AI-generated image
Mapalad akong mapabilang sa isang bahagi ng lipunang marunong rumespeto sa karapatan sa kalayaang panrelihiyon. Maaari akong mamuhay nang ayon sa aking Pananampalataya nang hindi dumaranas ng mga pag-uusig. Kung may sumalungat man sa akin, hindi nila ako maaaring pilitin na magbago ng paniniwala. Hindi nila ako pwedeng patayin, pagbantaan, saktan, hamakin, o pagkaitan ng mga karapatan. Mapalad ako sapagkat minarapat ng Diyos na huwag iparanas sa akin ang buhay ng isang inuusig na Cristiano.
Kung nakararanas man ako ng anti-Katolisismo, ito'y nasa anyo lamang ng mga pangungulit, pang-aabala, panunuligsa, pang-aasar, pagsisinungaling . . . Oo, ito'y mga bagay na nakapagdudulot pa rin ng pagkabalisa, lalo na sa isang Katolikong mahina ang pananampalataya (na kung pababayaa't di maaagapa'y hahantong sa pagkapahamak ng kanyang kaluluwa), subalit kung ihahambing sa mga madugong pag-uusig na nagaganap sa ibang mga lugar sa bansa at sa iba't ibang panig ng mundo, masasabi kong ang mga "problema" ko sa anti-Katolisismo ay walang kakwenta-kwenta.
Sa katunayan, walang gaanong kapinsalaang naidudulot sa aking buhay ang mga anti-Katoliko. Mag-ingay man sila sa social media (lalo na sa Facebook), marami din namang paraan para patahimikin sila (gaya ng simpleng pag-block o pag-unfollow). Kung maging paksa man ng mga tsismisan sa trabaho ang mga kasiraan ng relihiyon, pwede ko naman silang huwag pansinin, at ireklamo na lang sa HR kung sa tingin ko'y lumalabis na sila. Kung may mga makukulit na "misyonero" na nagbabahay-bahay (gaya ng mga "Saksi ni Jehova"), hindi ko naman obligasyong pagbuksan sila ng pinto at magiliw na pakinggan; pwede ko namang sabihin nang deretsahan, "Umalis kayo sa harap ng pamamahay ko, ayokong makinig sa mga sasabihin nyo, tatawag ako ng baranggay kapag nagpumilit pa kayo."
May mga unos ng buhay na maaari mo namang tulugan na lang (Marcos 4: 38). May mga pagtatanong na hindi mo naman kailangang sagutin (Lucas 23: 9). Ni hindi mo na nga dapat binabati pa ang mga taong lumalapit sayo para magturo ng mga kung anu-ano (2 Juan 10). Pagdating sa anti-Katolisismo, mahalagang matutunan din natin kung kailan ba tayo dapat sumasagot at kung kailan ba tayo dapat umiiwas at mananahimik.
Kadalasan, nababalisa tayo sa mga anti-Katoliko, hindi dahil sa anumang kadahilanang maka-Diyos. Iniisip natin na ito'y udyok ng pagmamalasakit sa kanilang kaligtasan, o di kaya'y ng pagmamahal natin sa katotohanan, o ng pagpapahalaga sa karangalan ng Diyos at ng mga Banal sa Langit. Ang sarap isipin na nababalisa tayo udyok ng mga dakilang hangarin, subalit akala lang pala natin iyon!
Sa totoo lang, kaya tayo naiinis sa mga anti-Katoliko ay dahil sa ating mga likas na masamang pag-uugali. Gusto mo, ikaw lang lagi ang "tama". Wala kang pakealam sa opinyon ng iba. Lahat na lang ng mga pag-uusap, ginagawa mong isang "debate" na kailangang may manalo at matalo. Wala kang pakealam sa katotohanan; ang mahalaga'y may masabi ka lang na maganda sa pandinig at mistulang may katusuhan, at nang marami ang mag-like at mag-share ng mga sinabi mo. Hindi ba't nakapangingilabot, na matapos mong "ipagtanggol ang pananampalataya" udyok ng mga masasamang pag-uugaling iyan, ang tingin mo pa sa sarili mo'y may nagawa kang mabuti at banal? Apolohista ka na pala sa lagay na yan? Nakakatulong pala sa Simbahan ang mga pinaggagagawa mo?
Isa marahil sa mga pandaraya ng Diyablo ay gawin tayong abala sa mga walang katuturang pakikipagtalo tungkol sa relihiyon, at akalaing iyon na ang "digmaang espirituwal" na binabanggit ni San Pablo. Dapat tayong mapaalalahanan na may mas malaking digmaang nagaganap sa ating buhay, at kung hindi mo ito seseryosohin sa bawat sandali ng buhay mo, tiyak na mapapahamak ka:
"Sa wakas, magtumibay kayo sa Panginoon at sa bisa ng kanyang kapangyarihan. Isuot ninyo ang mga sandata ng Diyos upang makalaban sa mga umang ng demonyo. Sapagkat ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi sa mga prinsipado, sa mga potesdad, sa mga pinuno ng madilim na daigdig na ito, sa masasamang espiritu sa kaitaasan. Dahil dito, isuot ninyo ang mga sandata ng Diyos upang makalaban kayo pagdating ng masamang araw at kung magawa na ang lahat ay matatag pa rin kayo.
"Magpakatatag kayo! Magbigkis ng katotohanan, isuot ang kalasag ng karunungan, sapnan ang mga paa ng pagiging handa para sa ebanghelyo ng kapayapaan: higit sa lahat, hawakan ang kalasag ng pananampalataya upang sugpuin ang lahat ng nagliliyab na palaso ng masama. Isuot din ninyo sa ulo ang panakip ng kaligtasan at ang tabak ng Espiritu, alalaong baga'y ang salita ng Diyos."(EFESO 6: 10-19)
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF