"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Martes, Disyembre 17, 2024

Hindi Po Ako Iyan


SCREENSHOT DATE: Tuesday, December 17, 2024, 5:50:09 PM. URL: https://web.facebook.com/CatholicDefenseGroup

Habang nagtitingin-tingin sa Facebook ng mga kung anu-ano, nakita ko ang isang page na may pamilyar na pamagat: "Sa Ibabaw Ng Bato." At tulad ng blog na ito, tila ba nakatuon din ang naturang pahina sa mga paksa ng apolohetika at mga bagay-bagay tungkol sa Pananampalatayang Katolika. Nais ko pong linawin na wala po akong kaugnayan sa naturang page. Batay na rin mismo sa page transparency info ng page na iyon, nalikha lamang ito nitong ika-19 ng Agosto, at may dating pamagat na "Saint Peter's Men Society - National Shrine of Jesus Nazareno - SPMS Quiapo," na nang sumunod na araw ay pinalitan ng "Catholic Defense," at kalaunan, nang ika-28 ng Nobyembre ay naging "Sa Ibabaw Ng Bato" na nga. Malinaw na hindi po ako iyan, kaya't huwag sanang maging sanhi ng kalituhan. Gaya ng makikita sa mga disclaimer na inilalagay ko sa aking mga post, ako po'y isang "indibiduwal na Katolikong layko" na nagbabahagi lamang ng aking "sariling pagpapaliwanag" batay sa aking "sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan," kaya't ang mga nilalaman ng aking website ay "hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko."

Hihilingin ko ba sa kanila na palitan ang pangalan ng kanilang page? Hindi. Wala naman akong pakealam kung magkaroon man ng kaparehong pangalan at layunin ang blog ko. Ang mahalaga'y nakikinabang ang Simbahan sa aming ginagawa. Ang mahalaga'y may mga taong natutulungan, sa pamamagitan man ng page nila, o sa pamamagitan man ng blog ko. Isa pa, hinggil sa kung gaano na ba katagal ang proyektong sinimulan ko, sa palagay ko nama'y wala na akong kailangan pang patunayan. Gayon man, dahil nabubuhay tayo sa mundong punung-puno ng mga kung anu-anong problema at kunsumisyon, mabuti nang gumawa ng mga ganitong paglilinaw. Kapag nanghingi sila ng donasyon, sa kanila kayo makipag-ugnayan, huwag sa akin. Kung gusto ninyo silang suportahan, doon kayo sa page nila magpadala ng mensahe, huwag sa akin. Kung magka-problema kayo sa kanila, sila ang problemahin ninyo, huwag po ako. Mahalagang magkaliwanagan tayo sa mga puntong ito upang maiwasan ang mga di kinakailangang kunsumisyon.

Nawa'y pagpalain ng Diyos ang kanilang apostolado, maging mabunga iyon, at makatulong sa maraming mga Pilipinong Katoliko na namamalagi sa Facebook at doon malimit maghanap ng impormasyon.

Lunes, Disyembre 02, 2024

Maria: Birhen Magpakailanman

[EDITED AND REPOSTED: 9:23 AM 12/2/2024]


Image by SAJ-FSP from Pixabay (edited)

 

AEIPARTHENOS

Ang Mahal na Inang Maria ay pinararangalan din natin bilang "Mahal na Birhen" sapagkat siya'y namalaging birhen bago, habang, at pagkatapos ipanganak ang Panginoong Jesu-Cristo. Sa Second Council of Constantinople (553 A.D.) tinawag siyang Aeiparthenos, salitang Griyego na ang kahulugan ay "Laging-Birhen" (Ever-Virgin). Isa ito sa mga mahahalagang aral ng ating Pananampalataya na dapat tanggapin, sapagkat tuwiran itong nakaugnay sa mga katuruan hinggil sa Persona ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa kanyang gawaing pagliligtas sa atin, at sa kung paano ba tumugon ang ating Mahal na Ina sa mapanligtas na gawaing iyon (CCC 502).

 

BAGO, HABANG, AT PAGKATAPOS


  • "Kaya nga ang Panginoon na rin ang magbibigay sa inyo ng isang tanda: Tingni, maglilihi ang birhen at manganganak ng lalaki na tatawaging Emanuel" (Isaias 7: 14). Ayon kay San Mateo, ang katuparan ng hulang ito ay ang paglilihi ng Mahal na Birhen sa ating Panginoon (basahin: Mateo 1: 22-23). Dalawang bagay ang dapat mapansin dito:

    1. Ang "birhen" ay maglilihi at manganganak: Huwag nating kakaligtaan na isang tanda ang pinag-uusapan dito, hindi isang karaniwang pangyayari. Ito ay propesiya hinggil sa paglilihi ng Mahal na Birhen sa Panginoong Jesus "lalang ng Espiritu Santo" (Mateo 1: 18, 20), at sa kanyang panganganak nang hindi napipinsala ang pagka-birhen;

    2. Kung paanong ang pagiging "Emanuel" ("Kasama-natin-ang-Diyos" — Mateo 1: 24) ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesus, ang pagiging "birhen" naman ang pagkakakilanlan ng kanyang ina (basahin: Lucas 1: 27). Samakatuwid, ang pagka-birhen ay isang namamalaging katangian — katangiang tumutukoy sa mismong pagka-tao — ng Mahal na Ina. Ipinahihiwatig nito na matapos niyang ipanganak ang Panginoong Jesus, patuloy siyang nanatiling birhen sa buong buhay niya.
  • Sa unang kabanata ng Ebanghelyo ayon kay San Lucas, tatlong ulit binigyang-diin ang pagiging laging-birhen ng Mahal na Ina:

    1. Lucas 1: 27 — dalawang ulit siyang tinawag na "birhen." Ito ang kanyang mahalagang pagkakakilanlan. Paraan ito upang bigyang-diin na siya ang "birhen" ng Isaias 7: 14.

    2. Lucas 1: 34 — Matapos sabihin ni Anghel Gabriel na siya'y maglilihi at manganganak ng lalaking pagbibigyan ng "luklukan ni David na kanyang ama," tumugon si Maria: "Paano ito mangyayari, gayong wala akong nakikilalang lalaki?" Sinabi niya ito bagama't nauna nang binanggit na siya'y "ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa lahi ni David." Bakit hindi sumagi sa kanyang isip na si San Jose ang magiging ama? Ito'y sapagkat layon ng Mahal na Ina na manatiling birhen kahit makasal na siya kay San Jose.

    3. Lucas 1: 38 — "Narito ang lingkod ng Panginoon. Maganap nawa sa akin ang iyong sinabi." Hindi ito karaniwang pagsang-ayon sa kalooban ng Diyos, kundi pagpapahayag ng dakilang pananampalataya at pagtalima sa Diyos, anupa't siya'y naging "pinagpala sa mga babae" (t. 42-45) at "tatawaging mapalad ng lahat ng sali't saling lahi" (t. 48-49) dahil sa kanyang dakilang pananampalataya. Ipinahihiwatig nito ang kanyang ganap na paghahandog ng sarili sa Diyos, paghahandog na hindi magagawa ng isang babaeng, ayon kay San Pablo, ay "walang kapangyarihan sa sarili niyang katawan kundi ang asawa niya" (1 Corinto 7: 4), at "nag-aasikaso sa mga bagay ng daigdig" (1 Corinto 7: 34). Ipinahihiwatig nito na siya'y habambuhay na nagpaka-birhen.
  • Ipinahihiwatig ng pag-uugali ni San Jose — siyang ipinakikilalang matuwid at masunurin sa Diyos — na hindi niya kailanman "nakilala" (alalaong-baga'y sinipingan bilang asawa) si Maria, na habambuhay niyang iginalang ang pagka-birhen nito:

    1. "Si Jose na kanyang asawa, palibhasa'y matuwid at ayaw siyang siraan ng puri sa madla, ay nagpasyang hiwalayan siya nang lihim" (Mateo 1: 19). Bakit nais niyang makipaghiwalay — dahil ba sa pag-aakalang nakiapid ang kanyang asawa? Hindi. Nauna na ngang sinabi na si Maria ay "natagpuang nagdadalang-tao lalang ng Espiritu Santo" (t. 18). "Natagpuan" nino? Ang nakatagpo ay walang iba kundi si San Jose mismo. Samakatuwid, nais niyang makipaghiwalay sapagkat inakala niyang siya'y hindi karapat-dapat maging asawa ng ina ng Diyos, at maging ama ng Anak ng Diyos na nagkatawang-tao. Kaya naman, nang kausapin siya ng anghel sa panaginip, pinalakas nito ang kanyang loob at ipinaliwanag sa kanya ang kanyang dapat gawin: "...tanggapin si Maria na iyong asawa... Manganganak siya ng isang lalaki na tatawagin mong Jesus."

