ANG TANGING TUNAY NA GABAY?
Noong Enero pa pala lumabas ang tweet na ito mula sa X (Twitter) ng Santo Papa (@Pontifex); hindi ko napansin dahil hindi naman ako gumagamit ng X. Nalaman ko lang ang tungkol dito nang makita ko ang isang post mula sa Facebook page ng St. Pauls Online kung saan nagbahagi sila ng di-umano'y sipi mula kay Pope Francis. Ang sabi: "Scripture is the only true compass for our journey, and it alone is capable of leading us back to the true meaning of life amid so much woundedness and confusion."
Siguro, kung hindi ka gaano nag-iisip, aakalain mo na ito'y isang magandang mensahe. Oo nga naman kasi, bilang mga Katolikong Cristiano, itinuturing naman talaga natin ang Biblia bilang tiyak na gabay sa ating buong buhay-espirituwal, dahil ika nga ng Katesismo, ang mga Banal na Kasulatan ay "nagpapakain at namamatnubay sa buong buhay ng Cristiano" (CCC 141). Ang problema ay ang mga salitang "the only true compass" at "it alone is capable of leading us back to the true meaning of life." Dahil kung seseryosohin ang mga pananalitang ito, malinaw na itinuturo nito ang erehiya ng Sola Scriptura. Lumalabas na hindi mo na talaga kailangan pa ng Tradisyon at ng Mahisteryo, dahil Biblia lang ay sapat na; Biblia lang ang talagang tanging tunay na gabay sa buhay mo at wala nang iba pa.
Siyempre, bilang Katoliko, nakababahala ito, dahil mismong ang Santo Papa pa ang nagtuturo sa atin ng mali. Kahit pa sabihing hindi ito saklaw ng kanyang pormal na mahisteryo, ang kanyang mga sinasabi ay may tuwirang epekto pa rin sa bawat mananampalatayang Katolikong laging nakaantabay sa lahat ng kanyang mga pinagsasasabi. Anumang maling aral na nakalulusot ay maaaring maging punla ng kamalian na unti-unting magbubulid sa ikapapahamak ng kaluluwa ng kanyang mga tagapakinig.
Subalit bago tayo magisip ng mga kung anu-ano, bago tayo kumatha ng mga samu't saring pagrereklamo at pambabatikos kay Pope Francis, maging patas din naman sana tayo at unahing saliksikin kung talaga nga bang sinabi ng Santo Papa ang anumang nasasagap nating kontrobersyal na siping nakapangalan sa kanya. Bilang mga Cristianong nagmamahal sa Katotohanan, huwag kang agad-agad naniniwala sa mga nakikita mong post sa social media. [1]
ANG ORIHINAL NA HOMILIYA
Saan ba nanggaling ang naturang sipi? Anong orihinal na konteksto nito? Buhat ito sa homiliya ng Santo Papa noong nakaraang taon, nang binisita niya ang Indonesia noong ika-5 ng Setyembre. Sa teksto ng kanyang homiliya, ganito ang ating makikita:
[IT] "In mezzo allo stordimento e alla vanità delle parole umane, fratelli e sorelle, c'è bisogno della Parola di Dio, l'unica che è bussola per il nostro cammino, l'unica che tra tante ferite e smarrimenti è in grado di ricondurci al significato autentico della vita."[EN] "In the midst of the confusion and vanity of human words, brothers and sisters, there is need for the word of God, the only true compass for our journey, which alone is capable of leading us back to the true meaning of life amid so much woundedness and confusion."
"The Christian faith is not a 'religion of the book'. Christianity is the religion of the 'Word' of God, 'not a written and mute word, but incarnate and living'."
CCC 108
Parola di Dio. Word of God. Salita ng Diyos. Iyan ang eksaktong sinabi ng Santo Papa, at maririnig natin iyan sa mismong video ng naturang homiliya. At ang punto niya? Wala tayong mapapala sa pakikinig sa mga mapanlinlang na salita ng makasalanang lipunan, kaya't sa Salita ng Diyos lang tayo dapat nakikinig at nagtitiwala nang lubos. [2] Ang salitang "Scripture" ay IDINAGDAG LANG ng kung sino mang nangangasiwa ng account ng Santo Papa sa X (Twitter), at palibhasa'y mga di rin nag-iisip, ay siya namang ibinahagi pa ng St. Pauls Online sa kanilang post sa Facebook.
Nakakadismaya. Nakakabahala. Nananadya na ba sila? Nalulusutan na ba tayo ng mga Protestanteng may-katusuhang nagsisingit ng mga erehiya sa mga social media post na nakapangalan kay Pope Francis? O sadya lang ba talagang wala tayong pakealam sa ating mga pinagsasasabi, nang di alintana ang babala ng Panginoon: "Ngayon, sinasabi ko na ang lahat ng salitang walang kabuluhan na bigkasin ng tao ay pananagutan nila sa araw ng paghuhukom. Sapagkat sa iyong mga salita ikaw ay pawawalang-sala, at sa iyong mga salita ikaw ay hahatulan" (Mateo 12: 36-37)?
ANG SALITA NG DIYOS: BIBLIA AT TRADISYON
Ang Biblia ba'y Salita ng Diyos? Oo, at iyan ay maritwal pa ngang idinidikdik sa ating mga kokote sa tuwing nagsisimba tayo, na sa tuwing matatapos ang mga Una at Ikalawang Pagbasa ay laging sinasabi ng lektor, "Ang Salita ng Diyos," at tumutugon naman ang lahat ng "Salamat sa Diyos." Wala tayong problema kung iyan ang puntong nais itaguyod ng mga taong nagsingit ng salitang "Scripture" sa mga sinabi ni Pope Francis. Ang problema, dahil ginamit din ng Papa ang mga salitang "only" at "alone", ang pagsisingit ng salitang "Scripture" dito ay lubusang sumisira sa diwa ng kanyang mga sinabi. Kahit ano pang pangangatuwiran ang gawin, ang kanilang ginawa'y hahantong sa erehiya ng Sola Scriptura — isang erehiyang mariing tinututulan ng Simbahang Katolika:
"The Church, to whom the transmission and interpretation of Revelation is entrusted, does not derive her certainty about all revealed truths from the holy Scriptures alone. Both Scripture and Tradition must be accepted and honored with equal sentiments of devotion and reverence."
(CCC 82) |
Sa ganang atin, kapag sinabing "Salita ng Diyos," iyan ay parehong tumutukoy sa Biblia at Tradisyon: "Ang Tradisyon at ang Banal na Kasulatan ay ang kaisa-isang lagak ng banal na Salita ng Dios, na dito pinagmamasdan ng Iglesiang naglalakbay, tulad sa isang salamin, ang Dios, na pinakabukal ng lahat ng kanyang kayamanan," (CCC 97) at "Ang tungkuling magpaliwanag nang opisyal ng Salita ng Diyos — bigkas o sinulat (oral o eskrito) ay ipinagkatiwala lamang sa Magisteriong buhay ng Iglesia, na siyang gumaganap sa ngalan ni Jesucristo, alalaong baga, sa mga obispo na nakikiisa sa kahalili ni San Pedro, ang obispo ng Roma." [CCC 85]
- "Social media . . . has become the unfortunate site of 'alternative facts' and 'fake news'. Not only does this offend against the orientation of the human intellect to the truth, it is, more fundamentally, a sin against charity because it hinders persons from making right and sound decisions and induces them, instead, to make faulty ones!" [CBCP, "Consecrate Them in the Truth: A Pastoral Exhortation Against Fake News," June 21, 2017] [BUMALIK]
- "We cannot be satisfied by human words alone, the thinking of this world and earthly judgments. We always need a light from on high to illuminate our steps, living water that can quench the thirst of the deserts of the soul, consolation that does not disappoint because it comes from heaven and not from the fleeting things of this world. In the midst of the confusion and vanity of human words..." [BUMALIK]
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF