
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF
- Kunin ang link
- X
- Iba Pang App