    2. "Nang magising si Jose ay tinupad ang iniutos sa kanya ng anghel, at tinanggap ang kanyang asawa. At hindi nakilala ni Jose si Maria hanggang ito ay manganak ng isang lalaki na pinangalanang Jesus" (Mateo 1: 24-25). Bakit pa kailangang sabihin na "hindi nakilala" ni San Jose si Maria? Layon ba ng Ebanghelyo na ipaliwanag pa kung paanong naantala ang pagtatalik nila, kung paanong naging "sagabal" ang Panginoong Jesus sa kanilang normal na pagsasama bilang mag-asawa? HINDI. Hindi ang kanilang pagtatalik ang pinagtutuunan ng pansin dito, kundi ang Panginoong Jesus — kung paanong siya'y ipinaglihing lalang ng Espiritu Santo sa sinapupunan ng kanyang birheng ina, bilang katuparan ng hula ni Propeta Isaias. Ang pagbanggit na "hindi nakilala" ni San Jose si Maria ay upang ipatalastas ang kanyang pasyang igalang ang "tanda" ng ipinangakong Emanuel: Ang tanda ng pagkakaroon ng birheng ina.

 

MAHALAGANG ARAL NG PANANAMPALATAYA


  • "Ang pagkabirhen ni Maria ay nagpapatunay sa malayang pagkilos ng Diyos sa pagtupad ng pagkakatawang-tao ng kanyang Anak, at ang ganap na paghahandog ni Maria ng sarili sa Diyos." (KPK 546). Iyan ang dalawang mahalagang katotohanan na nakokompromiso o nababalewala sa tuwing itinatanggi ng mga anti-Katoliko ang laging pagka-birhen ni Maria.
  • Ipinahihiwatig ng birheng paglilihi at panganganak ng Mahal na Ina na si Jesus ang Bagong Adan na nagmula sa langit (1 Corinto 15: 45-47), at pinangunahan Niya ang Bagong Pagsilang ng mga magiging anak ng Diyos:
    "Datapuwa't ang lahat ng sa kanya'y tumanggap, na sumampalataya sa kanyang pangalan, ay binibigyan niya ng kapangyarihan na maging mga anak ng Diyos; na isinilang hindi mula sa dugo, hindi sa pita ng laman, hindi sa kalooban ng tao, kundi mula sa Diyos" (Juan 1: 12-13).
  • Ang laging pagka-birhen ng Mahal na Ina ay tanda ng kanyang laging pananalig at pagtalima sa Diyos: "Ang babaeng walang asawa at ang dalaga ay nag-aasikaso sa mga bagay ng Panginoon, upang maging banal sa katawan at kaluluwa" (1 Corinto 7: 34). Ito mismo ang dahilan kung bakit minarapat siyang maging ina ng Panginoong Jesus (Lucas 1: 45; Mateo 12: 50), at kalauna'y ina ng "minamahal na alagad" nito (Juan 19: 26-27). Ang babaeng nagsilang sa sanggol na "maghahari" ay siya ring nagsilang sa mga taong "sumusunod sa utos ng Diyos at nananatiling tapat sa katotohanang inihayag ni Jesus" (Pahayag 12: 5, 17).
The deepening of faith in the virginal motherhood led the Church to confess Mary's real and perpetual virginity even in the act of giving birth to the Son of God made man. In fact, Christ's birth 'did not diminish his mother's virginal integrity but sanctified it.' and so the liturgy of the Church celebrates Mary as Aeiparthenos, the 'Evervirgin'.
Against this doctrine the objection is sometimes raised that the Bible mentions brothers and sisters of Jesus. The Church has always understood these passages as not referring to other children of the Virgin Mary. In fact James and Joseph, 'brothers of Jesus', are the sons of another Mary, a disciple of Christ, whom St. Matthew significantly calls 'the other Mary'. They are close relations of Jesus, according to an Old Testament expression.

CCC 499-500

MGA KAPATID NI JESUS

"Hindi ba siya ang karpintero, na anak ni Maria, kapatid ni Santiago, ni Jose, ni Judas at ni Simon? At hindi ba kasama natin ang kanyang mga kapatid na babae?" (Marcos 6: 3). Kung mga "kapatid" sila ng Panginoong Jesu-Cristo, nangangahulugan din ba na si Maria'y talagang nagkaroon pa ng maraming mga anak kay San Jose, at sa gayo'y hindi talaga nanatiling birhen habambuhay? Hindi, sapagkat:

  • HINDI LAHAT NG KAPATID AY GALING SA IISANG INA. — Ginagamit din ng mga Judio ang salitang "kapatid" hinggil sa mga kamag-anak (pinsan, tiyuhin, lolo), matalik na kaibigan, kababayan, kasamahan, kapanalig sa relihiyon, atbp.1 Sa katunayan, walang salitang "pinsan" sa wikang Hebreo. Sa Biblia, kung ibig ipakilala ang kapatid bilang literal na kapatid (alalaong baga'y anak ng parehong magulang), ginagamit ang mga pananalitang "anak ng aking ama o ina" / "anak ng kanyang ama o ina" (Tingnan sa: Genesis 20: 12; Levitico 20: 17; Deuteronomio 13: 6; Hukom 8: 19; Salmo 68: 8; Awit 1: 6; 1 Kronika 28: 4). Kaya naman, hindi dahil sa sinabing may mga kapatid ang Panginoong Jesus, ay tiyak na rin itong nangangahulugan na sila'y mga anak din ng Mahal na Birhen. Mahalagang ipagsaalang-alang ang konteksto, ang kabuuang impormasyong natatala sa Biblia, at pati na rin ang mga impormasyong di nasusulat (tradisyon).
  • JESUS, MARIA, AT JOSE, AT WALA NANG IBA PA. — Nang si Jesus ay 12 taong gulang at siya'y nagpaiwan sa Jerusalem noong Kapistahan ng Paskuwa, hinanap siya nina Jose at Maria, hindi sa piling ng kanyang mga "kapatid" kundi sa kanilang "mga kamag-anak at kakilala" (Lucas 2: 41-45) — patunay na siya'y bugtong na anak nila. Maaaring sabihin na ang mga tinatawag na "kapatid" ng Panginoong Jesus ay tumutukoy sa mga anak ng mga kamag-anak at kakilala nina Jose at Maria.
  • SINABI BANG ANAK SILA NI MARIA? — "Ang kanyang ina at mga kapatid" (Mateo 12: 46, 47; Marcos 3: 31, 32; Lucas 8: 19, 20; Juan 2: 12). Bakit hindi na lamang sabihing "pamilya," "mag-anak," o "sambahayan"? Ito'y sapagkat hindi sila isang "pamilya," "mag-anak," o "sambahayan" — ang "mga kapatid" ng Panginoong Jesus ay hindi mga anak ng "kanyang ina." Sa katunayan, walang anumang nasusulat sa Bagong Tipan na nagsasabing ang mga "kapatid" ng Panginoong Jesu-Cristo ay mga anak din ng Mahal na Birheng Maria. Kaya naman, nang ang Panginoong Jesus ay nakabayubay sa krus, inihabilin niya ang kanyang ina sa "minamahal niyang alagad," at "Buhat sa oras na yaon, tinanggap na siya ng alagad sa kanyang tahanan" (Juan 19: 25-27).
  • SANTIAGO AT JOSE. — Kabilang sa mga babaeng nagbantay kay Jesus nang siya'y ipinako sa krus ay si "Maria na ina ni Santiago at ni Jose" (Mateo 28: 56). Sino bang "Santiago" at "Jose" ang tinutukoy? Minsan nang nabanggit ang dalawang magkapatid na ito sa Ebanghelyo kaya sila ang ginamit na pagkakakilanlan ng kanilang ina, at iyon ay sa listahan ng mga "kapatid" ng Panginoong Jesus (Mateo 13: 55). Pinatutunayan nito na ang mga "kapatid" ng Panginoong Jesus ay mga kamag-anak o malapit na kakilala lamang niya. Sila'y mga anak ng "isa pang Maria" (Mateo 28: 1), hindi ng Mahal na Birheng Maria. (CCC 500)
  • APOSTOL SANTIAGO. — "Ngunit wala akong nakitang ibang apostol kundi si Santiago lamang na kapatid ng Panginoon" (Galacia 1: 19). Sa Labindalawang Apostol ay may dalawang Santiago: Si Santiago na anak ni Zebedeo at si Santiago na anak ni Alfeo (Mateo 10: 2-4). Malinaw na hindi sila mga anak nina Jose at Maria.
  • JUDAS. — Si Santiago na "kapatid ng Panginoon" at kabilang sa 12 Apostol ay may isa pang "kapatid" bukod kay Jose: Si Judas (Lucas 6: 16; Gawa 1: 13; Judas 1: 1), kaya't isinama rin ito sa listahan ng mga "kapatid" ng Panginoong Jesus.
  • KAPATID AT APOSTOL. — "Hindi ba kami maaaring magsama ng isang babae, isang kapatid, gaya ng ginagawa ng ibang mga apostol, ng mga kapatid ng Panginoon at ni Cefas?" (1 Corinto 9: 5). Sapagkat binanggit si "Cefas" (si Apostol San Pedro) sa bandang huli, ipinahihiwatig nito na iisang grupo lamang ang tinutukoy dito ni San Pablo: Ang Labindalawang Apostol. Binanggit niya sila ayon sa hanay ng karangalan: Una'y ang mga apostol sa kalahatan, sunod ang mga tinatawag na "kapatid ng Panginoon," at sa huli'y si Cefas, na siyang pinuno sa mga Apostol. Kinakatigan nito ang ating paniniwala na sina Apostol Santiago at Judas (Tadeo) ay kabilang sa mga "kapatid" ng Panginoong Jesus — subalit di sa literal na diwa ng pagiging magkapatid.

Paano nga ba sila talaga naging mga "kapatid" ng Panginoong Jesus? Ayon sa isang matandang tradisyon (na naitala sa kasulatang Protoevangelium Jacobi noong ikalawang siglo A.D.), sila daw ay mga kapatid-sa-ama ng Panginoong Jesus: Mga anak daw sila ni San Jose sa unang asawa, bago nito pinakasalan ang Mahal na Birheng Maria. Ito pa rin ang laganap na paniniwala ng mga Simbahang Ortodoksa. Subalit mayroon din namang isa pang matandang tradisyon (na nabanggit ni St. Hegesippus, namatay noong 180 A.D.) na nagsasabing sila daw ay mga anak ni Cleofas, na kapatid daw ni San Jose. Kung magka-gayon, si "Mariang asawa ni Cleofas" ay hindi talaga "kapatid" kundi "hipag" ng Mahal na Birheng Maria (Juan 19: 25), at ito ang tinutukoy na "isa pang Maria" na ina nina Santiago at Jose na nagbantay sa Panginoong Jesus nang siya'y ipinako sa krus. Ang pagkakakilanlan nila bilang mga pinsan ay batay naman sa paliwanag ni St. Jerome. Posibleng magkakaiba talaga ang kaugnayan nila sa Panginoong Jesus (may ilan na pinsan, may ilan na malayong kamag-anak), anupa't magiging napakahaba ng pagpapakilala kung tutukuyin pa ang kanilang tiyak na pagkakaugnay sa kanya (impormasyong hindi naman mahalaga sa ating kaligtasan), kaya't tinawag na lamang silang lahat na "kapatid."

Kung malimit man silang nababanggit na kasama ng Mahal na Birheng Maria, at kung sadya mang ikinakapit sa kanila ang salitang "kapatid" gayong maaari namang gumamit ng mga mas tiyak na pananalita, ito'y bilang mga kasangkapang pampanitikan lamang upang maibahagi at maipaalaala ang isa sa mga mahahalagang turo ng Panginoon: "Sino ang aking ina at mga kapatid? . . . Ang sino mang tumutupad sa kalooban ng Diyos ay aking kapatid na lalaki, kapatid na babae at ina." (Marcos 3: 33, 35) — ito'y mahahalata naman sa konteksto, na hindi naman naglalayong ipabatid lang sa mambabasa na ang Panginoong Jesus ay may literal na nanay at mga kapatid. Ang layon ay upang ipatalastas kung paano nakikibahagi sa sambahayan ng Diyos ang lahat ng mga masunurin sa Ama.


  1. Halimbawa: "Winika ni Laban kay Jacob, 'Yamang ikaw ay kamag-anak ko, maglilingkod ka ba sa akin nang walang bayad?'" (Genesis 29: 15). Sa mga manuskritong Hebreo at sa mga pormal na salin-wika ng Biblia, ang ginamit na salita ay "kapatid". ["He said to him: Because thou art my brother, shalt thou serve me without wages?" (Douay-Rheims)] Hindi literal na magkapatid (nagmula sa iisang ama't ina) sina Laban at Jacob; si Laban ay tiyuhin ni Jacob (Genesis 29: 13-14). [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF